Kahit gaano pa kalayo mula sa bayan ng Alcala ang komunidad ng mga katutubong Malauegs ay nagiging malapit na lamang ito ngayong natuklasan na sila ng mga soldados pagkat kailangan magkaroon ng titulo ang malawak na lupain sa kabundukan ng Sierra Madre kahit ayaw nila. Baka magkakaroon pa ng interes si Alferez upang pangunahan ang susunod na misyon dahil seguradong pagdududahan pa rin niya ang ulat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz hanggang hindi niya narating ang komunidad ng mga katutubong Malauegs kahit gaano pa kalayo ito. Idalangin na lamang ng mga katutubong Malauegs na sana hindi ito ang simula ng kanilang matinding problema dahil tiyak na hahanapan ng titulo ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang mga lupain ngayong narating na ng mga soldados ang kanilang komunidad.
“¡Depende de la decision del Teniete! ¡Vamos!” Kahit may basbas pa ni Alferez ang misyon ng pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ay malaking katanungan pa rin kung ano ang naging basehan niya pagkat wala pang puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang nangahas pasukin ang kabundukan ng Sierra Madre maliban sa kanila na lubhang delikado. Samakatuwid, mahirap paniwalaan na alam niya ang tungkol sa komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil opisina ni Alcalde ang nararating pa lamang niya mula nang maitalaga siya bilang un Comandante del Ejercito de Alcala pagkat bahagi pa lamang ng plano niya ang pagtatayo ng mga destacamento de tropas sa kapatagan ng Sierra Madre. Kaya masigasig ang mga soldados sa kanilang isinasagawang operasyon na sinimulan sa kapatagan ng Sierra Madre dahil madali na lamang ang pagpapatupad sa mga batas ng pamahalaang Kastila ng Alcala lalo na ang tungkol sa titulo kung walang binubuong kilusan ang mga katutubo ng Sierra Madre. Kung totoong nagkataon lamang ang pagkakatuklas ng mga soldados sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ay tiyak gulo pa rin ang kahahantungan nito pagkat seguradong hindi sila patatahimikin ng pamahalaang Kastila ng Alcala hanggang sa mapapaalis sila. Seguradong ipaglalaban naman ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre ang kanilang mga karapatan kahit hindi titulado ang kanilang mga lupain ngunit handa silang magsakripisyo maski mangyayari rin sa kanila ang naging hantungan ng mga katutubong Malauegs ng Calantac. Kahit hindi hahayaan ni Lakay Awallan upang mangyayari ang madugong pagtutuos sa pagitan ng mga kalalakihang Malauegs at ng mga soldados ay posibleng mababago pa rin ang pangyayari kung hindi na puwedeng iwasan ang nakadukwang panganib. Tiyak na gagawin ng mga kalalakihang Malauegs ang lahat lalo na kung naging tama para sa kanilang paniniwala ang paggamit ng dahas sukdang buhay nila ang maglaho basta huwag lamang nilang tataglayin hanggang sa kamatayan ang kabiguan Nararapat lamang na magsakripisyo ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil kailangan ang kanilang taimtim na pagdarasal upang lingapin sila ni Bathala pagkat posibleng magkatotoo sa mga darating na araw ang mga bagay na kanilang pinangangambahan. Sana, sa pahintulot ni Bathala ay hindi magkatotoo ang pinangangambahan ng mga katutubong Malauegs pagkat maraming kaluluwa ang mananaghoy kapag matutulad din kay Lakay Lumbang ang kapalaran ni Lakay Awallan dahil tiyak na tuluyan nang maglalaho sa kalupaan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs. Maya–maya, lumisan na ang pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngunit hindi lamang matiyak kung balak pa nila ang bumalik sa komunidad ng mga katutubong Malauegs kahit walang humarap sa kanilang pagdating dahil depende pa rin ito sa magiging desisyon ni Alferez.
Napabuntung–hininga pa ang mga kalalakihang Malauegs nang makita nila ang paglisan ng mga soldados sabay ang pasasalamat pagkat hindi hinayaan ni Bathala ang gumawa sila ng karahasan na taliwas naman sa kanilang naging palagay kanina habang parating pa lamang ang pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz. Nagpuntahan sa gulod ang mga kalalakihang Malauegs upang sundan ng tingin ang mga soldados na pabalik sa bayan ng Alcala ang mga nagmamadali lakad upang hindi sila gabihin sa masukal na bulaos dahil pahimlay na sa kanluran ang araw. Tumagal pa ang pagmamatyag nila upang tiyakin na talagang wala nang balak bumalik ang mga soldados hanggang sa tuluyan na silang naparam sa kanilang mga paningin kaya ngayon pa lamang napanatag ang mga kalooban nila. Kahit sa kanilang panaginip ay hindi nagpahiwatig ang posibilidad na mararating din ng mga soldados ang kanilang komunidad dahil masyado nang malayo ang kabundukan ng Sierra Madre upang magkaroon pa ng panahon para sa kanila ang pamahalaang Kastila ng Alcala. Pero wala nang imposible sa kasalukuyang panahon maski malayo mula sa bayan ng Alcala ang mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre kung ikumpara ang kanilang sitwasyon sa mga katutubong Malauegs ng Calantac noon pagkat sadyang sumasabay sa nagaganap na pagbabago ang lahat. Ngunit may pagsisisi ang kalooban ng mga kalalakihang Malauegs dahil ngayon nila naisip na mas nakabubuti pala kung hinarap na lamang nila ang mga soldados sa halip na nagtago sila gayong hindi naman naging kapani–paniwala ang dahilan. Dapat sinamantala nila ang pagkakataon nang mismong mga soldados na ang dumating dahil marami naman pala silang nais malaman imbes na ipinairal ang takot nang magpaalaala sa kanila ang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac. Ngunit wala pa rin gustong umamin na nagkamali ang desisyon ni Lakay Awallan dahil hindi naman puwedeng ibunton nila sa Punong Sugo ang paninisi kahit nag–iwan ng maraming katanungan ang paglisan ng mga soldados kung hindi sila nagtago. Mahirap din pala kung laging ikinakatuwiran ang karapatan sa kanilang mga lupain samantalang hinala pa lamang ang bumabagabag sa kanilang mga kalooban imbes na tinanggap nila ang pagdating ng mga soldados. Walang duda na marami sana silang nalalaman lalo na ang tungkol sa titulo kahit hindi nila naiintindihan ang wikang Español ngunit magkakaroon pa rin ng kaunting pang–unawa ang kanilang mga malak gamit ang mga senyas. Baka lalong hindi magiging mahimbing mamayang gabi ang tulog nila habang nagtatanong ang kanilang mga sarili kung bakit pinagdudahan nila ang tunay na sadya ng mga soldados sa halip na sinamantala ang dumating na pagkakataon.
Aywan kung bakit hindi pa rin magawa ng mga kalalakihang Malauegs ang ngumiti gayong lumisan na ang mga soldados na hindi nag–iwan ng pinsala sa komunidad dahil pumiksi lamang sila nang walang sumalubong sa kanilang pagdating. Sa halip na matuwa sila dahil nagtagumpay ang kanilang naisip na paraan ay tahimik sila pagkat taliwas ang totoong nararamdaman nila kung hindi lamang nagkamali ang kanilang desisyon ngunit huli na ang pagsisisi. Hanggang sa tinungo na lamang ang kani–kanilang mga kubol pagkat hindi naman lingid sa kanila ang isinagawang rekisa kanina ng mga soldados dahil sa paniniwala na may nagtatago sa loob upang iwasan sila. Maliban kay Balayong na nagmamadaling tumakbo patungo sa yungib para maiuwi agad niya sa kubol si Lakay Lanubo dahil tiyak kumakalam na ang tiyan ng kanyang amang pagkat dalawang kainan ang pinalipas nilang lahat. Naging palaisipan kung ano ang gumugulo sa utak ng kalalakihang Malauegs basta walang nagtangkang magparinig ng kanilang sariling palagay pagkat mistulang iniiwasan din nila ang magtanong sa kapwa ngunit masigla pa rin sila. Tahimik din si Alawihaw dahil gusto yatang hintayin na lamang niya ang pagbabalik ni Dayandang sa halip na tumuloy pa siya sa yungib dahil naroroon naman si Assassi upang alalayan nito ang kanyang asawa. Matapos matiyak na maayos pa rin ang kani–kanilang mga kubol ay dumeretso sila sa hapag upang hintayin ang kanilang mga pamilya na seguradong pabalik na sa komunidad pagkat naroon na si Balayong upang sunduin si Lakay Lanubo. Kunsabagay, talagang hindi nila magagawa ang magbunyi pagkat tiyak na magiging madali na lamang para ipatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang batas na may kaugnayan sa titulo ngayong natuklasan na ng mga soldados ang kanilang komunidad. Siyempre, hindi rin nila gugustuhin ang matulad sa mga katutubong Malauegs ng Calantac upang mawalan din sila ng mga lupain dahil sa isyu ng titulo pagkat ito ang iniwang yaman ng kanilang mga ninuno na dapat nilang pahalagahan habang sila’y nabubuhay. Walang kailangan kung magbuwis sila ng buhay dahil nararapat lamang ipaglaban ang kanilang mga lupain kaysa isusuko sa pamahalaang Kastila ng Alcala kahit wala silang maipapakitang titulo pagkat mahalaga ang alaala ng kanilang mga ninuno.
Kung titulo pala ang batayan sa pagmamay–ari ng mga lupain ay lalong walang karapatan ang mga banyaga upang angkinin ang anumang pagmamay–ari ng mga katutubong Malauegs pagkat dinatnan na lamang nila ang malawak na kalupaan ng Sierra Madre. Sapagkat dumating sa bayan ng Alcala ang mga banyaga na walang dalang dokumento upang patunayan ang pagmamay–ari nila sa mga lupain ng Sierra Madre maliban sa kapangyarihan na pansamantalang ipinagkaloob habang sila ang nanunungkulan sa pamahalaang Kastila ng Alcala. Samantalang sa kabundukan ng Sierra Madre sumibol ang buhay ng mga katutubong Malauegs hanggang sa kanilang paglaki na ang tanging pangarap ay mamuhay nang masaya’t mapayapa sa piling ng kanilang mga pamilya sa gabay ng kanilang Punong Sugo na itinalaga ni Bathala. Kahit malayo sila mula sa kabihasnan kung saan naroroon ang katuparan ng maraming pangarap ngunit hindi ito naging sapat upang mahibok sila dahil naging mundo na nila ang kabundukan ng Sierra Madre sapul nang kanilang kamusmusan. Kaytagal nang panahon na naging paraiso ng kanilang kamusmusan ang kabundukan ng Sierra Madre hanggang ngayon na may mga anak na sila kaya wala silang naiisip na dahilan upang ipagkait sa kanila ang mamuhay sa liblib na bahaging ito ng daigdig. Walang duda na mahaharap sila sa matinding problema ngunit kailangan mangako pa rin sila sa langit kahit kamatayan nilang lahat ang magiging katumbas kaysa isusuko sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga lupaing kinatatayuan nila ngayon. Nang magising mula sa malalim na pananahimik si Lupog dahil sa bantil ni Alawihaw na lumapit sa kanya nang mapansin nito ang biglang pangulimlim ng kanyang mukha samantalang wala na silang dapat ipag–aalala. Marahil, ramdam pa rin ni Lupog ang kaba kahit kanina pa naglaho sa kahuyan ang mga soldados pagkat nawala ang sigla sa dating masayang mukha nito kaya kumunot ang noo ni Alawihaw habang napapaisip na rin siya. Maski mariing iling ang naging tugon niya sa nagtatanong na mga mata ni Alawihaw ay nagpasunod pa rin siya ng malalim na buntung–hininga pagkat nababahala siya dahil sa pamilya niya kapag lumubha ang sitwasyon. Baka magiging karagdagang suliranin lamang kung malaman ni Alawihaw ang kanyang totoong nararamdaman dahil problema rin nito ang nalalapit na wali–wali ni Dayandang para sa kanilang panganay.
Tuloy, naging madali upang maunawaan ni Alawihaw si Lupog pagkat ganito rin ang damdamin niya dahil kay Dayandang ngunit wala naman silang kakayahan upang hadlangan ang namumuong sigwa sa kanilang buhay maliban sa pagiging handa. Kahit may pag–aalinlangan ang kanyang puso kung mapanindigan ba niya ang katuwirang ito pagkat lalong naliligalig ang kanyang kalooban habang nalalapit ang panganganak ni Dayandang sa kanilang panganay. Sana, huwag sumabay ang panganganak ni Dayandang kung kailan sinasalakay sila ng mga soldados kahit sa araw pa ito magaganap pagkat naninindak na sa kanyang isip ang posibleng mangyari kung magkatotoo ito. Habang may isang anak ang mag–asawang Lupog at Asana ngunit hindi maiwasan ng una upang isipin ang kapakanan ng kanyang mag–ina pagkat maliit pa si Dita sakaling bigla na lamang lusubin ng mga soldados ang kanilang komunidad. Tiyak na magiging priyoridad niya ang kaligtasan ng kanyang mag–ina pagkat ayaw niyang mauulit ang kanyang naranasan dahil tunay na nakamamatay ang kapanglawan nang maging ulila siya sa mga magulang. Kaya dapat ba siyang usigin kung magiging pangalawang obligasyon na lamang niya ang pagtatanggol sa kanilang komunidad sakaling bumalik ang mga soldados upang sapilitang agawin ang kanilang mga lupain? Magagawa ba nila ang lumaban kung higit pa sa walong soldados ang darating kahit sumailalim pa ng isang linggong pagsasanay silang lahat gayong hindi naman puwedeng ipantapat sa mga fusil ang mga busog at tunod? Mahabaging langit! Huwag naman sanang ipahintulot ni Bathala upang mangyayari ang kanyang kinakatakutan dahil seguradong nanaisin na lamang niya ang masawi sa sagupaan kaysa namamalas ang walang hanggang pagdurusa ng pamilya niya. Tiyak na ganito rin ang damdamin ng ibang mga amang dahil hindi lamang siya ang pamilyado sa tribung Malauegs kaya walang duda na nagdulot lamang ng problema ang pagdating ng mga soldados sa kanilang komunidad. Maya–maya, masayang nagsibalikan ang mga nagsilikas sa yungib nang malaman nila mula sa mga kalalakihang Malauegs na sumalubong sa kanilang pagdating na kanina pa lumisan ang mga soldados dahil pinakinggan ni Bathala ang dasal ng mga matatandang Malauegs. Kaagad sinalubong ni Alawihaw si Dayandang na sumabay sa mag–inang Asana at Dita upang ihatid sa kanilang kubol para makapagpahinga siya habang hindi pa niya natatanaw si Lakay Awallan na maaaring nagpahuli lamang. Hinatid na rin ni Lupog sina Asana at Dita sa kanilang kubol matapos niyang salubungin nang mahigpit na yakap ang mag–ina dahil talagang nabahala siya pagkat hindi naging maayos ang pag–uusap nilang mag–asawa. Sapagkat nabaling na rin sa paghahanda ang kanyang pansin dahil agad sumagi sa kanyang isip ang masamang layunin ng mga solddos sa kanilang komunidad nang biglang iniutos ni Lakay Awallan ang paglilikas sa mga pamilya nila. Tumuloy naman sa sagradong kubol upang mag–alay ng pasasalamat kay Bathala ang lupon ng mga matatandang Malauegs na huling dumating kahit sinimulan na nila ang pagdarasal habang naroroon pa sila sa yungib sa halip na magpahinga muna lalo na si Lakay Lanubo. Sadyang nagpaiwan pa si Lakay Awallan imbes na pumasok na rin sa sagradong kubol dahil nais niyang marinig ang magandang balita mula kay Alawihaw na palabas sa kanilang kubol upang salubungin siya na dumeretso sa gulod dahil tanaw mula roon ang kapatagan ng Sierra Madre.
“Alawihaw! Anong nangyari . . . anak!?! Ha?!” Puspos ng pananabik ang tanong ni Lakay Awallan lalo’t walang narinig na mga putok habang sila’y nagtatago sa yungib maski mali ang naging desisyon niya nang iutos ang paglilikas dahil wala naman palang balak sumalakay ang mga soldados. Naisaloob niya ang maikling pasasalamat dahil hindi nagdulot ng problema sa kanila ang pagdating ng mga soldados hanggang sa lumisan sila pagkat naging masidhi rin naman ang pagsusumamo nila kay Bathala. Kanina, sumabay sa kanyang pagdarasal ang lupon ng mga matatandang Malauegs at ang mga kababaihang Malauegs habang naroroon sila sa yungib dahil lalong nagagalak si Bathala kung marami ang nananambitan sa kanya maski bihira lamang mangyayari ang ganitong sitwasyon. Kaligtasan ni Alawihaw ang ipinagdarasal naman ni Dayandang dahil kailangan siya ng kanilang panganay ngunit hindi pa napag–uusapan ang magiging pangalan ng bata pagkat hindi pa nila narinig ang mungkahi ni Lakay Awallan. Naging masigasig din sa pagdarasal ang mga kababaihang Malauegs dahil tiyak na ikamamatay ng mga puso nila kung may mangyaring masama sa kanilang mga asawa pagkat sila lamang ang laging inaasahan upang ipagtatanggol ang kanilang komunidad. Marahil, nirarapat ni Bathala ang kanilang mga dasal pagkat hindi nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga kalalakihang Malauegs at ng mga soldados dahil seguradong hindi nila kayang batahin ang dulot na pinsala nito sa panig nila. Hindi nakapagtataka kung naramdaman din ni Bathala ang puyat at kapagalan dahil sa pakikinig sa dasal ng mga katutubong Malauegs pagkat talagang hindi rin puwedeng balewalain ang masidhing pananalig nila sa kanyang kapangyarihan. Palibhasa, namulat sila sa paniniwala na si Bathala ang magiging kaligtasan lamang nila sa tuwing nagkakaroon ng matinding pagsubok ang kanilang buhay ay mamamatay sila habang taglay ang pananalig nilang ito. Natuwa si Lakay Awallan nang malaman na lumisan na ang mga soldados pagkat pinahalagahan ng mga kalalakihang Malauegs ang kanyang mahigpit na bilin alang–alang sa kaligtasan nilang lahat lalo’t nagdulot ng matinding tigatig ang kanilang biglang pagdating. Walang duda na dininig ni Bathala ang kanilang mga panalangin pagkat kusang umalis ang mga soldados ngunit kailangan pa rin mag–alay ng isang linggong pagdarasal ang lupon ng mga matatandang Malauegs upang patuloy silang iaadya mula sa kapahamakan. “Nasaan na . . . ang mga soldados?!” Naniniyak pa rin ang tanong ni Lakay Awallan kahit wala na siyang natatanaw sa malawak na kapatagan ng Sierra Madre pagkat hindi naging madali para sa kanya upang maniwala na lumisan ang mga soldados na walang iniwang pinsala sa kanilang komunidad. Tumagal din ang pananatili ng mga soldados sa komunidad ng mga katutubong Malauegs habang umaasa na may lumantad sana mula sa kanila upang kausapin sila dahil ngayon lamang nila narating ang kabundukan ng Sierra Madre na hindi pa napasok ng kahit sinong banyaga. Talagang naging palaisipan ng mga kalalakihang Malauegs kung paano natunton ng mga soldados ang kanilang komunidad kahit walang kasamang binyagan upang igiya sila pagkat malayo na ito mula sa bayan ng Alcala lalo’t maraming ilog ang kailangan tawirin. Baka ipinapahiwatig lamang ng pangyayaring ito ang magiging kapalaran ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre matapos ang ginawang pananalakay ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa mga katutubong Malauegs ng Calantac dahil hindi basta magpipilit suungin ng mga soldados ang kabundukan ng Sierra Madre kung wala silang dahilan. Samakatuwid, dapat lamang pala asahan ang pagbabalik ng mga soldados sa komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil maliwanag ang paramdam ng posibilidad kaya nararapat din pag–ibayuhin pa nila ang pagsasanay upang hindi sila magugulantang. Matatandaan na ganito rin ang ginawa ng pamahalaang Kastila ng Alcala nang magpadala ito ng emisaryo upang alamin kung titulado ba ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ngunit ikinabahala lamang nila pagkat isinabay na rin ng agrimensor ang pagsagawa ng inspeccionando el lote. Naging kaibahan lamang sa sitwasyon dahil si Alferez ang nakaharap noon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac habang pangkat naman ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang dumating sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre ngunit seguradong pareho ang layunin maski magkaibang grupo. Kasamaang–palad lamang pagkat hindi sumagi kahit kailan sa mga katutubong Malauegs ng Calantac ang masamang balak ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil pinanghawakan nila ang pangako ng isang banyaga na matutulungan sila para pakiusapan si Alcalde ngunit hindi ito nangyari. Sapagkat nagising sila sa hating–gabi na sapilitang itinataboy ng mga soldados gamit ang kanilang mga fusil hanggang sa humantong sa madugong pagtutuos ang pangyayari nang tangkaing ipagtanggol ng mga kalalakihang Malauegs ng Calantac ang kanilang komunidad. Ganito rin kaya ang posibleng mangyari sa mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre sakaling magkatotoo ang kanilang pinangangambahan pagkat mistulang hindi na pumapanig sa kanila ang tadhana maski matindi ang ginagawang pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs?
“Umalis na po sila . . . amang ko!” Tumango lamang si Lakay Awallan nang marinig niya ang sagot ni Alawihaw dahil natuon sa itinuturo nito ang kanyang mga mata kung saan huling namalas ng mga kalalakihang Malauegs ang mga soldados habang naglalakad kaya wala na siyang natatanaw. Subalit malakas ang kutob niya na babalik ang mga soldados upang tiyakin ang kanilang sapantaha ngunit ayaw rin namang sisihin ang kanyang sarili dahil sa paniniwala na tama lamang nang iutos niya sa lahat ang paglisan. Dahil naging priyoridad niya ang kaligtasan nilang lahat kahit walang pagsang–ayon sa kanyang desisyon ang lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat tiyak na ibubunton din sa kanya ang sisi kung nagdulot ng kapahamakan ang pagdating ng mga soldados. Lalo’t hindi nila batid ang tunay na sadya ng mga soldados sa kanilang komunidad maliban sa mga pala–palagay na ibinatay lamang nila sa sinapit noon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac kaya naroon ang matinding takot na posibleng mauulit ito sa kanila. Lalong hindi puwedeng ipagmamalaki ang kanilang mga katutubong armas kahit gaano pa kagaling sa busog at tunod ang mga kalalakihang Malauegs kung naninindak naman ang putok ng mga fusil ng mga soldados habang bumubuga ng bala. Samakatuwid, makatuwiran ang naisip na paraan ni Lakay Awallan ngayong napagtanto niya na mas epektibo pala ang patagong istilo kaysa hayagang sasabayan ng mga kalalakihang Malauegs sa laban ang mga soldados upang hindi sila lantad sa kanilang paningin. Walang duda na ganito ang taktika na imumungkahi ni Lakay Awallan sa mga kalalakihang Malauegs para hindi mapag–aaralan ng mga soldados ang kanilang mga galaw pagkat inaasahan na niya ang pagbabalik nila upang salakayin ang kanilang komunidad. Alipalang naramdaman ni Lakay Awallan ang matinding pangamba nang muling dumako sa kapatagan ng Sierra Madre ang kanyang mga mata dahil mahirap ipagwalang–bahala ang sapantaha niya lalo’t may dahilan upang isipin na mangyayari rin sa kanila ang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac. Aywan kung bakit napatingin siya kay Alawihaw ngunit humawak na lamang siya sa bisig nito pagkat hindi rin lubos madalumat ng isip niya ang dahilan nang biglang nalipos ng kalungkutan ang kanyang puso.
“Apong Awallan! Wala na po tayong dapat ikabahala. . . umalis na po ang mga soldados! Opo!” Ngumiti lamang si Lakay Awallan pagkat hindi niya ganap masang–ayunan ang palagay ni Lupog dahil mas matimbang sa paniniwala niya ang nagbabantang panganib kung pagbatayan ang hindi inaasahang pagdating ng mga soldados. Natanim na sa kanyang isip ang huwag basta magtitiwala sa pamahalaang Kastila ng Alcala mula nang maglaho sa kapatagan ng Sierra Madre ang dating komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac dahil imposible upang magkaroon ng malasakit sa kanila ang mga banyaga kung hindi naman nila kadugo. Sa dasal na lamang siya may pananalig upang hindi hahayaan ni Bathala na mangyayari rin sa kanya ang naging kapalaran ni Lakay Lumbang pagkat tiyak na mawawalan ng direksiyon ang buhay ng mga katutubong Malauegs kung maglaho na rin siya. Walang duda na magkawatak–watak din ang mga katutubong Malauegs kung hindi na nila kapiling ang Punong Sugo pagkat wala nang gagabay sa kanilang mga desisyon hanggang sa tuluyan na rin maglalaho sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs matangi sa kahambal–hambal na kuwento ng kanilang buhay. Kung gaya rin ng ginawa ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ang magiging katuwiran ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre ay tiyak na mahahalintulad si Lakay Awallan sa naging kapalaran ni Lakay Lumbang pagkat magiging mitsa ng marahas na hakbang ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang tahasang pagsuway sa batas.
ITUTULOY
No responses yet