Pagkatapos, binalingan ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang mga katutubong Malauegs ngunit hindi niya mawari kung ano ang kanilang iniisip habang tutok ang tingin sa kanya na naghahanda naman para umalis dahil hindi rin niya maipapaliwanag ang ordinansa sa pamamagitan ng katutubong dilekto. Tutal, naiparating na niya ang ordinansa na nais ipatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay wala na rin dahilan upang magtagal pa sa kabundukan ng Sierra Madre ang kanyang tropa kahit lingid sa pang–unawa ng mga katutubong Malauegs ang magiging mga kaparusahan kapag nalabag nila ito. Hindi na niya pinagtakhan ang ganitong reaksiyon dahil normal na lamang kung walang naglakas–loob mula sa kanila upang hingin sana ang kanyang paglilinaw tungkol sa ordinansa pagkat hindi naman nila naiintindihan ang wikang Español. Gaano man ang kagustuhan niya na ipaliwanag ang ordinansa ay naging balakid naman sa kanya ang katutubong dialekto maski matagal na siya sa bayan ng Alcala dahil hindi naman puwedeng pag–aralan sa magdamagan lamang ang kanilang lengguwahe. Nagkibit–balikat na lamang siya kahit posible na sa kanya ibubunton ang paninisi kapag nagkaroon sila ng problema sa ordinansa dahil talagang wala siyang alam sa katutubong dialekto dahil ngayon lamang sumagi sa kanya ang kahalagahan nito. Yamang naisakatuparan na niya ang utos ni Alcalde ay priyoridad naman niya ngayon ang tungkol sa kanyang promosyon kahit posible na may ibang kahulugan ang simpleng tapik ni Alferez sa kanyang balikat. Maya–maya, iniutos niya sa mga soldados sa pamamagitan ng senyas ang paghahanda para sa kanilang paglisan upang hindi sila gabihin habang pabalik sila sa bayan ng Alcala dahil lubhang peligroso ang tumawid sa mga ilog. Lalo’t sinimulan nila sa hating–gabi ang pagbabagtas sa mga bulaos paakyat sa kabundukan ng Sierra Madre kaya ramdam nila ang matinding kapaguran na pinalulubha pa ng antok ngunit kailangan tiisin nila habang isinasagawa ang misyon. Naseseguro ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na lalong matutuwa sina Alcalde at Alferez kapag nabanggit niya sa despues del informe de operacion na bukod sa pagbabando sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay nakilala rin niya ang pinuno ng tribung Malauegs ngunit wala siyang balak isama sa ulat ang pangalan ni Lakay Awallan. Balak niya ang magkunwari na hindi niya alam imbes na babanggitin agad kung sino ang Punong Sugo ng tribung Malauegs nang mapuspos ng pananabik sina Alcalde at Alferez para alukin muna siya ng tagay dahil nagustuhan na rin niya ang lasa ng alak. Naturalmente! Priyoridad pa rin ang kanyang promosyon dahil tataglayin niya ito kahit wala na siya sa serbisyo samantalang saglit na alaala ang iniiwan lamang ng alak pagkat iglap din nawawala ang lasa nito sa kanyang lalamunan. Naging masakit lamang pagkat lalong tumindi ang kamangmangan ng mga katutubong Malauegs dahil hindi nila alam na pinapatawan na pala ng buwis ang kanilang mga panindang gulay habang sinisingil din sila ng amilyaramyento bilang kabayaran sa mga lupain na pagmamay–ari nila. Talagang mga katutubong binyagan ang pag–asa na lamang ng mga katutubo ng Sierra Madre upang maisalin sa katutubong dialekto ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala para maintindihan nila ito dahil matindi ang magiging epekto ng buwis at amilyaramyento sa kanilang pamumuhay dahil nangangailangan ng malaking halaga ang bayarin.
Tumingala muna si Lakay Awallan upang hingin ang patnubay ni Bathala pagkat nais niyang kausapin si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz sa pagbabakasakali na kahahabagan siya nito dahil naniniwala siya na pareho lamang ang kanilang sinasamba kahit magkaiba ang relihiyon. Hindi ibig sabihin naintindihan niya ang buwis at amilyaramyento kung natandaan man niya ang dalawang katagang ito kaya nais niyang hilingin kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang paliwanag kahit sa pamamagitan ng wikang Español ay sisikapin na lamang niyang unawain ito. Kung talagang ito ang nalalabing paraan nang magkaroon sila ng kahit kaunting ideya man lamang tungkol sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala para sa kanilang kapakanan kaysa mag–iwan ng malaking katanungan ang kanilang paglisan. Batid ni Lakay Awallan na sadyang mahirap makipag–usap sa mga banyaga kaya isa rin ito sa mga dahilan kung bakit maraming mamamayan ng Alcala ang nakakulong ngunit pangangahasan pa rin niya ang pakiusapan si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kahit walang katiyakan kung pagbigyan siya nito. Pagkatapos niyang huminga ay sumulyap muna siya kay Alawihaw na naghihintay naman sa kanyang utos ngunit ngumiti lamang siya dahil kailangan makausap na niya si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz habang naghahanda pa lamang para umalis. Subalit naantala ang kanyang pagsasalita nang dumako sa mga kalalakihang Malauegs ang kanyang mga mata pagkat hindi dapat umiral sa mga puso nila ang kapusukan dahil paalis na rin mamaya sa kanilang komunidad ang mga soldados. Tuloy, muling napatingin kay Alawihaw ang mga mata niya ngunit lalo lamang nabahala ang kalooban niya pagkat mahirap pabulaanan ang naglalatang na galit sa kanyang mukha kahit tahimik lamang siya sa tabi niya. Minabuti niya ang pumunta sa gitna habang umuusal siya ng maikling dalangin upang hindi umagaw sa kanyang pagtatanong kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang gumagambala sa kanyang damdamin ngunit ikinagulat lamang ito ni Alawihaw. Para hindi ipagkakait ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang kanyang tulong sa kanilang problema lalo na sa sitwasyon ngayon na pigta ng agam–agam ang kanilang mga kalooban dahil sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na talagang nagdulot sa kanila ng ligalig. At patunayan sa mga kalalakihang Malauegs na mahalaga pa rin ang pagiging mahinahon pagkat tiyak na malilipol silang lahat kapag nagpabuyo sila sa galit dahil walang tangan kahit anong armas ang kanilang mga kamay laban sa mga soldados. Hindi kakayanin ni Alawihaw ang lumaban nang nag–iisa sa mga soldados na armado ng mga fusil kaya mainam ang maghunus–dili na lamang sila dahil mistulang bilanggo sa sariling komunidad ang kalagayan nila ngayon.
“Sarhento! Nakakahiya man po . . . ! Pero . . . wala po kaming naintindihan . . . sa binabasa po ninyo! Pakiusap po . . . isalin po ninyo sa wikang naiintindihan po namin! Ang binabanggit po . . . sa ordinansa! Opo! Salamat po . . . !” Talagang sinabayan pa ni Lakay Awallan ng muwestra ang kanyang pakiusap sa pagbabakasakali na mauunawaan siya ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngunit madali na rin isipin ang naging dahilan kung bakit natitigan lamang siya nito nang buong pagtataka. Maaaring tinatanong ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang sarili kung bakit iginigiit pa rin ni Lakay Awallan na ipaliwanag niya ang ordinansa tungkol sa buwis at amilyaramyento gayong hindi naman nito nauunawaan ang wikang Español kaya pagsasayang lamang ng panahon kung pagbigyan naman niya. Katunayan, hindi rin siya magdadalawang–isip ipaliwanag sa kanila ang isinasaad sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kung alam lamang niya ang katutubong dialekto pagkat mahalagang malaman nila ang mga magiging kaparusahan kapag nalabag nila ito upang hindi sila makukulong. Gayunpaman, dapat matakot ang mga katutubong Malauegs kung sa pagkaiintindi ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ay tinatanggap pala nila ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala lalo na ang binabanggit na mga kaparusahan kahit taliwas ito sa mga paliwanag ni Lakay Awallan dahil napangiti pa siya habang tumatango. Kahit salungat sa senyas ni Lakay Awallan ang kanyang naging palagay ay maaaring naisaloob niya na hindi na pala kailangan ang paliwanag pagkat pumapayag na ang mga katutubong Malauegs upang tumalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala maski hindi nila naiintindihan ang wikang Español. Baka naipagpalagay din niya na handa sila upang bayaran ang malaking pagkakautang nila sa amilyaramyento lalo’t mahirap arukin kung ano ang totoong iniisip niya dahil ang malinaw pa lamang ay wala pa rin siyang naintindihan sa katutubong dialekto. Hindi lahat ng umis ay nangangahulugan ng pagkakaibigan kahit ito ang taimtim na hangarin ng mga puso dahil sa mapaglilong ngiti na dapat ingatan lalo’t nagiging balakid sa kanilang pagkakaunawaan ang lengguwahe na kayhirap intindihin. Sana, hindi ganito ang naging katuwiran ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil lihis ito sa totoong layunin ni Lakay Awallan na humihiling lamang ng simpleng paliwanag sa kahulugan ng buwis at amilyaramyento upang ganap nilang maiintindihan ang ordinansa na nais ipatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Dahil hindi pinahalagahan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kapakanan ng mga katutubong Malauegs ay naging suliranin lamang ang kawalan ng interprete upang siya sana ang nagpapaliwanag sa ordinansa para walang balaksila ang pagpapatupad nito. Bagaman, ganito rin ang problema noon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ngunit nakatulong naman ang mga katutubong binyagan kahit humantong sa kabiguan ang kanilang pagsisikap pagkat may plano na pala ang pamahalaang Kastila ng Alcala nang lingid sa kanila na dumulog pa sa kura paroko ng Alcala para magpatulong. Pero ipagpalagay nang marunong ng katutubong dialekto si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ay imposibleng pagbibigyan pa rin niya ang kahilingan ni Lakay Awallan dahil wala siya sa katayuan upang gumawa ng sariling desisyon pagkat nautusan lamang sila para ibando sa mga katutubon ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Naturalmente! Matimbang pa rin para sa kanya ang interes ni Alcalde kaysa kapakanan ng mga katutubong Malauegs na ngayon lamang niya nakilala pagkat hindi maibibigay ni Lakay Awallan ang inaasam niyang promosyon kung pagbigyan niya ang kahilingin nito. “Kasi po . . . Sarhento! Magiging mahirap po naman . . . sa panig namin! Ang basta na lamang po kami . . . susunod sa ordinansa! Kung hindi po namin alam . . . ang isinasaad n’yan! Ano po ba . . . ang buwis?! Ang . . . amilyaramyento?!” Nagimbal ang mga katutubong Malauegs nang tangkain ni Lakay Awallan ang magpatirapa sa paanan ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz upang pagbigyan lamang ang kanyang pakiusap pagkat lalong hahamakin ng mga banyaga ang kanyang pagkatao kung ipilit niya ito. Subalit handa na ang sarili ni Lakay Awallan kung talagang kinailangan ang lumuhod siya nang maghapon pagkat ito lamang ang paraan na alam niya upang magkaroon ng habag sa kanila si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz bago nila lisanin ang kanilang komunidad. Nararapat lamang na makumbinsi niya si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat nagparamdam na sa kanyang puso ang katiyakan na mauulit sa kanila ang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac kung hindi nila masunod ang ordinansa ng pamahalaang Katila ng Alcala dahil hindi nila ito naintindihan. Nanlaki ang mga mata ng mga kalalakihang Malauegs nang matanaw nila si Lakay Awallan na tila desidido na sa kanyang gagawin kaya tinangka nila ang dumasig upang pigilin siya ngunit pumigil sa kanila ang mga soldados na hindi pa umalis. Ikinagulat din ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang naging desisyon ni Lakay Awallan dahil hindi siya dapat lumuhod para pagbigyan lamang ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang kanyang kahilingan dahil naririto sila sa sariling teritoryo kahit mistulang preso ang kanilang kalagayan ngayon. Mabuti na lamang naging maagap sa pagpigil kay Lakay Awallan si Alawihaw pagkat kahihiyan sa tribung Malauegs ang magpatirapa siya sa mga banyaga kaya napabuntung–hininga ang mga katutubong Malauegs sabay ang pasasalamat dahil hindi tuluyang gumuho ang bantayog ng kanilang lahi. Idinaan sa mariing pag–iling ang pagtutol ni Alawihaw nang tumingin sa kanya si Lakay Awallan ngunit tahimik lamang siya imbes na magpasunod ng anumang salita habang sinasakbay ang kanyang amang upang alalayan sa pagtayo. Gayunpaman, itinuloy pa rin ni Lakay Awallan ang pagsusumamo habang hindi pa sumasang–ayon si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngunit nanatili na sa kanyang tabi si Alawihaw upang tiyakin na hindi niya muling gagawin ang lumuhod dahil hindi si Bathala ang kanyang kausap. Talaga yatang walang balak pagbigyan ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang kahilingan ni Lakay Awallan pagkat sumulyap lamang siya ngunit ayaw naman niyang isuko ang natitirang pag–asa pagkat hindi dapat humantong sa kabiguan ang kanyang pagsisikap. Tuluy–tuloy pa rin ang pakiusap ni Lakay Awallan dahil imposible na wala man lamang naiintindihan si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kahit munting mensahe mula sa kanyang mga labi, sa kumpas ng kanyang mga kamay at sa ekspresyon ng kanyang mukha pagkat may pinag–aralan siya. “Nais lang po namin malaman . . . ang kahulugan po ng buwis! Para . . . saan po ba ito?! Ano po ba . . . ang kahalagahan nito sa amin?! Maging . . . ang amilyaramyento po?! Satotoo lang po . . . Sarhento! Ngayon lang po namin narinig . . . ang mga salitang ito! Kaya . . . nakikiusap po ako! Ipaliwanag po ninyo sa amin . . . ang tungkol dito! Maski ang tungkol lamang . . . sa buwis! At . . . amilyaramyento! Para po magiging madali na sa amin . . . ang sumunod sa ordinansa!” Aywan kung bakit naging mapilit pa rin si Lakay Awallan gayong hindi naman lingid sa kanya na imposible ang pagbibigyan ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang kanyang kahilingan dahil naging balakid sa kanilang dalawa ang problema ng lengguwahe. Baka mararagdagan lamang ang problema ng mga katutubong Malauegs sa halip na magkaroon ng kalutasan pagkat talagang walang paraan kahit naisin pa ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang pagbibigyan si Lakay Awallan kung hindi naman nito alam ang wikang Español ay lalong wala siyang muwang sa katutubong dialekto. Bagaman, nararapat lamang na magiging malinaw sa mga katutubong Malauegs ang ordinansa na nais ipatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit mali naman ang pilitin si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz upang ipaliwanag ito sa kanila dahil hindi na rin kailangan kung talagang alam lamang niya ang katutubong dialekto. Bahala na kung ano ang magiging saloobin ng mga katutubong Malauegs kapag binalewala ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang pakiusap ni Lakay Awallan pagkat hindi na rin ito mahalaga para sa mga soldados dahil mas priyoridad nila ang makabalik na sa bayan ng Alcala upang magpahinga. Sapagkat naging pahirap lamang sa panig nila ang tumalima sa utos ng pamahalaang Kastila ng Alcala kahit hindi nila naiintindihan ang dahilan kung bakit una pang ibinando sa mga katutubong Malauegs ang ordinansa imbes na sa bayan ng Alcala pagkat naroroon ang mga negosyante. Ramdam ng mga kalalakihang Malauegs ang matinding pagkahabag pagkat hindi man lamang pinaunlakan ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang pakiusap ng kanilang Punong Sugo samantalang may katuwiran naman siya kaya lalong nag–aapoy sa galit ang kanilang mga damdamin. Samantalang iginagalang nila ang bawat salita ni Lakay Awallan dahil siya ang sugo ni Bathala na may tangan ng tanglaw sa landas ng kanilang buhay na hindi magdidilim kailanman kahit maraming beses nang sinubok ng sigwa. Tandisang paglapastangan sa kanilang Punong Sugo ang ipinakitang asal ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngunit kailangan sikilin ang nagngangalit na damdamin dahil maraming buhay ang madadamay kapag pumutok ang mga fusil kung hindi sila maghunus–dili. Napabuntung–hininga na lamang sila upang pahulagpusin ang galit na kanina pa namumugad sa kanilang mga damdamin kasunod ang pagpasalamat dahil wala silang sakbat na talanga pagkat tinutukan na sana nila ng tunod ang mga soldados. Pero lalong tumingkad ang kanilang paggalang kay Lakay Awallan pagkat naiparating pa rin niya ang kanilang problema kahit hindi siya naintindihan ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil seguradong nakatulong ang pag–amin niya ng kanilang debilidad sa wikang Español. Sumidhi rin ang kanilang paghanga nang masaksihan nila kung paano niya ginawa ang lahat para sa kanilang kapakanan ngunit hindi pabor sa kanila ang sitwasyon kahit naririto sila sa sariling teritoryo upang purihin sana siya.
“¡Claro . . . Lakay Awallan! ¡Sera mejor que terminemos con esta conversacion! ¡Despues de todo vamos! ¡Queda una semana mas a partir de ahora! ¡Para que obedezcas la ordenanza! ¡Bien! ¡Nos despedimos! ¡Adios!!” Labis ang siphayong naramdaman ni Lakay Awallan dahil hindi lamang siya ang binigo ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kundi ang buong tribung Malauegs ngunit ito ang katotohanan na madaling tanggapin pagkat nasa kanila rin naman ang kakulangan. Tuloy, naisaloob niya na naging matimbang pa rin kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang pamahalaang Kastila ng Alcala kaysa kanilang mga katutubong Malauegs kahit siya lamang ang nakababatid ng dahilan kung bakit sumagi sa isip niya ang katuwirang ito na maaaring ibinase lamang niya sa pangyayari. Katunayan, taliwas ang kanyang naging palagay pagkat naisin man ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang tulungan sila ay naging problema naman niya ang katutubong dialekto ngunit naging lingid ito sa kanya na hindi talos ang totoong iniisip niya dahil pinairal ang sariling awa. Hanggang sa natanong niya ang sarili kung posible bang nabago ang sitwasyon kung hinarap na lamang nila noong unang pumunta sa kanilang komunidad ang mga soldados sa halip na nagtago silang lahat sa yungib. Disin, nalaman agad ng mga soldados na kakailanganin pala nila ang interprete upang siya ang magpaliwanag para mauunawaan ng mga katutubong Malauegs ang nilalaman ng ordinansa dahil hindi nila alam ang wikang Español lalo’t tungkol ito sa buwis at amilyaramyento. Sapagkat problema lamang pala ang dala ng mga soldados kahit ngayon lamang nila nakadaupang–palad nang dumating sila sa kanilang komunidad dahil hindi naman nila naunawaan ang ordinansa na nais ipatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Ngayon, walang duda na pag–aaralan na ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang katutubong dialekto upang hindi niya mararanasan uli ang problema sa pakipag–usap sa mga katutubong Malauegs dahil tiyak na babalik pa sa kabundukan ng Sierra Madre ang kanyang tropa pagkat hindi nagtatapos sa araw na ito ang kanilang misyon. Samakatuwid, problema sa pakipagtalastasan ang dahilan ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kung bakit hindi niya pinagbigyan ang kahilingan ni Lakay Awallan kaya sana sa muling pagkikita nila ay marunong na siya ng katutubong dialekto upang wala nang balakid ang kanilang pag–uusap. Hayaan nang hindi matutunan ni Lakay Awallan ang wikang Español basta mananatili sa kabundukan ng Sierra Madre ang mga bakas ng kanyang mga paa na hindi pa nakarating sa bayan ng Alcala kahit minsan dahil imposible na maliligaw pa roon ang kanyang kaluluwa kung pumanaw na siya. Samantala, hindi mapiho ng mga katutubong Malauegs kung paano nila lulutasin ang problemang hatid ng ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kung hindi naman nila naiintindihan ang wikang Español maliban sa magtinginan sila kahit wala sa kanilang mga mata ang mga kasagutan nito. Kaya nararapat lamang tuparin ni Lakay Awallan ang kanyang balak upang hingin ang tulong ng mga katutubong binyagan sa bayan ng Alcala para mahanapan nila ng solusyon ang problema upang malinawan ang kanilang mga isipan ngunit kailangan magmadali sila.
Kasunod ng senyas ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ay isa–isang tinungo ng mga soldados ang bukana ng komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil hindi na kailangan ang dumaan uli sila sa matarik na talampas pabalik sa bayan ng Alcala pagkat wala na silang dapat pang ipangamba. Huling lumabas sa bukana si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na masaya dahil matagumpay nilang nagampanan ang pangalawang misyon habang sinusundan siya ng tingin ng mga katutubong Malauegs na sakbibi ng lumbay ang mga damdamin kahit paalis na ang mga soldados. Bukod sa naibando ang ordinansa tungkol sa buwis at amilyaramyento ay nakilala pa ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz si Lakay Awallan na malaking bagay para sa susunod na misyon nila sa kabundukan ng Sierra Madre ngunit pag–aaralan muna niya ang katutubong dilekto upang madali na lamang ang makipag–usap sa kanila. Pero mainam pa rin ang magsama siya ng interprete upang may mapagtanungan siya sakaling hindi maiiwasan ang gumamit siya ng wikang Español para ipaliwanag na lamang niya ito dahil ang pag–aaral sa katutubong dialekto ay nangangailangan ng mahabang panahon. Talagang hindi magawa ng mga katutubong Malauegs ang magalak pagkat tiyak na hindi rin nila mararamdaman ang kahimbingan mamayang gabi hanggang hindi nila nalalaman ang kahulugan ng buwis at amilyaramyento – ang problema na iniwan sa kanila ng mga soldados. Lalo silang natigagal nang lumantad ang dalawang pulutong ng mga soldados habang hinihintay ang tropa ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kaya nagtatanong ang kanilang mga sarili kung bakit hindi ito napansin ng mga bakay sa bukana ng kanilang komunidad. Mabuti na lamang naiwan ng mga kalalakihang Malauegs ang kani–kanilang busog at mga tunod dahil may posibilidad na nagpatangay sila ng kapusukan gayong napapaligiran na pala ng maraming soldados ang kanilang komunidad nang lingid sa kanila. Kinilabutan sila habang iniisip na magagawa palang kubkubin ng mga soldados ang kanilang komunidad kahit hindi na sila magpaputok ng mga fusil dahil mahirap pasinungalingan na naging inutil ang mga bakay. Napausal ng pasasalamat si Lakay Awallan dahil pagbabando sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang sadya lamang ng mga soldados sa kanilang komunidad ngunit hindi dapat ipagwalang–bahala ang pangyayari pagkat posibleng iba na ang dahilan nila kapag naulit pa ito. Kahit malayo na ang mga soldados ay kumakaway pa rin ang mga kabataang Malauegs na sumabay pa sa kanila sa paglabas hanggang sa bukana dahil sa mga fusil na naging kaaliw–aliw sa kanilang paningin ngunit lingid sa kanila ay nakamamatay. Palibhasa, ngayon lamang namalas ng mga kabataang Malauegs ang mga fusil ay hindi nakapagtataka kung matindi ang naging paghanga nila rito ngunit hindi rin dapat ikagugulat ng kanilang mga magulang kung naisin nila ang maging soldados balang araw. Magiging sagwil man sa pangarap na ito ang kanilang kamangmangan ay huwag hamakin dahil walang imposible sa mapagbirong tadhana basta huwag lamang mauunang dumatal sa kanilang komunidadang kamalasan.
ITUTULOY
No responses yet