IKA – 10   LABAS

Huling niyapos ni Lakay Awallan si Alawihaw na magiging Punong Sugo pagdating ng panahon na kailangan ipaubaya na niya sa kanya ang pamumuno sa tribung Malauegs para gugulin na lamang sa pagdarasal ang mga nalalabing araw sa buhay niya.  Maya–maya, humakbang na siya upang lumikas sa yungib matapos mag–iwan ng bilin para sa seguridad ng mga kalalakihang Malauegs pagkat hindi na angkop ang kanyang edad kung siya pa rin ang mamuno sa kanila dahil lipas na ang kanyang panahon.  Yamang nag–iwan na siya ng mahalagang bilin ay ipinaubaya na lamang niya sa mga kalalakihang Malauegs ang pagmamasid ngunit malinaw ang kanyang paalaala sakaling biglang gumawa ng mapinsalang hakbang ang mga soldados.  Aywan kung ano ang iniisip ni Alawihaw habang tinatanaw niya ang mga soldados basta naramdaman na lamang niya ang kamay ni Lakay Awallan kaya napasabay siya sa paglalakad upang ihatid sana hanggang sa yungib ang kanyang amang.  Ngunit napahinto siya nang mapansin si Assassi na hindi humihiwalay mula pa kanina kay Lakay Awallan pagkat batid ng binatilyo na walang kasama ang kanyang apong kung sumabay siya sa paglikas ng karamihan papunta sa yungib.  Tinangkang pigilin nina Lupog at Balayong ang pag–alis ni Assassi ngunit mabilis na pumakli si Lakay Awallan pagkat bata pa siya para sumabak sa ganitong laban kaya pumiksi na lamang ang binatilyo kahit gusto rin sana niya.

            “Opo . . . amang ko!  Sige po!  Magtago na rin po kayo . . . kami na po ang bahala rito!”  Pagkatapos, nagtatakbong tinungo ng mga kalalakihang Malauegs ang kani–kanilang puwesto upang magkubli habang hinihintay ang mga soldados na seguradong walang daratnan sa kanilang komunidad kundi ang mga kubol na naiwang bukas dahil sa pagmamadaling lumikas ng lahat.  Ngunit naiwan pa si Alawihaw pagkat sinundan muna niya ng tingin ang pag–alis nina Lakay Awallan at Assassi hanggang sa hindi na niya natanaw ang kanilang paglalakad ay saka pa lamang tinungo niya ang dating puwesto.  Dati–rati, sa bukana ng komunidad ang puwesto ni Alawihaw pagkat nagiging madali na lamang para sa kanya ang pagmamaniobra kapag tumitindi ang labanan gaya nang minsang linusob sila ng mga mandirigmang kalalakihan mula sa tribung Itawis dahil sa problemang mag–asawa.  Mangyari, hindi naging maayos ang pagsasama ng babaeng Malauegs at ng lalaking Itawis hanggang sa nauwi sila sa hiwalayan dahil sa selos na pinalubha pa nang hindi na pumayag ang una upang makipagbalikan sa kanyang asawa kahit may mga anak na sila.  Kasamaang–palad, nasawi ang lalaking Itawis kasama ang mga kapwa mandirigmang kalalakihan nang lusubin nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil sa kagustuhan na mabawi ang kanyang pamilya maski labag sa kasunduan ng mga Punong Sugo ang kanilang ginawa imbes na idinaan sa panunuyo.  Ngayon, sa puwestong ‘yon dumeretso si Alawihaw kasama si Lupog na dinatnan na niya roon dahil lantad sa paningin nila ang mga soldados sakaling humantong sa sagupaan ang pagtatagpo kahit sinisikap nilang iwasan ito.  Halos ayaw na nilang huminga dahil ilang hakbang na lamang ang layo ng mga soldados mula sa kanilang komunidad habang kumpirmado naman na walo lamang sila kabilang si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na taliwas sa kanilang sapantaha.  Mahigpit ang pigil nila sa mga tunod na kanina pa nakaumang habang sinasalubong nila ng tingin ang mga soldados na halos kapusin na ang hininga sanhi ng matinding kapaguran dahil sa layo nang nilakad nila.  Mga tunod na itinubog sa ligas ang gamit nila upang wala nang pagkakataong gumanti ang mga soldados ngunit kailangan pa rin laging siyerto ang bawat bitiw para walang mintis dahil pagsasayang lamang kung walang tinatamaan.  Pagkakamali na seguradong pagsisihan ng mga kalalakihang Malauegs kung pumalya ang kanilang tira pagkat magkakaroon pa ng pagkakataong gumanti ang mga soldados gamit ang mga fusil na walang dudang ikamamatay nila ang putok.  Kunsabagay, bihasa na sila sa paghawak sa busog at tunod kahit nakapikit pa ang kanilang mga mata pagkat itinuro din naman sa kanila ang tamang paggamit nito bukod pa ang naging karanasan nila sa pangangaso dahil ito ang armas nila.  Kabilang si Balayong sa grupo na pumuwesto sa likuran ng sagradong kubol pagkat hindi masyadong delikado ang magkanlong doon habang nangungubli sa talahiban ang dalawang grupo upang bantayan ang mga kubol.

            Marahil, naramdaman ng mga soldados ang panganib dahil huminto muna sila bago pumasok sa bukana ng komunidad ng mga katutubong Malauegs nang bumungad sa kanilang pagdating ang matinding katahimikan na dapat lamang pagdudahan.  Lalong naghinala ang mga soldados nang makita ang habong na walang nagbabantay pagkat kanina pa nagtungo sa kani–kanyang puwesto ang dalawang bakay sa bukana ng komunidad upang magmatyag nang marinig nila ang utos ni Lakay Awallan.  Pinatigil muna ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang kanyang kabayo para suyurin ang paligid gamit ang largabista upang tiyakin na walang nakaambang panganib pagkat mali kung basta na lamang paniniwalaan niya na walang naninirahan doon.  Pagkatapos, sumenyas siya nang paabante sa mga soldados upang pasukin ang sentro ng komunidad ng mga katutubong Malauegs matapos maisaloob na maaaring nagtatago lamang sila sa mga kubol dahil sa takot nang matanaw ang kanilang pagdating.  Ngunit hindi naging madali sa mga soldados upang pasukin ang komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil naging balakid para sa kanila ang madulas na bulaos pagkat nagdulot ng matinding hamog ang magdamag na ulan kagabi.  Si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na sadyang bumaba sa kabayo para hindi siya tambad kung may banta ng panganib ang paligid ay makailang ulit din huminto upang habulin ang kanyang hininga nang pangunahan niya ang paglalakad sa paakyat na bulaos.  Tuloy, natagalan ang pagpasok ng mga soldados sa lunduyan ng komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil lalong bumagal ang kanilang paglalakad hanggang sa ginawang tungkod ang kanilang mga fusil upang huwag lamang sila dumapilos.  Pagkaraan ang nakahihingal na paglalakad sa madulas na bulaos ay nagtagumpay rin sila upang marating ang komunidad ng mga katutubong Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre na ngayon pa lamang natuklasan ng mga banyaga sapul nang maitatag ang gobierno revolucionario sa pueblo Fulay na naging bayan ng Alcala.  Nagtatalo ang isip ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat naging mahirap para paniwalaan niya na talagang walang naninirahan doon samantalang umuusok pa ang kalan gayong imposible naman yata upang magkaroon ng apoy kung walang nagningas.  Naisip niyang bilangin ang mga kubol upang tantiyahin kung gaano karami ang mga naninirahan doon base sa sariling palagay na may isang anak ang bawat pamilya para hindi magiging labis ang kanyang pagtataya.

            Labis ang pagkamangha ng mga soldados dahil sa kanilang natuklasan kaya napaisip sila lalo’t mali pala ang naging palagay nila na imposible upang naisin pa ng sinuman ang manirahan sa kabundukan ng Sierra Madre pagkat masyado nang malayo ito mula sa kabihasnan.  Kayhirap paniwalaan kung hindi pa nila narating upang patutunayan nila mismo na posible rin pala ang manirahan sa kasuluk–sulukang bahagi ng mundo matapos matagpuan nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre dahil sa hindi sinasadyang pagkakatuklas.  Naisaloob nila na tiyak dito nanggagaling ang mga katutubo ng Sierra Madre na nagtitiis bumaba sa bayan ng Alcala dahil naranasan nila mismo ang hirap habang naglalakad sa mga lambak at tawirin ang maraming ilog hanggang sa narating nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs.  Tiyak na hindi pa nila batid na komunidad ng mga katutubong Malauegs ang kanilang narating ngunit hindi na seguro importante dahil ang matuklasan nila na may mga naninirahan pala sa kabundukan ng Sierra Madre ay malinaw na pagtutuwid sa kanilang maling akala.  Habang naseseguro naman ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na mga katutubo ng Sierra Madre ang naninirahan sa komunidad dahil naging katuwiran niya na sila lamang ang may kakayahan sa ganitong klase ng pamumuhay ngunit hindi lamang niya matukoy kung anong tribu.  Lalong hindi matiyak kung batid niya na tatlong tribu ng mga katutubo ang nananahan sa kabundukan ng Sierra Madre ngunit puwedeng ipagpalagay na hindi lingid sa kanya na isa lamang nito ang sinasakop ng munisipalidad ng Alcala dahil sa kanyang tungkulin.  Naging palaisipan pa rin ng mga soldados kung bakit walang sumalubong sa kanilang pagdating kahit isang katutubo man lamang sana dahil maraming katibayan ang nagpapatunay na may naninirahan sa komunidad.  Tuloy, lalong lumakas ang kanilang kutob na takot ang dahilan kung bakit nagtago sila pagkat hindi puwedeng ikatuwiran na ikinahihiya nila ang mga sarili gayong hantad na sa bayan ng Alcala ang kanilang mga hitsura sa tuwing bumababa sila sa araw ng palengke.  Talagang mahirap pasinungalingan ang mga kubol at ang umuusok na kalan kahit nagtatago ang mga katutubong Malauegs kaya napansin ng matalas na pakiramdam ng mga soldados ang iniwan nilang talibadbad dahil sa pagmamadali.  Napailing na lamang si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz hanggang sa nagpalingus–lingos siya sa pagbabakasakali na may lumabas pagkat nais din niyang alamin kung bakit ginusto nila ang manirahan sa kabundukan ng Sierra Madre kung napalayo naman sila sa kabihasnan.  Pero lalo lamang nagduda ang sarili niya nang magpahiwatig ang posibilidad na maaaring napapaligiran na sila ng mga katutubo dahil hindi nila kabisado ang kanilang pag–uugali lalo’t naririto sila sa kanilang teritoryo.  Kabutihan, walang nailatag na pagkain sa hapag nang lumikas ang mga kababaihang Malauegs dahil minabuti ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang umupo roon upang magiging proteksiyon niya sakaling sorpresahin sila ngunit ikinagalit ito ng mga kalalakihang Malauegs na kanina pa nagmamasid sa kanila.

            Sinundan ng tingin ng grupo ni Balayong ang isang soldado na pumunta sa kalan upang magsindi ng sigarilyo ngunit dali–daling isinubsob sa damuhan ang kanilang mga mukha upang hindi sila mapapansin nang magpalinga–linga pa siya.  Nagpasalamat na lamang sila nang umalis agad ang soldado pagkat nakaunat na ang kanilang mga busog kaysa maunahan sila kahit ito pa ang magiging hudyat upang sumiklab ang sagupaan sa pagitan nila at sa puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Napabuntung–hininga nang malalim silang lahat pagkat muntik nang makompromiso ang kanilang kaligtasan kung naging padalus–dalos ang kanilang desisyon dahil tiyak na matutunton nito ang kanilang pinagkakanlungan sanhi ng maling palagay.  Laging nagpaalaala kay Alawihaw ang bilin ni Lakay Awallan na hindi dapat magsimula sa kanila ang laban maliban na lamang kung mga soldados ang mismong nagpapaputok ay saka pa lamang sila gagalaw upang gumanti.  Kahit maraming pagkakataon ang puwedeng samantalahin kung hindi naman ipinapahiwatig sa mga kilos ng mga soldados ang masamang layunin ay ipinagpatuloy na lamang nila ang pagmamatyag nang lingid sa kanila.  Samakatuwid, walang dahilan upang magiging agresibo ang mga kalalakihang Malauegs para hindi sila ang sisihin ni Lakay Awallan na kanina pa nagdarasal sa loob ng yungib habang sinasabayan siya ng lupon ng mga matatandang Malauegs at ng mga kababaihang Malauegs upang lingapin sila ni Bathala.  Pagkatapos alisin ni Alawihaw mula sa pagkakatukod sa kanyang busog ang tunod upang hindi niya aksidenteng mabibitawan ito ay muling binalingan niya ang mga soldados na kumakatok sa mga kubol dahil sa utos ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz.  Naging dalangin na lamang niya na sana walang naiwan sa sagradong kubol nang matanaw niya ang tatlong soldados na sumilip sa loob nito pagkat mga matatandang Malauegs lamang ang pumapasok doon upang magdasal araw–araw.  Halos lahat nang mga kubol ay naiwang bukas sanhi ng pagmamadaling lumikas ng mga katutubong Malauegs upang hindi sila daratnan ng mga soldados kaya walang sumungaw sa mga pintuan upang salubungin ang mga kumakatok.  Hanggang sumagi kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang isang paraan upang tiyakin na talagang walang nagtatago pagkat pare–pareho ang naging senyas ng mga soldados matapos katukin ang mga kubol ngunit hindi naman niya masang–ayunan.

¡Entra en las cabañas! ¡Quizas esten solo dentro! ¡Apresurate! ¡Liberalos a todos!”  Kaagad pinasok ng mga soldados ang mga kubol nang marinig ang sumunod na utos ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz sa pagbabakasakali na tama ang kanilang hinala pagkat dadalhin nila ang kabiguan kung wala silang nakilala’t nakausap.  Sapagkat hindi kumbinsido si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na walang katutubo kahit isa man lamang ang naiwan upang magtago sa loob ng kubol sa halip na lumabas pa kung wala na siyang pagkakataon dahil sa kanilang biglang pagdating.  Dahil gusto niya na may makausap sila para magkaroon ng kasagutan ang maraming katanungan na nagparamdam sa kanyang isip lalo’t naging kataka–taka ang kanilang paninirahan sa kabundukan ng Sierra Madre gayong puwede naman sa bayan ng Alcala.  Bagaman, pagtalima sa utos ni Alferez ang misyon ng pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ay wala sa kanilang hinagap na matutuklasan nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil unang pagkakataon na isinagawa nila sa kabundukan ng Sierra Madre ang operaciones profilacticas kahit walo lamang sila.  Kaya hangad sana ng mga soldados ang mag–iwan ng magandang alaala sa pamamagitan ng pakipagkaibigan sa mga katutubong Malauegs kung humarap lamang sila dahil batid na nila na may naninirahan sa komunidad.  Hindi naman naging lingid sa mga mata na kanina pa nagmamasid nang simulang pasukin ng mga soldados ang mga kubol ngunit hindi nabahala ang mga kalalakihang Malauegs dahil wala naman silang itinatago na mahalagang bagay.  Palibhasa, matatangkad ang mga soldados ay may humakbang sa bintana na hanggang sa baywang lamang nila ang taas ngunit ikinagalit ito ng mga kalalakihang Malauegs dahil mistulang hinamak ang kanilang pagkatao kaya nagpupuyos ang kanilang mga kalooban.

            ¡Seguro! ¡Nos vieron venir! ¡Sargento!!”  Maya–maya, bumalik kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang mga soldados na pareho ang katuwiran dahil agad nagtago sa yungib ang mga katutubong Malauegs upang isipin nila na walang naninirahan sa kanilang komunidad ngunit ang hindi nila alam ay nagpaiwan ang mga kalalakihang Malauegs.  Tumango lamang siya pagkat hindi nalalayo sa kanilang sinasabi ang kanyang kutob hanggang sa muling naglakbay ang kanyang mga mata dahil sa hinala na may tumitingin sa kanila ngunit walang nahagip ang paningin niya.  Tama rin ang naging palagay niya na ipinasya ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre ang magtago dahil sa takot pagkat unang pangyayari na narating ng mga soldados ang kanilang komunidad lalo’t sariwa pa sa isip nila ang sinapit ng mga katutubong Maluegs ng Calantac.  Lalong hindi nagkamali ang kanyang sapantaha na malapit lamang ang pinagkukublihan ng mga kalalakihang Malauegs kaya may dahilan kung naging mailap man ang kanyang mga mata habang pinapakiramdaman niya ang paligid upang matunton sila.  Muling sinipat ang kanyang largabista habang umaasa na sana kahit munting bunto ng hininga ang masagap man lamang ng kanyang pandinig dahil mismong sarili niya ang bumubulong na kanina pa sila minamatyagan maski wala silang napapansin sa paligid.  Sayang lamang dahil sumasabay sa galaw ng hangin ang huni ng mga ibon na gumambala sa munting anasan ng mga nagtatago sa mga trinsera habang pinapanood ang bawat galaw ng mga soldados na hindi mapalagay.  Habang nagpapahiwatig naman ng paghahanda si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz nang mapagtanto niya na wala na rin kabuluhan ang magtagal pa sa komunidad ng mga katutubong Maluegs ang kanyang pangkat kung wala namang lumantad upang kausapin sana sila.

            ¡Quizas simplemente estaban asustados! ¡Deben haberse sorprendido con nuestra llegada! ¡Entonces . . . pensaron en esconderse!”  Palibhasa, ginusto pa ng mga katutubong binyagan mula sa tribung Malauegs ng Sierra Madre ang manirahan sa bayan ng Alcala pagkat malinaw naman ang dahilan na may kaugnayan sa kanilang obligasyon kaya walang nagtuturo sa mga katutubong erehe ng wikang Español.  Samakatuwid, madali nang unawain kung hindi rin naintindihan ng mga kalalakihang Malauegs ang usapan ng mga soldados pagkat walang marunong sa wikang Español sa kanilang tribu upang turuan sila gaya nang ginagawa noon ng mga binyagang katutubo ng Calantac kay Lakay Lumbang. dahil hindi sila humiwalay.  Kabalintunaan naman ang mga katutubong binyagan ng tribung Malauegs ng Sierra Madre dahil magiging kaabalahan para sa kanila ang layo ng Sierra Madre mula sa bayan ng Alcala kung saan naroroon ang simbahan dahil kailangan sikapin nila ang dumalo sa pangalawang misa na laging nagsisimula sa alas–siete ng umaga.  Naging panakot ng mga prayle na mapupunta lamang sa impiyerno ang kanilang mga kaluluwa dahil maraming indulhensiya ang hindi nila mapakinabangan kung hindi nila magampanan ang obligasyon na kaakibat sa pananampalataya.    Gayunpaman, sinisikap pa rin tantuin ng mga kalalakihang Malauegs ang usapan ng mga soldados dahil dinig hanggang sa kanilang pinagtataguan ang boses nila upang magkaroon sila ng ideya tungkol sa totoong pakay nila sa kanilang komunidad.  Bagaman, hindi rin naseseguro ng mga katutubong Malauegs na may kaugnayan sa titulo ang biglang pagdating ng mga soldados sa kanilang komunidad ay makatuwiran pa rin nang iutos ni Lakay Awallan sa lahat ang magtungo sa yungib upang magtago.  Naneneguro lamang si Lakay Awallan dahil hindi dapat balewalain ang mga soldados sakaling taglay ng kanilang pagdating ang masamang intensiyon pagkat tiyak na magdudulot ng kapahamakan sa panig nila kung magkaroon ng sagupaan.  Kaya hindi maiaalis sa mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre ang bigyan ng proteksiyon ang kanilang mga sarili para hindi mauulit ang pangyayari na naging dahilan upang maglaho ang tribung Malauegs ng Calantac matapos itong salakayin ng mga soldados dahil sa problema sa titulo.

            ¡Antieconomico! ¡Ojala pudieramos hablar con ellos!”  Kung naunawaan sana ng mga kalalakihang Malauegs ang usapan ng mga soldados ay dapat bang panghinayangan nila ang pagkakataon na sadyang pinalampas nila dahil sa pangangamba pagkat mabuti naman pala ang kanilang sadya?  Sana, nalaman ng mga katutubong Malauegs ang tunay na pakay ng mga soldados dahil hindi pala bahagi sa kanilang misyon ang tuklasin kung may naninirahan sa kabundukan ng Sierra Madre ngunit nang matanaw nila ang mga kubol ay tinagudtod nila ang bulaos papunta sa komunidad.  Samakatuwid, aksidente lamang ang kanilang pagkakatuklas sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ngunit nagbigay sana ito ng magandang pagkakataon kung hindi nila ginusto ang lumikas gayong walo lamang silang natatanaw nila na dumarating.  Disin, naitanong nila sa mga soldados ang tungkol sa batas na may kinalaman sa titulo upang hingin ang kanilang payo kung paano sila magkakaroon nito kung hindi lamang naging padalus–dalos ang desisyon ni Lakay Awallan.  Maski armado ng mga fusil ang walong soldados ay tiyak na hindi pa rin nila tatangkain ang gumawa ng marahas na hakbang kahit busog at tunod lamang ang sandata ng mga kalalakihang Malauegs dahil magiging mahirap para sa kanila ang humingi ng refuerzo.  Kunsabagay, talagang mahirap ipagwalang–bahala ang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac lalo’t nagsilbing aral ito sa mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre pagkat nanatili pa rin sa kanilang mga puso ang Araw ng Pagluluksa maski alaala na lamang ngayon ang naganap na incendio provocado.  Makatuwiran lamang pala kung ginusto nila ang lumikas sa yungib imbes na hinarap ang mga soldados dahil tiyak na muling magliliyab ang galit sa kanilang mga puso kapag nagpaalaala sa kanila ang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac.

            ¡Mejor todavia! ¡Regresemos al cuartel general!”  Hanggang sa tuluyan nang nagdesisyon si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz upang lisanin ang komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil sa pakiwari niya ay delikado ang magtagal pa roon ang kanyang pangkat pagkat ayaw pa rin tumining ang kaba sa kanyang dibdib.  Sapagkat nabigyan niya ng masamang kahulugan ang mga ibon na balisang–balisa sa mga puno lalo na ang matinding katahimikan na hindi dapat ipagwalang–bahala habang may panahon pa sila upang lisanin ang komunidad ng mga katutubong Malauegs.  Dahil maliwanag na pag–aaksaya lamang sa oras kung wala naman silang mahintay ay makabubuti pa ang huwag na silang magtagal sa komunidad ng mga katutubong Malauegs upang maiwasan nila ang panganib lalo’t walo lamang sila.  Sapat na ang kanilang natuklasan na may naninirahan din pala sa kabundukan ng Sierra Madre maski malayo sila sa kabihasnan pagkat salungat ito sa kanilang akala kung hindi pa nila narating ang komunidad ng mga katutubong Malauegs kahit walang humarap sa kanila.  Malinaw ang pahiwatig na maaaring hindi pa handa ang mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre upang makipag–usap sa mga soldados lalo’t may mga dahilan ang pagiging mailap nila kahit batas ang naging batayan ng marahas na hakbang ng pamahalaang Kastila ng Alcala laban sa mga katutubong Malauegs ng Calantac.  Subalit nagdulot ito ng pangamba sa kanila pagkat malaki ang posibilidad upang sila naman ang usigin kapag nalaman ng pamahalaang Kastila ng Alcala na wala silang titulo dahil pamana lamang ang naging batayan ng pagmamay–ari nila sa mga lupain.  Nagsimulang humakbang papunta sa bukana ang mga paa ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz nang sumagi sa isip niya na maaaring kumukuha lamang ng tiyempo ang mga kalalakihang Malauegs upang dalusungin sila kung kailan palagay na ang kanilang mga sarili.  At ayaw niya na gabihin ang kanyang pangkat dahil hindi nila kabisado ang bulaos pabalik sa bayan ng Alcala ngunit dahilig na pala ang posisyon ng araw nang hindi nila namalayan pagkat natuon ang pansin nila sa komunidad ng mga katutubong Malauegs.  Noong gabi na sinalakay ng mga soldados ang mga katutubong Malauegs ng Calantac ay si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang namumuno sa kanila kaya naging madali para sa kanya upang maintindihan kung bakit walang sumalubong sa kanila kahit umaga nang dumating sila sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre.

            “¿Volveremos alguna vez aqui? ¿Eh? ¿Sargento?”  Napigilan ang pagsakay sa kabayo ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil sa tanong ngunit binalikan muna niya ng tingin ang mga kubol na maraming ulit hinalughog ng mga soldados imbes na sumagot agad sa pagbabakasali na may lumantad ngayong paalis na sila.  Pagkatapos, binalingan niya ang mga soldados na naghihintay sa kanyang tugon habang dahan–dahang inaakay ang kanyang kabayo palayo sa bukana ng komunidad ng mga katutubong Malauegs imbes na sumakay siya dahil may pagdududa pa rin ang kanyang kalooban.  Seguro, naniniyak lamang ang layunin ng tanong pagkat hindi bahagi ng kanilang misyon ang pagkakatuklas nila sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ngunit ang posibilidad na pababalikin sila rito ay hindi rin nila puwedeng isantabi.  Dahil walang duda na ipapatupad din ng pamahalaang Kastila ngAlcala ang batas na may kaugnayan sa titulo kapag naiparating ng mga soldados ang tungkol sa kanilang natuklasan sa kabundukan ng Sierra Madre upang ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs ang susunod na pag–iinteresan.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *