IKA–25 LABAS

Walang tiyak na palagay kung ikinalugod din ni Lakay Awallan ang pahayag ni Bakaw dahil ngumiti siya habang tumatango na lalong nagpasigla sa palakpakan kahit seryoso ang hilagyo ng pulong mula pa sa unang araw ng talakayan.  Si Lupog ang talagang tuwang–tuwa habang kinakamayan ang kanyang kaibigan dahil wala sa hinagap niya na magsasalita siya ngayon pagkat ngumiti lamang siya nang tanungin niya habang pinapakinggan nila si Lakay Awallan.  Bagaman, magkatabi ang kubol nina Bakaw at Lupog ay sa gabi lamang nagkakaroon sila ng pagkakataon upang magkuwentuhan ngunit bihira pa rin dahil maagang natutulog ang una upang paghandaan ang pangangaso niya sa madaling–araw.  Lalo’t laging inaabot ng dilim sa taniman si Bakaw ngunit hindi naman siya napapalya sa tuwing nagpapatawag ng pulong si Lakay Awallan kahit gaano pa yata kaimportante ang kanyang ginagawa ay talagang dumadalo siya.  Aywan kung may balak din si Lupog upang magparinig ng mungkahi dahil mas pinansin pa niya ang nagaganap na sunog kagabi sa kapatagan ng Sierra Madre kaya hindi siya sumabay sa almusal kanina pagkat nagsasalita na si Lakay Awallan nang magising siya.

“Alam ko . . . !  Hindi sagot sa ating problema . . . ang  pag–aalsa laban sa pamahalaan!  Sapagkat . . . !  Wala tayong hinahangad . . . sapul pa noon!  Kundi . . . ang isang mapayapang komunidad!  At . . . !  Wala rin tayong . . . sapat na kakayahan!  Upang kontrahin . . . ang utos ng pamahalaan!  Pero . . . !  Hindi ito nangangahulugan na . . . basta na lamang tayo susunod . . . sa kagustuhan ng pamahalaan!  Lakas ng ating lahi . . . ang ating magiging sandata!  Basta . . . nagkakaisa lamang tayong lahat!”  Kilala si Balubad sa komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil sa kanyang pagiging matulungin pagkat hindi pa niya ginawa ang tumanggi sa pakiusap ng kanyang kapwa kahit pagod siya sanhi ng maghapong pangangaso.  Siya ang laging nagbabalagwit sa mga inilalako ng mga kababaihang Malauegs sa araw ng palengke sa bayan ng Alcala dahil kailangan makabenta sila ng maraming gulay upang samantalahin ang pagkakataon pagkat dalawang beses lamang nagkakaroon nito sa isang linggo.  Natutuwa pa siya sa halip na magparinig ng reklamo pagkat nagiging daan ito upang magkaroon ng dahilan para bumaba sa bayan ng Alacala ang kanyang pamilya kaya kinagigiliwan siya ng mga kababaihang Malauegs na gamay na ang kanyang kabaitan.  Kahit mangmang siya sa wikang Español ay nagagawa pa rin niya ang makipagkuwentuhan sa mga guwardiya sibil dahil karaniwang tanawin na lamang ng kanyang mga mata ang kanilang mga fusil habang hinihintay niya ang mga kababaihang Malauegs na abala sa paglalako ng mga gulay.  Kung hindi man naintindihan ng mga guwardiya sibil ang kanyang katutubong dialekto ay seguradong naunawaan nila ang kanyang mga muwestra dahil tumatawa pa sila ngunit umiiwas agad siya pagkat balak pa yata nila ang hubaran siya ng bahag.  Subalit naging katanungan pa rin ng mga katutubong Malauegs kung talaga bang kaibigan ang turing sa kanya ng mga guwardiya sibil kung laging nagpaalaala sa kanila na siya’y katutubo dahil sa kanyang hamak na bahag kung ihambing sa kanilang uniporme.  Ngayon, pinapatunayan na hindi kaibigan ang tingin niya sa mga guwardiya sibil pagkat malinaw sa kanyang pahayag ang tahasang pagtutol sa ipinapatupad na ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil sa mga katuwiran na posibleng namalas niya sa bayan ng Alcala.  Malaking katanungan lamang kung naging katanggap–tanggap ba sa lupon ng mga matatandang Malauegs ang kanyang mungkahi na nanghihikayat ng marahas na solusyon kung puwede pa naman isulong ang mapayapang pamamaraan upang maiiwasan nila ang masamang epekto dulot ng padalus–dalos na desisyon.  Habang isinasabay pa sa kanyang pagsasalita ang pagtaas ng kamao para ipagdiinan ang kanyang katuwiran ay tumatango naman ng pagsang–ayon ang mga kalalakihang Malauegs kahit gumimbal sa kanilang lahat ang kanyang mapusok na pahayag.  Tuloy, naisaloob ni Lakay Awallan na maaaring nagkaroon ng masamang epekto sa mga kalalakihang Malauegs ang madalas na pagpupunta nila sa bayan ng Alcala dahil marami silang natuklasan doon na labag sa kanilang kalooban kaya ganito ang pananaw nila sa problema.  At ito ang naging batayan upang ipahayag ang kanilang mariing pagtutol sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kahit humantong pa sa kamatayan ang kanilang pagsuway upang patunayan na handa silang magbuwis ng buhay kung kinailangan“Oo!  Gugustuhin ko na lamang na suwayin . . . ang ordinansa!  Kung ito . . . ang natitirang kaparaanan!  Kaysa mamamatay sa gutom . . . ang aking pamilya!  Kaysa nakikita ko . . . ang aking lahi na nagdurusa!  At niyuyurakan . . . ng mga banyaga!  Marahil . . . mauunawaan din ako . . . ni Bathala!  Balang araw . . . !”  Pagkatapos, dumako sa isang sulok ang mga mata ni Balubad upang malasin ang kanyang asawa’t dalawang anak habang matamang pinapakinggan nila ang kanyang pagsasalita hanggang sa kumaway pa ang kanyang bunso.  Sila ang naging inspirasyon niya sa lahat nang kanyang mga pagpupunyagi pagkat wala siyang ibang hinahangad kundi ang mabigyan sila ng magandang kinabukasan kahit mahirap itong isakatuparan dahil sa kabundukan ng Sierra Madre sila naninirahan.  Nakapagtataka lamang dahil suportado pa rin niya ang pakikibaka kung ito naman ang posibleng makaisira sa kinabukasan ng kanyang mga anak dahil maliliit pa sila upang mauunawaan ang maaaring mangyari sa kanya.  Kunsabagay, pareho lamang ang magiging kahinatnan kung magpaalipin sila sa pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat kailangan pa rin nila ang magsakripisyo kaysa ipaglalaban ang kanilang mga karapatan dahil may kabuluhan kahit buhay pa nila ang kapalit.  Baka masahol pa ang kasasapitan ng mga katutubong Malauegs dahil sasamantalahin lamang ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang kamangmangan pagkat ang minsan nang ginawa kung walang senyales ng pagtutol ay seguradong mauulit pa hanggang sa tuluyan na silang magiging  alipin.  Kung may komunidad pang tinitirhan ngayon ang mga katutubong Malauegs ay hindi nangangahulugan na habang buhay ang pananatili nila rito pagkat posible na tadhana rin ang magkanulo sa kanila upang magiging bagamundo sila sa kabundukan ng Sierra Madre.  Dahan–dahang binalikan ni Balubad ang kanyang pamilya na kanina pa naghihintay sa kanyang mahigpit na yapos dahil totoong nalalagay sa panganib ang kanilang buhay mula nang matuklasan ng mga soldados ang kanilang komunidad.  Habang sinasalubong ng nakatutulig na palakpakan ang pahayag ni Balubad ay nasundan na lamang siya ng tingin ni Lakay Awallan pagkat tumimo sa isip nito ang kanyang tinuran lalo’t maugong ang pagsang–ayon mula sa mga kalalakihang Malauegs.  May sariling palagay naman si Lakay Awallan kung bakit gusto pang suportahan ng mga kalalakihang Malauegs ang marahas na hakbang sa halip na itaguyod nila ang solusyon na makabubuti sa lahat upang mapanatag na ang kanilang mga kalooban.  Dahil hindi pa rin maipapangako ang lubos na katahimikan sa kanilang tribu kahit tumalima pa sila sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat mali ang manalig sila sa kasalukuyan kung hindi naman nila kontrolado ang sitwasyon sa bawat bukas na dumarating.  Kaya hindi matiyak ni Lakay Awallan kung tanggap ba ng lupon  ng mga matatandang Malauegs ang pahayag ni Balubad pagkat mapayapang solusyon ang nais nilang marinig upang hindi mauulit sa kanilang tribu ang madugong pangyayari na sinapit noon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac.

“Seguro . . . makabubuti!  Kung . . . pakiramdaman muna natin . . . ang magiging hakbang ng pamahalaan!  Ang ibig kong sabihin . . . ibabalam muna natin nang kaunting panahon!  Ang . . . pagsunod sa kautusan!  Ikakatuwiran na lamang natin . . . ang pagkakaroon natin ng kalituhan!  Kung kailan ba talaga . . . dapat mag–umpisa  . . . ang pagbabayad sa buwis?!  At . . . amilyaramyento?!  Gamitin din nating katuwiran . . . ang amilyaramyento!  Sapagkat walang sinuman sa atin . . . ang nakakaalam .  .  . sa tamang kahulugan nito!”  Seguro, pinilit lamang ni Balayong ang sarili para may maipapahayag lamang siya kahit hindi na niya pinag–isipang mabuti ito dahil natuon ang kanyang pansin sa nagaganap na sunog sa kapatagan ng Sierra Madre kagabi hanggang sa inabot siya ng madaling–araw.  Bukod kay Balayong na hindi na yata natulog nang manggaling siya sa gulod ay maaga rin nagising si Alawihaw dahil kailangan alalayan niya si Lakay Awallan kahit si Assassi ang kasa–kasama nito habang tinanghali naman ng bangon si Lupog.  Bagaman, may punto ang pahayag ni Balayong kahit wala pang pahinga ang utak niya sanhi ng puyat ngunit kailangan ang malinaw na kasagutan sa maraming katanungan pagkat hindi basta maniniwala sa simpleng dahilan ang pamahalaang Kastila ng Alcala.  Paniniwalaan naman kaya ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang katuwiran na hindi batid ng mga katutubong Malauegs kung kailan magsisimula ang pagbabayad nila sa buwis at amilyaramyento samantalang bumababa sa bayan ng Alcala ang mga kababaihang Malauegs upang maglako ng mga gulay sa araw ng palengke?  Siyempre, mag–uusisa ang pamahalaang Kastila ng Alcala kung hindi man lamang ba sila gumawa ng paraan upang idulog sa mga katutubong binyagan ang kanilang problema kung talagang desidido silang sumunod sa ipinapatupad na ordinansa upang maiiwasan nila ang parusa.  Malinaw na kahibangan ang mungkahi ni Balayong pagkat hahantong lamang sila sa kapahamakan kung manangan sa ganitong katuwiran dahil hindi ito pakikinggan ng pamahalaang Kastila ng Alcala lalo’t seryosong problema ang buwis at amilyaramyento.  Baka ipagpalagay pa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na sadyang ipinagkibit–balikat lamang ng mga katutubong Malauegs ang ordinansa pagkat malayo na ang kabundukan ng Sierra Madre upang usigin pa sila kung nawaglit sa isip nila na dalawang beses nang narating ng mga soldados ang kanilang komunidad.  Kung anuman ang ibinubulong ni Lakay Awallan ay umiiling lamang si Lakay Lanubo upang ipahiwatig ang kanyang pagtutol sa mungkahi ni Balayong ngunit hindi ito nakaligtas sa mapagmasid na mga mata nina Alawihaw at Lupog.  Ayaw isipin ni Lupog na isinangguni muna ni Balayong kay Lakay Lanubo ang kanyang mungkahi basta iniwasan na lamang niya ang pagbibigay ng komento habang hindi pa dumarating ang pagkakataon upang siya naman ang magsalita.  Hindi naman malaman kung sang–ayon sa mungkahi ni Balayong si Alawihaw pagkat tumatango siya ngunit lalong hindi matiyak kung magparinig din siya ng suhestiyon dahil hindi ito ang pinagkaabalahan ng kanyang isip kagabi.  Bagaman, parehong tinututulan nina Lakay Awallan at Lakay Lanubo ang ordinansa ngunit hindi sa paraang naisip ni Balayong ang gusto nilang solusyon pagkat tiyak na gagawa ng marahas na desisyon ang pamahalaang Kastila ng Alcala kung maantala naman ang pagsunod nila nito.  Sana, maisip ni Lakay Awallan ang muling pagpapadala ng sugo sa bayan ng Alcala upang alamin nito kung kailan ba talaga magsisimula ang pagbabayad nila sa buwis at amilyaramyento dahil ito yata ang nakaligtaang itanong nina Nangalinan at Bacagan.  Kahit pumunta pa sa munisipyo ng Alcala si Nangalinan sa tulong ng kanyang kapatid na katutubong binyagan dahil bihasa naman siya sa wikang Español para magiging malinaw ang lahat basta huwag lamang ikatuwiran ang kanilang kamangmangan pagkat imposibleng paniniwalaan ito ng pamahalaang Kastila ng Alcala. “Oo!  Tiyak na babalik sa ating komunidad. . . . ang tropa ni Sarhento!  Sa utos ng pamahalaan . . . upang alamin!  Kung bakit binalewala natin . . . ang ordinansa!  Puwes!  Sa harap mismo . . . ni Sarhento!  Sasabihin ni Apong Awallan . . . ang anumang mapagksunduan natin ngayon!”  Sa palagay ba ni Balayong ay mag–aaksaya pa ng panahon ang pamahalaang Kastila ng Alcala upang muling iutos sa tropa ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang pagsasagawa ng misyon para alamin lamang kung bakit hindi sumunod sa ipinapatupad na ordinansa ang mga katutubong Malauegs?  Marahil, sapat nang tugon sa naturang tanong ang mga bulungan ng mga katutubong Malauegs na waring sumasalungat sa naisip na paraan ni Balayong dahil seguradong iba na ang pakay ng grupo ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz sakaling bumalik man sila sa kanilang komunidad.  Dapat lamang mabahala ang mga katutubong Malauegs kung ang pakay sa muling pagbabalik ng mga soldados sa kanilang komunidad ay upang dakpin silang lahat dahil sa paglabag sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa halip na bigyan sila ng babala.  Sana, ang pagtutol ng mga katutubong Maluegs sa ordinansa ay hindi magiging mitsa ng galit para iutos ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa mga soldados ang pagkubkob sa kanilang komunidad bilang kabayaran sa mga pagkakautang nila sa buwis at amilyaramyento.  Tiyak na marami ang mamamatay sa panig ng mga katutubong Malauegs kung umabot sa ganitong sitwasyon ang kanilang problema sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil seguradong isasagawa sa hating–gabi ang pagsalakay sa kanila  ng mga soldados.  Siyempre, kailangan itaon sa gabi ang pagsalakay ng mga soldados kung kailan mahimbing nang natutulog ang mga katutubong Malauegs para hindi mapaghandaan ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang pagdating at nang hindi rin nila magagawa ang tumakas.  Baka ang lumaban upang ipagtanggol ang komunidad ay hindi na rin magagawa pa ng mga kalalakihang Malauegs pagkat magiging problem nila ang dilim ng gabi kaya malaki ang posibilidad na mananaig ang marahas na hakbang ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  May magagawa pa ba ang paghahanda kung hindi naman tiyak ng mga kalalakihang Malauegs kung kailan isasagawa ng mga soldados ang pagsalakay sa kanilang komunidad kahit may mga bakay sa pasukan kung naunahan na sila?  Tuloy, ikinabigla ni Alawihaw ang naisip na mungkahi ni Balayong dahil hindi niya inakala na ito pala ang pinagkaabalahang balangkasin ng kanyang utak habang naroroon sila sa gulod kagabi hanggang sa napatingin siya sa kanya.  Gusto sana niyang linawin kung isinangguni muna ni Balayong kay Lakay Lanubo ang kanyang mungkahi ngunit ayaw naman niyang abalahin ang dalawang matanda dahil ngayon lamang naging masinsinan ang kanilang pag–uusap.

“Paano . . . ?!  Kung . . . bigla na lamang lusubin tayo . . . ng mga soldados?!  Sa halip na . . . magpadala muna ng sugo . . . ang pamahalaan?!”  Ikinagulat ng lahat ang mabilis na pagsalag ni Anabyong sa mungkahi ni Balayong kahit walang pahintulot mula kay Lakay Awallan dahil tiyak ang posibilidad upang mangyayari ang kanyang tinuran kapag nabalam ang pagsunod nila sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  At paalaala na rin kay Balayong na hindi sila nakipagkasundo lamang sa ibang tribu upang madaling ipagpalagay na maaayos agad sa simpleng pag–uusap ng kani–kanilang Punong Sugo ang problema dahil iisang lahi lamang sila.  Mismong pamahalaang Kastila ng Alcala ang nagpapatupad sa ordinansa kaya nararapat lamang sundin ng mga katutubong Malauegs maski labag ito sa kanilang mga kalooban dahil wala nang pag–asa upang matakasan pa nila ang problema kapag nakulong silang lahat.  Masakit man aminin ngunit may punto rin ang mga matatandang Malauegs na pumapanig sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kahit magiging pahirap ito sa kanilang buhay pagkat sila rin ang magdurusa kapag pinarusahan sila dahil sa tandisang pagsuway.  Kayang batahin ang matinding kahirapan dahil ito na ang kanilang namulatan ngunit ang magising sila na wala nang sariling komunidad ay lalong masakit pagkat hudyat ito na tuluyan nang itinakwil sila ni Bathala.  Kahit sa kabundukan ng Sierra Madre pa sila tumanda kung maging hampaslupa naman sila ay mabuti pa sa kanila ang mga hayop pagkat may sariling lungga kaysa kanila na mga naturingang tao ngunit wala namang masisilungan pagsapit ng gabi.  Sapagkat nagsisilbing moog ng isang tribu ang komunidad na sumasagisag ng kasarinlan nang hiwalay sa ibang lahi upang lubos maramdaman ng mga naninirahan dito ang kapayapaan dulot ng malayang pamumuhay sa loob ng sariling pamayanan.

“Kapag dumating . . . ang araw na ‘yan!  Puwes!  Lalaban tayo!  Basta . . . hindi tayo magbabayad ng buwis!  At . . . amilyaramyento!  Kahit kailan . . . kahit ano pa ang mangyari!”  Nang walang kapagdakang sumabad si Lupog habang nagtatakbo papunta sa harapan upang ipagsigawan ang kanyang mungkahi samantalang hindi naman lingid sa kanya na ayaw ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang mapusok na suhestiyon.  Talagang nagulat sina Lakay Awallan at Lakay Lanubo gayundin ang ibang miyembro ng lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat hindi nila inaasahan ang ganoong reaksiyon mula sa kanya pagkat hindi kalutasan sa kanilang problema ang hayagang panghihikayat niya ng pagbabangon laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala.  Samantalang ang akala pa naman ni Alawihaw ay makikinig lamang sa pulong si Lupog dahil ito ang nasambit niya nang maghiwalay sila sa gulod kagabi ngunit sumabad pa rin siya na talaga namang nakapagtataka.  Seguro, matinding galit sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang nag–udyok kay Lupog kahit hindi hiningi ang kanyang opinyon dahil siya ang nagbalita kay Lakay Awallan tungkol sa pagkakabaril kay Lakay Lumbang nang salakayin ng mga soldados ang dating komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac.  Sapagkat tiyuhin niya ang namayapang Punong Sugo ng komunidad ng Calantac ay hindi na dapat ipagtaka ang kanyang naging pahayag kahit salungat ito sa hangarin ng lupon ng mga matatandang Malauegs    Ngunit nawaglit na yata sa kanya ang kapakanan nina Asana’t Dita na lagi niyang iniisip sa tuwing napag–uusapan ang tungkol sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil sa paniniwala na tribu nila ang posible namang salakayin ng mga soldados.  Tuloy, naglalaro sa isip ni Alawihaw ang hinala na maaaring nagkaroon ng masamang karanasan si Lupog sa mga guwardiya sibil pagkat ito lamang ang puwedeng ipagpalagay na dahilan upang isulong niya ang marahas na hakbang laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala.  Sapagkat sinasamahan ni Lupog sa paglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala ang kanyang asawa kaya gusto sana siyang tanungin ni Alawihaw pagkat ikinamangha rin nito ang kanyang pahayag kahit pareho nilang tinututulan ang buwis at amilaramyento.  Ayaw namang abalahin ni Alawihaw ang pagsasalita ni Lupog ngunit umiiling siya pagkat hindi na nagbago ang boses ng kanyang pinsan hanggang sa dumako kay Lakay Awallan ang mga mata nito upang alamin ang reaksiyon ng Punong Sugo.  Seguro, nawala na rin sa alaala ni Alawihaw ang sinapit ni Lakay Lumbang kaya hindi niya naisip na ito ang tiyak na dahilan ng kinikimkim na galit ni Lupog laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat hindi nila naipaghiganti ang kanyang pagkamatay hanggang ngayon.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *