IKA – 9  LABAS

Hindi madaling sagutin ang tanong dahil mahirap umasa sa himala kung lalong tumatayog ang layog ng langit habang lumilipas ang panahon kaya hindi basta naririnig ni Bathala ang panalangin ng lupon ng mga matatandang Malauegs kahit araw–arawin pa nila ito.  Aywan kung balak pa rin ni Alawihaw ang pumasok sa kagubatan upang mangangaso dahil malapit na sa kalagitnaan ng langit ang posisyon ng araw nang hindi niya namalayan pagkat tumagal ang kanilang pag–uusap.  Sapagkat hindi siya dapat mawawala sa isasagawang pagsasanay na nakatakdang simulan bukas lalo’t isa siya sa mga inaasahan ni Lakay Awallan kaya kailangan sikapin niya ang sumaglit sa kagubatan ngayon kahit sandali lamang.

“Apong Awallan!  Huwag po tayo basta magtitiwala . . . sa mga Kastila!  Sapagkat . . .  mapanlinlang po sila!!  Dapat po maging aral na sa atin . . . ang ginawa nila . . . sa komunidad ng Calantac!”  Sadyang nagpaiwan si Lupog sa halip na sumabay siya sa pag–alis ng mga katutubong Malauegs upang ipaalaala kay Lakay Awallan na magiging kapahamakan lamang nila ang magtiwala sa pamahalaang Kastila ng Alcala gaya nang nangyari sa mga katutubong Malauegs ng Calantac pagkat umasa sila sa agrimensor.  Kahit sina Alawihaw at Balayong ay nagpaiwan din dahil sa paniniwala na magbibigay pa ng karagdagang bilin para sa kanila si Lakay Awallan ngunit wala silang narinig mula sa kanya na umakma nang humakbang patungo sa sagradong kubol.  Kung idinaan ni Lakay Awallan sa tango ang pagtanggap sa paalaala ni Lupog ay tahimik naman sina Alawihaw at Balayong upang hindi na nila maaabala pa ang pagpasok niya sa sagradong kubol pagkat kanina pa naghihintay sa kanya ang lupon ng mga matatandang Malauegs.  Samantalang sina Lupog at Balayong lamang ang sumabay sa paglalakad ni Lakay Awallan pagkat nagmamadaling pumasok sa kubol si Alawihaw upang magpaalam kay Dayandang para ituloy ang kanyang balak na pangangaso.  Maya–maya, humiwalay si Lupog dahil unang nararaanan ang kanyang kubol ngunit nasa labas pa lamang siya ay bumungad naman ang kanyang mag–ina kasabay ang mga kababaihang Malauegs na kararating lamang mula sa paglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala.  Hanggang si Balayong na lamang ang kasama ni Lakay Awallan papunta sa sagradong kubol upang balikan si Lakay Lanubo para alamin ang kailangan ng kanyang amang na laging walang ganang kumain ngunit pinahigop na lamang niya ng mainit na salabat kanina.  Halos lahat naman ng mga kubol ng bawat miyembro sa lupon ng mga matatandang Malauegs ay malapit lamang sa sagradong kubol para hindi na kailangan ang maglakad pa sila nang malayo pagkat madalas na tumatagal hanggang hating–gabi kung may pulong ang kanilang grupo.  Segurado, pupulungin ni Lakay Awallan ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil kailangan maipaalam sa kanila ang tungkol sa balitang natanggap niya mula kay Lupog kahit ipinag–utos na niya sa lahat ang muling pagsasailalim sa pagsasanay bilang paghahanda.  At dumaan ang magdamag na mapayapang natulog nang mahimbing ang mga katutubong Malauegs maliban sa lupon ng mga matatandang Malauegs kaya maya’t maya sumasaglit sa sagradong kubol si Balayong upang alamin ang kalagayan ni Lakay Lanubo dahil masama sa kanya ang napupuyat.

Kinabukasan.  Pagkatapos ang almusal ng mga katutubong Malauegs ay agad sinimulan ang kanilang pagsasanay bilang pagtalima sa utos ni Lakay Awallan kaya pansamantalang itinigil ng mga kalalakihang Malauegs ang pangangaso upang buhusan ng panahon ang mahalagang araw.  Ngunit sumasaglit pa rin sa tumana tuwing hapon ang mga kababaihang Malauegs upang diligan ang kanilang mga gulayan para may mailalako pa rin sila pagkatapos ang kanilang pagsasanay na posibleng magtatagal ng isang linggo.  Hindi naman nababahala ang mga katutubong Malauegs maski biglaan ang naging desisyon ni Lakay Awallan upang sumailalim silang lahat sa pagsasanay simula ngayong umaga dahil magtatagal pa ng isang buwan ang kanilang inimbak na mga pagkain.  Nahati sila sa tatlong grupo na ang naging maestro para sa mga kabataang Malauegs ay si Lupog dahil bihasa siya sa istaka at sibat habang sinasanay naman ni Alawihaw ang mga kalalakihang Malauegs kahit perito na sa paggamit ng pana ang karamihan sa kanila.  Itinuturo ni Lupog sa mga kabataang Malauegs ang tamang galaw ng kanilang mga katawan sa bawat hakbang ng kanilang mga paa habang inaasalto ang mga kalaban upang hindi mamalayan ng mga ito ang kanilang gagawing pag–atake.  Binigyang–diin niya ang tamang paghawak sa istaka dahil seguradong ito ang unang pag–iinteresan ng mga kalaban pagkat magiging madali na lamang para talunin sila kapag naagaw na ang kanilang pandepensa.  Pinagtuunan naman ng mga kalalakihang Malauegs ang tamang pagtudla dahil may ilan pa rin sa kanila na pumapalya ang pana kahit itanggi pa nila ngunit nakikita naman ang katotohanan sa tuwing dumarating sila galing sa pangangaso.  Dahil marami na ang dalawang huli kung ngitian sila ng suwerte kaya kailangan matutunan nila ang istilo ni Alawihaw pagkat mga soldados na sumailalim sa mahabang panahon na pagsasanay ang magiging kalaban nila.  Kung madali lamang para sa kanila upang linlangin ang mga hayop sa kagubatan ay hindi sa kaso ng mga soldados pagkat nag–iisip din sila kung paano talunin ang mga kalaban na mga busog at tunod lamang ang mga sandata.  Gustong ipagdiinan ni Alawihaw na kailangan laging siyerto ang pagtudla ng mga kalalakihang Malauegs pagkat mahalaga ang bawat tunod upang hindi sila magmimistulang tigpo sa paningin ng mga soldados kung tumagal ang laban.  Mga kababaihang Malauegs naman ang sinasanay ng grupo ni Dayandang maski ayaw sana ni Alawihaw dahil sa kanyang kalagayan ngunit pumayag din siya pagkat katuwang naman niya sina Balayong at ang binatilyong si Assassi.  Kapatid nina Lakay Awallan at Lakay Lanubo ang apong ni Assassi na ginabot ng mga diwata habang nangangaso sa kagubatan ayon sa kuwento dahil hindi natagpuan ang katawan nito kaya pamangkin siya nina Alawihaw, Lupog at Balayong.  Si Lakay Awallan ang kumupkop kay Assassi na dalawang taon pa lamang noon nang maging ulila siya sa mga magulang pagkat tiyak na mapapabayaan lamang ni Lakay Lanubo ang bata kung siya ang mag–alaga sanhi ng kanyang kalagayan.  Nang mag–asawa si Alawihaw ay si Assassi na binatilyo na rin noon ang naging kasama na lamang ni Lakay Awallan sa kubol ngunit malaki rin naman ang naitulong nito lalo na kung dumaranas ng pananakit ang kanyang katawan.

Pinag–aaralan ng mga kababaihang Malauegs ang manu–manong laban para matutunan nila kung paano gapiin ang mga soldados gamit ang kanilang mga kamay at mga paa pagkat sila ang madalas lumalabas sa komunidad upang bumaba sa bayan ng Alcala.  Kapagdaka, magagawang ipagtanggol ang kanilang mga sarili sakaling tangkain ng mga soldados ang lapastanganin sila basta huwag lamang magpasindak kapag itinutok sa kanila ang mga fusil dahil bihira lamang sumabay sa kanila ang mga kalalakihang Malauegs.  Sapagkat lubhang delikado para sa kanila ang maglakad sa kabundukan ng Sierra Madre sa tuwing bumababa sila sa bayan ng Alcala upang maglako ng mga gulay kaya naroroon ang posibilidad na masasalubong nila ang mga soldados lalo’t nagiging madalas ang kanilang operasyon.  Kahit sa kapatagan ng Sierra Madre ang konsentrasyon sa operasyon ng mga soldados ngunit hindi pa rin sila dapat magkumpiyansa dahil walang puwedeng tumulong sa kanila kundi ang kanilang mga sarili kung mangyari ang hindi nila inaasahan.  Habang mga guwardiya sibil ang magiging problema naman nila pagdating sa bayan ng Alcala pagkat hindi maiiwasan upang kutyain ang kanilang mga hitsura ngunit tiyak na magpapalakas ng kanilang kumpiyansa ang mga natutunan nila mula sa pagsasanay.  Ipinagpaliban muna ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang pagdarasal sa araw upang may partisipasyon din sila sa isinasagawang pagsasanay sa pamamagitan ng paglalagay ng ligas sa mga tunod, mga sibat, mga ulos at mga istaka na gagamitin ng mga kalalakihang Malauegs.  Hamak man ang mga armas ng mga kalalakihang Malauegs ay matindi rin naman ang epekto ng mga tunod na itinubog sa ligas kaya mapapadali ang paggapi nila sa mga soldados basta huwag lamang sila magpapasindak sa mga putok.  Hindi ginagamit ng mga kalalakihang Malauegs sa pangangaso ang mga tunod na naimamad sa ligas pagkat naroroon pa rin sa katawan ng hayop ang lason kahit naluto na ang karne nito na maaari nilang ikamamatay kapag kinain nila ito.  Kaya sadyang inihihiwalay ang mga tunod na ginagamit sa pangangaso ng mga kalalakihang Malauegs habang markado naman ang mga itinubog sa ligas dahil kailangan pa rin nila ito kapag inaatake sila ng mga makamandag na hayop.  Bagaman, ramdam nilang lahat ang matinding kapaguran ngunit masaya pa rin sila sa tuwing sumasapit ang hapon upang magpahinga sa buong magdamag matapos ang maikling kuwentuhan kaugnay sa ginanap na pagsasanay.

“Apong Awallan . . . may mga soldados!  Papunta po sila . . . sa ating komunidad!  Opo . . . Apong!  Baka po lulusubin na nila . . . ang komunidad natin!  Apong!”  Pagkaraan ang isang linggong singkad matapo\s ang pagsasanay ng mga katutubong Malauegs ay nagkatotoo ang kanilang pinangangambahan ngunit nagpasalamat na lamang sila pagkat hindi naisipan ng mga kalalakihang Malauegs ang maagang pumasok sa kagubatan upang mangangaso.  Talagang balak ng mga kalalakihang Malauegs ang gumising ng tanghali dahil gusto sana nila na ituloy ang pagpapahinga pagkat ramdam pa ng kanilang mga katawan ang kapagalan kung hindi lamang kailangan mangangaso na sila ngayon.  Dahil tatagal lamang ng dalawang araw ang kanilang pagkain pagkat nabuhos sa isang linggong pagsasanay ang kanilang panahon kaya walang sumaglit sa kagubatan kahit isa sa kanila upang mangangaso.  Sinundan ng tingin ni Lakay Awallan ang itinuturo ng mga bakay sa bukana ng komunidad habang napatingin naman sa ibaba ng gulod ang mga kalalakihang Malauegs upang tiyakin ang abiso na walang dudang totoo dahil natatanaw nila ang paglalakad ng mga soldados sa kapatagan ng Sierra Madre.  Nalipos naman ng pagtataka sina Alawihaw, Lupog at Balayong pagkat naging katanungan nila kung paano natunton ng mga soldados ang kanilang komunidad gayong wala pang banyaga ang nakarating na roon.  Marahil, opisyal ang sakay sa kabayo na sinusundan ng mga soldados kaya nabahala pa rin ang mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre kahit napaghandaan na nila ang kanilang pagdating nang biglang nagbalik sa kanilang alaala ang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac.  Seguro, kagabi pa umalis sa bayan ng Alcala ang mga soldados dahil hindi madaling tuntunin ang komunidad ng mga katutubong Malauegs lalo’t malayo ito mula sa kabihasnan bukod pa ang maraming ilog na kailangan tawirin at suungin ang masukal na bulaos.  Katunayan, hindi pa natatagalan ang paggiti ng araw sa likod ng kabundukan kaya inihahanda pa lamang ng mga nakatalaga sa kusina ang almusal nang marinig ang abiso mula sa mga bakay sa bukana ng komunidad.  Nanatili sa bukana ng komunidad si Lakay Awallan kasama ang mga kalalakihang Malauegs upang matyagan ang mga soldados na unti–unti nang nalalantad sa kanilang mga paningin hanggang sa nawala na rin sa isip nilang lahat ang kumain ng almusal.  Dahil mabibilang lamang pala ang mga soldados ay naisaloob ni Lakay Awallan na walang masamang sadya ang kanilang pagdating ngunit mainam pa rin ang maging handa sila sa halip na magtiwala sa sariling haka–haka.  Sapagkat ito ang dahilan kung bakit sumailalim sila sa isang linggong pagsasanay ngunit hindi pa rin maialis sa kanila ang mabahala pagkat hindi naman nila kabisado ang pag–uugali ng mga soldados lalo’t armado ng mga fusil.  “Mga kasama .. . . magsipaghanda kayo!”  Matapos tiyakin ang pagkakakilanlan ng mga dumarating ay muling isinigaw ng mga bakay sa bukana ng komunidad ang paghahanda dahil naging katuwiran nila ang maagang pagpaparamdam ng mga soldados sa kapatagan ng Sierra Madre.  Kahit naipagpauna nila na maaaring may kaugnayan sa titulo ang sadya ng mga soldados ay hindi pa rin nila isinantabi ang masamang balak ng mga ito dahil naging kahina–hinala ang kanilang pagdating sa komunidad nila.  Tuloy, nagdulot ng matinding ligalig sa mga kababaihang Malauegs ang babala pagkat totoong hindi pa rin handa ang kanilang mga sarili sa ganitong sitwasyon kahit katatapos lamang nilang sumailalim sa isang linggong pagsasanay.  Hanggang sa tuluyan nang nawalan ng saysay ang kanilang paghahanda nang agad ginahis sila ng takot dahil sa paniniwala na sasalakayin sila gayong walong soldados lamang ang dumarating kaya malayo ito sa katotohanan.  Bagaman, para sa mga kalalakihang Malauegs ang babala ng mga bakay upang maihanda ang kanilang mga sarili ngunit lalo lamang lumubha ang sitwasyon sa loob ng komunidad nang iglap maramdaman nilang lahat ang matinding pangamba.  Imbes na maging mahinahon sana sila pagkat may panahon pa naman kung kinailangan ang lumikas ngunit pinatunayan lamang na kulang ang isang linggong pagsasanay para magkaroon ng tiwala ang mga sarili nila.  Nagmamadaling bumalik si Balayong sa kanilang kubol upang ilikas si Lakay Lanubo kahit hindi pa iniuutos ni Lakay Awallan ngunit mabuti na ang maseguro niya ang kaligtasan ng kanyang amang bago dumating sa kanilang komunidad ang mga soldados.  Mabilis na tumalilis si Alawihaw papunta sa kubol upang abisuhan si Dayandang na tulog pa nang iwan niya dahil humilab kaninang hating–gabi ang tiyan nito kaya madaling–araw na nang maidlip matapos painumin niya ng mainit na tubig.  Aywan kung naging maayos ang pag–uusap nila ni Dayandang dahil sa kanyang pagmamadali na bumalik sa bukana ng komunidad ngunit sakbat na ang kanyang talanga na tanging sandata niya nang lumabas siya sa kubol.  Hindi tiyak kung napansin niya ang pagsunod ni Dayandang hanggang sa pintuan pagkat hindi na siya lumingon basta dinatnan niya si Lakay Awallan na nagmamatyag pa rin sa mga soldados na walang dudang patungo sa kanilang komunidad.  Maya–maya, bumalik na rin si Balayong matapos iwan niya sa sagradong kubol si Lakay Lanubo kasama ang lupon ng mga matatandang Malauegs upang simulan ang pagdarasal pagkat ito lamang ang kanilang puwedeng gawin sa tuwing nagkakaroon ng banta ang kanilang komunidad.

“Papalapit na sa komunidad natin . . . ang mga soldados!  Magsipaghanda kayo . . . !”  Habang palapit nang palapit sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ang mga soldados ay tila totoo naman yata na wala silang balak sumalakay pagkat talagang walo lamang sila ngunit dapat pa rin pagtakhan ang kanilang pagdating.  Madaling ipagpalagay na hindi sapat ang puwersa ng walong soldados upang pangahasan nila ang sumalakay sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ngunit naseseguro ba ng mga kalalakihang Malauegs na wala silang masamang balak laban sa kanila.  Baka nangungubli naman ang maraming bilang upang walong soldados lamang ang matanaw ng mga katutubong Malauegs lalo’t isang linggo na hindi nasuyod ang kapaligiran nang sumailalim sila sa pagsasanay kaya hindi sila dapat magtiwala.  At hindi pala si Alferez ang sakay sa kabayo kundi si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang namumuno sa walong soldados na halos naliligo na sa pawis ang kanilang mga katawan habang hinihingal sanhi ng matinding kapaguran dahil sa walang pahinga.  Maya’t–maya ang tingin sa munting mapa ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz habang sinusundan ng kanyang pangkat ang bulaos na maghahatid sa kanila sa komunidad ng mga katutubong Malauegs na ngayon pa lamang nila narating ngunit aywan kung dapat ba nilang ikagalak.  Basta lalong naging interesado si Sarhento Valerio Guztavo dela Paz upang marating agad ang komunidad ng mga katutubong Malauegs nang matanaw ang mga kubol ngunit hindi ang mga kalalakihang Malauegs dahil nagkanlong sila sa mga puno habang minamasdan nila ang kanilang kilos.  Anuman ang totoong pakay ng mga soldados sa mga katutubong Maluegs ng Sierra Madre ay nakasalig lamang sa sapantaha na may kaugnayan sa titulo kaya naligalig sila nang magparamdam ang posibilidad na mangyayari rin sa kanila ang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac.  Sapagkat bago naganap ang pananalakay ng mga soldados sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ay dinalaw muna sila ni Alferez kasama ang agrimensor dahil sa utos ni Alcalde upang tiyakin na hindi pa titulado ang kanilang mga lupain.

“Magsitungo kayo . . . sa inyong mga puwesto!  Bilis!”  Minabuti pa rin ni Lakay Awallan ang maneguro pagkat ito ang unang pagyayari na dinayo sila ng mga soldados kahit nakapagtataka kung paano nila natunton ang kanilang komunidad samantalang hindi ito madaling hanapin.  Nang maisip niya na hindi dapat makompromiso ang buhay ng mga katutubong Malauegs dahil armado ng mga fusil ang mga soldados ay agad gumawa siya ng desisyon sa halip na hintayin pa sila upang alamin ang kanilang sadya.  Basta huwag lamang simulan ng mga soldados ang lumikha ng gulo maski imposibleng gawin pa nila ito kung talagang walo lamang sila ay mapipilitan din gumanti ang mga kalalakihang Malauegs upang ipagtanggol ang kanilang komunidad.  Kulang man ang isang linggong pagsasanay ay nagkaroon naman ng panimulang hakbang ang mga kalalakihang Malauegs pagkat nasa isip pa nila kung paano haharapin ang mga soldados sakaling sumiklab ang engkuwentro sa pagitan nila.  Kung suriin namang mabuti ang galaw ng mga soldados ay talaga yatang hindi nila balak ang lumusob pagkat tuluy–tuloy ang kanilang paglalakad imbes na naging maingat sana habang lumalapit sila sa komunidad ng mga katutubong Malauegs.  Baka magtatanong lamang ang pakay nila kung alam na ba ng mga katutubong Malauegs ang mga batas na kasalukuyang ipinapatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala lalo na ang tungkol sa titulo dahil obligado silang sumunod bilang mga mamamayan ng Alcala.  Sapagkat naging kampanya ngayon ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang hanapan ng titulo ang mga katutubo ng Sierra Madre dahil ang pagmamay–ari nila sa mga lupain sa pamamagitan ng pamana kahit gaano pa katagal ay hindi sapat na katibayan base sa legal na patakaran.  Walang duda na magdudulot ng malaking problema sa mga katutubong Malauegs ang kawalan ng titulo dahil ngayon lamang ito ipinapatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala kung kailan patay na ang mga higit nakaaalam kung paano naging pagmamay–ari nila ang mga lupain.  Segurado, ito ang dahilan nang iutos ni Lakay Awallan sa lahat ang paglilikas maliban sa mga kalalakihang Malauegs sa halip na harapin ang mga soldados dahil sa takot na itanong sa kanila ang tungkol sa titulo ngunit lalo lamang nagdulot ng balasaw ang kanyang desisyon.  Tuloy, napilitang tapusin ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang kanilang pagdarasal upang lumikas na rin matapos marinig ang utos ni Lakay Awallan kaya nagmamadaling pumasok sa sagradong kubol si Balayong para ilabas si Lakay Lanubo dahil hindi na nito nagagawa ang maglakad nang nag–iisa.  “Tumuloy ngayon din . . . sa yungib . . . ang mga matatanda!  Sumabay na rin . . . ang mga kababaihan!  . . . at ang mga kabataan!  Bilisan ninyo!”  Bahagi ng matagal nang paninirahan ng mga katutubong Malauegs sa kanilang kasalukuyang komunidad mula pa sa panahon ng mga ninuno ni Lakay Bangkuwang ang yungib na tinutukoy ni Lakay Awallan ngunit sila lamang ang talagang nakababatid kung saan matagpuan ito.  Naging kanlungan noon ng mga katutubong Malauegs ang yungib sa tuwing inaatake ng ibang tribu ang kanilang komunidad dahil sa problema ng lindero pagkat hindi lamang minsan nangyayari ito ngunit nagiging madalas pa ang pananalakay.  Kalimitan, tumatagal ang pananatili nila sa yungib pagkat naging tuluy–tuloy ang  pananalakay ng mga mandirigmang kalalakihan mula sa ibang tribu kahit mabibilang na lamang silang lumalaban dahil sa pagnanais na makubkob nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs.  Panahon ni Lakay Bangkuwang nang maganap ang isang linggong pananalakay ng mga mandirigmang kalalakihan mula sa dalawang tribu ngunit hindi sila nagtagumpay pagkat mas mapusok ang mga mandirigmang Malauegs sa pamumuno niya kahit marami ang nagbuwis ng buhay sa panig nila.  Lindero ang tawag sa hangganan ng bawat komunidad ng mga katutubo ng Sierra Madre ngunit may pagkakataon na talagang sinasadya ang lumampas sa muhon kaya nagkakaroon ng hidwaan na laging humahantong sa pananalakay.  Kalaunan, nabigyan lamang ng kalutasan ang problema nang magkaroon ng Punong Sugo ang bawat tribu dahil sila na ang nag–uusap pagkat talaga namang kahiya–hiya kung sila–sila rin ang nagpapatayan dahil lamang sa lindero ng komunidad.  Pero sadyang inilihim hanggang ngayon ng mga katutubong Malauegs ang tungkol sa yungib para sa kanilang kaligtasan sakaling tangkain uli ng ibang tribu ang lusubin sila pagkat hindi garantiya ang nabuong kasunduan sa pagitan ng mga Punong Sugo.  Sapagkat likas na sa tao ang nagtatanim ng galit sa kanyang kapwa sanhi ng inggit ay may pagkakataon na nagiging mahirap panghawakan ang taimtim na pagtupad sa kasunduan kaya nakokompromiso ang kapayapaan.  Kaaagad iniutos ni Lakay Awallan ang paglilikas sa yungib upang walang daratnan sa kanilang komunidad ang mga soldados pagkat ginagawa na nila ito kahit noong panahon ni Lakay Bangkuwang sa tuwing nangyayari ang ganitong sitwasyon.  Tiniyak naman ni Balayong na maihahatid muna niya sa yungib na naging pansamantalang kanlungan nilang lahat si Lakay Lanubo upang seguruhin ang kaligtasan ng kanyang amang para wala na siyang iisipin pagdating ng mga soldados.  Sumabay sa mga matatandang Malauegs at sa mga kababaihang Malauegs si Dayandang habang inaalalayan siya ng mag–inang Asana at Dita maski pahilahod ang paglalakad dahil hindi na puwedeng asahan sina Alawihaw at Lupog upang ihatid sila sa yungib.  Sapagkat nabaling na sa paghahanda ang mga sarili nina Alawihaw at Lupog dahil sa napipintong pagdating ng mga soldados sa kanilang komunidad na waring naraanan ng alay–ay nang biglang natahimik ang paligid.  Maya–maya, mga kalalakihang Malauegs at si Assassi ang kasama na lamang ni Lakay Awallan ngunit hindi mapiho kung manatili siya roon dahil nagbibigay pa siya ng karagdagang bilin para sa kanila na handa nang tunguhin ang kani–kanilang puwesto.  “Alawihaw . . . maiwan na kayo rito!  Pakiusap . . . huwag kayong gumawa ng marahas na desisyon . . . upang walang mapapahamak sa inyo!  Basta . . .  pakiramdaman lamang ninyo . . . ang mga soldados!  Para malaman natin . . . ang totoong pakay nila!  Huwag mo sanang kalilimutan . . . ang bilin ko . . . anak!  Ha?!”  Pagkatapos, isa–isang niyapos ni Lakay Awallan ang mga kalalakihang Malauegs para iparamdam ang kanyang pananalig sa kanilang kakayahan kahit armado ng mga fusil ang mga soldados ngunit higit ang tiwala niya sa kanila dahil mga bata pa lamang sila ay kilala na niya.  Katunayan, laging handa ang mga kalalakihang Malauegs upang ipagtanggol ang kanilang tribu mula sa anumang banta para sa kaligtasan ng lahat pagkat ito ang mahigpit na bilin ng kanilang mga amang na naging mandirigmang Malauegs din naman minsan sa buhay nila.  Gayunpaman, hindi pa rin sila dapat magtiwala kahit totoong nahubog sa maraming karanasan ang kanilang isipan at kakayahan dahil mga soldados ang nakatakdang makaharap nila na malawak ang pinag–aralan bago nadestino sa bayan ng Alcala.  Makabubuting sundin na lamang nila ang bilin ni Lakay Awallan upang maiwasan ang engkuwentro lalo’t ngayon pa lamang nila maririnig ang putok ng mga fusil sakaling humantong sa kaguluhan ang pagdating ng mga soldados.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *