IKA–22  LABAS

          “Apong Awallan! Hindi po makatuwiran . . .  ang ginagawa sa atin . . . ng pamahalaang Kastila! Opo!”  Ramdam sa unang bulalas ang bugso ng damdamin na kahapon pa nais isatinig kung naintindihan lamang niya ang wikang Español ngunit nakabuti rin naman ang kamangmangan niya dahil malaki ang posibilidad upang mapahamak lamang siya.  Dahil walang duda na magagawa niya ang marahas na hakbang laban sa mga soldados ngunit segurado rin namang pagsisisihan lamang niya ito kapag nakita ang sarili sa loob ng karsel habang dumaranas ng matinding parusa.  Ngayong batid na nila ang tunay na layunin sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay hindi na sila nagdalawang–isip upang ipahayag ang kanilang pagtutol dito nang walang pagsaalang–alang sa magiging epekto nito sa kanilang kinabukasan lalo’t may mga pamilya sila.  Naniniwala sila na hindi makatao upang patawan ng buwis ang napagbebentahan nila mula sa paglalako ng mga gulay dahil sa tuwing araw ng palengke lamang ginagawa nila ito pagkat hindi biro ang maglakad nang malayo mula sa kanilang komunidad.  Bukod pa ang panganib na pikit–matang sinusuong nila sa tuwing tumatawid sila sa mga ilog upang marating lamang ang bayan ng Alcala sa araw ng palengke para maglako ng mga gulay ngunit hindi naman yata nararamdaman ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang hirap na dinaranas nila.  Lalong hindi nila lubos–maisip kung paano nagkaroon sila ng malaking pagkakautang sa amilyaramyento kung hindi naman naging tungkulin nila mula’t sapul upang ipatupad ito ngayon dahil pamana ng mga ninuno nila ang lupaing nais patawan ng obligasyon ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Sa kanilang malalim na pagkukuro ay higit ang karapatan ng kanilang mga ninuno dahil sa Sierra Madre sila isinilang at namatay samantalang dumating sa poblacion Fulay ang mga opisyal ng pamhalaang Kastila ng Alcala noong ideneklara lamang ang gobierno revolucionario.  Gayunpaman, hindi pa rin puwedeng igiit ng mga katutubong Malauegs ang mga nabanggit na katuwiran upang tandisang suwayin nila ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat si Lakay Awallan mismo ang nagpaalaala na mamamayan pa rin sila ng Alcala kahit sa kabundukan ng Sierra Madre sila naninirahan.  Seguro, makabubuti ang isantabi na lamang ang kanilang karapatan dahil hindi naman ito kinikilala ng pamahalaang Kastila ng Alcala maski magiging pahirap para sa kanila ang ordinansa kaysa ilitin ang kanilang mga lupain ay walang duda na magiging bagamundo naman sila sa sariling bayan.  Dahil nais ipatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang isang lipunan na babago sa buhay ng mga mamamayan ng Alcala kahit labag ito sa kanilang nagisnang kalinangan bukod pa ang pagpapalaganap sa pananampalataya na matagal nang sinimulan ng mga prayle.

“Malinaw!  Ginigipit tayo . . . ng pamahalaang Kastila!  Sinasamantala ng mga opisyal . . . ang ating kamangmangan!  Marahil . . . kailangan na natin . . . ang magdesisyon!  Para sa ating . . . kapakanan!”  Sana, nahintay pa ng mga matatandang Malauegs ang tagpong ito upang namalas nila kung gaano katindi ang pagtutol ng mga katutubong Malauegs kahit suportado nila ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat ipinapairal pa nila ang takot na matutulad sila ng tribung Malauegs ng Calantac na naglaho sa kapatagan ng Sierra Madre.  Nagimbal si Lakay Awallan pagkat kulang na lamang imungkahi ng nagsasalita ang marahas na hakbang upang ipamalas ang kanyang pagtutol sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kahit humantong pa sa madugong labanan ang naisip niyang paraan.  Umiling nang mariin si Lakay Awallan pagkat hindi sa ganitong paraan dapat lutasin ang kanilang problema dahil naniniwala siya na maaari pa rin nilang pakiusapan ang pamahalaang Kastila ng Alcala upang bigyan ng konsiderasyon ang kanilang kalagayan.  Hindi niya magawang purihin ang ipinakita nitong katapangan habang nagpapaalaala naman sa kanya ang mga soldados na dumating kahapon sa kanilang komunidad pagkat armado ng fusil ang bawat isa sa kanila.  Subalit naging tagimtim pa rin niya ang mismong pahayag nito dahil pinapatunayan lamang na tama pala nang tinutulan niya ang pagpapatupad sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit bumilis naman ang pintig sa kanyang dibdib.  Kaagad umalalay sa kanya si Alawihaw na hindi lumayo sa kanyang tabi ngunit umiling lamang siya sa mungkahi nito upang ihatid pabalik sa sagradong kubol pagkat gustong mapakinggan muna niya ang mga pahayag ng mga kalalakihang Malauegs.  Walang dapat ikabahala si Alawihaw kahit gabi–gabing napupuyat siya dahil sa pagdarasal pagkat magaan na tungkulin lamang ito lalo’t kailangan nila ang pagpapala ni Bathala upang ituro nito ang solusyon sa problema nila.  Pero umalis pa rin si Alawihaw upang ikuha ng inumin si Lakay Awallan imbes na utusan niya si Assassi na lumapit dala ang mayukmok dahil humigop lamang siya ng salabat bago pumasok sa sagradong kubol upang sabayan sa pagdarasal ang lupon ng mga matatandang Malauegs.  Aywan kung ituloy pa ni Lakay Awallan ang balak niyang pakiusapan ang pamahalaang Kastila ng Alcala kapag nalaman niya na ganito rin ang naging plano noon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ngunit naging balino lamang ang ipinangakong tulong sa kanila ng mga banyaga.

“Paano pa tayo makaaahon . . . mula sa kahirapan?!  Kung mismong pamahalaan . . . ang nagpapahirap sa atin!  Talagang . . . mamamatay na tayo sa gutom!”  Maging ang mga kababaihang Malauegs ay nagsalita na rin nang malaman nila ang totoong layunin sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat apektado ang paglalako nila ng mga gulay sakaling ipahinto ito ni Lakay Awallan upang wala na silang babayarang buwis.  Nananangis ang mga puso nila pagkat nagugulumihanan din sila kung paano harapin ang problema na tila wala nang kalutasan kundi ang umasa sa milagro kahit walang katiyakan kung ipagkaloob ito sa kanila ni Bathala.  Waring wala nang katapusan ang kanilang kapighatian dahil hindi na napaknit sa kanila ang karukhaan gayong araw–gabing nagdarasal ang lupon ng mga matatandang Malauegs habang umaasa silang lahat na sana darating ang inaasam nilang pagbabago sa buhay.  Pinagtitiisan nila ang manirahan sa kabundukan ng Sierra Madre pagkat mahalaga sa kanila ang kapayapaan kahit salat sila sa yaman dahil dito nagsimula ang kanilang lahi matapos likhain ni Bathala ang mundo bago pa dumating sa poblacion Fulay ang mga banyaga.  Walang kailangan kung malayo sila sa kabihasnan basta ramdam nila ang katahimikan sa tuwing nagkakanlong sa kabundukan ng Sierra Madre ang araw pagsapit ng gabi dahil payapa silang natutulog nang buong kahimbingan sa magdamag.  Pero mali pala ang kanilang naging palagay dahil hindi pa rin sila ligtas mula sa mapag–imbot na hangarin ng pamahalaang Kastila ng Alcala nang pag–interesan din nito maging ang kaunting kabuhayan nila nang magpatupad ito ng ordinansa.  Ano ba ang nagawa nilang pagkakasala upang magpatupad ng ganitong ordinansa ang pamahalaang Kastila ng Alcala na nag–uutos sa kanila upang magbayad ng buwis kahit paglalako ng mga gulay lamang ang pinagmumulan ng kanilang kita?  Hindi man lamang ba sumagi sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang posibilidad na lalo silang malulugmok sa kahirapan dahil sa ordinansa pagkat kailangan ilaan sa pagbabayad sa buwis ang kaunting halaga na dapat ibibili nila ng pagkain?

“Tanging si Bathala na lamang . . . ang ating pag–asa!”  Segurado naman kaya na maipagkakaloob ni Bathala sa mga katutubong Malauegs ang kaginhawaang nais nilang makamtan kung ang kanyang kapangyarihan ay limitado lamang yata sa pagpapatawad at gabayan sila sa araw–raw?  Dapat sabayan din ng pagsasakripisyo sa pamamagitan ng masidhing pagsisikhay ang araw–gabing pagdarasal pagkat ito ang kailangan ng mga katutubong Malauegs sa halip na makuntento na lamang sila kung ano ang mayroon sa kanilang hapag.  Sapagkat hindi basta natutupad ang pangarap sa buhay kung saka lamang naiisip nila ang kahirapan sa tuwing may problema sila sabay maninikluhod kay Bathala upang hingin ang kasaganaan na inaasam nila.  Kung balikan ang panahon ay talagang nakapagtataka kung bakit hindi man lamang nabago hanggang ngayon ang buhay ng mga katutubong Malauegs gayong nagsimula ang pananalig nila kay Bathala noong sila pa lamang ang namumuhay sa kabundukan ng Sierra Madre.  Kung totoong nakatulong sa kanila ang matibay na pananalig kay Bathala ay malaking katanungan naman kung bakit nagdarahop pa rin ang kanilang pamumuhay gayong kaytagal na nilang sumasamba sa kanya.  Samantalang naging buhay na ni Lakay Awallan mula nang maitalaga siya bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs ang araw–gabing pagdarasal pagkat nararapat lamang ang magpasalamat sila kay Bathala dahil sa mga biyayang natatanggap nila lalo na sa araw ng anihan.  Pero ang pag–asa na sana mahahango sila mula sa kahirapan ay naging mailap hanggang sa nakamatayan na lamang ng mga ninuno nila ang paghihintay nito upang silang mga nabubuhay ngayon ang patuloy naman sa pananalig.  Kahit walang kaseguruhan dahil higit na nararamdaman ang mga kabiguan na posibleng makamatayan na lamang nila kaysa pag–asa na hindi pa rin sumasabay sa bawat umagang dumarating sa kanilang buhay.  Gayunpaman, muling idudulog ng mga katutubong Malauegs kay Bathala ang suliranin kahit nakapanlulumong isipin dahil hanggang sa pagpapatawad lamang yata ang kanyang kapangyarihan ngunit hindi niya saklaw ang magkaloob ng kasaganaan.  Kahit ilang beses pa silang mabibigo basta magampanan lamang nila ang mga aral na iniwan ng kanilang mga ninuno pagkat lalo lamang sila masasadlak sa madilim na kinabukasan kung wala na rin silang pinaniniwalaan.  Aywan kung kaya pang baguhin ni Bathala ang naitakda na sa hinaharap pagkat ang kailangan ngayon ng mga katutubong Malauegs ay mahanapan ng solusyon ang kanilang mabigat na problema dahil sa mga parusang taglay sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Samantala, walang malinaw na sagot sa tanong kung nagdulot ba ng kabutihan ang pagpapalit ng relihiyon ng mga katutubong binyagan pagkat sila mismo ay naghihirap din dahil sa paniniwala na magbibigay sa kanila ng pag–asa ang araw–araw na pagsisimba.

Sadyang hindi kayang ikubli sa simpleng pananahimik lamang ang totoong nararamdaman ng mga kalalakihang Malauegs ngunit nagimbal pa rin si Lakay Awallan kahit madalas namamalas niya ang ganitong reaksiyon mula sa kanila pagkat naging mapusok sila ngayon.  Dahil nagliliyab sa galit ang kanilang mga puso kahit sikapin pa nilang sikilin ito ngunit pilit pa rin nag–aalpas upang patunayan ang kanilang kahandaan sa posibleng mangyayari maski mga katutubong armas lamang ang mayroon sila.  Hayaan nang mauulit sa kanilang tribu ang naging kapalaran noon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac basta maisisigaw lamang ang kanilang pagtutol sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala habang nagagawa pa nila ang manindigan para sa kanilang mga karapatan.  Yamang wala na silang nasisilayan na anumang liwanag sa dulo ng kanilang mundo dahil sakmal na ito ng dilim ay mabuti pa ang mamamatay habang lumalaban kahit walang matatanggap na papuri ang kanilang mga bangkay.  Maging ang kinabukasan ng kanilang mga anak ay handa na rin nilang isugal kung sa kaparaanang ito lamang muling makakamtan ang kanilang kalayaan pagkat walang tagumpay kung walang magbuwis ng kanyang buhay.  Kabutihan dahil hindi nakaligtas sa matalas na mga mata ni Lakay Awallan ang nagpupuyos na damdamin ng mga kalalakihang Malauegs kaya agad sinagkaan niya ang binabalak nila pagkat lalong lulubha ang kanilang problema kung pairalin nila ang galit.  Kahit parehong tinututulan nila ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay hindi pa rin siya kumporme sa naisip nilang solusyon pagkat magdudulot ito ng malaking pinsala dahil dehado sila sakaling humantong sa karahasan ang problema nila.  Tuloy, naipagpasalamat pa niya ang pagiging mangmang nila sa wikang Español pagkat walang naglakas–loob magpahayag ng kanyang saloobin habang binabasa kahapon ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala lalo’t napaligiran sila ng mga soldados na armado ng mga fusil.  Walang duda na magdudulot lamang ng karagdagang problema kung may mga kalalakihang Malauegs ang nangahas kuwestiyunin ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil tiyak na hahantong sa mainit na pagtatalo ang pagtatanong nila kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz.  Seguro, nagpaalam lamang si Lakay Lanubo nang lumapit siya kay Lakay Awallan dahil umalis siya pagkatapos ang kanilang pag–uusap sa tulong ni Balayong kahit hindi pa tapos ang pulong ngunit pauwi sa kanilang kubol ang lakad ng mag–amang.  Baka sumumpong na naman ang karamdaman ni Lakay Lanubo pagkat hating–gabi na nang umuwi silang mag–amang galing ng sagradong kubol ngunit agad nakatulog si Balayong pagdating nila sa kubol dahil sa matinding puyat kaya hindi na siya nahilot kagabi.

“Isang bagay lamang . . . ang nais kong ipakiusap . . . sa inyong lahat!  Maging mahinahon muna . . . tayo!  Habang . . . hinahanapan pa natin ng kalutasan!  Ang problema . . . tungkol sa ordinansa!  Hindi lunas sa isang maselang problema . . . ang madaliang pagpapasya!  Puwes!  Palilipasin muna natin . . . ang araw na ito!  Bukas!  Itutuloy natin . . . ang pagtalakay sa problemang ito!  Aywan ko!  Kung paano ninyo iintindihin . . . ang buwis!  At . . . ang amilyaramyento?!”  Sa malas ni Lakay Awallan ay talagang sukdulan na ang tinitimping pangungupinyo ng mga kalalakihang Malauegs laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala lalo’t pinalubha pa nang magpatupad ito ng ordinansa tungkol sa buwis at amilyaramyento kaya posibleng sumambulat ang poot nila kung hindi niya mahadlangan agad.  Karaka–raka, nilinaw niya ang isyu upang maapula ang nagbabantang pagsiklab ng poot ng mga kalalakihang Malauegs pagkat hindi sa paraang naisip nila malulutas ang problema kung hayaan lamang niyang mangibabaw ang kanilang kapusukan.  Minabuti niya ang huwag nang hayaang magsalita ang gustong magpahayag pa ng kanilang saloobin upang maiwasan ang pang–uudyok sa marahas na desisyon kung pagsisihan din naman nila ang pagkakamali.  Naniniwala siya na hindi solusyon sa kanilang problema ang magpatangay sila sa bugso ng kanilang mga damdamin dahil lamang sa buwis at amilyaramyento pagkat lalong mapapahamak ang kanilang mga sarili sanhi ng padalus–dalos na desisyon.  Ayaw niya na hahantong silang lahat sa nakapangingilabot na sitwasyon pagkat mahalaga pa rin ang kanilang mga buhay kahit mangmang ang turing sa kanila ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay tao sila na may mga sariling disposisyon.  Para hindi mangyayari ang nais isulong ng mga kalalakihang Malauegs ay ipinairal ni Lakay Awallan ang kanyang pagiging Punong Sugo ng tribung Malauegs pagkat tungkulin niya ang gabayan sila upang hindi mananaig sa kanilang mga puso’t isipan ang gumawa ng karahasan.  Batid niya na kailangan magiging maingat sila sa pagtatalakay sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala upang hindi lumubha ang kanilang problema kahit magpuyat pa ng maraming gabi ang lupon ng mga matatandang Malauegs hanggang sa makabuo sila ng iisang kapasyahan.  Nararapat lamang pag–aralan muna nila ang masamang epekto sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala upang wala silang pagsisisihan pagdating ng araw pagkat nakasalalay rito ang kinabukasan ng kanilang tribu at ang buhay nilang lahat.  Siyempre, hindi papayag si Lakay Awallan na basta kakamkamin na lamang ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga lupain na pamana pa ng kanilang mga ninuno dahil tiyak na mangyayari ang pag–aalsa ng mga kalalakihang Malauegs kahit ayaw nila.  Bagaman, iniiwasan ng lupon ng mga matatandang Malauegs na mauulit sa tribung Malauegs ang ginawang katampalasan ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa mga katutubong Malauegs ng Calantac ay mapipilitan silang harapin ito kung tanaw na ng kanilang mga mata ang posibilidad dahil kailangan na nila ang lumaban kahit walang katiyakan ang tagumpay.  Pero kumunot ang mga noo ng mga kalalakihang Malauegs nang ipasya ni Lakay Awallan ang pagpapaliban bukas ng pulong sa halip na ituloy mamayang hapon pagkat taliwas ito sa kanilang inaasahan na ngayong araw rin magpapalabas ng desisyon ang lupon ng mga matatandang Maluegs.  “Sana . . . sa buong magdamag!  May . . . naisip nang magandang suhestiyon!  Ang . . . bawat isa sa inyo!  Basta  . . . huwag lamang paiiralin!  Sa inyong mga puso  . . . ang galit!  Para walang lambong ng anupaman . . . ang inyong mga kaisipan!  Habang iniisip ninyo . . . ang kalutasan sa ating problema!”  May katuwiran din si Lakay Awallan nang himukin niya ang mga kalalakihang Malauegs upang tumulong na lamang sa pag–iisip ng solusyon para sa kalutasan ng kanilang problema sa halip na laging inaasa nila sa lupon ng mga matatandang Malauegs ang pagbabalangkas ng desisyon.  Sa halip na imungkahi ang mapusok na paraan kung hindi naman nila mapangatawan pagkat totoong kulang ang anumang kakayahan mayroon sila upang pangangahasan pa nilang hamunin ang puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Lalo’t hindi simpleng problema ang buwis at amilyaramyento upang ipaubaya na lamang sa lupon ng mga matatandang Malauegs ang pag–iisip ng solusyon dahil humihina na rin ang kanilang abilidad kaya nangangailangan sila ng mahabang panahon bago magpahayag ng desisyon.  Itanggi man ng lupon ng mga matatandang Malauegs ngunit sa sitwasyon ngayon ay talagang kakailanganin na nila ang tulong ng mga kalalakihang Malauegs dahil hindi maaaring ihalintulad sa mga nagdaang problema ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na sila–sila lamang ang gumagawa ng desisyon.  Kasi, may kabutihan din kung silang lahat ay nag–iisip pagkat maraming mungkahi ang puwedeng ikonsidera ng lupon ng mga matatandang Malauegs para maiiwasan ang paninisi na posibleng magsasanhi ng kanilang pagkakawatak–watak dahil sa nagkakasalungat na mga katuwiran.  Dapat nilang isipin na seguradong mamanahin ng kanilang mga anak ang problema kung hindi ito mabigyan ng kalutasan ngayon dahil pamahalaang Kastila ng Alcala ang nagpapatupad sa ordinansa kahit sukal ito sa kanilang mga kalooban.  Kaya higit na pagtuunan nila ng pansin ang problema dahil tiyak na kamatayan ang patutunguhan nilang lahat kung ngayon pa lamang ay hindi na sila nagkakasundo pagkat lalong sasamantalahin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang sitwasyon.  Kaunti man silang mga tinatawag na mandirigmang Malauegs kung ihambing sa puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit higit na malakas ang nagkakaisang paninindigan kaysa anumang sandata kahit bumubuga ng punglo ang mga fusil ng mga soldados.  Walang nagawa ang mga kalalakihang Malauegs kundi ang sumunod sa payo ni Lakay Awallan pagkat hindi naman puwedeng ipilit ang kagustuhan nila dahil kailanganin din nila ang basbas ng lupon ng mga matatandang Malauegs upang suportahan ang kanilang nais ipaglaban.  Lalo’t mga amang din naman nila ang karamihan sa mga miyembro ng lupon ng mga matatandang Malauegs ay respeto na lamang sa kanila ang pagtalima nila kay Lakay Awallan kaysa magiging karagdagang problema pa sila sa panahon na dapat nagkabigkis–bigkis  sila“Sige!  Magsibalik na kayo . . . sa inyong mga kubol!  Magpahinga . . . muna kayo!  Pagkatapos . . . ang ating pananghalian!”  Natapos ang unang araw ng talakayan kaugnay sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala maski taliwas sa inaasahan ng mga katutubong Malauegs ang naging resulta dahil wala pang naipahayag na desisyon ang lupon ng mga matatandang Malauegs ngunit tahimik na tumalima sila sa pakiusap ni Lakay Awallan.  Marahil, tanggap nila ang katuwiran ni Lakay Awallan na dapat tumulong na lamang sila sa pag–iisip ng solusyon upang bukas sa ikalawang araw ng pagtalakay nila sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay bakasakali manggagaling sa kanila ang katanggap–tanggap na mungkahi.  Kunsabagay, patunay lamang kung gaano kabigat ang kanilang problema nang hingin ni Lakay Awallan ang kanilang kooperasyon pagkat hindi na rin makatuwiran upang ipaubaya na lamang sa lupon ng mga matatandang Malauegs ang paglikha ng desisyon gaya nang madalas nangyayari.  Nagmamadali namang bumalik sa kusina ang mga kababaihang Malauegs upang ihanda ang kanilang pananghalian dahil inihabol na nila ang pagluluto ng pagkain kanina pagkat alam nila na magtatagal hanggang tanghali ang pag–uusap.  Kaya tumuloy na lamang sa hapag silang lahat upang pagsaluhan ang kanilang pananghalian ngunit hindi yata nakapagbayo ng palay ang mga nakatalaga sa kusina pagkat kamote’t gabi ang inihain nila sa halip na kanin.  Pero masarap naman ang kanilang ulam na tapang alingo at tinolang manok kahit dalawang araw nang natigil ang pangangaso ng mga kalalakihang Malauegs dahil kailangan bigyan ng priyoridad ang problema na dumating sa kanila.  Sa pananghalian lamang kumakain ng kanin ang mga katutubong Malauegs pagkat minsan lamang sila nagtatanim ng palay sa isang taon dahil naging problema nila ang patubig kahit sa kabundukan ng Sierra Madre sila naninirahan kaya kailangan ang magtipid sila ng bigas.  Nagtatanim sila ng palay kung malamig ang panahon dahil umaasa lamang sila sa ulan para sa patubig ng kanilang palayan ngunit problema pa rin ang dulot kung may bagyo dahil apektado ng sanaw ang mga tangkay.  Hindi naglalako ng bigas ang mga kababaihang Malauegs dahil mabuti pa kung sila na lamang ang makinabang kaysa binabarat ang presyo samantalang pagod sa pagtatanim ang puhunan nila para ipagbibili lamang sa murang halaga.  Nagpaiwan pa sa labas ng sagradong kubol sina Lakay Awallan at Assassi sa halip na dumulog na rin sa hapag ngunit hindi na nila kasama si Alawihaw na nagmamadali namang umuwi upang sunduin si Dayandang para sabay silang manananghalian.  Aywan kung may balak pang pumasok sa sagradong kubol si Lakay Awallan upang sabayan sa pagdarasal ang mga matatandang Malauegs pagkat sumilip lamang siya sa pintuan habang naghihintay naman sa kanya si Assassi na gusto na rin yatang umidlip pagkat panay ang hikab niya.

Talagang nagdulot ng matinding bagabag sa mga kalalakihang Malauegs ang problema tungkol sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat ngayon lamang nangyari sa tanang buhay nila ang gising pa rin silang lahat kahit malalim na ang gabi imbes natutulog na.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *