IKA–24 LABAS

Bagaman, gulay ang madalas kinakain ng mga katutubong Malauegs ay apektado naman ang kanilang kalusugan kapag mainit ang panahon kahit sa kabundukan ng Sierra Madre sila naninirahan dahil sa uri ng kanilang pamumuhay lalo’t umaasa lamang sila sa mga halamang gamot.  Kaya nagiging pasakit para sa kanila ang simpleng karamdaman dahil tampak sila sa malamig na klima pagsapit ng gabi lalo’t madaling–araw pa lamang ay pumapasok na sila sa kagubatan upang mangangaso kahit nakabahag lamang.  Dahil ang karamdaman na binalewala noong malalakas pa ang kanilang mga katawan ay saka pa lamang idinadaing kung kailan malubha na ang kalagayan nila pagkat hindi na kayang tiisin ngayong matanda na sila.  Talagang masama para sa mga matatandang Malauegs ang pagdarasal hanggang hating–gabi habang salabat lamang ang laging panlaban nila sa antok pagkat totoo rin naman na nagpapahina sa katawan na kulang sa pahinga ang madalas na pagpupuyat.  Pero hindi naman sila puwedeng pagbawalan dahil hindi sagwil ang nararamdaman ng kanilang mga katawan upang itigil ang pagdarasal dahil tungkulin ito na kailangan gampanan maski gumapang pa sila papunta sa sagradong kubol.

“Ano?  Itutuloy pa rin ba natin . . . ang pulong na ito?  Ha?!  Kapatid ko?”  Sa halip na iuwi sa kubol si Lakay Lanubo ay ipinahiga na lamang siya sa mahabang bangko saka itinaas ni Alawihaw ang kanyang mga paa para dumaloy sa buong katawan niya ang dugo dahil hindi lunas sa malubhang karamdaman ang tubig.  Isinabay ni Lupog ang paghagpos sa ulo ni Lakay Lanubo habang hinihilot nina Balayong at Assassi ang kanyang mga braso samantalang abala naman sa pagmamasahe sa mga binti niya si Alawihaw upang manumbalik ang kanyang sigla.  Hanggang sa muling tumibok ang puso ni Lakay Lanubo kaya nagkaroon uli ng buhay ang kanyang katawan na muntik nang maglaho ngunit wala pa rin katiyakan ang kanyang pagggaling kung lagi namang gutom ang kanyang tiyan.  Maya–maya, kumurap ang kanyang mga mata na kanina lamang ay tumirik na kung hindi naagapan ng hilot dahilan upang matuwa ang mga katutubong Malauegs pagkat masyado nang masakit kung sabayan pa ng pagluluksa ang kanilang mga problema.  At salamat sa gabi–gabing pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Maluegs pagkat pinapatunayan lamang na pinapakinggan ni Bathala ang kanilang mga hinaing kahit ilang gabi nang hindi sila nagkakasundo kung paano resolbahin ang problema nila sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Aminado naman si Balayong na talagang kinilabutan siya habang pinagmamasdan si Lakay Lanubo pagkat ayaw niyang maging ulila kahit ngayong binata na siya dahil lumaki siya na hindi nagisnan ang kanyang inang.  Sapagkat mahirap pasisinungalingan ang katotohanan na posibleng iwan na siya anumang oras ni Lakay Lanubo dahil dahan–dahan nang iginugupo sa karamdaman ang katawan ng kanyang amang pagkat hindi pala epektibo ang gabi–gabing hilot upang tumagal pa ang buhay nito.  Aywan kung sinikap lamang pasiglahin ni Lakay Lanubo ang kanyang sarili nang tiyakin ni Lakay Awallan ang kanyang kalagayan dahil wala namansegurong tututol kung hilingin niya ang muling pagpapaliban ng talakayan upang makapagpahinga muna siya.  May dahilan naman kung muling mabalam ang pagpapalabas ng desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs ngunit sa tulong nina Balayong at Lupog ay pinilit ni Lakay Lanubo ang tumayo para mapalis sa isip ni Lakay Awallan ang pag–aalala pagkat pangatlong araw na ngayon ng pulong.  Kaya ayaw pumayag ni Lakay Lanubo kung siya rin lamang ang magiging dahilan upang muling ipagpaliban bukas ang pag–uusap pagkat hindi naman lingid sa kanya ang kahalagahan nito lalo’t matagal nang hinihintay ng mga katutubong Malauegs ang desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs.  Hindi lamang matiyak kung may nabuong desisyon na ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil si Lakay Awallan na rin ang may sabi kahapon na pakikinggan muna nila ang mga mungkahi ng mga kalalakihang Malauegs kaugnay sa buwis at amilyaramyento dahil ito ang mahirap hanapan ng solusyon.  Ngunit magiging pabor naman sa mga kalalakihang Malauegs kung wala pa rin maipapalabas na desisyon ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil mabibigyan sila ng pagkakataon upang maiparinig ang kanilang mga mungkahi ngunit hindi nila ipinapangako na magiging katanggap–tanggap ito.

“Wala namang dahilan . . . upang ipagpaliban pa natin ito!”  Sapagkat handang isakripisyo ni Lakay Lanubo ang kanyang kalagayan basta matuloy lamang ang pag–uusap ngayong araw para sa kabutihan ng tribung Malauegs upang mag–iiwan ng magandang alaala ang kanyang paglisan kung hindi na siya magising bukas.  Bakit ipagkakait niya ang mga huling araw ng kanyang buhay kung lahat naman ay may hangganan kaya walang dapat katakutan maging ang sariling kamatayan pagkat mangyayari ito kung sadyang oras na upang mamaalam siya.  Magagawa pa ba niya ang mangatuwiran kung puntod na lamang niya ang natatanaw kahit mananangis pa nang pagsisi ang kanyang kaluluwa pagkat siya ang naging dahilan nang muling ipinagpaliban ang pag–uusap?  Labis naman ang paninisi ni Balayong sa sarili habang umiiling nang mariin dahil hindi niya napilit kumain muna ng almusal kaninang madaling–araw si Lakay Lanubo pagkat maaga siyang nagpahatid sa sagradong kubol matapos humigop ng salabat.  Mangyari, habang hinihilot niya si Lakay Lanubo sa gabi ay isinasabay naman niya ang paglalaga ng saging upang may makain siya bago pumunta sa sagradong kubol ngunit hindi siya kumain kanina nang maalaala na hindi siya sumabay sa pagdarasal kagabi ng lupon ng mga matatandang Malauegs.  Nagpasalamat pa mandin si Balayong pagkat kagabi lamang naging mahimbing ang tulog ni Lakay Lanubo matapos niyang hilutin ngunit nagkamali pala ang kanyang palagay dahil magdamag lamang ang naramdamang sigla ng katawan niya.  Mabuti na lamang hindi niya napaalaala sa kanyang amang ang maligo pagkat ilang linggo na rin na laging banyos ang ginagawa niya sa matanda ngunit nag–igib na siya kagabi para magpapakulo na lamang siya ng tubig kinaumagahan.

“Sige!  Makinig ka na lamang . . . kapatid ko!”  Pagkatapos pakiramdaman ni Lakay Awallan ang pulso ni Lakay Lanubo ay pumayag din siya kahit may agam–agam ang kalooban niya dahil hindi puwedeng ipagwalang–bahala ang totoong kondisyon ng kapatid niya kahit sa kanya mismo nanggagaling ang paneneguro.  Kunsabagay, dapat lamang matuloy ngayong umaga ang nakatakdang pulong upang magkaroon na ng linaw ang problema nila sa ordinansa ng pamahalaaang Kastila ng Alcala dahil pangatlong araw na nilang pinag–uusapan ang isyu na ayaw magpatulog sa kanila nang ilang gabi.  Pero hindi man dapat ipagpaliban ang talakayan kaugnay sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay natigilan pa rin si Lakay Awallan nang gumuhit sa isip niya ang tanong kung dapat bang ituloy pa rin nila ang pulong kahit may karamdaman ang isasa mga matatandang Malauegs.  Baka nahihiya lamang sabihin ni Lakay Lanubo ang kanyang totoong nararamdaman pagkat wala siyang kapangyarihan upang iutos ang muling pagpapaliban sa pag–uusap kaya sumiglaw uli sa kanya ang naniniyak na tingin ni Lakay Awallan.  Ngunit puwedeng ipagpaliban ni Lakay Awallan ang pulong basta maseseguro lamang ang kaligtasan ni Lakay Lanubo dahil batid naman ng lahat na tumatagal hanggang madaling–araw ang pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs mula nang magkaroon sila ng problema dahil sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Kagabi ang malinaw na halimbawa nang mapuyat hanggang hating–gabi ang lahat dahil sa pag–iisip ng solusyon sanhi ng matinding pagsisikap upang mahanapan ng kalutasan ang problema na ayaw magpatulog sa kanila ng tatlong gabi.  Kahit tumango si Lakay Lanubo ay nabalam pa rin ang pagsisimula ng pulong dahil tinanong muna ni Lakay Awallan ang sarili kung tama ba kung iutos niya ang muling pagpapaliban nito pagkat hindi pa rin siya kumbinsido upang maniwala.  Minsan pang sumulyap si Lakay Awallan upang tiyakin ang kalagayan ng kapatid niya pagkat hinihilot pa rin siya ni Balayong hanggang sa linapitan na niya upang muli siyang pulsuhan dahil matamlay pa rin ang kanyang hitsura.  Marahil, nagtatanong ang bulong ni Balayong kung gusto nang umuwi ni Lakay Lanubo upang sa kubol na lamang magpapahinga ngunit umiling siya kahit hindi niya matatagalan ang manatili sa labas ng sagradong kubol dahil sumasalab na ang init ng araw.

Dati–rati, tumatagal lamang ng kalahating araw ang mga suliranin dahil hindi naman ganoon kalubha ito pagkat mga kalalakihang Malauegs din naman ang madalas nasasangkot sa kaso ay nagiging madali na lamang para sa lupon ng mga matatandang Malauegs ang pagbibigay ng hatol.  Kalimitan, selos na humahantong sa away mag–asawa ang reklamo na idinudulog sa lupon ng mga matatandang Malauegs ngunit naaayos din ang ganitong problema dahil bawal sa tribung Malauegs ang paghihiwalayin sila bilang pagtalima sa kautusan na dapat isaalang–alang ang kinabukasan ng mga anak.  Kaya hindi mabigat ang mga problema na dumarating sa lupon ng mga matatandang Malauegs maliban kung sangkot ang ibang tribu ngunit bihira nang mangyari ngayon dahil agad namamagitan ang mga Punong Sugo upang huwag nang lumubha pa ang gulo.  Subalit hindi sa pagkakataong ito dahil kailangan magpulaw ang lupon ng mga matatandang Malauegs upang hanapan ng solusyon ang problemang hatid ng buwis at amilyaramyento pagkat naghihintay sa mga katutubong Malauegs ang parusa na posibleng ikamamatay nilang lahat ang pagtutol sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Kaya hindi tumutol ang lupon ng mga matatandang Malauegs sa naisip na paraan ni Lakay Awallan pagkat wala silang nakikitang mali nang hingin niya ang opinyon ng mga kalalakihang Malauegs matapos nilang mapagtanto na panahon na rin upang tumulong sila sa paglutas ng problema.  Kasabay sa padating ng maselang problema ang panahon upang mapakinggan kahit paminsan–minsan ang boses ng mga kalalakihang Malauegs pagkat nararapat lamang magpahayag din sila ng suhestiyon sa halip na laging may panibulos sa mga desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs.  Pagtitibayin na lamang ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang anumang mapagkasunduan sa pag–uusap upang malaman ng mga kalalakihang Malauegs na nirerespeto rin nila ang kanilang kakayahan para makalikha sila ng desisyon na suportado nang lahat.  Sapagkat hindi lamang lupon ng mga matatandang Malauegs ang magdurusa sa loob ng kulungan kung hindi angkop sa ganitong problema ang solusyong naisip nila maliban na lamang kung pikit–matang ipaubaya sa kanila ng mga kalalakihang Malauegs ang pananagutan.  Lalo’t dalawang beses nang narating ng mga soldados ang kanilang komunidad ay walang duda na magiging madali na lamang para lusubin sila nang walang karingat–dingat dahilminsan na rin nilang ginawa ito noon sa mga katutubong Malauegs ng Calantac.  Puwes, dapat lamang asahan ng mga katutubong Malauegs ang marahas na hakbang kung hindi magiging pabor sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang desisyon kahit hindi rin nagbibigay ng kaseguruhan ang pagtalima upang magkaroon sila nang ganap na katahimikan.

“Inaanyayahan ko ang lahat . . . upang isatinig!  Ang . . . kani–kanilang saloobin!  Kailangan marinig ng lupon ng mga matatanda . . . ang nilalaman ng inyong mga damdamin!  Huwag kayo. . . mag–aatubili!  Kailangan maipahayag . . . ang inyong totoong palagay . . . kaugnay sa kautusan ng pamahalaan!  Tandaan ninyong lahat!  Anuman . . . ang mapagpasyahan natin ngayon!  Kayo . . . ang higit na maapektuhan nito . . . pagdating ng araw!  Oo!  Lalo na . . . ang inyong mga anak!  At ang . . . susunod pang henerasyon ng ating lahi!”  Naniningkad sa mga pahayag ni Lakay Awallan ang kanyang pangamba dahil tunay na mahirap ipagwalang–bahala ang napipintong kapahamakan lalo’t posibleng ito pa ang magiging sanhi upang maglaho na rin sa  kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs kung magkamali ang kanilang desisyon.  Tahimik ang mga katutubong Malauegs habang nagsasalita ang kanilang Punong Sugo pagkat tumitimo sa mga isipan nila ang buod ng kanyang mensahe dahil tunay na dapat nilang katakutan ang magaganap na pagbabago sa kanilang tribu pagdating ng araw.  Umaalingawngaw sa isipan ng mga katutubong Malauegs ang paalaala ni Lakay Awallan dahil hindi habambuhay makakapiling nila ang lupon ng mga matatandang Malauegs upang sa lahat nang panahon ay gabayan sila sa kanilang mga problema pagkat walang nilalang si Bathala na tumatagal sa ibabaw ng lupa.  Kunsabagay, mainam na ang laging handa kahit walang katiyakan kung ano ang dapat asahan sa hinaharap upang hindi ikabibigla ang posibleng magaganap pagkat may solusyon nang nakalaan para gamitin kung kinailangn.  Sakaling hindi tugma sa dumating na problema ang ginawang paghahanda ay maiiwasan pa rin nito ang pagkakaroon ng malubhang pinsala dahil sa dispuwestong kalutasan kahit pansamantala lamang ngunit nakatulong naman.  Aywan kung handa na ang mga kalalakihang Malauegs na inabot pa mandin ng madaling–araw sa pag–iisip ng solusyon upang magparinig ng kanilang mga mungkahi pagkat wala pa rin katiyakan ang desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs upang ito ang asahan ngayong umaga.  Sana, maipapahayag ng bawat isa ang kanilang totoong nararamdaman kaugnay sa ordinansa ng pamaahalaang Kastila ng Alcala sa halip na magpatangay pa rin sa galit ang kanilang mga puso dahil pagsasayang lamang ito ng pagkakataon na ibinigay sa kanila.  Lalo’t walang katiyakan kung muling magpatawag ng pulong ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil depende na rin ito sa mapagkakasunduan mamaya pagkat hindi lamang nakatuon sa problemang ito ang buhay nila upang muling ipagpaliban ang talakayan.  Huwag lamang sana magkatotoo na wala nang bukas ang darating pa sa kanila dahil walang nabuong desisyon sa pangatlong araw na pag–uusap pagkat tiyak na mananangis silang lahat sanhi ng matinding kabiguan.  Samantala, nagpatuloy ang pagsasalita ni Lakay Awallan kahit hindi naging mahimbing ang kanyang tulog dahil maaga rin siyang nagising kanina gayong halos sumabay lamang sa tilaok ng mga labuyo ang kanyang paghiga.  Subalit iba ang naging pakahulugan ni Alawihaw na kararating lamang galing sa kanilang kubol nang tumingin sa kanya si Lakay Awallan kaya lumapit agad siya upang tiyakin ang kanyang kutob na nangangailangan ng tulong ang kanyang amang.  Kaya pala huminto muna sa pagsasalita si Lakay Awallan upang uminom ng tubig na pinakuha niya kay Assassi dahil biglang sumikip ang kanyang dibdib ngunit nabahala pa rin si Alawihaw kahit gumaan na ang kanyang pakiramdam.  “Huwag na ninyong isipin . . . ang aming kalagayan!  Sapagkat maigsi na lamang ang panahon . . . upang makakasama pa ninyo kami!  Hindi namin itinatanggi . . . na talagang nabibilang na lamang . . . ang aming mga araw!  Puwes!  Pagtuunan na lamang ninyo . . . ang inyong kinabukasan!  Sa mga panahong iyon na wala na kami. . . sa inyong tabi!  At kayo naman . . . ang mamumuno!  Sa tribung iiwanan namin . . . sa inyo!”  Sapagkat may hangganan ang lahat nang mga nilikha ni Bathala sabay sa paglipas ng panahon dahil ito ang batas ng kalikasan upang bigyan ng pagkakataong sumibol ang susunod na henerasyon para tuly–utuloy ang pagsuloy ng bagong buhay.  Mga halaman ay naluluoy sanhi ng matinding sikat ng araw ngunit nalulunod sa tubig kapag labis naman ang sanaw dahil sa ulan; may limitasyon din ang mga ibon hanggang sa hindi na magagawang ikampay pa ang kanilang mga bagwis upang marating ang tayog ng langit.  Tao pa kaya ang hindi mamaalam sa mundo kahit naisin pa sana niyang malasin ang kagandahan ng mga nilikha ni Bathala kung upos na lamang ang natitira sa ilaw ng kanyang buhay sa panahon pa mandin na hindi niya inaasahan.  Sapagkat lagi siyang bantad sa araw dahil sa masidhing pagsisikhay upang lumawig pa ang pananatili niya sa mundo ngunit lingid sa kanya ay kabawasan naman ng kanyang buhay ang bawat karamdaman sa kanyang katawan.  Seguro, nililirip ng mga katutubong Malauegs ang mistulang pamamaalam ni Lakay Awallan pagkat maaaring hindi na masusundan pa ang pulong ngayong araw kahit wala pang desisyon ang lupon ng mga matatandang Malauegs kung para sa kanila ay hindi rin katanggap–tanggap ang mga mungkahi ng mga kalalakihang Malauegs.  Marahil, doon na nagtapos ang pagsasalita ni Lakay Awallan dahil umupo na siya sa tabi ni Lakay Lanubo na maayos na ang pakiramdam habang kumakain ng nilagang saging na kagabi pa linuto ni Balayong ngunit inuna pa niya ang pumasok sa sagradong kubol.  Pagkatapos kainin ni Lakay Awallan ang saging na hiningi niya kay Lakay Lanubo ay muling iniabot sa kanya ni Assaassi ang lumbo ng tubig pagkat hindi pa puwedeng bumalik sa sagradong kubol ang lupon ng mga matatandang Malauegs habang hindi pa nagpapahayag ng mungkahi ang mga kalalakihang Malauegs.  Aywan kung may balak pang bumalik ni Alawihaw dahil sumaglit siya sa kusina upang maglaan ng pagkain pagkat hindi naman lingid sa kanya na madalas nalilipasan ng gutom si Lakay Awallan dahil sa tungkulin nito bilang Punong Sugo.  Tuloy, napagsasabihan na rin niya si Assassi dahil laging salabat ang ipinapainom nito kay Lakay Awallan ngunit mismong amang niya ang ayaw pala kumain ng almusal pagkat kuntento na siya kapag naiinitan ang kanyang sikmura.  Hindi mawari kung magparinig pa ng mungkahi ang mga kalalakihang Malauegs pagkat matagal namagitan ang katahimikan matapos ang pagsasalita ni Lakay Awallan na handa nang makinig sa kanila pagkaraan ang kanyang sandaling pamamahinga.  Nang walang kaginsa–ginsa na tumayo sa harapan ang isang lalaking Malauegs ngunit sa wari ay handa nang ipahayag ang kanyang saloobin sa lupon ng mga matatandang Malauegs na napatingin na lamang sa kanya dahil hindi naman lingid sa kanilang komunidad ang kanyang pagkatao.

“Kagabi! . . . naisip ko!  Wala na tayong magagawa kundi . . . ang tumalima sa kautusan ng pamahalaan!  Subalit para sa akin . . . napakahirap upang sundin ang mapaniil na kautusan!  Mabuti pa!  Kung tarakan na lamang ng balaraw!  . . . ang aking dibdib!  Matitiis ko pa . . . ang hapdi . . . ang sakit . . . ang kirot!  Ngunit . . . ang agawan ako ng karapatan!   Tiyak na . . . ikamamatay ko ito!”  Likas na kay Bakaw ang pagiging tahimik ngunit hindi naman siya nawawala sa tuwing nagpapatawag ng pulong ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil tungkulin niya ang makinig pagkat gabay sa kanyang mga ginagawa ang kanilang mga salita.  Gusto pa niya ang mag–isang nangangaso kaysa sumasabay sa mga kapwa kalalakihang Malauegs kung makipagkuwentuhan lamang sa kanila pagkat laging abala ang kanyang buong maghapon dahil seryoso siya sa pagganap ng kanyang tungkulin sa buhay.  Hanggang tanghali lamang ang itinatagal niya sa pangangaso ngunit hindi pa man naririnig ang tilaok ng mga labuyo sa madaling–araw ay pumapasok na siya sa kagubatan dahil may takdang oras ang bawat kilos niya sa buong maghapon.  Sapagkat sa taniman naman siya abala pagsapit ng hapon hanggang takip–silim katuwang ang kanyang asawa sa halip na nagpapahinga upang mahimbing ang kanyang tulog sa magdamag kaysa pahihirapan ang kanyang sarili para tapusin lamang ang kanyang ginagawa kahit gabi na.  Hindi niya pinalilipas ang araw na wala siyang nagagawa sa maghapon pagkat mahalaga ang lahat nang sandali para sa kanya na hindi tumitigil sa trabaho kahit may mga gabi na nagpaparamdam sa kanyang katawan ang matinding kapagalan.  Hindi pa siya ipinatawag kahit minsan ni Lakay Awallan para sa anumang problema dahil wala siyang panahon para makipagsuwatan sa kanyang asawa pagkat mahalaga para sa kanya ang pamilya lalo’t may mga anak na sila.  Sa tatlong lunan lamang matatagpuan ang kanyang sarili kung may naghahanap sa kanya – sa kagubatan para mangangaso, sa tumana upang maggusad at sa kubol pagsapit ng gabi pagkat hindi niya ugali ang makipagkuwentuhan.  Kabilang ang kanyang asawa sa mga kababaihang Malauegs na naglalako ng mga gulay sa araw ng palengke sa bayan ng Alcala dahil gusto pa niya ang naiiwan sa komunidad kaysa mamasyal sa kabayanan pagkat marami siyang nagagawa sa maghapon na mas kapaki–pakinabang.  Kaya nakamamangha ang makita siya na nagpapahayag ng kanyang saloobin ngayon ngunit siya pa talaga ang unang nangahas tumayo gayong hindi ito ang inaasahan mula sa kanya na kilala sa pagiging tahimik.  Marahil, gusto lamang niyang samantalahin ang pagkakataon na ipinagkaloob ng lupon ng mga matatandang Malauegs sa mga kalalakihang Malauegs upang ipahayag ang kanyang totoong nararamdaman pagkat apektado rin siya sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alacala maski gustuhin pa niya ang manahimik na lamang.  “Karapatan ko . . . ang mabuhay kahit sa simpleng paraan lamang!  Nagsisikhay ako sa pamamagitan ng pagtatanim . . . upang lumawig pa ang aking buhay!  Pero . . . !  Kung agawin pa ng pamahalaan . . . ang kaunting kabuhayan ko!  Mula . . . sa pagtatanim!  Paano pa ako . . . mabubuhay?!”  Walang malinaw na punto ang pahayag ni Bakaw dahil ang mungkahing solusyon sa kanilang problema ay hindi narinig ng lupon ng mga matatandang Malauegs ngunit hindi naman maaaring pasubalian na tinututulan niya ang pagbabayad sa buwis at amilyaramyento.  Lalong hindi niya hayagang ipinahayag kung payag ba siya sa marahas na kilos kahit imposibleng ito ang mapagkasunduan ng mga kalalakihang Malauegs pagkat tiyak na hindi rin sasang–ayon si Lakay Awallan upang isulong nila ang ganitong desisyon.  Seguro, layon lamang niya ang iparating sa lupon ng mga matatandang Malauegs ang kanyang mensahe upang magkaroon naman ng kabuluhan ang pagdalo niya sa pulong para malaman nila na nangingibabaw pa rin ang kanyang tinig basta sa ganitong usapin.  Kahit kilala siya sa pagiging tahimik ngunit nagawa naman niyang isiwalat ang nilalaman ng kanyang kalooban upang mapaglilimi ng lupon ng mga matatandang Malauegs na silang may mga pamilya sa kanilang tribu ang higit na apektado sa problema.  Marahang tapik mula kay Lakay Awallan ang nagpaalaala na kailangan na ni Bakaw ang magpaubaya pagkat marami pa ang gustong magpahayag ngunit walang humpay ang palakpakan dahil unang pagkakataon na nagsalita siya sa pulong.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *