Kahit ang mag–asawang Alawihaw at Dayandang ay bumababa rin sa bayan ng Alcala kung araw ng palengke dahil nagdaratingan ang mga biyahero mula sa mga karatig–bayan para maglako kaya marami silang nabibili sa murang halaga. Palibhasa, limitado lamang sa baraka ang kanilang nararating ay bumabalik agad sila sa komunidad sa halip na magtagal sa bayan ng Alcala kahit naiiwan pa ang mga naglalako ng mga gulay pagkat iniiwasan naman nila ang masita ng mga guwardiya sibil. Labis naman ang pasasalamat ni Lakay Awallan kay Bathala sa tuwing bumabalik sa komunidad ang mga naglalako ng gulay sa bayan ng Alcala na walang dala na masamang balita kahit hindi na lingid sa kanila ang pagiging mahigpit ng mga guwardiya sibil sa mga katutubo ng Sierra Madre. Nangangahulugan lamang na ang ginagawang pagdarasal ng dalawang beses sa isang araw nang walang kapaguran ng lupon ng mga matatandang Malauegs ay kinalulugdan ni Bathala dahil pinapatunayan nito ang kanilang matatag na pananalig sa kanya.
Kahit naging mahigpit ang trato ng mga guwardiya sibil sa mga katutubo ng Sierra Madre partikular na ang mga katutubong Malauegs ay hindi naman nila magawang labanan ang nang–uupat na kaway upang pangahasan pa rin nila ang bumaba nang palihim sa bayan ng Alcala para hindi malalaman ni Lakay Awallan. Pero hindi rin sila nagtatagal sa bayan ng Alcala pagkat naging lukayo sila sa paningin ng mga guwardiya sibil sanhi ng kanilang kasuutan ngunit hindi naman nila magawa ang magalit dahil sa takot na hulihin sila upang parusahan habang nasa loob ng karsel. Naging dahilan din ito upang ibenta ng mga kababaihang Malauegs sa murang halaga ang kanilang mga panindang gulay para huwag lamang sila magtagal sa bayan ng Alcala dahil walang magtatanggol sa kanila sakaling sila naman ang alipustain ng mga guwardiya sibil. Kahit kapos pa sa kanilang mga pangangailangan ang napagbentahan kaysa babalik sila sa komunidad na sunong pa rin ang mga gulay gayong marami pa naman nito sa kanilang taniman para panghihinayangan nila. Dahil kailangan makabalik agad sila sa komunidad para iwasan ang mga guwardiya sibil na laging nagroronda sa pamilihang bayan ng Alcala sa araw ng palengke kahit walang mga kalaban ngunit nagdudulot naman ng tigatig ang kanilang maghapong pananatili roon. Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin sila sa tuwing dumarating sa kanilang komunidad dahil hindi sila nagkaroon ng masamang karanasan sa mga guwardiya sibil na posibleng magiging sanhi upang ihinto na nila ang paglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala. Hindi naman nagkulang sa pagpapaalaala si Lakay Awallan pagkat ayaw rin naman niya ang magkaroon ng problema ang mga kababaihang Malauegs dahil sila lamang ang inaasahan ng kanilang tribu upang maglako ng mga gulay sa bayan ng Alcala kahit delikado ang sitwasyon. Lalo’t mabibilang lamang ang mga kalalakihang Malauegs sa kanilang komunidad na mas bihasa pa sa pangangaso kaysa sa pakipagdigma dahil hindi na naging problema nila ang agawan ng teritoryo sapul nang magtalaga ng Punong Sugo ang iba’t ibang tribu. Kaagad pinag–uusapan ng mga Punong Sugo ang bawat suliranin na sumusulpot upang hindi ito lumubha pagkat naging aral na para sa kanila ang nakaraan gayong pare–pareho lamang silang namumuhay sa kabundukan ng Sierra Madre upang sila–sila rin ang maglaban–laban. Lalo na nang itinatag ang pamahalaang Kastila ng Alcala ay napagtanto ng mga Punong Sugo na kailangan magkaisa ang lahat nang mga katutubo ng Sierra Madre kaysa hayaang apihin sila ng mga banyaga kahit dehado ang kanilang mga kagamitang pandigma laban sa mga fusil.
Katapat lamang ng simbahan ni Santa Filomena ang munisipyo ng pamahalaang Kastila ng Alcala na pawang mga banyaga ang mga opisyal at mga empleyado kaya hindi dapat pagtakhan kung sila lamang ang nakikinabang sa kaban ng bayan mula sa nalilikom na buwis. Naturalmente! Si Alcalde Procurador Naviero dela Alteza na ilang buwan pa lamang ng Pilipinas mula nang dumating siya galing ng bansang España ang itinalaga bilang kauna–unahang punong–bayan ng Alcala ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ng lalawigan ng Cagayan noong itinatag ang pamahalaang Kastila ng Alcala katuwang ang isang Alferez upang magkaroon siya ng ganap na kapangyarihan. Habang ang tinutukoy na Alferez ay si Teniente Teomatico Gaviola de Pared bilang Comandante del Ejercito de Tierra sa bayan ng Alcala kaya nasa kanyang pamamahala ang puwersa ng mga soldados at mga guwardiya sibil upang magiging madali na lamang para sa kanya ang magpatupad sa mga kautusan. Ngunit magkaiba ang tungkulin ng dalawang puwersa dahil nakatuon sa paglulunsad ng operasyon sa kabundukan ng Sierra Madre ang mga soldados habang pagmamantini ng seguridad sa bayan ng Alcala sa pamamagitan ng pagroronda ang obligasyon naman ng mga guwardiya sibil. Matatagpuan sa munisipyo ng Alcala ang kuwartel ng mga soldados at mga guwardiya sibil dahil kailan lamang sinimulan ang Campaña Anti–Dissidence sa munisipalidad ng Alcala upang paghandaan ang nakatakdang pagtatayo ng mga destacamento de tropas sa kapatagan ng Sierra Madre para isulong ang pagbabago sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa pananampalataya. Madaling intindihin kung bakit magkatapat ang simbahan at ang munisipyo ng Alcala dahil ginagawa na noon pa man ng mga prayle ang panghimasukan ang bawat desisyon ng gobyerno kaya kailangan laging nagtutugma ang kanilang mga desisyon. Katunayan, mas iginagalang pa noon ng mga katutubong binyagan ang kanilang kura paroko kaysa sinumang opisyal mula sa pamahalaang Kastila ng bawat bayan pagkat kulang na lamang ang kontrolin din niya ang estado bukod pa ang relihiyon na sadyang inilaan na para sa kanya. Maliban sa bayan ng Alcala pagkat kinakatakutan ng mga katutubong binyagan si Alcalde Procurador Naviero dela Alteza dahil naitalaga lamang si Padre Lucrecio Anton Nacarado de Mallorga bilang kura paroko ng Alcala nang maitayo ang simbahan ni Santa Filomena makaraan ang limang taon matapos maitatag ang pamahalaang Kastila ng Alcala. Bagaman, masakit aminin ngunit ang totoong dahilan kung bakit yumuyukod pa rin si Alcalde sa kura paroko ng Alcala pagkat nakahihigit ang taglay na kapangyarihan nito bilang alagad ng Diyos kaysa kanya na karaniwang opisyal lamang ng gobyerno. Dahil sa simpleng katuwiran na may hangganan ang panunungkulan ng mga opisyal ng gobyerno samantalang kamatayan lamang ang posibleng dahilan upang matigil na ang paglilingkod ng mga prayle sa simbahan. Kaya dumami ang mga lupain ng mga prayle pagkat ito ang naging priyoridad nila gamit ang katuwiran na pagtatayuan ito ng mga simbahan at mga paaralan dahil matindi rin naman ang kanilang impluwensiya sa gobyerno. Karamihan sa mga inagawan ng mga lupain ay hindi mga binyagan ngunit sa kabayanan naninirahan kaya lalong hindi nila tinanggap ang pananampalataya pagkat taliwas naman dito ang ginagawa sa kanila ng mga prayle. Erehe ang tawag ng mga prayle sa mga katutubo na tumangging magpabinyag dahil naniniwala sila na iisa lamang ang kanilang kinikilalang Bathala at ang dinadakilang Diyos ng mga banyaga kahit magkaiba ang pangalan at pamamaraan ng pagsamba. Aywan kung pag–interesan din ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang komunidad ng bawat tribu pagkat masyado nang malayo mula sa kabihasnan ang kabundukan ng Sierra Madre upang makarating pa roon ang kamandag ng mga gahamang opisyal dahil mahirap talusin ang hinaharap.
*Noon, sinasakop ng malawak na teritoryo ng lambak ng Cagayan ang distritos militares ng silangang bahagi ng Cordillera na kinabibilangan ng Apayao, Kalinga, Ifugao at Benguet bukod pa ang Isabela, Nueva Vizcaya, Itaves. Quiangan, Cayapa, Bintungan at ang buong kabundukan ng Sierra Madre. *Nang maitalaga bilang ikaapat na Gobernador–General ng Pilipinas si Gobernador–General Gonzalo Ronquillo de Peñaloza ay agad iniutos niya PeÑÑPeolozaalosa ang isang misyon na layuning palaganapin ang kristiyanismo bilang paghahanda sa itatatag na gobierno revolucionario upang pangasiwaan nito ang teritoryo ng Cagayan kapag naging ganap nang lalawigan ito. *Sapagkat nakatakda upang maging ganap na lalawign ang teritoryo ng Cagayan noong taon1581 kaya dumating si Capitan Ivan Sabala kasama ang isandaang soldados bilang pagtalima sa utos ng ikaapat na Gobernador–General ng Pilipinas ngunit hindi ito natuloy nang sumalubong sa kanilang puwersa ang problema. *Pansamantalang natigil ang pagpapalaganap ng kristiyanismo sa teritoryo ng Cagayan nang maganap ang digmaan noong 1582 sa pagitan ng mga soldados na pinangunahan ni Capitan Juan Pablo de Carrion – ang oficial ejecutivo ni Capitan Ivan Sabala laban sa Wokou – isang grupo ng mga piratang Hapones na pinamunuan naman ni Tay Fuss. *Pagkatapos ang digmaan sa pagitan ng mga soldados at sa mga piratang Hapon ay saka pa lamang naging ganap na lalawigan ang dating teritoryo ng Cagayan noong ika 29 ng Hunyo taon 1583 sa bisa ng Decreto Real de Español kasunod ang pagkakaroon ng gobierno revolucionario na unang itinatag sa bayan ng Tuguegarao – ang naging kabisera ng probinsiya. Hanggang sa itinatag na rin sa bawat pueblo ang gobierno revolucionario dahil sa mungkahi ng mga prayle upang magkaroon sila ng seguridad dahil sa paniniwala na magiging banta sa kanilang buhay ang ipinamalas na pagtutol ng mga katutubo ng Sierra Madre. *Taliwas naman ang nangyari sa pueblo Fulay dahil napasailalim muna ito sa hurisdiksiyon ng bayan ng Lal–lo nang likhain ang diosesis ng Nueva Segovia noong Agosto 1595 na si Obispo Miguel Benavides ang unang nangasiwa ngunit hindi rin nagtagal pagkat nailipat siya ng Maynila upang itatag ang Unibersidad ng Santo Tomas. *Naging ganap na bayan ang pueblo Fulay noong ika 20 ng Julio taon 1789 lamang ngunit pinalitan din ang pangalang ito makalipas ang limampu’t apat na taon dahil sa rekomendasyon ng mga opisyal ng gobierno revolucionario para sa kasiyahan ng bagong Gobernador–General ng Pilipinas noong 1843. *Hinango mula sa apelyido ni Capitan–General Don Francisco Paulo de Alcala dela Torre na naglingkod bilang Gobernador–General ng Pilipinas noong 1843 kaya naging bayan ng Alcala ang dating pueblo Fulay ngunit nakabuti naman para sa mga katutubong binyagan pagkat hindi na kailangan ang maglakad pa sila nang malayo upang dumalo lamang ng misa sa bayan ng Lal–lo. *Sapagkat nagtayo na rin ng sariling simbahan ang mga prayle para sa kapakanan ng mga katutubong binyagan sa bayan ng Alcala dahil noong 1839 ay inilipat sa bayan ng Tuguegarao mula sa bayan ng Lal–lo na madalas binabaha ang diosesis ng Nueva Segovia sa panahon ni Obispo Diego Aduarte – ang pang–anim na obispo. Sa panahong iyon na makapangyarihan na ang Alcalde sa bayan ng Alcala ay hindi na siya kayang manduhan ng itinalagang kura paroko ng simbahan ni Santa Filomena na si Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga kahit gaano pa katalas ang dila nito sa tuwing nagbibigay ng sermon sa ibabaw ng pulpito. Gayunpaman, maayos naman ang relasyon nina Alcalde at ng kura paroko ng Alcala dahil sadyang likas na sa mga Kastila ang pagiging relihiyoso kaya hindi maiiwasan ng una ang dumalo sa misa lalo’t pareho ang kanilang layunin nang maitalaga sila sa bayan ng Alcala. Bagaman, tuwing araw ng Linggo lamang nagsisimba si Alcalde ngunit nagbibigay naman ito ng pagkakataon para sa kanya upang makahuntahan ang kura paroko ng Alcala pagkatapos ang misa na tumatagal lamang ng mahigit kalahating oras dahil sinosolo na niya ang pagdarasal. Malay ba ng mga parokyano ni Santa Filomena kung talagang binabasa ni Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga ang Banal na Aklat dahil likod niya ang nakikita nila sa tuwing nagmimisa siya maliban sa pagbibigay ng sermon, sa komunyon at huling basbas pagkat obligado siya para humarap sa kanila. Pagkatapos ang nakakaantok na misa ng kura paroko ng Alcala kahit hindi pa tumatagal ng kalahating oras kasama na ang kanyang sermon ay ‘yon naman ang pagkakataon upang makigpagpalitan siya ng kuru–kuro kay Alcalde hanggang tanghali. Kahit hindi naiiwasan ang paminsan–minsang pasaringan niya si Alcalde dahil talaga yatang ugali na niya ang pagiging tsismoso para magkaroon lamang ng tema ang kanyang sermon na milya–milya ang layo mula sa binasa niyang bersikulo at kapitulo ng Banal na Aklat. Naturalmente! Hindi nalalayo sa lupa ang paksa ng kanilang usapan ngunit sa magkakaibang rason dahil may kani–kanya namang ginagampanang tungkulin nang madestino sila sa bayan ng Alcala kaya normal lamang kung magkasalungat ang kanilang pakay. Kung lupa para pagtatayuan ng kapilya ang layunin ng prayle ay hangad naman ni Alcalde ang mangamkam ng mga lupain na kayang–kayang isakatuparan sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan upang ibenta sa mga kalahi niya. At sa pagsasaliksik ng mga opisyal ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay natuklasan na wala palang titulo ang mga lupain sa bayan ng Alcala maging ang malawak na kabundukan ng Sierra Madre na pinamamahayan ng iba‘t ibang tribu ng mga katutubo dahil hindi ito naging mahalaga para sa kanila. Hindi nakapangalan sa kahit kanino ang anumang kapirasong lupaing nasasakupan ng munisipalidad ng Alcala maging ang mga binahayan sa tabi ng kalsada ay hindi rin pala titulado gayong daang taon na ang binibilang ng mga naninirahan doon. Nagsimula ang problema ng mga katutubo ng Sierra Madre noong magtatapos na ang taon 1843 pagkat nagpatupad ng kautusan ang pamahalaang Kastila ng Alcala upang patituluhan ang kani–kanilang mga lupain kahit walang pagtatalakay kung paano nila ito isasagawa para magabayan sana sila.
“¡Teniente! ¡Vaya a Calantac! ¡Ahora mismo! ¡Descubre si los nativos tienen titulo alli!” Seguro, isang oras sa normal na lakad ang layo ng komunidad ng Calantac mula sa bayan ng Alcala kaya naging madali lamang para sa mga prayle ang dumalaw sa mga katutubo na naninirahan doon upang hikayatin silang magpabinyag sa tulong ng mga guwardiya sibil para sa proteksiyon nila. Sila ang mga katutubong Malauegs sa komunidad ng Calantac na pinamunuan ni Lakay Lumbang ngunit marami na sa kanila ang mga naging binyagan dapwa ninais nila ang manatili pa rin doon dahil hindi naman kalayuan ang isang oras na paglalakad papunta sa simbahan ng Alcala upang dumalo sa misa. Dahilan sa kawalan ng transportasyon noong unang panahon ay paglalakad ang naging paraan ng mga katutubong Malauegs sa komunidad ng Calantac lalo na ang mga binyagan upang marating ang bayan ng Alcala ngunit hindi nagiging kapaguran para sa kanila pagkat sanay na sila. Kailangan lamang gumising ng madaling–araw ang mga katutubong binyagan upang simulan na nila ang paglalakad para mahabol ang unang misa na nagsisimula sa alas–seis ng umaga habang ang kanilang mga katribung erehe sa komunidad ng Calantac ay naghihilik pa. Si Alcalde ang araw–araw sumasakay ng karwahe sa tuwing pumapasok siya sa munisipyo ng Alcala pagkat sa residencia ejecutiva siya naninirahan kasama ang kanyang hermosa esposa na si Señora Mayora ngunit bihira lamang sila nag–uusap dahil inaabot siya ng hating–gabi sa opisina. Kabayo ang gamit naman ni Alferez sa tuwing pumupunta siya sa bayan ng Tuguegaro para dumalo sa miting ng mga Comandante del Ejercito de Tierra sa probinsiya ng Cagayan na dalawang beses ginaganap sa isang taon bukod pa ang mga lakad na may kaugnayan sa kanyang tungkulin. Noong mga panahon na wala pang legal na katibayan ang pagmamay–ari ng mga katutubong Malauegs sa komunidad ng Calantac sa lupain na tinitirhan nila kahit pamana pa ito ng kanilang mga ninuno ay nahikayat si Alcalde upang suriin ang katotohanan tungkol dito. Hindi tiyak kung para sa kabutihan ng mga katutubong Malauegs sa komunidad ng Calantac ang layunin ni Alcalde upang tulungan sila na magkaroon ng titulo ang kanilang mga lupain dahil hindi ito naging kalakaran ng kanilang mga ninuno noong nabubuhay pa sila. Sapagkat wala naman sa kanila ang nag–aakala na sa darating na mga panahon ay mapasailalim pala sila sa mga banyaga na may sariling mga batas ngunit salungat naman sa kanilang mga nagisnang kaugalian at kalinangan. Tanging kay Bathala lamang sila nananalig pgkat siya ang may takda ng kanilang buhay pangalawa ang Punong Sugo dahil sa mga alituntunin na nilikha nito kahit hindi nakasulat ngunit pinahahalagahan pa rin nila nang walang pasubali. “¡Solo quiero confirmar! ¡Sobre mi descubrimiento! ¡Si . . . Teniente! ¡Porque las tierras alli aun no estan tituladas! ¡Dimelo ahora mismo! ¡El rsultado de tu mision! ¿Eh? ¿Teniente?” Patangu–tango lamang si Alferez habang pinapakinggan ang instruksiyon ni Alcalde pagkat taliwas ang gumagambala sa kanyang lalamunan na kanina pa nanunuyo dahil sa tindi ng uhaw samantalang malamig naman ang opisina. Maya–maya, humakbang si Alcalde ngunit salungat sa akala ni Alferez pagkat dumeretso siya sa bintana sa halip na maglabas ng bote ng alak mula sa estante dahil kanina pa niya hinihintay ito para matighaw ang kanyang uhaw. Seguro, wala siyang balak maglabas ng alak dahil masyadong maaga pa para sa kanilang hora feliz ngunit nagmadaling sumunod pa rin si Alferez kahit nagtataka pagkat malayo pa naman ang kuwaresma upang simulan na nila pag–aayuno. Binalikan ng tingin ni Alferez ang estante upang tiyakin ang kanyang hinala na maaaring ubos na ang mga nakaimbak na alak doon kaya wala nang maiaalok si Alcalde dahil hinihintay pa niya ang susunod na rasyon. Pero ayaw pa rin niyang paniwalaan ang sariling palagay pagkat kailan lamang dumating ang sampung kahon ng alak na rasyon ni Alcalde mula sa palacio del gobernador ng Cagayan lalo’t hindi naman nabutbot ng kanyang paningin ang loob ng estante. Baka talagang sinadya ni Alcalde ang huwag muna maglabas ng alak pagkat mahalaga para sa kanya ang misyon na posibleng maaantala lamang kung makatulugan naman ito ni Alferez dahil sa sobrang kalasingan niya. Marahil, nais lamang maneguro ng opisyal na malinaw ang pag–iisip ni Alferez habang tinutupad ang kanyang utos upang tumuloy sa komunidad ng Calantac dahil haharapin niya ang mga katutubong Malauegs na sampung bahagdan sa kanilang tribu ay mga binyagan. Tuloy, sumusulimpat ang mga mata ni Alferez sa paghahanap ng alak sa loob ng estante ngunit hindi rin naman niya pinangahasan ang magtanong kay Alcalde kahit siya ang nag–iisang fiduciario nito pagkat maaga para masermunan siya. Dahil sa pagiging Comandante del Ejercito de Tierra ng Alcala ni Alferez ay normal lamang kung siya ang laging kinakausap ni Alcalde pagkat kailangan may tiwala siya sa kanya bilang fiduciario niya kaya hindi na nakapagtataka kung tangan ng isa’t isa ang kanilang mga sekreto. Walang duda na talagang kailanganin ni Alcalde si Alferez dahil nasa pamumuno nito ang tropa ng mga soldados na magiging kasangkapan niya upang mabigyan ng katuparan ang kanyang mga plano na magsisimula sa komunidad ng Calantac. “Incluya tambien al topografo. ¡Para que el tambien lo vea! ?Que tan ancho es el territorio de Calantac?” Muling tumango si Alferez sabay hagod sa kanyang lalamunan nang magparamdam uli sa kanya ang matinding uhaw ngunit sa kasamaang–palad ay hindi yata narinig ni Alcalde ang pagtikhim niya dahil hindi siya pinansin nito. Sadyang hinatid ni Alcalde hanggang sa pintuan si Alferez sa halip na patatagalin pa ang kanilang pag–uusap upang tuparin ang kanyang utos habang sariwa pa ito sa isip niya dahil hindi pa natubog ng alak ang utak niya. Sapagkat kailangan niya ang resulta upang malaman ang katotohanan tungkol sa kanyang natuklasan para magagawa agad niya ang susunod na hakbang habang umaayon sa kanya ang pagkakataon na dapat samantalahin niya. Kaya ipinasama niya ang agrimensor para maisasagawa agad ang pagsusukat sa mga lupain sa komunidad ng Calantac kung totoo na walang titulo ang mga katutubong Malauegs ng Calantac upang patunayan ang kanilang karapatan kahit pamana pa ito ng kanilang mga ninuno. Sana, para sa kabutihan ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ang pakay niya dahil imposible naman kung hindi niya alam na ang pagmamay–ari nila sa mga lupain ay ibinabatay lamang sa pamana pagkat hindi nila nakaugalian noon ang magsulat. Subalit tiyak din naman na magkakaroon siya ng malaking problema kung ang layunin niya ay agawin ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Calantac na walang titulo dahil seguradong lalaban sila kahit armado ng mga fusil ang mga soldados. Nagtataka naman si Alferez pagkat ngayon lamang nangyari na hindi siya inalok ni Alcalde ng alak gayong halos araw–araw ang inuman nila na tumatagal hanggang madaling–araw kaya napupuyat ang kutsero ng karwahe dahil sa paghihintay sa kanya. Talaga yatang naubos na ang mga alak sa estante ni Alcalde ngunit ikinalungkot naman niya ito pagkat biglang nanghina ang kanyang katawan sanhi ng matinding uhaw maski linulunok na niya ang sariling laway. Kunsabagay, hindi pa naman niya binuksan ang isang bote ng alak na regalo ni Alcalde sa kanyang kaarawan pagkat sadyang inilaan niya ‘yon kung hindi pa dumarating ang rasyon nito mula sa palacio del gobernador ng Cagayan dahil sa problema ng transportasyon. Pero tutuloy muna siya sa opisina ng agrimensor upang iparating ang utos ni Alcalde saka siya pupunta mamaya sa kanyang kuwartel para saglitin ang alak dahil kailangan din naman niya ang isang tagay para may tapang siya na haharap sa mga katutubong Malauegs ng Calantac.
“¡Su ordenes seran acatadas . . . Alcalde!” Sapagkat si Alferez ang itinalaga bilang Comandante del Ejercito de Tierra sa bayan ng Alcala ay pangunahing tungkulin niya ang magpatupad ng mga kautusan na may basbas si Alcaldesa katuwang ang mga guwardiya sibil upang tiyakin na sinusunod ito ng mga katutubong binyagan ng Alcala. Naturalmente! Buhos ang tiwala ni Alcalde sa kanya bilang fiduciario kaya normal lamang kung naging malimit ang pag–uusap nila na madalas humahantong sa inuman dahil ang kani–kanyang tungkulin ang mismong naglalapit sa kanila. Kaya normal din kung sila–sila lamang ang nagtatapatan ng mga sekreto pagkat nagiging dahilan ang madalas na pag–iinom na humahantong sa kalasingan upang mabanggit mismo ng mga bibig nila ang kani–kanyang sariling lihim. Nagsimula ang pagkakaibigan nina Alcalde at Alferez habang lulan sila ng galyon papunta ng Pilipinas hanggang sa nagkataon naman na pareho pang itinalaga sa bayan ng Alcala kaya nahinang ang kanilang pagiging magkasangga. Ito ang malinaw na dahilan kung bakit naging fiduciario ni Alcalde si Alferez na lalong nagpatibay sa kanilang pagkakaibigan na kinakatakutan naman ng mga katutubo ng Sierra Madre maging ang mga katutubong binyagan sa bayan ng Alcala pagkat hawak nila ang dalawang tropa – ang mga soldados at ang mga guwardiya sibil. Ipinaubaya sa mga guwardiya sibil ang seguridad sa bayan ng Alcala habang pagsasagawa naman ng operasyon sa kabundukan ng Sierra Madre ang aktibidad ng mga soldados dahil sinimulan na rin ang Campaña Anti–Dissidence na sadyang inilunsad upang maipagpapatuloy ng mga prayle ang pagpapalaganap ng pananampalataya. Pagkatapos ang entrenamiento militar ni Alferez na tumagal nang limang taon ay nadestino muna siya ng Africa ng sampung taon bago siya ipinadala sa Pilipinas kaya ipinagkatiwala sa kanya ang pagiging Comandante del Ejercito de Tierra sa bayan ng Alcala dahil matagal na siya sa servicio militar. Dating diputado naman sa bansang España si Alcalde na bagong kasal noon kay Señora Mayora ngunit nang mabalitaan niya na malaki ang pag–asa upang umasenso ang buhay nilang mag–asawa kung pumunta sila ng Pilipinas ay nagpresenta siya upang maitalaga rito. Si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na malayong kamag–anak niya ang nagbigay ng katuparan sa kanyang pangarap na magiging Alcalde ngunit sa bayan ng Alcala dahil sa probinsiya ng Cagayan naging Gobernador ang una kaya pumayag siya kahit sa Katagalugan ang gusto sana niya. Subalit may kabutihan din naman ang pagkakadestino niya ng Pilipinas pagkat naging unang Alcalde siya sa bayan ng Alcala na nagbigay sa kanya ng malaking oportunidad ngayong natuklasan niya na hindi pala titulado ang mga lupain sa malawak na munisipalidad ng Alcala.
ITUTULOY
No responses yet