IKA–23 LABAS

Dati–rati, mahimbing na ang tulog nila pagsapit ng hating–gabi ngunit kabalintunaan ngayon pagkat ayaw silang dalawin ng antok dahil na rin sa bilin ni Lakay Awallan na laging umaalingawngaw sa kanilang mga kaisipan habang nagpapahinga sila pagkatapos ang hapunan.  Kailangan may maimumungkahing suhestiyon sila bukas sa pangalawang araw na pagtalakay nila sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit hirap naman sila makaisip ng solusyon pagkat ayaw pa rin mawaglit sa puso nila ang matinding galit.  Habang patuloy nilang pinagpupulawan ang magiging mungkahi nila sa gaganaping pulong bukas ng umaga ay sabay namang napagtanto nila na hindi pala dapat sisihin ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil talaga palang mahirap ang mag–isip ng solusyon.  Ngayon, alam na nila kung bakit wala pang nalikhang desisyon hanggang kaninang umaga ang lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat posible na ganito rin ang nararanasan nila ngunit hindi naman puwedeng pumasok sila sa sagradong kubol upang humingi ng paumanhin.  Hindi na lumabas sa sagradong kubol ang lupon ng mga matatandang Malauegs para sa hapunan pagkat itinuloy na lamang nila ang pagtatalakay sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala matapos ang kanilang pagdarasal dahil sa paghahangad na makalikha sila ng desisyon na suportado nilang lahat.  Sa tuwing hindi nagkakatugma ang kanilang mga pananaw ay bumabalik sila sa pagdarasal upang muling hingin ang gabay ni Bathala para madalumat ng kanilang malak ang desisyong nararapat sa kanilang problema.  Si Lakay Lanubo na mahimbing nang natutulog sa kubol ang hindi dumalo sa ginanap na pagtalakay ng lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat nagpahinga muna siya upang hindi lumubha ang kanyang karamdaman dahil hindi na niya kinaya ang sunud–sunod na pagpupuyat.  Pabiling–biling naman sa papag si Alawihaw dahil ayaw mapanatag ang kalooban niya samantalang mahimbing nang natutulog si Dayandang matapos hilutin ng komadrona upang tiyakin na magiging maayos ang kanyang panganganak.  Hanggang sa naisip niya ang pumunta sa gulod upang hanapin sa kanyang mukta ang solusyon sa kanilang problema ngunit nagulat siya dahil nauna na pala sa kanya si Lupog na inakala pa naman niya ay tulog na.  Maya–maya, dumating din si Balayong nang walang paalam kay Lakay Lanubo dahil ngayong gabi lamang naging mahimbing ang kanyang tulog matapos siyang hilutin pagkat nakabuti yata sa kanya ang maagang pahinga kaysa nagpupuyat.  Sapagkat madalas sumusumpong ang karamdaman ni Lakay Lanubo ay napupuyat din si Balayong sa pagbabantay pagkat magdamag na dumadaing dahil sa iniindang sakit ang kanyang amang kaya hindi maayos ang tulog nito sa gabi.

Sapagkat maliwanag ang buwan nang gabing ‘yon ay umagaw sa pansin nina Alawihaw, Lupog at Balayong ang nagaganap na sunog sa kapatagan ng Sierra Madre imbes na pinagtuunan nila ang pag–iisip ng solusyon dahil malapit na ang madaling–araw.  Kapagdaka, naisaloob nila na maaaring mga kubol ang nasusunog dahil halos dumugsong na sa ulap ang makapal na usok ngunit ayaw nilang ayunan ang palagay na isang tribu na naman ang linusob ngayong gabi ng mga soldados.  Dahil wala nang mga katutubo ang naninirahan sa kapatagan ng Sierra Madre sanhi ng takot pagkat naging madalas ang operasyon ng mga soldados kaya mas tiyak ang posibilidad na lumikas sa ibang bayan ang mga katutubong Malauegs ng Calantac na nakaligtas mula sa naganap na incendio premeditado noon.  Pero nagimbal pa rin ang tatlo pagkat itinaon pa sa gabi ang paglusob kung kailan tulog na ang mga naninirahan doon dahil ganito rin ang ginawa noon ng mga soldados nang gulantangin nila sa hating–gabi ang natutulog nang mga katutubong Malauegs ng Calantac.  Sanhi ng sobrang panghihilakbot ay napapikit nang mariin si Lupog nang maalaala ang kanyang pamilya dahil marami ang nangamatay kabilang na si Lakay Lumbang nang maganap ang pananalakay ng mga soldados sa komunidad ng tribung Malauegs ng Calantac.  Habang tinatanong naman ni Balayong ang sarili kung paano ililigtas ang kanyang amang kung lusubin din ng mga soldados ang kanilang tribu pagkat tungkulin niya ang ipagtanggol bilang mandirigmang Malauegs ang kanilang komunidad.  Napahimutok nang malalim si Alawihaw pagkat ayaw niyang isipin ang posibilidad na mangyayari rin sa kanilang tribu ang naging kapalaran noon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac kung ipagpilitan nila ang huwag tumalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Segurado, higit ang idudulot na pinsala sa panig nila kapag nagkatotoo ang kanyang pinangangambahan dahil marami sa kanila ang may pamilya kung gitlain sila ng mga soldados sa gitna ng hating–gabi kahit magdamag na binabantayan ng mga bakay ang kanilang komunidad.  Paano kung itaon din sa gabi ang paglusob ng mga soldados sa kanilang komunidad kung kailan mahimbing nang natutulog silang lahat upang hindi nila magagawa ang lumaban pagkat sadyang mapaglilo ang mga banyaga?  Nagtatanong pa lamang ang sarili ni Alawihaw ay nangangalisag na ang kanyang mga balahibo dahil kay Dayandang na malapit nang manganganak kung humantong sa pag–aalsa ang pagtutol nila sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Sunud–sunod ang buntung–hininga niya habang kumakamot naman sa ulo si Balayong dahil kanina pa palakad–lakad si Lupog pagkat lalong bumibigat ang problema sa tuwing naiisip nila ang magiging parusa kung hindi nila mabayaran ang buwis at amilyaramyento.  Kunsabagay, may katuwiran upang mabahala si Alawihaw dahil pinatunayan ng mga soldados na magagawa rin nilang lusubin sa gabi ang komunidad ng mga katutubong Malauegs pagkat minsan na nilang napasok ito gayong maliwanag ang araw noon.  Dahil sadyang mahirap iwaksi sa isip ang isang problema kung ang mapinsalang epekto nito ay nagbabadya na ngayon pa lamang pagkat tunay na wala nang pangalawang pagkakataon kung buhay mismo nila ang maglaho.  Walang duda na maging ang mga yumao ay talagang matitigatig kung makarating hanggang sa kanilang libingan ang problema ng kasalukuyang henerasyon ng mga katutubong Malauegs pagkat hindi rin sila magkakaroon nang ganap na katahimkan.  Hindi mapiho kung may naisip nang solusyon ang tatlo dahil tinatanaw pa rin nila ang bahaging ‘yon sa kapatagan ng Sierra Madre hanggang sa nangulimlim ang kanilang mga mata pagkat wala silang nagawa upang damayan sana ang mga biktima.

Tumagal hanggang madaling–araw ang pagpupuyat ng mga kalalakihang Malauegs dahil sa kagustuhan na makaambag din sila ng solusyon sa problema na nagdulot ng aligutgot sa kanilang lahat pagkat mamayang umaga na muling tatalakayin ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Kung hindi pa nila narinig ang tilaok ng mga labuyo mula sa kagubatan ay tiyak inumaga na sila sa labas ng kani–kanilang kubol dahil mismong gabi ang ayaw nang matulog para bigyan sila ng sapat na panahon upang makaisip ng solusyon.  Hindi lamang matiyak kung handa na sila upang humarap sa itinakdang pulong mamayang umaga basta nag–uunahan silang pumasok sa kubol para umidlip kahit sandli habang hindi pa nababanaagan ang silahis ng araw sa kabundukan ng Sierra Madre.  Sana, masunod ang balak ni Lakay Awallan na bibigyan muna niya ng pagkakataon ang bawat kalalakihang Malauegs upang ipahayag ang kani–kanyang mungkahi sa pagsisimula ng pulong dahil doon na lamang nila ibabase ang desisyon sakaling hindi pa rin nagkakasundo ang lupon ng mga matatandang Malauegs.  Bagaman, ipinangako ni Lakay Awallan na sisikapin ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang pagpapalabas ng desisyon mamayang umaga ngunit ayaw umasa ang mga kalalakihang Malauegs ngayong naunawaan na nila ang kanilang kalagayan dahil sila man ay nahirapan din sa pag–iisip ng solusyon.  Talagang mainam kung huwag munang pagbabalingan ng mga kalalakihang Malauegs ang lupon ng mga matatandang Malauegs lalo’t hungkag pa rin hanggang ngayon ang kanilang mga malak.  Puwede rin namang ipagpalagay na maaaring naging abala ang kanilang isip dahil masyadong malalim ang kanilang pananahimik habang sinasabayan ng buwan ang pagpupuyat nila.  Malay ba ng mga anito kung sa kanilang pananahimik ay bumabalangkas na pala ng solusyon ang isip nila habang minamasdan ni Bathala ang bawat kurap ng kanilang mga mata sa tuwing kumukutitap ang mga bituin.  At kung talagang wala nang mapili mula sa mga mungkahi ng mga kalalakihang Malauegs ay huling remedyo ang pumunta sa munisipyo ng Alcala ang lupon ng mga matatandang Malauegs para personal silang makiusap sa pagbabakasakali na mauunawaan ni Alcalde ang kalagayan ng mga katutubong Malauegs.  Bagaman, walang kaseguruhan ang ganitong hakbang ay mabuti pa rin ang subukan ng lupon ng mga matatandang Malauegs dahil malaki ang posibilidad ng kabiguan kung basta manahimik na lamang sila kaysa magbakasakali upang mahanap ang solusyon.  Kahit nasusuong sa pusikit na karimlan ang pag–asa kung pakinggan kaya ang kanilang kahilingan dahil ngayon pa ba magkakaroon ng habag ang ganid na puso ni Alcalde kung kailan natuklasan na niya ang malawak na lupain ng Sierra Madre.

Maagang kumain ang mga katutubong Malauegs na nilagang kamote, gabi at kamoteng kahoy ang naging almusal nila ngunit hindi lahat ng mga kalalakihang Malauegs ay dumulog sa hapag dapwa madali nang intindihin kung bakit tulog pa ang karamihan sa kanila.  Ipinaubaya na lamang sa mga anak nila ang manok na pinakuluan nang magdamag dahil kuntento na sa sabaw ang lupon ng mga matatandang Malauegs matapos humigop ng mainit na salabat kaninang madaling–araw bago sinimulan ang kanilang pagdarasal sa loob ng sagradong kubol.  Kailangan nila ang magtipid dahil mauubos na ang pagkain na inimbak para sa isang linggong pangangailangan nila lalo’t wala pang katiyakan kung magpalabas na ng desisyon ngayong araw ang lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat hiningi nila ang tulong ng mga kalalakihang Malauegs.  Posible na pakikinggan muna ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang mga mungkahi ng mga kalalakihang Malauegs ngunit isipin din sana nila na hindi dapat tumagal hanggang bukas ang pulong dahil kakapusin na sila ng pagkain lalo’t umaasa lamang sila mula sa biyaya ng lupa at sa pangangaso.  Kailangan masimulan na ng mga kalalakihang Malauegs ang pangangaso kahit mamayang tanghali kung ipahintulot ni Lakay Awallan pagkat hanggang bukas na lamang ang kanilang pagkain dahil pangatlong araw na ngayon na hindi sila pumasok sa kagubatan.  Kahapon, sumaglit sa tumana ang mga kababaihang Malauegs upang isabay sa pagdidilig sa kanilang mga pananim ang paglalabot ng mga lamang–lupa na ibebenta sana nila sa bayan ng Alcala ngunit ito na lamang ang naging agahan nila ngayong umaga.  Kaya nagkasundo ang limang kababaihang Malauegs upang mangutang ng bigas sa kanilang kakilalang dueño de tienda sa bayan ng Alcala tulad nang madalas nilang ginagawa kung kapos sila sa pagkain lalo na sa panahon ng tagbisi dahil apektado ang pagtatanim nila ng mga gulay.  Para pumayag ang dueño de tienda ay ipapangako na lamang nila ang anumang maiuwi ng mga kalalakihang Malauegs mula sa pangangaso pagkat kasya lamang sa pananghalian bukas ang natitirang bigas dahil hindi pa puwedeng anihin ang mga palay.  Sana, matatapos agad mamaya ang talakayan upang magkaroon pa ng panahon sa pangangaso ang mga kalalakihang Malauegs kahit sandali lamang sila sa kagubatan para may maibebenta ang mga kababaihang Malauegs dahil dapat samantalahin ang araw ng palengke bukas sa bayan ng Alcala.  At nang mapaghandaan na rin nila ang susunod na hakbang batay sa magiging desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs dahil hindi dapat asahan ang kanilang mga mungkahi pagkat sila ang higit nakababatid kung ano ang makabubuti para sa kanilang lahat.

“Manalangin muna tayo . . . bago natin muling pag–uusapan!  Ang ipinalabas na kautusan . . . ng pamahalaan!  Samakatuwid . . . hinihingi ko ang katahimikan!  Lalo na sa mga kabataan . . . habang nananalangin tayo!”  Ugaling kapuri–puri ang walang maliw na pananalig ng mga katutubong Malauegs kay Bathala maski maraming beses nang inilulugmok sa kabiguan ang kanilang buhay ngunit hindi pa rin sila bumitiw kahit minsan sa nagisnang paniniwala.  Sapagkat siya ang laging sumbungan nila sa mga panahon na nagiging kahabag–habag ang kanilang kalagayan tulad ngayon na dumaranas sila ng mabigat na suliranin dahil sa kawalan ng kakayahan upang tutulan nila ang kagustuhan ng mapang–aping gobyerno.  Tagimtim lamang ng mga katutubong Malauegs ang pangako ni Bathala sa kanilang mga ninuno na sa kaharian niya lamang matatagpuan ang paraiso ng walang sukdulang kapayapaan dahil naghihintay ang gantimpala para sa mga pinagpapala.  Bagaman, nanatiling alamat para sa kanila ang paraiso ng walang sukdulang kapayapaan ngunit pangarap ng bawat isa ang makarating siya roon pagdating ng panahon na kailangan nang isuko ang kanyang hiram na buhay.  Kaya laging nagsisimula sa taimtim na pagdarasal sa pangunguna ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang anumang aktibidad na nais isagawa ang tribung Malauegs dahil mahalaga para sa kanila ang basbas ni Bathala kaysa sinumang makapangyarihan sa ibabaw ng lupa.  Dahil tanglaw sa kanilang mga kaisipan ang basbas ni Bathala upang magiging malinaw ang pagpapahayag nila ng sariling damdamin para hindi lumikha ng sugat ang pilantik ng dila sanhi ng walang habas na pananalita.  Kahit salungat sa mga pangaral ng mga prayle ang paniniwala nila ngunit nananalig pa rin sila na si Bathala ang daan upang masusumpungan ng nagugulumihanan nilang kalooban ang kapayapaan dahil siya na ang sinasamba nila bago pa nakilala ng mga katutubong binyagan ang Diyos.  Sa tulong ni Balayong ay dahan–dahang tumayo si Lakay Lanubo upang pangungunahan ang pagdarasal bago simulan ang ikatlong araw na talakayan kaugnay sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit mahalaga pagkat ito ang unang pangyayari na diringgin muna ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang mga mungkahi ng mga kalalakihang Malauegs.  Sumabay sa kanya ang lahat habang magkadaop ang mga palad nila sa tapat ng dibdib upang isuko kay Bathala ang kanilang mga sarili na giyagis ng salaghati kaya hindi nila maramdaman ang kahimbingan sa pagtulog.

“Maawaing Bathala!  Nagsusumamo po kami . . . sa iyong harapan.”  Hindi si Lakay Lanubo ang talagang naatasan upang pangunahan ang pagdarasal sa ikatlong araw na pulong ng mga katutubong Malauegs dahil sa kanyang karamdaman kaya hindi na siya inobligang dumalo sa talakayan para maagang magpahinga.  Ngunit hindi lamang natanggihan ni Lakay Awallan ang kanyang kahilingan nang malaman nito na nais niyang samantalahin ang pagkakataon para isuko kay Bathala ang kanyang sarili dahil dumadalas ang sumpong ng karamdaman niya.  Kagabi lamang naging mahimbing ang tulog niya dahil hindi sumumpong ang kanyang karamdaman matapos hilutin siya ni Balayong ngunit maaga pa rin siyang pumasok sa sagradong kubol kahit siya pa lamang ang nasa loob.  Kaagad naman kumuha ng salabat sa kusina si Balayong dahil na rin sa kahilingan ni Lakay Lanubo ngunit hindi na siya kumain ng almusal pagkat hindi na dumulog sa hapag ang lupon ng mga matatandang Malauegs matapos humigop ng sabaw ng tinolang manok.  Dahil madalas nalilipasan ng gutom si Lakay Lanubo ay hindi sapat sa katawan niyang batbat nang maraming karamdaman ang magdamag na pahinga upang kayanin ang tumayo nang matagal ngunit sinisikap pa rin niyang gampanan ang atas.  Upang magkaroon ng katuparan ang kanyang pangako na isusuko kay Bathala ang sarili para magiging kalugud–lugod siya sa paningin nito dahil hindi na niya maaaring itanggi ang katotohanan na nalalapit na ang kanyang pamamaalam.  Sapagkat totoong unti–unti nang iginugupo ng karamdaman ang kanyang katawan kaya ramdam niya ang pangangamay ng kanyang mga bisig na kanina pa nakadipa habang sumasambit ng dasal ang kanyang mga labi.  Dahil hindi pala lunas ang hilot at mahabang pahinga sa kanyang katawan na laging nagtitiis sa gutom ngunit sinisikap pa rin niya ang tumayo pagkat mahalaga ang katuparan ng pangako habang nagagawa pa niyang sambitin ito.  Sana, marapatin ang ginagawa niyang sakripisyo dahil kaligayahan niya ang mapakinggan ni Bathala ang kanyang kahilingan na ipagkaloob nawa nito ang hinihiling nilang kapayapaan alang–alang sa kinabukasan ng kanilang tribu.  Handa naman sina Balayong at Assassi upang alalayan siya sakaling muling sumumpong ang kanyang karamdaman dahil hindi sapat ang salabat at sabaw ng tinolang manok upang kayanin niya ang tumayo nang matagal.  Mangyari, dumanas ng malubhang karamdaman si Lakay Lanubo na muntik na niyang ikamatay kung hindi dininig ni Bathala ang mga dasal ng lupong ng mga matatandang Malauegs dahil dugo na ang kanyang dumi ngunit gumaling man siya ay humina naman ang katawan niya.  Kung malaki ang pag–asa ni Lakay Awallan upang masilayan pa ang kanyang magiging apo kay Alawihaw ay taliwas naman ang nakikita kay Lakay Lanubo pagkat wala na yata sa isip ni Balayong ang pag–aasawa dahil sa pag–aalaga sa kanya.  Dahil bugtong na anak si Balayong ay hindi puwedeng iwan niyang mag–isa si Lakay Lanubo ngunit sa tanong kung naisin pa rin ba niya ang pag–aasawa ay depende sa sitwasyon upang magkaroon siya ng malinaw na tugon.  Kung napakiusapan niya si Assassi para bantayan muna nito si Lakay Lanubo ay saka pa lamang nagagaw niya ang pangangaso ngunit hindi puwedeng magtagal siya sa kagubatan dahil priyoridad pa rin ng binatilyo si Lakay Awallan.   “Hinihiling po namin . . . ang iyong patnubay!  Lingapin mo po kami . . . habang dumaranas ng maraming pagsubok . . . ang aming buhay!  Batid po namin . . . hindi lingid sa iyo . . . ang aming paghihirap!  Tulungan mo po kami. . . sa mga panahon na sadyang . . . kailanganin po namin . . . ang iyong pagpapala!”  Sana, pagpalain ni Bathala ang mga pusong nananangis habang nagsusumamo para siglawan niya ang kalunus–lunus na kalagayan ng mga katutubong Maluaegs upang mamalas nila ang pag–asa na hindi pa rin nasisilayan ng kanilang mga mata habang nabubulid sila sa karimlan.  Samantalang araw–gabing nagdarasal ang lupon ng mga matatandang Malauegs upang patunayan ang kanilang masidhing pananalig sa kanya kaya nanatiling tapat ang kanilang mga puso kahit maraming beses silang hinikayat upang yakapin ang pananampalataya na ipinalaganap ng mga prayle.  Gumugulong sa kanilang mga mukha ang mga luha habang walang humpay ang pananaghoy ng kanilang mga kaluluwa upang pakinggan nawa sila ni Bathala sa panahon na sadyang kailangan nila ang kanyang pagpapala.  Bulong ng kanilang mga puso ang bawat dalangin na binibigkas ng kanilang mga labi upang iparamdam sa kanya ang kanilang pagpupuri dahil hindi magiging kapaguran nila ang araw–araw na pagdarasal.  Sapagkat batid nila na sa ganitong paraan pinapakinggan ni Bathala ang kanilang pamimintuho dahil lagi siyang nakasubaybay sa kanila upang gabayan sila sa mga panahon na dumaranas sila ng matinding pagdurusa.  Sana, gising pa rin si Bathala kahit puyat siya kagabi pagkat tumagal hanggang madaling–araw ang pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs upang hilingin ang kanyang patnubay para magiging mapayapa ang pagpapalitan ng mga kuru–kuro kaugnay sa pulong ngayong umaga.  Si Dayandang na naging maselan ang pagbubuntis ang hindi lamang dumalo sa pulong nang hindi na pumayag si Alawihaw upang lumabas siya sa kubol dahil na rin sa payo ni Lakay Awallan pagkat dumadalas na ang paghihilab ng kanyang tiyan.  Tuloy, paroo’t parito sa sagradong kubol si Alawihaw upang bigyan din ng katamanan ang kalagayan ng kanyang asawa kaya aywan kung magparinig siya ng mungkahi dahil seguradong wala siyang naisip sa nagdaang magdamag dahil kay Dayandang.  Subalit higit ang pag–aalala niya kay Lakay Awallan dahil sabaw ng tinolang manok ang hinigop lamang nito pagkat hindi na lumabas upang kumain muna ng almusal ang lupon ng mga matatandang Malauegs mula nang pumasok sila ng sagradong kubol kaninang madaling–araw.  Lumabas lamang sila sa pagsisimula ng pulong ngunit hindi niya tiyak kung natanggap ni Lakay Awallan mula kay Assassi ang tatlong bayabas na pinitas niya sa likuran ng kanilang kubol para magkaroon ng laman ang kanyang tiyan.  Aywan kung naintindihan ni Assassi ang senyas niya dahil tumango siya nang lumingon sa kanyang kinaroroonan ang binatilyo ngunit dalangin pa rin niya na sana matatagalan ni Lakay Awallan ang pulong kahit tatlong bayabas lamang ang kinain nito.  Malaki ang pasasalamat niya dahil si Assassi ang naging kasa–kasama ni Lakay Awallan mula nang mag–asawa siya ngunit dumadalaw pa rin siya para makipagkuwentuhan sa kanyang amang gaya nang madalas nilang ginagawa noong binata pa siya.  “Tanging ikaw lamang . . . Makapangyarihang Bathala!  Opo!  Ang . . . aming kaligtasan!  Itinalaga na po namin . . . sa iyong mga kamay . . . ang aming buhay!  Marapatin mo po . . . Mahabaging Bathala!  Bahaginan mo po ng kaunting kaalaman . . . ang aming mga kaisipan!  Upang matagpuan po namin . . . sa sulok ng aming mga kaisipan!  Ang kalutasan . . . sa problema!  Hatid po ng . . . mapang–aliping lahi!”  Pagkatapos ang panalangin ni Lakay Lanubo ay dinamdam niya ang labis na pagkahapo kaya sinaklit agad siya ni Balayong dahil posibleng sumalampak siya sa lupa lalo’t dati nang nagtiitiis ng karamdaman ang katawan niya.  Pinaupo siya sa bangko habang minamasahe ni Assassi ang kanyang mga bisig na nangingisig sanhi nang matagal na pangangamay ngunit nabahala pa rin ang lahat nang mapagmasdan nila ang kanyang namumutlang hitsura.  Nang makita ni Lugpo ang pangyayari ay nagtatakbo siya pauwi sa kanilang kubol upang kumuha ng tubig habang nagmamadaling lumapit si Alawihaw upang pangkuin si Lakay Lanubo kung kinailangan iuwi muna siya sa kubol.  Marahil, sapat na ang lumbo ng tubig upang pawisan si Lakay Lanubo matapos siyang painumin ni Lupog kahit gamot ito sa uhaw ngunit puwede rin namang pamatid–gutom sa laging kumakalam na tiyan upang huwag lamang kapusin ang hininga.  Palibhasa, nagsisimula na ang panahon ng tag–init ay maaga rin nagparamdam ang alinsangan dahil walang naglalayag na ulap sa kalawakan kaya ramdam na nila ang pagbabago sa tiyempo kahit sa kabundukan ng Sierra Madre sila naninirahan.  Kabutihan, ilang linggo na lamang ang hinihintay nila upang anihin ang mga palay pagkat magiging problema nila ang patubig kung matagal pa ang tag–ulan ngunit hindi ang mga gulayan dahil ilog ang pinagkukunan nila ng pandilig.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *