“¡Si . . . Alcalde!” Gustuhin man ipaliwanag muna ni Expedito Monsanto de Solamente ang tamang proseso sa pagpapalabas sa titulo ay tinanggap na lamang niya ang utos ni Alcalde dahil wala rin siya sa katayuan upang tumutol pagkat empleyado lamang siya sa munisipyo ng Alcala. Kung maging dahilan ang kanyang pagtutol upang mawalan siya ng trabaho ay mabuti pa ang sumunod na lamang siya sa utos ni Alcalde kahit alam niya na ilegal ito pagkat hindi naman siya ang maapektuhan nito. Bagaman, opisina niya ang naghahanda sa mga titulo ngunit wala naman siyang sariling desisyon dahil si Alcalde pa rin ang nasusunod kaya hindi puwedeng balewalain ang kanyang utos para hindi mapapadali ang pagbabalik niya sa bansang España. Tuloy, tumango ang alam niyang tugon sa tuwing kinakausap siya ni Alcalde dahil marami nang empleyado sa munisipyo ng Alcala ang nasisante mula nang maging punong–bayan ng Alcala ang huli pagkat tandisan nilang sinusuway ang pagiging diktador nito. Kunsabagay, dahil siya rin ang naghahanda sa mga titulo ay tiyak na maisisingit niya ang sariling pangalan para may pakinabang din siya pagkat imposible naman na hanggang sa pagpirma lamang ang kanyang partisipasyon sa plano ni Alcalde. Kahit isang titulo man lamang ang magiging bahagi niya para may saysay naman ang kanyang hirap at pagod sa pagsusukat sa mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Calantac hanggang sa pagpirma ng mga dokumento dahil kailangan paglamayan niya. Upang hindi mangangamay sa magdamag na pagmamakinilya at pagpipirma ang kanyang kamay para magiging legal na mga dokumento lamang ang mga titulo ng mga lupain na hayagang kinamkam ng pamahalaang Kastila ng Alcala mula sa mga katutubong Malauegs ng Calantac.
“¡Un momento . . . Alcalde! ¿Que pasa con las personas que viven en esa comunidad? ¿Eh? ¡Seguramente no estaran de acuerdo con la medida del gobierno!” Marahil, naramdaman ni Alferez ang kurot sa kanyang budhi kahit pangatlong tagay na ang hawak niya dahil sumabad siya sa usapan upang ipaalaala kay Alcalde ang mga katutubong Malauegs sa komunidad ng Calantac dahil sila ang direktang maapektuhan sa kanyang plano. Segurado siya na magdudulot lamang ng kaguluhan ang utos ni Alcalde pagkat nagpaalaala sa kanya ang tambis ng pagtutol ng mga katutubong Malauegs ng Calantac nang malaman nila na kailangan magkaroon ng titulo ang kanilang mga lupain. Hindi man sila nagpamalas ng kapusukan ngunit sapat na upang maunawaan ang kanilang nararamdaman nang magparinig sila ng maraming katanungan kaya dapat mapakinggan sila mismo ni Alcalde para mapag–aralan nito ang problema nila. Sapagkat ikinagulat ni Alferez ang plano ay inilapag muna niya sa mesa ang hawak na kopita kahit may laman pa pagkat gusto niyang marinig ang tugon ni Alcalde dahil taliwas pala ito sa kanyang naging palagay. Totoong lingid sa kanya ang ganitong plano ni Alcalde pagkat ang akala niya ay ipapaubaya sa mga katutubong Malauegs ng Calantac ang paglalakad sa mga titulo para sa kanilang mga lupain dahil ito ang alam niyang tamang paraan kung pagbasehan ang batas. Subalit magagawa ba niyang imungkahi upang resolbahin na lamang ang problema ng mga katutubong Malauegs ng Calantac sa paraan na mananatili pa rin sa kanila ang pagmamay–ari sa mga lupain sa halip na ilitin ito ng pamahalaang Kastila ng Alcala gaya ng nais mangyari ni Alcalde? Unang pagkakataon na pumitlag ng habag ang puso ni Alferez ngunit mapapanindigan ba niya ang ganitong katuwiran dahil lamang nagpaalaala sa kanya ang naging reaksiyon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac noong araw na pumunta siya sa kanilang komunidad. Kung mas matimbang pa rin ang pagiging fiduciario niya kay Alcalde dahil iisang bansa ang kanilang pinanggagalingan kaya nagagawa niya ang pumunta sa opisina nito lalo na kung nanunuyo ang kanyang lalagukan. Dahil naroroon sa opisina ni Alcalde ang lunas ng kanyang sakit maski hindi na siya kumain ng almusal, pananghalian at hapunan basta magkaroon lamang ng alkohol ang kanyang dugo para sumigla ang katawan niya. Sapagkat kuntento na siya sa tuwing bumabalik sa kanyang kuwartel habang gumugulapay sanhi ng kalasingan dahil nagiging mahimbing ang kanyang tulog sa magdamag kaya madalas tinatanghali siya nang gising.
“¡Usar a los soldados! ¡Y los guardias civiles! ¡Si . . . Teneinte! !Deshazte de la comumidad de Calantac! ¡Los nativos que viven alli!” Alipalang nahimasmasan si Alferez kahit limang tagay pa lamang ang kanyang nainom hanggang sa napatitig ang naniniyak niyang tingin kay Alcalde dahil masyadong marahas ang desisyon upang sundin niya ito. Nanlaki ang kanyang mga mata habang nagtatanong ang tingin niya kay Alcalde kung talaga bang kailangan itaboy ang mga katutubong Malauegs ng Calantac mula sa kanilang komunidad dahil lamang sa problema sa titulo sa kanilang mga lupain. Natahimik siya habang nag–iisip dahil ngayon lamang mangyayari para isakatuparan niya ang marahas na aksiyon laban sa mga katutubong Malauegs ng Calantac sapul nang maitalaga siya bilang Comandante del Ejercito de Tierra ng Alcala na hindi pa niya ginawa kahit noong nadestino siya sa Africa. Sapagkat batid niya na walang kalaban–laban ang mga kalalakihang Malauegs ng Calantac kung humantong sa madugong engkuwentro ang pangyayari pagkat tiyak na hindi nila kayang sagupain ang mga soldados at mga guwardiya sibil na armado ng mga fusil. Tuloy, hindi niya naiwasan upang tanungin ang sarili pagkat obligado pa rin siya para ipatupad sa mga soldados at sa mga guwardiya sibil ang kautusan ni Alcalde kaya nabitin ang kanyang sunod na tagay dahil napalalim yata ang pag–iisip niya. Pormal naman ang mukha ni Alcalde habang binibigkas ang kanyang utos nang walang pagsaalang–alang sa karapatan ng mga katutubong Malauegs ng Calantac sa mga lupain na minana pa nila mula sa mga yumaong ninuno ngunit nanganganib samsamin ng pamahalaang Kaastila ng Alcala. Dahil mas mahalaga ang katuparan ng kanyang plano habang siya pa ang nasa puwesto bilang punong–bayan ng Alcala lalo’t umaayon pa sa kanya ang pagkakataon na hindi nangyari noong naroroon pa lamang siya sa bansang España bilang diputado. Walang dahilan upang magkaroon siya ng malasakit sa mga katutubong Malauegs ng Calantac pagkat magkaiba ang kanilang lahi kahit salungat ito sa ginagawa ng mga prayle na hinihikayat ang lahat nang mga katutubo sa bayan ng Alcala upang tanggapin ang pananampalataya. Sapagkat naniniwala siya na walang puwang sa sibilisasyon ang mga mangmang upang pag–ukulan sila ng pagpapahalaga dahil mismong hitsura nila ang nagpapatunay na kahalintulad nila ang mga hayop sa kagubatan. Ngayon, madali nang intindihin ang lahat na talagang wala nang magagawa pa ang mga katutubong Malauegs ng Calantac pagkat bahagi pala ng plano ni Alcade ang gipitin sila upang kusang lilisanin ang kanilang mga lupain sa komunidad ng Calantac imbes na binigyan sila ng palugit. Dahil mas mahalaga ang katuparan sa plano para magiging kapaki–pakinabang sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Calantac kahit labag sa batas gayong may mga paraan pa naman sana upang magkaroon ng solusyon ang problema nila. Kasamaang–palad lamang dahil walang puwedeng magbigay ng payo sa mga katutubong Malauegs ng Calantac upang huwag na silang umasa pa pagkat lingid naman sa mga nagpamalas ng malasakit sa kanila ang masamang balak ni Alcalde sa kanilang mga lupain. Kung mismong si Alcalde rin ang lumalabag sa batas pagkat walang sinuman ang puwedeng sumalungat sa kanyang desisyon kahit ikapapahamak pa ito ng mga katutubong Malauegs ng Calantac dahil tangan ng mga kamay niya ang kapangyarihan. “¡Teniente! ¡Haz mi voluntad! ¡Una vez completado por el topografo! ¡Llevo a cabo in speccionando el lote! ¡A la comunidad de Calantac! ¡Tienes una semana mas para prepararte! ¡Teniente! ¿Claro?” Napabilis ang pagtungga ni Alferez sa natitirang alak sa kanyang kopita upang madaling malimutan ang utos pagkat wala sa kanyang akala na maiisip ni Alcalde ang ganitong desisyon kaya nagulantang siya. Pagkatapos, muling sinalinan ng alak ang kanyang kopita para sabayan sa pag–inom si Alcalde na tuluy–tuloy ang pagtungga para namnamin ang nalalapit na tagumpay sa plano niya kahit madugo ang posibleng kahinatnan nito. Gayundin ang agrimensor na umaayaw pa kanina ngunit hindi na nasundan ang kanyang tagay pagkat ayaw rin naman niyang malasing upang hindi siya magkakaroon ng lakas ng loob para suwayin ang bilin ni Alcalde. Talaga yatang gustong lunurin ni Alferez sa alak ang sarili dahil nagsalin na naman siya samantalang halos siya na lamang ang umubos sa pangatlong bote para masabayan lamang niya ang bilang ng tagay ni Alcalde. Baka nais lamang niyang samantalahin habang papunta sa estante ang hakbang ni Alcalde upang muling maglabas ng bote ng alak ngunit napabilis yata ang talab ng alkohol sa kanyang utak pagkat umikot ang paningin niya. Palibhasa, kape lamang ang laman ng kanyang tiyan ay agad naramdaman niya ang kalasingan gayong pinatunayan sa hudyat sa kampana ng munisipyo ng Alcala na alas–once ng umaga pa lamang para umayaw na siya kahit malayo pa ang madaling–araw. Minabuti niya ang umupo upang hindi mabubuwal mula sa kanyang pagkakatayo saka tinanggal ang mga butones ng kanyang uniporme para makahinga siya nang maluwag dahil madali nang magkunwari na naiinitan siya. Sakaling pansinin siya ni Alcalde na masigla ang kilos habang pabalik sa mesa kaya walang kailangan kung maubos ngayong magdamag ang kanyang inimbak na alak dahil malapit na rin dumating ang panibagong rasyon niya mula sa palacio del gobernador. Tuloy, naging mahirap para kay Alferez upang ubusin ang natitirang alak sa kanyang kopita ngunit pinanghihinayangan din naman niya pagkat hindi bale nang sumuka siya dahil sa kalasingan basta huwag lamang malasin ang buhay niya. Dahan–dahan ang simsim niya ng alak habang pinapakiramdaman ang kanyang sarili dahil tiyak na magtatagal na naman hanggang mamayang madaling–araw ang inuman lalo’t nasa kondisyon pa mandin si Alcalde. Sapagkat hindi nagdeklara ng giyera kaninang umaga si Señora Mayora kahit magdamag na wala siyang kapiling sa kama pagkat maliwanag na nang umuwi si Alcalde samantalang malapit lamang sa residencia ejecutiva ang munisipyo ng Alcala kaya napanis ang ginataang bakalaw. Maya–maya, nagpaalam na ang agrimensor matapos ipangako sa kanya ni Alcalde ang isang pangkat ng mga soldados upang bigyan siya ng seguridad nang maseguro ang kanyang kaligtasan habang ipinagpapatuloy niya ang pagsusukat sa mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Calantac.
Dati–rati, talagang hindi binabantayan ang pasukan ng komunidad ng Calantac ngunit nahikayat lamang magtalaga ng tanod si Lakay Lumbang upang hindi na mauulit ang biglang pagdalaw ng grupo ni Alferez na ikinagulat ng mga katutubong Malauegs ng Calantac dahil walang pumigil sa kanila. Bagaman, ikinagulat pa rin ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ang pagdating ng agrimensor kasama ang isang pangkat ng mga soldados ay hindi agad naisagawa ang pagsusukat ng mga lupain sa kanilang komunidad dahil hinarang nila ang pagpasok nito. Palibhasa, may upong ng galit ang damdamin ng dalawang kalalakihang Malauegs ng Calantac ay nagawa nilang pigilin ang pagpasok ng agrimensor sa kanilang komunidad nang walang pag–aalintana sa takot kahit armado ng mga fusil ang mga soldados. Nakabuti naman pala ang naisip ni Lakay Lumbang pagkat nabigyan ng babala ang mga kalalakihang Malauegs ng Calantac kaya agad sumugod sila sa pasukan upang alamin ang dahilan kung bakit bumalik pa sa kanilang komunidad ang agrimensor at ang mga soldados. Tuloy, naging palaisipan ng mga katutubong Malauegs ng Calantac nang malaman nila na utos ni Alcalde upang ipagpatuloy ang pagsusukat sa kanilang mga lupain pagkat naipangako na ng kura paroko ng Alcala ang samahan sila papunta sa opisina nito sa susunod na linggo. Diyata, si Alcalde pala ang pursigido upang magkaroon ng titulo ang kanilang mga lupain ngunit nagtatanong naman ang kanilang mga sarili kung para ba sa kabutihan nila ang kanyang utos sa agrimensor upang matuwa sila. Sa halip, sa pamamagitan ng mga katutubong binyagan na maalam sa wikang Español ay hiniling na lamang ni Lakay Lumbang na pansamantalang itigil muna ng agrimensor ang pagsusukat sa mga lupain sa komunidad ng Calantac pagkat hiningi na nila ang tulong ng kura paroko ng Alcala upang kausapin si Alcalde. Pumayag man sa pakiusap ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ang agrimensor nang malaman niya ang tungkol sa ginawang pakipag–ugnayan nila sa kura paroko ng Alcala ngunit itinuloy pa rin niya ang pagsusukat sa kanilang mga lupain na ang naging katuwiran na lamang niya ay para mapagkalooban sila ng titulo. Aywan kung paggalang sa kura paroko ng Alcala ang nag–udyok upang pumayag ang agrimensor ngunit mas matingkad ang totoong dahilan na pinaaasa lamang niya ang mga katutubong Malauegs ng Calantac pagkat malinaw ang utos ni Alcalde kaya hindi dapat makompromiso ito. Hanggang sa natapos ng agrimensor ang isinagawang pagsusukat sa mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ay sumabay naman ang pagsibol ng pag–asa na bakasakali magkakaroon na rin sila ng titulo sa tulong ng kura paroko ng Alcala na darating bukas sa komunidad ng Calantac. Dahil pinanghawakan nila ang kanyang pangako na sasamahan sila papunta sa munisipyo ng Alcala upang kausapin si Alcalde na huling solusyon sa kanilang problema para magkaroon ng titulo ang mga lupain nila ayon sa itinakda ng batas. Kaya magdamag na umusal ng dasal si Lakay Lumbang upang ipakiusap kay Bathala na sana magkaroon ng mabuting resulta ang nakatakdang pakipag–usap nila kay Alcalde para magkaroon na rin ng katahimikan ang kanilang mga kaisipan.
“Sana! Ipagkaloob ng maawaing Bathala . . . ang aking kahilingan! Sapagkat . . . tiyak na magdudulot ng malaking problema . . . sa amin! Kapag nawalan kami ng mga lupain! Pamana pa mandin ng aming mga ninuno . . . ang mga lupaing ito! Pagkatapos . . . iglap na lamang maglalaho!” Hinatiran na lamang ng hapunan si Lakay Lumbang pagkat maliwanag pa nang pumasok siya sa sagradong kubol upang hindi maaabala ang kanyang pagdarasal na tiyak magtatagal hanggang bukas ng madaling–araw dahil ito ang nasambit niya sa sandaling pakipag–usap sa mga kalalakihang Maluegs ng Calantac. Unang pangyayari bilang Punong Sugo sa tribung Malauegs ng Calantac ang pagkakaroon niya ng mabigat na suliranin dahil wala sa kanyang mga kamay ang kalutasan nito kaya ramdam niya ang labis na pangamba kahit nangako sa kanila ng tulong ang kura paroko ng Alcala. Kunsabagay, sa sagradong kubol din siya natutulog sa halip na hiwalay ang kanyang kubol para hindi na kailangan ang lumabas pa siya lalo’t madaling–araw pa lamang ay nagdarasal na siya hanggang umaga dahil ito ang tungkulin ng Punong Sugo na hindi dapat kalimutan. Mauulit sa takip–silim ang kanyang pagdarasal ngunit pumupunta siya sa burol kung maaliwaalas ang panahon upang isabay sa paglubog ng araw ang pakipag–usap niya kay Bathala dahil mistulang naririnig nito ang bulong ng kanyang isip. Subalit hindi ito nangyari kanina dahil hindi na siya lumabas ng sagradong kubol pagkatapos ang pananghalian lalo’t nagkaroon ng tikatik kahit sandali ngunit mabuti sana kung nagtuluy–tuloy ang ulan pagkat kailangan ito ng kanilang mga tanim. Habang naroroon sa labas ng sagradong kubol ang limang kalalakihang Malauegs ng Calantac nang lingid sa kanya upang sabayan ang pagpupulaw niya kahit hindi nila alam ang magdasal ngunit sila naman ang madalas na tinatawag niya sa tuwing nagkakaroon ng problema ang komunidad ng Calantac. Pagkatapos ang hapunan, nagdasal din ang mga katutubong binyagan ng Calantacsa loob ng kani–kanilang kubol sa paraan na itinuro sa kanila ng mga prayle sa pagbabakasakali na magkakakaroon ng tugon ang kanilang mga panambitan kahit ngayon pa lamang ito sinusubukan. Sapagkat hindi puwedeng balewalain ang payo ng kura paroko ng Alcala nang marinig nito ang kanilang hinaing dahil hindi dapat pagdududahan ang kapangyarihan ng dasal sa panahong nahaharap sa matinding pagsubok ang kanilang buhay. Gayundin naman si Lakay Lumbang pagkat maraming beses nang napatunayan na laging pinapakinggan ni Bathala ang kanyang mga dasal ngunit hindi lamang matiyak kung alin sa pananalig at pananampalataya ang higit na makapangyarihan. Sa sitwasyon ngayon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ay mas malinaw pa ang palagay na iisa lamang ang kinikilala nilang Bathala at ang Diyos na sinasamba ng mga banyaga kahit magkaiba sa tawag at sa pamamaraan ng kanilang pagpupuri. “Para maiiwasan na rin . . . ang pagdanak ng dugo . . . sa aming komunidad! Nagsusumamo ako . . . maawaing Bathala! Dahil ikaw na lamang! . . . ang aming pag–asa! Ngayong binabayo ng unos . . . ang aming buhay!” Malamig man ang panahon ngunit halos naliligo na sa pawis si Lakay Lumbang pagkat mas nararamdaman pa niya ang matinding balais sa halip na mapapanatag ang kanyang kalooban habang tumatagal ang kanyang pagdarasal. Kanina, may nagpasok ng mainit na salabat sa sagradong kubol dahil ito ang kanyang laging hinahanap sa tuwing ginagampanan niya ang tungkulin ng Punong Sugo ng tribung Malauegs ng Calantac pagkat sa kaparaanang ito lamang naipaparating niya kay Bathala ang kanilang mga karaingan. Marahil, ayaw lamang maabala ang kanyang pagdarasal dahil hindi pa nagalaw ang pagkain sa ibabaw ng bilog na mesa para sa kanyang hapunan gayong malalim na ang gabi upang hindi pa rin niya maramdaman ang gutom. Aywan kung hinigop niya ang salabat basta nasa tabi niya ang lumbo habang nagpapatirapa siya sa lupa sa harap ng munting altar upang ikubli ang matinding kaba sa kanyang dibdib na hindi niya kayang labanan. Bagaman, walang naririnig maski impit ng pananaghoy mula sa kanya ngunit may bakas ng luha ang kanyang malamlam na mga mata habang nangangatal ang kanyang katawan sanhi ng hindi maipaliwanag na pahiwatig ng paninimdim. Dahan–dahang bumangon siya mula sa pagpapatirapa upang muling lumuhod habang titig sa munting liwanag ng tinghoy ang kanyang mga mata ngunit hindi man lamang niya naramdaman ang pagod at gutom. Habang sa labas ng sagradong kubol ay nakatulugan ng limang kalalakihang Malauegs ng Calantac ang pagbabantay sa kanilang Punong Sugo pagkat hindi na nila nalabanan ang antok nang magsimula nang bumulos ang balas na lalong nagpatindi sa halumigmig ng gabi. Palibhasa, pagod dahil sa maghapong pangangaso ang dalawang kalalakihang Malauegs ng Calantac na itinalaga sa pasukan ng komunidad ng Calantac nang gabing ‘yon ay malakas pa ang kanilang hagok kaysa kulos ng hangin nang hindi na rin nila nakayanang tiisin ang antok. Tahimik ang gabi habang mahimbing nang natutulog ang mga katutubong Malauegs ng Calantac maliban kay Lakay Lumbang dahil tuluy–tuloy pa rin ang kanyang pagdarasal pagkat naging mailap sa kanya ang antok kahit nais na yata ng kanyang katawan ang magpahinga. Kanina pa natulog ang mga katutubong binyagan ng Calantac dahil kailangan nila ang gumising nang maaga bukas pagkat susunduin nila ang kura paroko ng Alcala pagkatapos ang misa sa umaga upang sabay–sabay silang magtutungo sa munisipyo ng Alcala para kausapin si Alcalde tungkol sa titulo. Nagpahiwatig ng kagustuhang sumama si Lakay Lumbang ngunit hindi tiyak kung magising siya nang maaga bukas pagkat nagdarasal pa rin siya sa halip na nagpapahinga na kung talagang nais din niyang kausapin si Alcalde. “Kapag naayos na . . . ang aming problema tungkol sa titulo! Pupuntahan ko naman . . . si Lakay Awallan! Ipaparating ko sa kanya . . . ang tungkol sa naging problema namin! Kailangan. . . mapayuhan ko siya! Dapat magkaroon din ng titulo . . . ang kanilang mga lupain! Upang hindi nila danasin . . . ang problema na gumulo . . . sa aming tribu!” May katuwiran ang iniisip ni Lakay Lumbang dahil kabutihan ang magkaroon din ng titulo ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre pagkat hindi pala kinikilala ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang pamana kahit sumabay pa sa paglikha sa mundo ang pagmamay–ari nito ng kanilang mga ninuno. Pero masyadong malayo mula sa bayan ng Alcala ang kabundukan ng Sierra Madre upang pangangahasan ng agrimensor ang pumunta sa kanilang komunidad kahit may escolta militar pa siya dahil wala pang banyaga ang nakarating doon para magsisilbing giya sana nila. Gugustuhin ba naman ng agrimensor ang tumawid sa maraming ilog at maglakad sa madulas na bulaos habang umaakyat sa mga lambak para isagawa ang pagsusukat sa mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre kahit may pagsang–ayon pa sila? Baka mapupunta lamang sa ibang komunidad ang grupo ng agrimensor pagkat maraming tribu ng mga katutubo ang nananahan sa kabundukan ng Sierra Madre ngunit tribu ng mga katutubong Malauegs ang sinasakop lamang ng munisipalidad ng Alcala na mahirap din naman tuntunin. Kunsabagay, hindi batayan ang anumang espekulasyon na imposibleng pag–interesan pa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang malawak na kalupaan ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre pagkat masyado nang malayo ito mula sa bayan ng Alcala dahil may ebidensiya na upang balewalain pa rin ang ganitong palagay. Dahil sa simpleng katuwiran na kung ipinatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa maliit na teritoryo ng komunidad ng Calantac ang batas na may kaugnayan sa titulo ay nangangahulugan na posibleng paiiralin din ito sa buong munisipalidad ng Alcala upang seguruhin na magiging titulado ang mga lupain sa kabundukan ng Sierra Madre. Maaaring hindi pa lamang ngayon habang hinihintay pa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na matapos ang isinagawang inspeccionando el lote ng agrimensor sa komunidad ng Calantac upang isunod naman ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre kahit gaano pa sila kalayo mula sa bayan ng Alcala dahil kailangan may kasunod ang tagumpay. Sana, mapapahinuhod ni Lakay Lumbang ang mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre para maagapan nila ang plano ng pamahalaang Kastila ng Alcala upang hindi nila mararanasan ang mabigat na problema na pinapasan ngayon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac kaya dilat pa rin ang kanilang mga mata kahit nakahiga na sila. Harinawa, magkaroon ng mabuting kahinatnan ang nakatakdang pakipag–usap bukas ng kura paroko ng Alcala kay Alcalde upang mapanatag naman ang mga kalooban ng mga katutubong Malauegs ng Calantac dahil hindi na sila nagkaroon ng katahimikan mula nang hanapan sila ng titulo. Seguro, hindi na kayang labanan ni Lakay Lumbang ang matinding antok pagkat dahan–dahan nang tinungo niya ang papag ngunit umupo muna siya sa gilid imbes na humiga agad upang muling iparating kay Bathala ang kanyang kahilingan. Huling kahilingan para sa gabing ‘yon bago pumikit ang kanyang mga mata na halos wala nang naaaninag sanhi ng antok kaya humiga siya upang maiiwasan ang disgrasya dahil sa puyat na pinalubha pa ng gutom. “Sana! Ipahintulot ni Batahala . . . ang balak ko! Dahil may katagalan na rin . . . ang huling pagkikita! At pag–uusap namin . . . ni Lakay Awallan! Komusta na kaya . . . ang kapatid ko?!” Taunan kung dalawin ni Lakay Lumbang si Lakay Awallan lalo na nang nabalitaan niya na malapit nang magkaroon ng apo ang kanyang nakatatandang kapatid ngunit hindi na nasundan ang huling pagkikita nila mula nang minsang nagkasakit siya.
ITUTULOY
No responses yet