Walang anak si Lakay Lumbang dahil sabay namatay ang kanyang mag–ina nang tangayin sila sa baha habang naliligo sa ilog ngunit huli na nang malaman niya ang pangyayari pagkat siya na dapat sumama sa kanila ay may dinidinig na kaso noon sa sagradong kubol. Maraming kababaihang Malauegs ng Calantac ang nagtungo rin sa ilog upang sabayan ang kanyang mag–ina kaya hindi lamang mag-ina niya ang nasawi nang biglang rumagasa ang baha nang hindi nila inaasahan dahil dalawang araw nang nag–uulan noon. Mahigit isang buwan na ipinagluksa nila ang mga nangasawi sa baha lalo na siya na halos mabaliw pagkat hindi niya matanggap ang pangyayari ngunit nalinawan din ang kanyang isip matapos marinig ang paliwanag ni Lakay Awallan. Sadyang mahirap unawain ang kalooban ni Bathala dahil siya ang higit nakababatid sa posibleng mangyayari sa hinaharap kaya tanging magagawa nila ay tanggapin ang pangyayari kahit gaano pa ito kasakit. Dahil sa takot ni Lakay Lumbang ay hindi na niya ninais pa ang mag–asawa uli kahit marami ang nagpapahiwatig pagkat posibleng maglalaho ang kanyang pananalig kay Bathala kapag muling naranasan niya ang mabiyudo. Inilaan na lamang sa kanyang tungkulin bilang Punong Sugo ng tribung Calantac ang tanang buhay niya kahit huli na ang pagsisisi sa tuwing nagpaalaala sa kanya ang nasayang na pagkakataon ngunit hindi na puwedeng ibalik dahil matanda na siya. Segurado, marami na siyang apo kung hindi namatay ang kanyang anak na matanda kay Alawihaw dahil binata pa noon si Lakay Awallan nang mag–asawa siya ngunit minabuti niya ang umidlip na lamang kaysa balikan ang nakaraan. Aywan kung sino ang puwedeng pumalit sa kanyang tungkulin sakaling dumating na ang huling araw niya sa daigdig dahil hindi naman maaaring manggagaling sa mga kalalakihang Malauegs ng Calantac pagkat hindi sila kabilang sa puno ng buhay ni Lakay Bangkuwang. Lalong hindi puwede si Lakay Lanubo, ang kanyang nakababatang kapatid dahil hindi na nito kayang gampanan ang tungkulin ng Punong Sugo pagkat mahina na ang katawan ngunit sa panaginip na lamang hahanapin niya ang solusyon.
Hindi mawari kung bahagi pa rin sa panaginip ni Lakay Lumbang nang mapabalikwas siya dahil sa nakatutulig na putukan mula sa labas ng sagradong kubol na gumambala sa kanyang kahimbingan kaya napatakbo siya papunta sa pintuan upang alamin ang pangyayari. Ngunit dali–daling isinara uli niya ang pinto nang sumalubong sa kanya ang putukan habang sumasabay ang hiyawan na ikinabahala niya matapos mapagtanto na hindi na pala parte ng panaginip niya ang nangyayari sa komunidad ng Calantac. Bukod sa madilim ang gabi dahil patay ang buwan ay lubhang mapanganib din kung pangahasan niya ang lumabas sa sagradong kubol nang maisip niya ang magtawag upang pulungin sana ang mga kalalakihang Malauegs ng Calantac lalo’t tuluy–tuloy ang nakasisindak na putukan. Nagtataka naman siya kung bakit wala man lamang nagparating sa kanya ng babala para naalerto sana silang lahat kahit segurado siya na mga guwardiya sibil ang lumusob sa komunidad ng Calantac dahil sila ang armado ng fusil na bumubuga ng bala. Samantalang nagtalaga na siya ng mga tanod sa pasukan ng komunidad ng Calantac upang hindi nila ikabibigla ang paglusob ng puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala maski wala sa kanyang hinuha na magkatotoo ito ngayong gabi dahil nagtiwala naman sila sa agrimensor. Hanggang sa hindi niya naiwasan ang isipin na maaaring pinaasa lamang sila ng agrimensor dahil hindi sana nangyari ang pananalakay ngayon ng mga guwardiya sibil sa komunidad ng Calantac kung talagang ipinarating niya kay Alcalde ang kanilang kahilingan. Nanlumo siya nang matiyak na hindi na pala matutuloy ang nakatakdang pagtungo bukas ng kura paruko ng Alcala at ng mga kalalakihang Malauegs ng Calantac sa munisipyo ng Alcala dahil wala na pala silang dapat ipakiusap pa kay Alcalde ngayong isinasagawa na ng mga guwardiya sibil ang pananalakay sa kanila. Sapagkat depende na lamang kung diringgin pa ni Bathala ang kanilang mga dasal upang masilayan pa nila ang umaga sa gitna ng karimlan na ayaw patahimikin ng mga hagibik dahil sa naglalagablab na apoy at nakatutulig na putukan. Naligalig si Lakay Lumbang habang tinatanong ang sarili kung dapat bang manatili na lamang siya sa loob ng sagradong kubol kahit gusto sana niya ang lumabas upang alamin ang nagaganap sa paligid dahil walang dumating para impormahan sana siya. Sapagkat hindi na rin mahagilap ang limang kalalakihang Malauegs ng Calantac na nagbabantay kanina sa labas ng sagradong kubol habang nagdarasal si Lakay Lumbang dahil bigla na lamang silang nawala kung kailan kailangan niya ang proteksiyon ngayong may nangyayari sa kanilang komunidad. Maya–maya, may bumalya sa pinto mula sa labas ng sagradong kubol hanggang sa tumambad ang dalawang anino nang bumukas ito dahil hindi pala naibalik ni Lakay Lumbang ang trangka ngunit nahintakutan siya pagkat hindi niya agad nakilala kung sino sila.
“Apong Lumbang . . . tumakas na po kayo ngayon din! Kasi . . . hindi na po kayo ligtas! Kung manatili pa kayo . . . sa sagradong kubol! Dahil mabibilang na lamang po . . . sa panig namin . . . ang lumalaban sa mga soldados! Opo! Linusob po tayo ng mga soldados . . . habang natutulog tayong lahat! Lumabas na po kayo . . . sumama na po kayo sa amin! Bilisan n’yo po . . . !” Diyata, itinaon pa sa madaling–araw ang pag–atake ng mga soldados kung kailan mahimbing pang natutulog ang mga katutubong Malauegs ng Calantac upang hindi sila magkakaroon ng pagkakataon na lumaban samantalang mga busog at tunod lamang ang armas nila. Hindi na nagdalawang–isip pa si Lakay Lumbang upang tumalima sa payo ng dalawang kalalakihang Malauegs ng Calantac kahit marami pa sana siyang nais linawin ngunit naisaloob niya na hindi ito ang panahon ng pagtatanong dahil mahalaga ang kaligtasan niya bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs ng Calantac. Tanging mga bituin ang tumatanglaw sa pusikit na karimlan habang sinusundan ni Lakay Lumbang ang dalawang kalalakihang Malauegs ng Calantac na maya’t maya tumitigil sa pagtakbo sa tuwing naririnig nila ang rapido ng mga putok mula sa mga fusil ng mga soldados. Kahit nangaligkig ang kanyang katawan sanhi ng takot pagkat wala siyang hawak na pananggalang sakaling mapapalaban sila ay sinikap pa rin niyang palakasin ang sarili upang hindi siya maiiwan ng dalawang kalalakihang Malauegs ng Calantac. Nagawa pa rin niya ang pasalamatan si Bathala kahit sa gitna ng panganib pagkat buhay siyang lumabas sa sagradong kubol dahil tinutupok na pala ng naglalagablab na apoy ang bawat kubol kaya nagmistulang impiyerno ang komunidad ng Calantac. Pumipikit na lamang siya sa tuwing naririnig ang sigaw ng mga humihingi ng saklolo pagkat siya man ay umaasa rin ng himala upang matakasan ang nagliliyab na impiyerno dahil hindi niya tangan ang sariling kaligtasan. Dahil sa dagabdab ng apoy ay natatanaw niya ang mga anino na tumatakbo habang humihiyaw ngunit patungo sila sa magkaibang direksiyon upang takasan ang mga soldados na ayaw lubayan ang paghahabol sa kanila. Napaluha siya pagkat tuluyan nang nawalan nang saysay ang pagiging Punong Sugo niya sa sitwasyon na lubhang kailangan nila ang tulong ngunit tinangka pa rin niyang damayan sila dapwa may pumigil lamang sa kanya. Kaagad dumilim ang paningin niya nang paulanan ng mga putok ang kanilang pinagkukublihan habang palayo nang palayo naman ang boses na tumatawag sa kanya dahil hindi na niya nagawa ang sumunod pa sa kanila. Hanggang sa wala na siyang narinig nang muling umalingawngaw ang mga fusil ng mga soldados pagkat hindi niya tangan ang sariling kaligtasan para masilayan pa sana niya ang bukang–liwayway na malapit nang gumiti sa likod ng kabundukan.
Hanggang sa huling sandali ni Lakay Lumbang ay nanatiling katanungan pa rin para sa kanya kung paano nalusob ng mga soldados ang kanilang komunidad nang wala man lamang nagparating sa kanya ng abiso gayong nasa sagradong kubol lamang siya. Samantalang nagtalaga pa mandin siya ng dalawang kalalakihang Malauegs ng Calantac upang bantayan ang pasukan ng kanilang komunidad para hindi nila ikagugulat kahit tulog sila sakaling magkaroon ng pangyayari sa gabi nang hindi nila inaasahan. Kahit pilit pa rin isinasantabi niya ang mga palatandaan pagkat pinanghawakan naman niya ang pangako ng agrimensor dahil sa paniniwala na kailangan ipagkatiwala nila sa isang banyaga ang natitirang pananalig. Subalit naging lingid sa kanya na maagang pumasok sa sagradong kubol ang totoong kaganapan pagkat nagkaroon ng salagimsim ang mga kalalakihang Malauegs ng Calantac nang sumapit ang gabi kaya bumangon sila dahil hindi rin nila naramdaman ang antok habang balisa ang kanilang mga kalooban. Maya–maya, isa–isa na silang nagtungo sa pasukan ng kanilang komunidad hanggang sa napagkasunduan nila ang magpalipas doon ng gabi para samahan ang dalawang nagbabantay upang tiyakin na ligtas sa magdamag silang lahat. Marahil, pasado hating–gabi dahil namamasdan na sa langit ang tala nang maramdaman nila ang bulong ng lupa na nagbibigay ng babala upang maghanda sila kahit walang naaaninaw sa karimlan ang kanilang mga mata. Kaya ikinagulat nila ang pahiwatig pagkat wala naman silang hinihintay na kalaban dahil paneneguro lamang ang sadya nang iutos ni Lakay Lumbang ang pagbabantay sa pasukan sa komunidad ng Calantac upang hindi na mauulit ang ginawa ng grupo ni Alferez. Pagkatapos ang kanilang apurahang pag–uusap ay naghiwa–hiwalay sila ng posisyon habang unti–unting lumalapit ang mga yabag maliban sa dalawang nakatalaga sa pasukan dahil sadyang nagpaiwan sila upang kilalanin ang mga dumarating. Hanggang sa tumambad ang mga solddos na talagang gumulantang sa mga kalalakihang Malauegs ng Calantac ngunit hindi naman nila magawang paulanan sila ng mga tunod kahit naseseguro nila na taglay ng kanilang pagdating ang panganib. Tinangkang alamin ng dalawang bantay sa pasukan ang totoong pakay ng mga soldados pagkat tapos na ang isinagawang pagsusukat ng agrimensor sa mga lupain sa komunidad ng Calantac kaya wala nang dahilan upang bumalik pa sila. Lalo’t naging kaduda–duda nang itaon pa sa hating–gabi kung kailan mahimbing nang natutulog ang mga pamilya ng mga kalalakihang Malauegs ng Calantac ang hindi inaasahang pagdating ng mga soldados sa komunidad ng Calantac upang hindi dapat balewalain ang dahilan. Ngunit humantong lamang sa mainit na pagtatalo ang pag–uusap nang hindi magkaunawaaan ang wikang Español at ang katutubong dialekto hanggang sa napilitang lumantad ang mga kalalakihang Malauegs ng Calantac mula sa kanilang pinagkukublihan na lalong nagpaigting sa sitwasyon. Kaagad narinig ang tunog ng mga ikinakasang fusil nang maipagpalagay ng mga soldados na pinaghandaan din pala ng mga kalalakihang Malauegs ng Calantac ang kanilang pagdating sa komunidad ng Calantac lalo’t naitukod na rin sa mga busog ang mga tunod nila. Sa halip na matakot ang mga kalalakihang Malauegs ng Calantac ay tumutol sila nang ipinag–utos ng mga soldados ang paglisan sa kanilang komunidad para ipamalas ang kanilang paninindigan kahit mga busog at tunod lamang ang kanilang mga sandata. Hayaan nang maganap ang itinakda ng kapalaran pagkat handa naman sila upang harapin ang nag–aambang kamatayan kaysa isusuko nila ang lupang tinubuan na libong taon nang pinagyaman ng kanilang mga ninuno. Ngayon, naging malinaw na sa kanilang lahat ang katotohanan na nilansi lamang pala sila ng agrimensor upang hindi sila gumawa ng marahas na hakbang habang ipinagpapatuloy nito ang pagsusukat sa kanilang mga lupain. Masakit lamang pagkat walang nagawa ang kanilang mga busog at tunod nang magsimula nang bumuga ng apoy ang mga fusil ng mga soldados upang tuparin ang utos ng pamahalang Kastila ng Alcala kaya marami sa kanila ang bumulagta agad. Yaon ang gumising sa kahimbingan ni Lakay Lumbang ngunit pinangahasan pa rin niyang buksan ang pintuan ng sagradong kubol upang tiyakin na maaaring nagkatotoo na ang ipinahiwatig ng kanyang salagimsim kanina habang nagdarasal siya. Nang wala siyang mapagtanungan ay muli niyang isinara ang pinto ng sagradong kubol dahil nagtakbuhan papunta sa pasukan ng kanilang komunidad ang limang kalalakihang Malauegs ng Calantac na nagbabantay kanina sa kanya upang alamin ang sanhi ng kaguluhan. Nanghilakbot ang mga kalalakihang Malauegs ng Calantac pagkat naging walang puknat ang ginawang pamamaril ng mga soldados hanggang sa nagkani–kanyang pulasan na lamang ang mga nakaligtas imbes na ituloy pa ang laban nang hindi na maaninag ang pag–asa. Yamang wala nang kabuluhan ang kanilang ipinaglalaban dahil wala na rin kaseguruhan ang tagumpay sa dulo ng mga fusil na bumubuga ng apoy ay minabuti ng dalawang kalalakihang Malauegs ng Calantac ang balikan si Lakay Lumbang upang isama sa kanilang pagtakas. Walang humpay ang mga hagibik habang sumasabay sa dagubdob ng apoy ang sigaw ng mga naghahanap sa kanilang mga mahal sa buhay nang walang pag–aalintana sa mga putok pagkat maraming pamilya ang nagkahiwa–hiwalay. Dinig hanggang langit ang daing ng mga talunan upang ipakiusap kay Bathala ang pagkalooban pa sana sila ng pangalawang buhay kahit unti–unti nang nauupos ang kanilang hininga dahil sa tama ng mga bala. Aywan kung dapat bang magpasalamat ang mga nakaligtas mula sa impiyerno dahil sa kanilang pagtakas ay kabilang naman ang bangkay ni Lakay Lumbang sa mga naiwan sa kanilang komunidad habang tinutupok ng apoy ang mga kubol. Basta labis ang pagluluksa ng kanilang mga kalooban ngunit mas matindi ang nararamdaman nilang pagkamuhi sa pamahalaang Kastila ng Alcala dahil sapilitang inagaw nito ang kanilang mga lupain sa halip na itinuwid sana ang kanilang kamangmangan. Habang nabubuhay sila ay laging magpaalaala sa kanila ang pangyayaring nagaganap ngayong gabi kasabay ang matinding pangako na babawiin nila kahit sa anong paraan ang lupang inagaw sa kanila ng mga banyaga. Sana, marapatin ni Bathala ang kanilang panambitan alang–alang sa kanilang mga anak at sa susunod pang mga salinlahi upang hindi sila magiging alipin ng mga banyaga dahil ang kalayaan ay karapatan ng bawat katutubo ng Sierra Madre. Walang karapatan ang sinuman upang sikilin ang kalayaan na kakambal na ng kanyang buhay mula nang ipinagkaloob ito ni Bathala habang nasa sinapupunan pa lamang siya kaya kamatayan lamang ang puwedeng umagaw nito sa kanya. Habang dahan–dahan ang paggitaw ng araw ay unti–unti namang namamalas ang lagim sa dating komunidad ng Calantac na pinalubha pa ng matinding katahimikan gayong taliwas sa tanawin kagabi na mistulang naglalagablab na impiyerno. Seguro, hindi na napigilan ng langit ang pamimighati pagkat biglang bumuhos ang ulan na sinabayan pa ng malakas na hangin gayong kalagitnaan pa lamang ng tag–init ngunit ayaw pa rin tumighoy ang masamang panahon.
Araw ng Pagluluksa ang naging sigaw ng mga katutubong Malauegs ng Calantac na nirapat pa rin pagkalooban ni Bathala ng pangalawang buhay upang patutunayan nila mismo sa mga susunod na henerasyon kung paano naglaho nang gabing ‘yon ang komunidad ng Calantac. Kung ninais ng ilan ang mangibang–bayan na lamang ay lumikas naman sa pusod ng kagubatan ng Sierra Madre ang karamihan upang hindi na sila matunton pa ng mga soldados imbes na magpasakop sa tribung Malauegs ng Sierra Madre kahit wala na silang kinikilalang Punong Sugo. Doon, itinayo nila ang bagong komunidad na walang inaalintana na anumang batas na kumikitil sa kanilang kalayaan upang mamuhay nang payapa basta ang pananalig nila kay Bathala ay mananatili sa kanilang mga puso. Marahil, sa kanilang bagong komunidad ay hindi na magiging problema pa nila ang kawalan ng titulo sa mga lupain na kanilang pinamamahayan pagkat imposible rin naman na makararating pa sa kagubatan ng Sierra Madre ang mga soldados. Habang ipinagpalagay naman na maaaring nanuluyan muna ang mga katutubong binyagan ng Calantac sa kanilang mga kamag–anak sa bayan ng Alcala ngunit tiyak natigib ng pagsisisi ang kanilang mga puso pagkat hindi nailigtas ng pananampalataya ang kanilang problema sa titulo. Pagkatapos ang naganap na incendio provocado sa komunidad ng Calantac ay pinalawak pa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang pagpapatupad ng batas na nag–uutos sa lahat nang mga naninirahan sa bayan ng Alcala ang pagkakaroon ng titulo sa kanilang mga lupain ngunit walang ibinigay na taning. Maging ang mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre ay obligadong sumunod sa ipinapatupad na batas dahil hindi tinatanggap ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang katuwiran na pamana ang nagkaloob sa kanila ng karapatan sa pagmamay–ari sa mga lupain na sinasakop ng munisipalidad ng Alcala. Dahil naging aral na sa mga mamamayan ng Alcala ang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ay pikit–matang sinunod nila ang batas ngunit hindi tiyak kung tumalima rin ang mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre pagkat masyado nang malayo ang kanilang komunidad. At tiyak hindi pa batid ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre na kailangan iparehistro sa opisina ng agrimensor ang kanilang mga lupain upang magkaroon sila ng titulo ayon sa batas ng pamahalaang Kastila ng Alcala para hindi rin nila daranasin ang naging kapalaran ng mga katutubong Malauegs ng Calantac. Kamalasan, pagkat kasamang namatay ang magandang balak ni Lakay Lumbang para sa mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre dahil siya mismo ang maghihikayat sana kay Lakay Awallan upang magkaroon ng titulo ang kanilang mga lupain kung binigyan lamang sila ng pagkakataon ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Bagaman, may nagtangka pa rin lumaban sa mga soldados upang huwag lamang maagaw ang kanilang mga lupain ay naging madali naman ang pakipagtipan nila kay kamatayan dahil dapat pairalin kahit sa anong paraan ang batas.
“Apong Awallan! Apong Awallan!” Habang tumatakbo ang isang lalaking Malauegs ay tinatawag naman niya si Lakay Awallan ngunit dali–dali rin siyang lumabas mula sa kubol pagkat wala sa loob ang kanyang hinahanap upang maiparating agad ang masamang balita na nasagap niya. Dumeretso pa rin siya sa sagradong kubol nang maipagpalagay niya na maaaring nagdarasal pa lamang ang Punong Sugo kasama ang lupon ng mga matatandang Malauegs sa kanilang komunidad maski mataas na ang araw upang isipin niya ito ngunit wala na siyang dinatnan doon. Marahil, galing siya sa bayan ng Alcala pagkat araw ng palengke ngayon ngunit napaaga yata ang balik niya sa komunidad gayong tanghali ang kadalasang uwi ng mga naglalako ng mga gulay upang maibentang lahat ang mga paninda nila. Kunsabagay, mismong hitsura niya ang nagpapatunay na talagang mahalaga ang kanyang sadya kaya itinuloy ang paghahanap niya sa halip na hintayin sa tangkil ang kanilang Punong Sugo dahil maaaring may pinuntahan lamang siya. Nagbakasakali siya sa kubol ni Alawihaw pagkat doon madalas pumupunta si Lakay Awallan upang makipagkuwentuhan mula nang magdalantao ang asawa nito dahil waring pinanabikan na niya ang pagsilang ng kanyang unang apo. Malapit lamang sa sagradong kubol ang tirahan ni Lakay Awallan upang hindi na kailangan ang maglakad pa siya nang malayo pagkat madalas tumatagal hanggang hating–gabi ang pagdarasal niya kasama ang lupon ng mga matatandang Malauegs lalo na kung matindi ang kanilang problema. Pero malayo naman siya mula sa kubol ng mag–asawang Alawihaw at Dayandang kaya siya na lamang ang lumilipat para makipagkuwentuhan sa kanila na ginagawa niya sa umaga pagkatapos ang kanyang panalangin sa madaling–araw. Napatakbo uli ang lalaking Malauegs dahil hindi pala nagkamali ang kanyang sapantaha nang matanaw niya ang mag–amang Lakay Awallan at Alawihaw sa labas ng kubol habang papunta pa lamang sa kanila ang kanyang lakad. Seguro, pinag–uusapan ng mag–amang Lakay Awllan at Alawihaw ang tungkol sa magiging anak ni Dayandang pagkat naroroon din siya ngunit nabaghan sila nang mapatingin sa lalaking Malauegs na humahangos habang tumatakbo patungo sa kanila.
“Bakit ganyan ang hitsura mo . . . ha?! Lupog?! Napaaway ka ba sa bayan . . . ha?!” Si Alawihaw ang unang bumati kay Lupog pagkat naging kapansin–pansin sa hitsura niya ang posibilidad na napaaway siya kahit hindi ito ang dapat asahan dahil alam naman niya ang sitwasyon sa bayan ng Alcala upang mag–ingat siya. Wala sa mukha ni Lupog ang pagiging basagulero ngunit sadyang maamo lamang sa kanya ang gulo kahit noong maliit pa siya na pinalubha nang maagang naging ulila ng kanyang inang pagkat naging palaban siya. Naisip ni Alawihaw na maaaring napalaban sa mga guwardiya sibil si Lupog pagkat sila lamang ang mahigpit sa mga katutubo ng Sierra Madre kahit mamimili lamang ang pakay nila sa bayan ng Alcala habang isinasabay ang paglalako sa kanilang mga gulay sa araw ng palengke. Kahit salungat ang kanyang palagay pagkat hindi na sana nakabalik sa kanilang komunidad si Lupog ngunit maaari rin isipin na natakasan lamang niya ang mga guwardiya sibil dahil sa bilis niyang tumakbo para hindi siya makulong sa munisipyo ng Alcala. Bukod kina Lakay Awallan, Alawihaw at Dayandang ay naglapitan din ang mga katutubong Malauegs na hindi bumaba sa bayan ng Alcala dahil tiyak na mahalaga ang dalang balita ni Lupog kaya nararapat lamang mapakinggan upang maabisuhan silang lahat tungkol dito. Hindi nila maiugnay ang dating komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac pagkat limang buwan na ang lumipas upang balikan pa nila sa alaala ang pangyayaring naganap doon ngunit tiyak nakababahala ang nasagap na balita ni Lupog. Sapagkat hindi siya nagtagal sa bayan ng Alcala kahit araw ng palengke sa halip na hintayin pa sana ang kanyang asawa na kabilang sa mga kababaihang Malauegs na naglako ng mga gulay lalo’t kasama nito ang kanilang anak na sampung taong gulang. May nagmagandang–loob naman upang abutan ng lumbo ng tubig si Lupog para pawiin ang kanyang uhaw dahil halos kapusin na ang kanyang hininga nang takbuhin niya nang walang pahinga ang layo mula sa bayan ng Alcala hanggang sa kanilang komunidad.
“Apong Awallan! Alawihaw! Mga kasama! Malapit nang makarating sa ating komunidad . . . ang mga soldados! Opo . . . Apong Awallan!” May dahilan pala upang mabahala ang mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre pagkat malaki ang posibilidad na daranasin din nila ang kahindik–hindik na sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac maski mahirap paniwalaan ngunit posible pa rin marating ng mga soldados ang kanilang komunidad. Pero nagtatanong naman ang tingin ni Lakay Awallan kung paano nakalap ni Lupog ang masamang balita kahit marami siyang kaibigan sa bayan ng Alcala dahil sumama lamang siya sa mga kababaihang Malauegs upang isabay sa araw ng palengke ang paglalako ng mga gulay nila. Hanggang sa nabaling ang kanyang mga mata kay Alawihaw na maaaring ganoon din ang iniisip pagkat kumunot ang noo niya kahit tahimik siya habang pinapakinggan ang pagsasalita ni Lupog na hindi naman pala napaaway. Nagkatinginan ang mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre dahil hindi naman lingid sa kanila ang kalupitang dinanas ng mga katutubong Malauegs ng Calantac mula sa mga soldados kaya sakbibi ng pag–aalalaang kanilang mga puso nang maisip na maaaring magkatotoo ang tinuran ni Lupog.
ITUTULOY
No responses yet