IKA–28 LABAS

Tanong na idinaan niya sa mariing iling sa halip na isinatinig dahil walang duda na mapapahiya lamang si Lakay Awallan saka sumulyap siya kay Assassi na nakahipig sa tabi nang malaman na malamig na pala ang salabat sa kanyang lumbo.  Bagkus, hinuhulo na lamang niya ang posibleng katuwiran ng lupon ng mga matatandang Malauegs hanggang sa naisip niyang imungkahi kay Lakay Awallan ang pagtatalaga ng tatlong kalalakihang Malauegs upang tumulong sa pagtalakay ng problema para mapapadali ang pagpapalabas ng desisyon.  Aywan kung tanggapin ni Lakay Awallan ang kanyang mungkahi ngunit wala namang masama kung subukan ng lupon ng mga matatandang Malauegs dahil talagang kailangan nang magpahayag sila ng desisyon imbes na hayaan sa walang katiyakang paghihintay ang mga katutubong Malauegs.  Paano malalaman ng lupon ng mga matatandang Malauegs na hindi pala katanggap–tanggap sa mga katutubong Malauegs ang kanilang desisyon kahit ang layunin pa nito ay upang itaguyod ang kapakanan ng lahat kung wala pa rin silang ipinapahayag makaraan ang dalawang linggo?  Pagkakamali na pagsisisihan lamang nila kung laging idadahilan ang naging kapalaran ng mga katutubong Malauegs ng Calantac pagkat lalong lumalaki ang posibilidad na mangyayari ang ayaw nilang maganap kung hindi sila tumalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  “Ayaw ko sanang sabihin ito . . . anak ko!  Ngunit . . . ito ang totoo! Nagkakasalungat na reaksiyon . . . ang talagang dahilan!  Kung . . . ?!  Bakit naging maingat kami . . . sa pagpapahayag ng desisyon?!  Ayaw ng lupon upang ito pa . . . ang pagmumulan ng hindi pagkakaunawaan nating lahat!  Mahirap . . . Alawihaw!  Oo!  Kung . . . magkawatak–watak tayo sa ganitong sitwasyon!  Tiyak na mawawala na sa atin . . . ang pagkakaisa!  Hihina . . . ang ating lakas! At posibleng . . . ito pa ang magiging sanhi upang maglaho . . . ang ating tribu!  Paano pa natin haharapan . . . ang isang laban?!  Kung hindi tayo . . . nagkakaisa?!”  Hanggang sa tuluyan nang ipinagtapat ni Lakay Awallan kung bakit nabalam ang pagpapalabas ng desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs mula nang itinigil ang pulong habang isa–isang binabanggit niya ang mga kadahilanan upang malinawan si Alawihaw.  Marahil, matindi ang nararamdamang pangamba ni Lakay Awallan pagkat napuspos ng lumbay ang kanyang mukha habang nagpapaliwanag hanggang sa pumikit siya pagkat hindi dapat mamalas ng ninuman ang kanyang kahinaan.  Seguro, naitanong niya sa sarili kung bakit ngayon pa dumating ang ganitong sitwasyon kung kailan hindi na niya magagawang pangunahan ang mga mandirigmang Malauegs sakaling magkaroon ng pananalakop sa kanilang komunidad ang mga soldados.  Tuloy, hindi maipaliwanag ni Alawihaw ang kanyang nararamdaman basta gusto niyang yakapin si Lakay Awallan gaya nang madalas niyang ginagawa noong bata pa siya sa tuwing nalulungkot ang kanyang amang ngunit matagal na ‘yon.  Dahan–dahan, hinagilap niya ang kamay ni Lakay Awallan saka pinisil nang matagal upang ipaalaala sa kanya na walang dahilan upang maninimdim siya pagkat kamatayan lamang ang maaaring maghiwalay sa kanilang mag–amang.  Muling bumulong ng tanong ang kanyang sarili kung kulang pa ba ang dalawang beses na pagdarasal sa maghapon at magdamag ng kanyang amang upang hindi pagkalooban ng pakundangan ni Bathala ang pamimintuho nito?  Samantalang sa pagkaiintindi ng tribung Malauegs ay homologo ni Bathala dito sa lupa ang Punong Sugo kaya naniniwala sila na lagi nitong pinapakinggan ang mga dalangin ni Lakay Awallan ngunit kabalintunaan ito sa napagmamasdan ni Alawihaw sa kanyang amang.  Kunsabagay, talagang matitigatig ang kanilang mga kalooban pagkat ngayon lamang sila nagkaroon ng ganitong problema lalo’t sikapin mang hanapan nila ito ng solusyon ay hindi naman abot ng kanilang kakayahan.  Maliban sa magdasal pagkat dito lamang sila nakasusumpong ng pag–asa kahit maraming beses na rin silang binigo ni Bathala ngunit iniisip na lamang nila na maaaring tulog siya nang maganap ang mga pangyayaring ‘yon.  Minabuti ni Alawihaw ang hayaan na munang ipagpatuloy ni Lakay Awallan ang pagpapaliwanag sa halip na magtanong siya dahil marami pa yatang gustong ipagtapat ang kanyang amang upang samantalahin ang gabing ito.  Kasi, hindi naman lingd kay Lakay Awallan na bihira lamang magkaroon ng ganitong pagkakataon silang mag–amang dahil sa kanyang tungkulin na kailangan magampanan niya kahit marami na rin nararamdaman ang kanyang katawan.  “Madali lamang suwayin . . . ang ordinansa ng pamahalaan!  Oo . . . Alawihaw!  Napakadali!  Subalit ang epekto nito sa atin . . . tiyak na matindi rin!  Paano. . .  ang mga may pamilya?!  Ikaw?!  Araw na lamang ang hinihintay . . . magiging amang ka na rin!  Dapat nating tandaan . . . pamahalaan mismo . . . ang magiging kalaban natin!  Oo . . . anak ko!  Tiyak gagamit sila ng dahas . . . para mapuwersa tayong sumunod . . . sa kanilang kagustuhan!”  May punto naman pala ang lupon ng mga matatandang Malauegs kung bakit hindi pa rin sila nagpapalabas ng desisyon hanggang ngayon ngunit hindi pa rin tumigil sa pagtatanong ang sarili ni Alawihaw habang pinapakinggan niya ang paliwanag ni Lakay Awallan.  Kung talagang nahagap na nila ang posibleng balak ng pamahalaang Kastila ng Alcala laban sa tribung Malauegs ay lalong hindi niya madalumat ang dahilan kung bakit sinadya pa nilang ibalam ang pagpapalabas ng desisyon imbes na binigyan sana nila ng priyoridad.  Talagang napaisip si Alawihaw nang malaman na tanggap pala ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang pagbabayad sa buwis at amilyaramyento dahil sa paniniwala na ito ang tamang solusyon kahit magagalit pa sa kanila ang mga katutubong Maluegs kaya napailing na lamang siya.  Diyata, magagawang iutos ng lupon ng mga matatandang Malauegs sa mga katutubong Malauegs ang pagtalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala nang walang pagsaalang–alang sa kanilang kakayahan upang sundin ang isinasaad na obligasyon maski sukal sa kanilang mga kalooban basta huwag lamang sila humantong sa pagkakawatak–watak.  Ano pa ang saysay ng tatlong araw na pulong at paghihikayat sa mga kalalakihang Malauegs upang magpahayag ng kanilang mga mungkahi kung hindi naman pala pinahalagahan ito pagkat desisyon pa rin ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang dapat masunod.  Sapagkat hindi komporme si Alawihaw ay muli siyang napailing dahil hindi maatim ng kanyang konsiyensiya ang magpasaklaw sila sa kapangyarihan ng pamahalaang Kastila ng Alcala matapos sumagi sa kanyang isip ang maraming pagdududa.  Paano kung hindi lamang buwis at amilyaramyento ang nais pang ipatupad balang araw ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay nangangahulugan ba na pikit–matang tatanggapin na lamang nila kahit karagdagang pasakit sa kanilang buhay ang magiging dulot nito?  Sana, sumagi sa kaisipan ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang ganitong posibilidad kahit minsan dahil tiyak na malalagay lamang sa kompromiso ang mga katutubong Malauegs kung igiit nila na ang pagtalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang natitirang solusyon para maiiwasan ang kaguluhan.  Sapagkat tiyak na wala nang pangalawang pagkakataon para ituwid ang pagkakamali kapag nangyari na ang ligamgam dahil hindi kaligtasan ang pagsunod sa kapritso ng gobyerno ngunit may kabuluhan ang pagsuway basta makatuwiran.  Tumindi lamang ang pangamba ni Alawihaw dahil lalong hindi maiintindihan ng mga kalalakihang Malauegs ang katuwiran ng lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat tiyak hindi na magbabago pa ang kanilang sigaw kung nakatatak na sa mga isipan nila ang huwag magbayad ng buwis at amilyaramyento.  Kung siya na anak mismo ng Punong Sugo ay hindi tanggap ang paliwanag nito ay lalong hindi ipagwawalang–bahala ng mga kalalakihang Malauegs ang isyu kahit nanatiling tahimik sila habang abala sa pangangaso pagkat hindi talos ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang kanilang tunay na saloobin.  Muli, itinatanong ng sarili niya kung talaga bang wala nang naisip na ibang paraan ang lupon ng mga matatandang Malauegs upang mabago ang takbo ng pangyayari alang–alang sa kanyang magiging anak na ilang araw na lamang mula ngayon ay masisilayan na niya.  Nang maipagpalagay niya na seguradong batid na ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang tungkol sa tahasang pagsuway nila sa ordinansa dahil hindi rin naman nila alam kung ano ang desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs upang ito sana ang kanilang magiging batayan.  Segurado, hindi pakikinggan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang katuwiran na hinahanapan pa lamang nila ng solusyon ang problemang hatid ng ordinansa pagkat matagal na ang dalawang linggo kung talagang ginusto nila ang magbayad ng buwis at amilyaramyento.  Kung malinis ang intensiyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs nang sinadya nilang ibalam ang pagpapalabas ng desisyon ay problema pa rin ang dulot nito sa tribung Malauegs pagkat walang sinuman ang puwedeng humadlang sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kahit ang mga patay.  “Samakatuwid . . . !  Nangangailangan ng malalimang pag–aaral . . . ang problemang ito!  Kung ganito rin lamang . . . ang maaaring mangyari sa ating lahat!  Kapag pinili natin . . . ang pagtutol sa ordinansa!”  Gayunpaman, hindi pa rin matanggap sa kalooban ni Alawihaw ang mga inilahad na katuwiran upang maunawaan niya ang panig ng lupon ng mga matatandang Malauegs kahit pinamunuan sila ni Lakay Awallan dahil inilagay lamang nila sa kompromiso ang buhay ng mga katutubong Malauegs.  Pero salamat pa rin dahil sa kanya unang ipinagtapat ni Lakay Awallan ang katotohanan na seguradong pagmumulan lamang ng matinding hidwaan kapag nalaman ng mga katutubong Malauegs na tinatalakay pa rin hanggang ngayon ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Kunsabagay, nagiging makatuwiran ang desisyon kung kapakanan ng lahat ang binibigyan ng priyoridad ngunit may kabuluhan pa kaya kung ito naman ang magiging dahilan upang salakayin sila ng mga soldados balang araw.  Napaisip si Alawihaw kung dapat bang iparating din niya kay Lupog ang tungkol sa mga napag–usapan nilang mag–amang ngunit sarili rin niya ang tumatanggi pagkat masyadong mapusok ang kalooban nito kaya mahirap pagkatiwalaan.  Seguradong hindi mapagbawalan si Lupog lalo’t mungkahi niya ang naging dahilan upang itigil ang pulong pagkat ikinagitla ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang ipinamalas na reaksiyon ng mga kalalakihang Malauegs bilang pagsuporta sa kanyang panawagan.  Ipauubaya na lamang niya sa ibang kaparaanan upang malaman ng mga katutubong Malauegs ang tungkol sa mga ipinagtapat sa kanya ni Lakay Awallan kaysa siya pa ang pagmumulan ng kaguluhan sa kanilang komunidad pagkat lubhang maselan ang paksa.  Kung siya na anak ni Lakay Awallan ay hindi sumasang–ayon sa katuwiran ng lupon ng mga matatandang Malauegs matapos marinig ang paliwanag ng kanyang amang ay tiyak na gayundin ang mga kalalakihang Malauegs dahil mas gusto pa nila ang marahas na aksiyon imbes magbayad ng buwis at amilyaramyento.  Dahil mistulang pinapanigan pa ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang pamahalaang Kastila ng Alcala ay walang duda na makaririnig lamang sila ng matinding batikos mula sa mga katutubong Malauegs maski ayaw ni Alawihaw na mangyayari ito dahil tiyak na maaapektuhan ang kanyang amang.  Maging si Assassi na hindi naman talaga naidlip dahil naaabala sa usapan ng mag–amang ang kanyang tulog ay kumunot ang noo nang marinig ang paliwanag ni Lakay Awallan ngunit umiling na lamang siya dahil bawal sa edad niya ang sumabad.  Sapagkat seryoso ang paksa ay hindi na siya nagbigay ng pahayag lalo’t laging nagpaalaala sa kanya ang bilin ni Lakay Awallan na mabuti pa ang makinig na lamang siya kaysa sumabad kung hindi rin naman hiningi ang kanyang opinyon.  Tutal, hindi rin naman siya puwedeng sumali sa usapan ay tumayo na lamang siya upang tunguhin ang kanyang papag pagkat naaabala ng mag–amang ang gupiling niya lalo’t pinatitindi pa ng lamig sa madaling–araw ang kanyang antok.  “Marahil . . . may kabutihan din para sa atin . . . ang pagsunod sa ordinansa!  Ngunit . . . may kaakibat na mga katanungan!  Ang . . . pagtalima sa ordinansa ng pamahalaan!  Oo!  Maraming katanungan . . . at nararapat lamang mabigyan muna ito ng kasagutan!”  Seguro, nakaramdam ng pangangalay ang katawan ni Lakay Awallan pagkat tinangka niya ang tumayo ngunit agad lumapit si Alawihaw upang alalayan siya hanggang sa tinungo ng kanilang mabagal na mga hakbang ang bintana.  Sumalubong sa kanila ang malamig na hangin galing sa labas dahil sumapit na yata ang madaling–araw nang hindi nila namalayan ngunit lalong hindi nila nararamdaman ang antok habang tumatagal ang kanilang pag–uusap.  Nanatili sa tabi ni Lakay Awallan si Alawihaw dahil si Assassi na lagi niyang tinatawag kung gusto na niya ang humiga ay kanina pa humahagok pagkat madalas din siyang napupuyat habang hinihintay na matapos ang pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs sa sagradong kubol.  Kabutihan kung silang mag–amang lamang ang nag–uusap kahit bihira dahil palagay ang kanyang loob sa tuwing nagtatanong siya kahit walang pangingimi na hiningi niya ang paglilinaw kaugnay sa huling tinuran ni Lakay Awallan.  Kung ilang taon na si Lakay Awallan ay silang mga katutubong Malauegs ang higit nakababatid dahil ibinabatay lamang sa bawat pagsibol ng buwan ang pagbibilang sa kanilang edad hanggang sa umaabot ng limandaang taon o higit pa ang buhay ng mga matatandang Malauegs.  Subalit naituwid ito mula nang itinatag ang gobierno revolucionario sa pueblo Fulay dahil sa mga prayle na nagpalaganap ng pananampalataya kaya humigit–kumulang sa animnapung taon ang edad ni Lakay Awallan kung tama ang kalkulasyon ng mga katutubong binyagan base sa kalendaryo ng mga kristiyano.  Mabilis lamang tumatanda ang mga hitsura’t katawan ng mga katutubong Malauegs dahil tigib ng hirap at pagtitiis ang uri ng kanilang pamumuhay lalo’t tampak pa sila sa maghapong init at magdamag na laming bukod pa sa wakawak sila sa panganib.  Kalimitan, nararamdaman ng mga matatandang Malauegs ang pangangalos ng kanilang mga katawan dahil sa gabi–gabing pagdarasal na tumatagal hanggang hating–gabi kahit walang laman ang kanilang mga tiyan pagkat kuntento na sila sa mainit na salabat.  Madali rin tumatanda ang mga kalalakihang Malauegs dahil bahag lamang ang kanilang suot habang nangangaso sa kagubatan basta napainitan ng salabat ang kanilang mga tiyan ngunit bumabawi naman sila sa hapunan para pawiin ang kanilang gutom.  Kahit ang mga kababaihang Malauegs ay nagiging maigsi rin ang buhay kapag nawaglit sa isip nilang hingin ang patnubay ni Bathala pagkat hindi biro ang maglakad sa kabundukan ng Sierra Madre para maglako ng mga gulay sa araw ng palengke sa bayan ng Alcala lalo’t balikan din sila.  Katunayan, marami na ang nalunod sa ilog habang pinipilit nila ang tumawid maski malakas ang baha upang maglako ng mga gulay sa bayan ng Alacala pagkat hindi sila puwedeng pagbawalan ng kalikasan dahil mamamatay naman sila sa gutom.

“Huh?!  Mga katanungan . . . tulad ng . . . ?!  Ano po . . . amang ko?!”  Diyata, may mga katanungan pa pala ang dapat linawin samantalang hindi pa lubos nauunawaan ni Alawihaw ang dahilan kung bakit nabalam hanggang ngayon ang pagpapahayag ng desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs gayong matagal nang hinihintay ito.  Aywan kung iniadya lamang sila ni Bathala mula sa kapahamakan pagkat hindi pa gumawa ng mapinsalang hakbang ang pamahalaang Kastila ng Alcala laban sa kanila ngunit dapat magpasalamat pa rin ang lupon ng mga mga matatandang Malauegs kung hindi man ito nangyari.  Dahil tiyak na sila ang pagbubuntunan ng galit ng mga katutubong Malauegs kahit mga anak pa nila ang karamihan sa mga kalalakihang Malauegs pagkat kailangan pagdusahan ang pagkakamali lalo na kung matindi ang pinsala na idinulot nito sa kanila.  Dahil maliwanag na pagsuway sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mahigit dalawang linggo na ipinagwalang–bahala lamang nila ang pagbabayad sa buwis at amilyaramyento kaya hindi na dapat pagtakhan pa kung bigla na lamang silang salakayin bukas–makalawa ng mga soldados.  Kahit narinig na ni Alawihaw ang paliwanag ni Lakay Awallan ay natanong pa rin niya ang sarili kung dapat pa bang umasa siya kung wala na yatang mahintay na desisyon mula sa lupon ng mga matatandang Malauegs hanggang sa napailing nang marahan ang kanyang ulo.  Basta napahinagpis na lamang siya pagkat hindi rin niya piho kung may darating pa bang bukas upang umasa pa siya dahil walang tiyak na tugon sa sariling tanong ang isip niya maliban sa hintayin ang pagsapit ng umaga.  Muling inalalayan niya pabalik sa silyon si Lakay Awallan nang maramdaman nito ang malamig na dapyo ng hangin saka sinalinan niya ng salabat ang lumbo pagkat nalalasap pa naman ang anghang ng luya maski malamig na.  Kunsabagay, si Lakay Awallan ang hinihintay lamang niya kung gusto na nitong magpahinga para ihatid niya sa papag ngunit hindi pa yata inaantok ang kanyang amang pagkat itinuloy nito ang paliwanag bilang tugon sa kanyang tanong.

Nakatitiyak ba tayo . . . sa katapatan ng pamahalaan?!  Hindi na kaya . . . magpapalabas ng panibagong kautusan . . . ang pamahalaan?!  Ha?!  Paano . . . ?!  Kung iutos ng pamahalaan . . . ang pagpapalayas sa atin . . . sa lupaing ito?  Nangyari na ito . . . sa dating komunidad ng Calantac!  Hahayaan ba ninyo upang mauulit . . . sa tribu natin . . . ang pangyayaring ‘yon?!”  Kung wariing maigi ni Alawihaw ang paliwanag ni Lakay Awallan ay malinaw ang dahilan kung bakit hindi karaka–rakang nagagawa ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang pagbibigay ng desisyon pagkat parehong mahalaga para sa kanila habang tinitimbang ang dalawang balansa.  Bantulot ang lupon ng mga matatandang Malauegs para katigan ang sariling desisyon dahil tiyak na magagalit sa kanila ang mga katutubong Malauegs ngunit ikinabahala naman nila ang posibleng ganti ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa kanilang tribu kung tanggapin nila ang mungkahi ng mga kalalakihang Malauegs.  Nangangahulugan na walang masusulingan ang lupon ng mga matatandang Malauegs sa isyu tungkol sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat nalagay sila sa alanganin sanhi ng nagkakasalungat na paninindigan kaya apektado hanggang ngayon ang kanilang pagpapalabas sa desisyon.  Bagaman, suportado ng maraming miyembro ng lupon ng matatandang Malauegs ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit wala silang lakas upang ipahayag ang kanilang desisyon pagkat tiyak na hindi ito magiging katanggap–tanggap sa mga katutubong Malauegs dahil salungat dito ang nais nilang isulong.  Sapagkat ayaw rin naman nilang masisi sakaling matutulad sa naging kapalaran ng mga katutubong Maluegs ng Calantac ang tribung Malauegs ng Sierra Madre lalo’t walang garantiya na hindi sila aabusuhin ng pamahalaang Kastila ng Alcala kahit tumalima pa sila dahil hindi nila batid ang posibleng mangyari sa hinaharap.  Habang ang pagtangging magbayad sa buwis at amilyaramyento ngayon ay seguradong pagdurusahan pa rin nila bukas kaya walang tiyak na solusyon ang puwedeng gamitin ng lupon ng matatandang Malauegs upang malutas ang problema kung pareho naman ang magiging kahinatnan nito.  Malinaw ang katuwiran ng lupon ng mga matatandang Malauegs dahil ayaw rin nila na ito pa ang pagmumulan ng hidwaan sa kanilang komunidad pagkat hindi dapat mahahati ang kanilang paninindigan ngayong nahaharap sila sa maselang problema.  Katunayan, marami ang tumututol nang imungkahi ng isang matandang Malauegs ang paglisan ng kanilang komunidad upang lumipat sa pusod ng kagubatan para hindi sila masusundan ng mga soldados sakaling iuutos ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang paglusob sa kanila.  Mahabaging Bathala!  Mistulang isinuko na rin nila sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga lupain na dating pagmamay–ari ng kanilang mga ninuno bago pa man naitatag ang gobierno revolucionario sa bayan ng Alcala samantalang maraming paraan pa naman basta nagkakaisa sila sa halip na magpagahis sa takot.  At hindi natitirang solusyon ang paglisan sa komunidad kahit buhay pa ang magiging kapalit sa pagtatanggol nito mula sa mapag–imbot na hangarin ng pamahalaang Kastila ng Alcala gamit ang mga batas na sukal sa kanilang mga kalooban.  Seguradong hindi hahayaan ng mga katutubong Malauegs upang magtagumpay ang balakyot na balakin ng pamahalaang Kastila ng Alcala samantalang kabundukan ng Sierra Madre na nga lamang ang inilaan ni Bathala para sa kanila ay aagawin pa ito nang walang pakundangan.  Walang duda na hindi magdadalawang–isip ang mga kalalakihang Malauegs upang ipaglaban ang kanilang lupang tinubuan mula sa mapanlilimbong na layunin ng pamahalaang Kastila ng Alcala kung ang natitirang paraan ay maninindigan para sa kanilang karapatan kahit humantong pa ito sa kanilang kamatayan.  Huwag lamang maglalaho ang pamana na nagtataglay ng maraming alaala ng kanilang mga ninuno kaya nararapat lamang kumilos na ang lupon ng mga matatandang Malauegs bago pa salakayin ng mga soldados ang kanilang tribu upang hindi sila ang usigin nila.  Dapat tandaan ng lupon ng mga matatandang Malauegs na kaakibat ng bawat araw na dumarating ang hindi nakikitang posibilidad ngunit puwedeng maganap kaya huwag nang hintayin na mangyari pa ito kung may pagkakataon pa naman upang paghandaan.

“Puwes!  Hanggang kailan po kami . . .  maghihintay sa inyong desisyon?!  Amang ko?!”  Hindi mapiho kung may balak pang sagutin ni Lakay Awallan ang tanong ni Alawihaw dahil dumako sa labas ang kanyang mga mata kahit nababalot ng pusikit na karimlan ang paligid pagkat hindi kayang tanglawan ng laksa–laksang bituin ang mundo.  Tahimik si Alawihaw habang hinihintay ang tugon ni Lakay Awallan pagkat matalas pa naman ang kanyang mga tainga kahit matanda na siya upang isipin na hindi niya narinig ang tanong lalo’t malapit lamang ang pagitan nilang mag–amang.  Marahil, nagparamdam kay Lakay Awallan ang matinding kuribdib sanhi ng kasalukuyang sitwasyon pagkat nalipos ng lumbay ang kanyang mukha kaya dali–daling hinawakan ni Alawihaw ang mga kamay niya kahit hindi nito batid ang dahilan.  Upang iparating kay Lakay Awallan ang mensahe niya na walang dahilan para damhin ng kanyang puso ang linggatong pagkat haharapin nilang mag–amang ang sitwasyon maski kapahamakan pa ang dulot nito sa kanilang buhay.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *