UNANG  LABAS

Sa kabundukan ng Sierra Madre matatagpuan ang mga komunidad ng iba’t ibang tribu ng mga katutubong – Maluegs, Itawis, Ibatan at Ybanag, habang sa paanan ng kabundukan ng Cordillera kung saan humihimlay ang bayan ng Tuao ay naninirahan ang tribung Gaddang noong hindi pa napasailalim sa gobierno revolucionario ang teritoryo ng Cagayan.  Samantalang sa tabi ng ilog–Cagayan matatagpuan ang komunidad ng mga katutubong Yogad at Yraya dahil pangingisda ang pinanggagalingan ng kanilang kabuhayan sa halip na pagtatanim kaya sila ang kauna–unahang tribu na nahikayat ng mga prayle upang magpabinyag.  *Sapagkat naging ganap na lalawigan ang Cagayan noong ika 29 ng Hunyo taon 1583 lamang sa bisa ng Decreto Real de Español ngunit pinaniwalaan na ang mga Agta [Atta] na pinagmulan ng mga tribung Maluegs, Itawis, Ibatan, Ybanag, Yogad at Yraya na unang naninirahan sa teritoryo ng Cagayan ay nakipagkalakalan na noon pa man sa mga negosyante mula sa – India, Tsina, Malay at Hapon.  Ngunit nanatiling tapat ang mga tribung Maluegs, Itawis, Ibatan at Ybanag sa kanilang pananalig sa paglipas ng mga panahon upang ipagpatuloy ang nakasanayan nang pamumuhay nila sa kabundukan ng Sierra Madre sa halip na nagpabuyo sa mga pangaral ng mga prayle.  Tuluyan namang tinalikuran ng mga katutubong Yogad at Yraya ang kani–kanilang tribu matapos hikayatin ng mga prayle para magpabinyag dahil sa paniniwala na magiging daan ng kanilang kaginhawaan ang pananampalataya na may pangako ng magandang bukas.  Dahil sa tabi ng ilog–Cagayan nanirahan ang mga tribung Yogad at Yraya ay naging madali lamang para sa mga prayle na aktibo sa pagpapalaganap noon ng pananampalataya ang dalawin nang madalas ang mga ito hanggang sa nakumbinse silang lahat upang magpabinyag.  Habang ang bawat tribu ng mga katutubo ng Sierra Madre ay namumuhay nang mapayapa sa patnubay ng kani–kanilang Punong Sugo na ginagabayan naman ni Bathala dahil wala silang obligasyon mula sa mga banyaga na kailangan sundin sa araw–araw na taliwas naman sa mga katutubong binyagan.  Palibhasa, malayo sila sa kabihasnan ay walang anumang mga alalahanin ang bumabagabag sa kanilang mga puso’t isipan dahil hindi sila naghahangad ng karangyaan kahit nagtitiis sa maralitang pamumuhay ngunit sagana naman sa pagmamahal.  Naging libangan ng mga kalalakihang katutubo ang araw–araw na pangangaso gamit ang busog at tunod dahil maliit pa lamang sila ay sinasanay na upang mahirati ang sarili nila sa kagubatan na pinamumugaran ng mga mababangis na hayop.  Nawiwili naman sa pamamansing ang mga kabataang katutubo habang nakatamak sa tubig ang kanilang mga katawan basta maganda ang panahon pagkat lubhang delikado ang lumusong sa ilog kung malakas ang baha.  Habang abala sa pagtatanim ang mga kababaihang katutubo kaya hindi nila nararanasan ang gutom sa payak na pamumuhay kahit dumating ang tagbisi dahil masipag silang mag–imbak ng mga pagkain upang paghandaan ang panahon ng tagtuyot.  Katuwang ang mga matatandang katutubo upang gabayan ang kanilang mga desisyon para mailihis sila mula sa kapahamakan lalo na nang magpatupad ng maraming batas ang gobierno revolucionario sa teritoryo ng Cagayan pagkat dapat silang sumunod dito kahit labag sa kanilang kalooban.  Bunga ng kanilang kasipagan ang walang humpay na buhos ng mga biyaya mula sa kalikasan na labis naman nilang pinagyayaman kaya mapapalad silang hindi tumalikod sa pananalig kay Bathla pagkat lagi silang pinagpapala.  Laging masaya ang kanilang pamumuhay pagkat naging kalugugd–lugod sa paningin ni Bathala ang pagiging masinop nila dahil sa walang kupas na kasipagan sa pagtupad ng kanilang mga gawain para sa kabutihan nilang lahat.  Araw–araw, salitan sa pagluluto ng pagkain ang mga kababaihang katutubo pagkat malaking katipiran para sa kanila ang sabay–sabay na kumakain sa mahabang hapag na pinasimunuan ng kanilang mga ninuno daang taon na ang lumipas.

Kabalintunaan ang naging kalagayan ng mga katutubong binyagan sa bayan ng Alcala dahil madalas dumaranas ng pagkagulumihanan ang kanilang mga kalooban sanhi ng kawalan nang katahimikan pagkat naging alipin sila sa mga ipinapairal na batas ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Walang nagsasabi na tama ang naging desisyon nila upang yakapin ang pananampalataya na ipinunla ng mga prayle sa kanilang mga kaisipan dahil hindi nila namalas ang ganitong sitwasyon nang manalig sila sa kanilang mga pangaral.  Damdamin na sinasarili na lamang ng mangilan–ngilang katutubong binyagan kung may pagsisisi man sila kahit wala nang masusulingan pagkat masakit ang katotohanan na wala nang babalikan pa sa kabundukan ng Sierra Madre ang mga katulad nila matapos talikuran ang kanilang tribu.  Kaya mabuti na ang maging sunud–sunuran na lamang sila sa dikta ng pamahalaang Kastila ng Alcala maski nananangan sa delikadong sitwasyon ang kanilang buhay sa bawat araw kaysa magpakita sila ng pagtutol kung hindi rin naman nila kayang panindigan.  Bagaman, may lambong ng kapulawan ang buhay ng mga katutubong binyagan ay nararamdaman pa rin nila ang kasayahan sa tuwing araw ng palengke sa bayan ng Alcala dahil muling nakasasalamuha nila ang mga dating katribu upang magpalitan ng balita.  Walang duda na mga negosyante ang umaayon sa mga mapaniil na batas ng pamahalaang Kastila ng Alcala kahit malaki ang ambag nila sa kaban ng bayan dahil hindi nila puwedeng ipagkaila na may pakinabang dito ang kanilang mga tindahan.  Hapon pa lamang bago ang araw ng palengke kinabukasan ay dumarating na sa bayan ng Alcala ang mga comprador upang agapan ang mga panindang gulay ng mga katutubo ng Sierra Madre na may kasamang pananamantala sa kanilang kamangmangan.  Sapagkat sa araw ng palengke bumababa sa bayan ng Alcala ang mga katutubo ng Sierra Madre upang maglako ng mga gulay kahit problema nila ang layo ng komunidad lalo’t maraming ilog ang kailangan tawiran ngunit pinagsisikapan pa rin nila ito imbes na manlulumo.  Masaklap lamang dahil halos hingin na ng mga comprador kung tawaran nila ang mga panindang gulay ng mga katutubo ng Sierra Madre samantalang triple ang presyo nito kapag inilalako na nila sa bayan ng Tuguegarao kaya mas malaki pa ang ganansiya kaysa kanilang puhunan.  Seguro, totoo ang kasabihan na sadyang hindi umaasenso ang taong manloloko pagkat nanatiling comprador pa rin sila dahil hindi na napaknit sa kanila ang karma lalo’t tuluy–tuloy lamang ang panlalamang nila sa mga katutubo ng Sierra Madre.

Ang bawat tribu ng mga katutubo sa kabundukan ng Sierra Madre ay may sariling Punong Sugo na pinagpipitagan nilang lahat pagkat nagsisilbing gabay sa kanilang araw–araw na pamumuhay ang kanyang mga salita at desisyon na dapat nilang igalang dahil itinalaga siya ni Bathala.  Si Lakay Awallan bilang pinakamaalam ang Punong Sugo ng tribung Malauegs ngunit higit pa rito ang kuwento na batid ng mga katutubong Malauegs lalo na ang mga miyembro ng lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat sila ang nagpapatunay na minana lamang niya ang katungkulan mula sa kanyang amang.  Ayon sa kuwento na hindi rin naman pinasinungalingan ni Lakay Awallan ay minana lamang din niya ang pagiging Punong Sugo mula sa kanyang amang bago siya namatay base sa kaugalian ng tribung Malauegs na dapat panganay na anak ang humalili sa kanya.  Dagdag pa sa kuwento ng mga matatandang Malauegs ay tinitiyak ni Lakay Bangkuwang ang mag–alay ng dasal kay Bathala sa tuwing sumasapit ang madaling–araw at sa takip–silim kahit abala siya bilang pinuno ng mga mandirigmang Malauegs lalo na kung nahaharap sila sa isang laban.  Noon, naging madalas ang madugong sagupaan sa pagitan ng mga mandirigma ng bawat tribu ng mga katutubo sa kabundukan ng Sierra Madre sanhi ng problema sa teritoryo kaya marami ang nagbuwis ng buhay dahil sa pagtatanggol sa kanila–kanilang komunidad.  Yaon ang panahon na wala pang kinikilalang Punong Sugo ang mga katutubo ng Sierra Madre dahil ang dating namumuno ay isang lider na walang hinahangad kundi kubkubin ang mga komunidad ng ibang tribu  upang patunayan ang kanyang kahigtan sa kalaban.  Humanga kay Lakay Bangkuwang ang Bathala dahil sa kanyang pagiging tapat at makatuwiran pagkat hinahayaan lamang ng kanyang mga mandirigma ang mga kalaban na bumalik sa kanilang tribu sa halip na diligin nila ng dugo ang kalupaan ng Siera Madre.  Aywan kung totoo ang kuwento na minsan nagparamdam si Bathala sa panaginip sa bawat tribu ng mga katutubo ng Sierra Madre upang iutos ang pagkakaroon ng Punong Sugo na pagkakalooban naman niya ng kapangyarihan para igagalang sila sa kani–kanilang mga nasasakupan.  Kaya si Lakay Bangkuwang ang hinirang na Punong Sugo ng tribung Malauegs katuwang ang mga mandirigmang Malauegs para pamunuan ang kanilang komunidad ayon sa kalooban ni Bathala upang patuloy nilang tatamasain ang kanyang pagpapala hanggang sa huling hininga ng kanyang buhay.  Naging mandirigmang Malauegs din ang apat sa limang anak ni Lakay Bangkuwang na kinabibilangan nina: Lakay Awallan – ang panganay, Lakay Lumbang, Lakay Lanubo, ang ama ni Lasilat na ginabot ng mga diwata sa kagubatan ayon sa kuwento at ang ina ni Lupog na namatay dahil sa panganganak.  Bilang panganay na anak ni Lakay Bangkuwang ay minana naman ni Lakay Awallan ang pagiging Punong Sugo ng tribung Malauegs nang mamatay siya pagkat ito ang itinakdang patakaran ni Bathala na kailangan sundin nila upang magiging maayos ang paglilipat sa kapangyarihan.  Habang ang pangalawang anak ni Lakay Bangkuwang na si Lakay Lumbang ang naging Punong Sugo ng mga katututubong Malauegs sa komunidad ng Calantac na kanaik lamang ng bayan ng Alcala kaya hindi nakapagtataka kung marami sa kanila ang nahikayat magpabinyag dahil naging madali lamang para sa mga prayle ang dalawin sila.  Samantalang ninais naman nina Lakay Lanubo, amang ni Lasilat at inang ni Lupog ang manatili sa komunidad ni Lakay Awallan dahil posibleng isa sa kanila ang pumalit sa kanya balang araw kung hinayaan ni Bathala na mangyari ito pagkat naging maigsi lamang ang paninirahan nila sa mundo.  Naging katuwang ni Lakay Awallan ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil sila ang nagsisilbing tagapayo kung kinailangan niya ang humingi ng suhestiyon kaugnay sa mga maseselang usapin upang hindi nila pagdududahan ang kanyang magiging kapasyahan.  Lahat na yata nang klase ng problema ay idinudulog ng mga katutubong Malauegs kay Lakay Awallan lalo na kung may kaugnayan ito sa pamilya ngunit naging maingat siya sa pagbibigay ng hatol pagkat siya rin naman ang nagkasal sa kanila.  Tanging Punong Sugo ng bawat tribu ang may kapangyarihan upang isagawa ang seremonya ng kasal kaya hindi basta maipapayo ni Lakay Awallan sa mag–asawa ang paghihiwalay kahit ito ang mabuting solusyon sa problema nila.  Siya rin ang nagtatakda ng parusa bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs para sa sinumang nagkasala ngunit tinatanggap ito nang walang pagtutol mula sa nakararami pagkat naniniwala sila na nanggagaling sa bulong ni Bathala ang kanyang desisyon.  Nag–iisang anak naman ni Lakay Awallan si Alawihaw pagkat hindi na siya nagkaroon ng kapatid nang mamatay dahil sa binat ang kanyang inang kaya hindi na nito nasaksihan ang kasal nila ni Dayandang na nagmula naman sa tribung Kalinga.  Ikinagalak naman niya ang malaman na malapit nang magkaroon ng anak ang mag–asawa pagkat kagampanan na ni Dayandang sa susunod na tagsibol dahil makikilala pa pala siya ng kanyang magiging apo.  Sapagkat nagpaparamdam na rin ang kanyang katandaan lalo na sa gabi kung malamig ang panahon ngunit idinaraan na lamang niya sa paghigop ng mainit na salabat para mapawi ang mga sakit sa kanyang katawan.  Kung mapayapa ang pamumuhay ng mga katutubo ng Sierra Madre lalo na ang tribung Malauegs dapwa hindi lahat nang nagpabinyag ay naging mapalad ang buhay pagkat depende pa rin sa kanya kung paano hanapin ang suwerte para umasenso siya.

Taliwas naman ang naging buhay ng mga katutubong binyagan sa bayan ng Alcala dahil patuloy pa rin ang paghihikaos ng karamihan pagkat imahinasyon lamang kung hindi sabayan ng pagsisikhay ang paniniwala na may kaloob na ginhawa ang pagpapabinyag.  Samantalang kinasiyahan naman ng suwerte ang ilan sa kanila buhat nang tanggapin ang pananamplataya dahil namalas nila ang malaking pagbabago sa kanilang buhay kung ikumpara noong naninirahan pa sila sa kabundukan ng Sierra Madre kapiling ang kanilang mga katribu.  Sapagkat naging madali na lamang para sa kanila ang humiram ng puhunan mula sa mga Intsik na ang pagiging binyagan nila ang garantiya kaya ito ang nagbigay sa kanila ng pagkakataon upang magkroon ng sariling negosyo.  Subalit sa pangkalahatang sitwasyon sa bayan ng Alcala ay lipos pa rin ng pangamba ang kanilang mga damdamin dahil sa mga guwardiya sibil na nagmamatyag sa kanilang mga galaw pagkat wala namang kinikilingan ang batas na ipinapatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala kahit binyagan pa sila.  Lalo’t naging masigasig ang himagsikan sa probinsiya ng Ilocos Sur sa pamumuno ng mag–asawang Diego at Gabriela Silang ay may dahilan upang maghigpit ang pamahalaang Kastila ng Alcala para hindi makarating sa lalawigan ng Cagayan ang kaguluhan habang nagagawa pang kontrolin ng mga guwardiya sibil ang sitwasyon.  Tuloy, naging masidhi sa pagmamanman ang mga guwardiya sibil sa pamamagitan ng gabi–gabing pagroronda sa bayan ng Alcala na tumatagal hanggang madaling–araw upang tiyakin na walang grupo ang magtangkang lusubin ang munisipyo ng Alcala maski imposibleng mangyari.  Naging tambayan ng mga guwardiya sibil ang pamilihang bayan ng Alcala habang hinihintay nila ang hudyat ng relyibo mula sa kampana ng munisipyo ng Alcala upang humalili ang pang–araw na grupo para sa maghapong pagroronda na lalong nagpatindi sa takot ng mga mamamayan.  Kaya hindi na namamalas sa tuwing umaga ang mga dating gawi tulad ng kuwentuhan sa tabi ng kalsada, umpukan ng mga kalalakihan dahil may kinakatakutan na sila pagkat mga guwardiya sibil ang maya’t maya’y nakikita sa mga lansangan.  Tuloy, nagiging limitado sa bahay ang galaw ng mga katutubong binyagan kung wala rin lamang mahalagang sadya pagkat nangingilag na silang lumabas maliban sa araw ng palengke sa bayan ng Alcala para mamimili ng kanilang mga probisyon.  At sa araw ng Linggo para magsimba dahil ito ang obligasyon na hindi dapat malimutan ng mga katutubong binyagan pagkat dagdag din sa koleksiyon ng kura paroko ang kusing na maibibigay nila sa misa para makatatanggap sila ng maraming biyaya.  Subalit naging dahilan lamang ito upang lalong maghirap ang mga katutubong binyagan pagkat ipinagkatiwala na sa milagro ng dasal ang kanilang pag–asenso sanhi ng sobrang pananalig sa kanilang kura paroko sa halip na magtrabaho.  Tuluyan na rin nawala ang kanilang tiwala sa kapwa kahit kapitbahay pa nila upang hindi sila pagsusupetsahan na may kahina–hinalang balak dahil naniniwala sila na may mga nagmamatyag para isuplong sila sa mga guwardiya sibil.

Kunsabagay, base sa malalimang balayag sa bawat kilos ng mga katutubong binyagan sa bayan ng Alcala ay hindi pa naman nababanggit ang tungkol sa kilusan pagkat gaano man kasigasig sa pagroronda ang mga guwardiya sibil ay imposibleng malalaman nila ang isang lihim.  Walang duda na magiging malaking sorpresa para sa pamahalaang Kastila ng Alcala kung lingid naman sa mga guwardiya sibil ang pinagkukublihan ng lihim dahil seguradong ikagugulat nila ito kahit nanatiling katanungan kung may naitatag na bang kilusan sa bayan ng Alcala.  Marahil, sumagi rin sa mga katutubong binyagan ang magtatag ng kilusan sa bayan ng Alcala ngunit maaaring isinaalang–alang din naman ang kanilang kawalan nang kakayahan upang isulong ang himagsikan na laganap na sa halos buong kapuluan.  Seguro, naghihintay lamang sila ng pagkakataon na may maghihikayat sa kanila dahil tiyak na hindi rin sila mag–aatubili upang sumapi sa himagsikan kahit katanungan kung sino ang magpasimuno para maisakatuparan ito.  Basta walang nakatatalos sa tunay na saloobin ng mga katutubong binyagan ngunit tiyak na ito ang naiisip nilang solusyon upang maibabalik ang kalayaan na inagaw sa kanila ng mga banyaga nang tambingang itinatag ang gobierno revolucionario sa bayan ng Alcala.  Sapagkat handa rin naman sila upang magsakripisyo ng buhay nang walang pag–aalinlangan kung ito ang kinailangan kapalit ang ganap na kasarinlan kaysa patuloy silang binubusabos ng mga banyaga sa sarili pa mandin nilang bayan.  Dahil mananatiling pangarap na lamang ang kalayaan kung walang tumayo upang pangunahan nito ang himagsikan na matagal nang inaasam nilang lahat pagkat ito lamang ang maaaring ialay nila sa bayang sinilangan.  Ngunit umaasa sila na sana sa kanilang paggising bukas ay makikita nila ang mga sarili na handa nang ipaglaban ang kalayaan kahit hindi na sila ang makinabang nito kung kamatayan ang magiging hantungan ng kanilang adhikain.  Sapagkat tiyak na madilim ang naghihintay na kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon kung silang mga ninuno ngayon ay matatakot ipaglaban ang kalayaan na tanging maiiwan sa kanilang pagpanaw.  Seguradong tutuligsain lamang ng mga susunod na henerasyon ang kanilang alaala sa halip na alayan ng dasal at pasasalamat pagkat tangan ng kanilang pagpanaw ang dahilan kung bakit naging alipin din sila ng mga banyaga nang dumating ang panahon nila.

“Apong Awallan!  Nakakatakot na po pala . . . ang bumaba sa bayan . . . ngayon!  Opo!  Kasi po . . . minamatyagan pala ng mga guwardiya sibil!  Ang bawat kilos po natin . . . sa tuwing bumbaba tayo . . . sa bayan!  ‘Yon po . . . ang balita ngayon!  Kaya . . .  mag–ingat po tayong lahat!”  Hanggang sa nakarating na rin sa tribung Malauegs ang pagiging mahigpit ng mga guwardiya sibil sa pagpapatupad sa mga batas ng pamahalaang Kastila ng Alcala na labis naman nilang ikinabahala pagkat ang malayang buhay na kanilang nagisnan ay may limitasyon na pala ngayon.  Naalarma sa posibleng idudulot nito ang mga katutubong Malauegs dahil walang duda na maging sila man ay pagmamalupitan din ng mga guwardiya sibil upang samantalahin ang kanilang kamangmangan kapag bumaba sila sa bayan ng Alcala upang mamili ng mga probisyon.  Lalo’t kakulay ng kanilang anyo ang gabi kung ikumpara sa mga banyaga na mistulang hari sa kanilang mga kasuutan pagkat ultimong mga bahag nila ay hindi angkop upang gawing basahan ng kanilang mga talampakan.  Tuloy, nagkaroon pa sila ng problema dahil sa kanilang mga gulay na kailangan mailako sa araw ng palengke sa bayan ng Alcala upang isabay na rin ang pamimili nila pagkat minsan lamang ito sa isang linggo kaya dapat samantalahin.  At ang araw ng pelengke ay nagbibigay din sa kanila ng pagkakataon upang dalawin ang mga kamag–anak nila na naninirahan na ngayon sa bayan ng Alcala matapos magpabinyag sila imbes na manatili sa kabundukan ng Sierra Madre dahil malayo ang simbahan.  Bukod pa ang mga naging kaibigan nila dahil sa pagtitinda ng mga gulay pagkat sila naman ang nagpaparating ng balita tungkol sa mga kaganapan sa bayan ng Alcala kaya nabibigyan sila ng babala lalo na kung may kaugnayan sa mga guwardiya sibil.  Pero mapapalad pa rin ang mga katutubo ng Sierra Madre dahil payapa ang kanilang mga kalooban habang natutulog sa gabi kahit malayo sila sa kabihasnan kaysa mga katutubong binyagan sa bayan ng Alcala pagkat sila ang direktang naaapektuhan sa kalupitan ng mga guwardiya sibil.

“Ang mungkahi ko po . . .  amang ko!  Ipagbabawal po muna natin . . . ang pagpunta sa . . . sa bayan!  Opo!”  Nagkatinginan ang mga katutubong Malauegs dahil tiyak na maaapektuhan sa tinuran ni Alawihaw ang laging bumababa sa bayan ng Alcala pagkat madalas na sinasang–ayunan ni Lakay Awallan ang kanyang mungkahi.gayong magliliwaliw lamang ang sadya nila roon.  Isang mungkahi na hindi segurado kung maging katanggap–tanggap pagkat nangangahulugan ito ng pagbabawal sa kanilang kagustuhan upang bumaba sa bayan ng Alcala ngunit makabubuti naman para sa kanila sakaling pumayag si Lakay Awallan sa suhestiyon ni Alawihaw.  Kunsabagay, para sa kanilang kapakanan din ang layunin kung bakit kailangan ipagbawal ang bumaba sa bayan ng Alcala upang mailayo sila sa kapahamakan pagkat masigasig ngayon sa pagroronda ang mga guwardiya sibil kaya dapat lamang mag–ingat sila.  Aywan kung totoo ang balita dahil hindi rin naman makumpirma ng mga binyagan na may mga ikinulong na sa munisipyo ng Alcala ngunit hindi tiyak kung ano ang kasalanan nila maliban sa pagiging katutubo na hindi naman nila ikinahihiya.  Matapos magpahayag ng mungkahi ni Alawihaw ay natahimik naman si Lakay Awallan habang pinag–iisipang mabuti ang kanyang desisyon ngunit lalo lamang nabahala ang lahat dahil posibleng taliwas ito sa kanilang inaasahan.  Sapagkat umaasa pa rin ang karamihan na sana hindi tuluyang ipagbabawal sa kanila ni Lakay Awallan ang bumaba sa bayan ng Alcala lalo na sa araw ng palengke kahit delikado ang sitwasyon pagkat ‘yon ang pagkakataon upang maglibang sila.  Dahil nakababagot din naman ang manatili sa kabundukan ng Sierra Madre na hindi na nabago sa kanilang paningin sapul nang isinilang sila kahit totoo na walang mga guwardiya sibil ang nagbabawal sa kanilang ginagawa ngunit iba pa rin ang tanawin sa bayan ng Alcala.  Muling nabaling kay Lakay Awallan ang mga mata na naghihintay sa kanyang desisyon kung kinailangan bang sang–ayunan niya ang mungkahi ni Alawihaw na tahimik naman sa kanyang tabi habang minamasdan siya nito.

“Seguro . . . mag–iingat na lamang kayo!”  Naging batayan ng desisyon ni Lakay Awallan ang katotohanan na sadyang hindi maiiwasan ng mga katutubong Malauegs ang bumaba sa bayan ng Alcala dahil naroroon ang karamihan sa kanilang mga pangangailangan na hindi matatagpuan sa paligid ng kanilang komunidad.  At sa pamilihang bayan ng Alcala lamang maaaring ilako ang kanilang mga gulay na subra–sobra naman sa kanilang pangangailangan gayong pawis at pagod ang naging puhunan nila sa pagtatanim upang hayaan lamang na mabubulok ang mga ito.  Kaya naunawaan ni Alawihaw kung bakit ganito ang naging desisyon ni Lakay Awallan dahil talagang hindi rin sila mapagbabawalan maski iutos pa niya ang huwag bumaba sa bayan ng Alcala pagkat hindi naman niya kontrolado ang galaw nila.  Subalit hindi nangangahulugan na saklaw pa rin ni Lakay Awallan ang kanilang kaligtasan habang naroroon sila sa bayan ng Alcala pagkat nasa labas na sila ng komunidad upang ibunton sa kanya ang sisi kung may nangyaring masama sa kanila.  Katunayan, hindi pa niya nasubukan ang tumapak sa bayan ng Alcala hanggang ngayon na matanda na siya ngunit hindi pa rin niya pinapangarap ito pagkat kuntento na siya sa pakikinig sa mga kuwento nila lalo’t may mga guwardiya sibil nang nagroronda sa kabayanan.  Matanda na siya upang pagurin pa sa mahabang paglalakad ang kanyang sarili samantalang naririyan naman ang mga kababaihang Malauegs na puwedeng utusan niya para isabay sa paglalako nila ng mga gulay ang kanyang ipabibili sa bayan ng Alcala.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *