IKA–30 LABAS

Nang malingunan ni Lakay Awallan si Alawihaw sa kanyang tabi ay nagkibit–balikat na lamang siya pagkat huli na upang pagbawalan pa ang bagong amang kahit hindi pa nagbigay ng hudyat ang komadrona upang malasin ang mag–inang niya.  Siya na lamang ang kusang lumabas ng kubol upang hindi isipin ng komadrona na kinunsinti niya si Alawihaw na tuwang–tuwa nang masilayan ang kanyang anak dahil ganito rin ang naging reaksiyon niya noong isinilang siya.  Nagpahatid na lamang siya kay Assassi sa sagradong kubol upang iparating sa lupon ng mga matatandang Malauegs ang magandang balita sabay pasalamat dahil sinimulan nila ang pagdarasal kahit hating–gabi pa lamang nang malaman na manganganak na ang asawa ni Alawihaw.  Tuloy, nagulat pa ang komadrona nang mapansin niya si Alawihaw na hindi pa dapat pumasok dahil kasalukuyang linilinisan pa lamang niya ang mag–inang nito ngunit hindi na mahagilap ng kanyang mga mata si Lakay Awallan.  Sapagkat ang hinahanap niyang si Lakay Awallan upang palabasin sana nito si Alawihaw ay sumabay na sa pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs nang lingid sa kanya maliban kay Assassi pagkat siya na lamang ang bumalik dahil sa bagong silang na sanggol.  Napailing na lamang siya habang linilinisan ang sanggol na hindi pa handang idilat ang mga mata dahil napuyat din yata kaya mahimbing ang tulog nito habang nagpapahinga naman si Dayandang matapos dumanas ng hirap sa panganganak.  Pero handa nang pangkuin ng mga bisig ni Alawihaw ang kanyang anak upang ipaghele ngunit buwan pa ang dapat hintayin bago gawin niya ito pagkat kailangan pag–aralan muna niya ang tamang paghawak ng sanggol.  “Lalaki . . . ang anak mo!  Alawihaw!”  Kilala sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ang komadrona na nagpaanak kay Dayandang sa pangalang Impong Ubak kahit problema ang pagsundo sa kanya kung masama ang panahon pagkat sa tawid–ilog matatagpuan ang kanyang kubol.  Aywan kung narinig ni Alawihaw ang bulong ni Impong Ubak pagkat hindi man lamang kumurap kahit saglit ang kanyang mga mata habang tinititigan niya ang mukha ng sanggol na hindi rin naman nalalayo sa hitsura niya.  Nang muling sumagi sa isip niya ang magpasalamat kay Bathala ay talagang umusal na siya ng dasal na itinuro sa kanya ni Lakay Awallan pagkat pinagbigyan nito ang kanyang kahilingan na sana lalaki ang magiging panganay niya.  Pagkatapos ipahiga ni Impong Ubak sa tabi ni Dayandang ang sanggol ay napatingin naman sa kanya si Alawihaw hanggang sa nagtama ang kanilang mga paningin ngunit kailangan magpalipas muna sila ng tatlong buwan.  Kapwa masaya sina Alawihaw at Dayandang ngayong isinilang na ang kanilang panganay makaraan ang siyam na buwang paghihintay nila sa kanya ngunit nagulat ang sanggol nang dampian siya ng halik ng kanyang amang.  Natawa na lamang sina Dayandang at Impong Ubak ngunit hindi si Alawihaw pagkat naging pormal ang kanyang mukha nang maisaloob niya na ayaw yata ng sanggol ang pasalubungan siya ng halik mula sa kanyang amang.  Tila narinig din niya ang sinasabi ng sanggol na huwag muna siyang bigyan ng kapatid para wala siyang kaagaw sa pagmamahal ng kanyang mga magulang kaya mga paa na lamang nito ang dinampian ng mga labi niya.  Sanhi ng walang kahulilip na kaligayahang nararamdaman ni Alawihaw ay sandaling nalimot niya ang mga linggatong sa kanyang buhay nang pansamantalang nawaglit sa isip niya ang problema sa buwis at amilyaramyento na hindi pa nila nababayaran.  At huwag naman sanang mangyayari ang pinangangambahan niyang paglusob ng puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na maaaring maganap kung kailan isinilang ang kanyang panganay pagkat hindi siya handa upang harapin ang ganitong problema.  Tuloy, hindi niya namalayan ang pamamaalam ni Impong Ubak dahil napaisip nang malalim ang kanyang sarili nang mabahiran ng balino ang damdamin niya habang minamasdan ang sanggol na natutulog nang mahimbing sa tabi ni Dayandang.

            “Alawihaw . . . magpapaalam na ako!  Huwag ka munang magkikilos . . . Dayandang!  Ha?  Para . . . hindi ka mabinat!  Bukas . . . babalik ako! Para padagandangan . . . ang katawan mo!  Pagkatapos kita paliguan . . . ha?”  Dahil sa sunud–sunod na tapik ni Impong Ubak ay saka pa lamang napatingin sa kanya si Alawihaw upang pakinggan ang kanyang mahalagang bilin para magiging madali na lamang ang pagpapaligo bukas kay Dayandang.  Sapagkat halos ayaw nang ihiwalay ni Alawihaw ang mga mata niya sa sanggol na mahimbing pa rin ang tulog ay tinugon na lamang niya ng tango si Impong Ubak kahit hindi yata naging malinaw sa kanya ang bilin nito.  Dahil naging maselan ang panganganak ni Dayandang ay nararapat lamang padagandangan siya matapos paliguan ng mga pinakuluang dahon ang kanyang katawan gaya nang laging ginagawa ni Impong Ubak sa mga bagong panganak.  Upang hindi mabibigla sa pagkikilos ang kanyang katawan kung kailangan na niyang pangkuin ang sanggol habang nagpapasuso kaya idinaan niya sa tango ang pagtanggap sa bilin ni Impong Ubak pagkat hindi pa siya dapat magsalita.  Tinitiyak naman ni Impong Ubak ang pagbabalik niya bukas dahil mahalagang mapaliguan muna si Dayandang pagkat doon pa lamang siya puwedeng magsalita upang ikuwento ang pinagdaanan niyang hirap sa panganganak.  Sapagkat bawal pa kay Dayandang ang bumangon kahit napaliguan na siya ay isang linggo namang matitigil ang pangangaso ni Alawihaw upang alagaan siya hanggang sa magagawa na niya ang kumilos nang mag–isa.  Mga patakaran na dapat sundin nang walang pasubali upang si Impong Ubak pa rin ang puwedeng tawagin para sa susunod na pangangnak ni Dayandang dahil gumagana ang nunal sa asngal ng komadrona kapag matindi ang pagtatampo niya.  Tuloy, taimtim na sinusunod ang mga patakaran ni Impong Ubak na naghahanda nang umalis upang ipahinga naman ang kanyang pagal na katawan dahil wala namang masama kung sumunod sila para maiwasan ang pagsisisi.  Kung ano ang pangalan ng sanggol ay isasangguni muna nina Alawihaw at Dayandang kay Lakay Awallan na hindi pa rin tumitigil sa pagdarasal kasama ang lupon ng mga matatandang Malauegs kaya problema na naman ni Assassi kung paano siya pakainin ng almusal.  Basta tiyak na magiging masagana ang handa sa gaganaping binyag ng sanggol pagkat magiging Punong Sugo rin balang araw ang anak ni Alawihaw kahit hindi pa dapat sumalig sa ganitong pananalig dahil kasisilang lamang ng sanggol.   “Alawihaw!  Bukas . . . magpakulo ka ng mga dahon ng . . . bayabas at kalamunding!  Samahan mo na rin ng . . dahon ng mangga!  ‘Yon . . . ang ipapaligo natin kay Dayandang!  Bukas . . . ha?!  Sige . . . maiiwan ko na kayo!”  Batid ng mga katutubong Malauegs na may mga propesyonal na manggagamot ang puwedeng salidain ngunit naging malaking problema naman nila ang layo ng bayan ng Alcala mula sa kanilang komunidad lalo na kung nataon pa sa gabi ang panganganak.  At tiyak na hindi basta pupunta ang manggagamot sa kabundukan ng Sierra Madre kung saaan naroroon ang komunidad ng mga katutubong Malauegs upang magpaanak lamang kahit tapang usa at mga labuyo pa ang magiging kabayaran para sa kanyang serbisyo.  Sapagkat hindi siya bihasang maglakad sa mga bulaos at tumawid sa mga ilog upang isugal ang kanyang buhay kahit tungkulin niya ang magligtas ng pasyente dahil ayaw rin naman niya na malalagay sa peligro ang sarili.  Samantalang tiwala na kay Impong Ubak ang mga kababaihang Malauegs pagkat subok na nila ang kanyang kakayahan sa pagpapaanak bukod sa madali lamang siyang sunduin dahil kasama rin nilang namumuhay sa komunidad kahit sa tawid–ilog ang kanyang kubol.  Palagay ang kalooban ng mga buntis kung siya ang umaalalay sa kanilang panganganak pagkat magaan ang kanyang mga kamay maliban na lamang kung suhi ang sanggol dahil tiyak na magbibigay ito ng problema sa manganganak.   Aywan kung may nasawi na dahil sa panganganak pagkat hindi ito nababanggit sa usapan ng mga kababaihang Malauegs lalo’t pinakamalaking bilang yata sa kanilang komunidad ang mga kabataang Malauegs na masayang naglalaro kung maliwanag ang buwan.  Pagkatapos iligpit ni Impong Ubak ang kanyang mga gamit ay dahan–dahang humakbang patungo sa pintuan ang kanyang mga paa ngunit pansamantalang natigil ang paglabas niya upang higupin ang salabat na alok ni Assassi na kararating lamang mula sa kusina.  Sumunod si Alawihaw upang sabayan sa pagtawid sa ilog si Impong Ubak kahit hindi malakas ang baha dahil hindi naman umulan kagabi ngunit delikado pa rin sa kanya ang lumusong sa tubig nang mag–isa pagkat puyat siya.  Kaya kailangan pa rin ihatid si Impong Ubak kahit ayaw sanang malayo ni Alawihaw mula sa bagong silang na sanggol para tiyakin na ligtas ang pag–uwi ng komadrona pagkat marami ang nagangailangan pa ng kanyang serbisyo.  Upang sa susunod na pagbubuntis ni Dayandang ay muli nilang mapapakiusapan ang serbisyo ni Impong Ubak kahit hindi pa dapat isipin ito ni Alawihaw pagkat hindi niya tangan ang bukas lalo’t nahaharap sa matinding problema ang tribung Malauegs.

            “Maraming salamat po . . . Impong Ubak!”  Nagparating na rin ng pasasalamat si Alawihaw upang samantalahin ang pagkakataon ngunit muling natigil ang paglabas ni Impong Ubak pagkat sina Lakay Awallan at Lakay Lanubo naman ang kanyang nasalubong sa pintuan upang batiin si Dayandang.  Marami pa ang nagdatingan upang malasin ang unang apo ng Punong Sugo ng tribung Malauegs ngunit hindi na matandaan ni Alawihaw kung sinu–sino sila dahil kailangan maihatid na niya si Impong Ubak pagkat tiyak gusto na rin nito ang magpahinga sanhi ng pagod at puyat.  Gayundin naman siya dahil ayaw rin sana niya ang lumabas ng kubol kung hindi lamang kailangan ihatid niya sa pag–uwi si Impong Ubak hanggang sa tinitirhan nito sa labas ng komunidad kasama ang nag–iisang anak na dalaga.  Kalimitan, sinusundo na si Impong Ubak kahit may araw pa kapag nataon sa masamang panahon ang panganganak ng isang babaeng Malauegs habang hindi pa malalim ang tubig sa ilog dahil ito rin naman ang lagi niyang sinasabi.  Segurado, isang dahilan din kung bakit nagpasalamat si Alawihaw pagkat pumayag si Impong Ubak nang sunduin niya kahit natatakot siyang tumawid sa ilog dahil malabo na ang kanyang mga mata ngunit maliwanag naman ang buwan.  Kaya hatid–sundo si Impong Ubak kung may nanganganak sa komunidad ng mga katutubong Malauegs upang tiyakin ang kanyang kaligtasan ngunit mabuti na ito kaysa magpapagod pa silang bumaba sa bayan ng Alcala kung hindi rin naman tiyak ang pagsalida sa manggagamot.  Kunsabagay, pagtawid sa ilog sa tuwing umuulan ang naging balakid lamang ng mga katutubong Malauegs upang madaling marating ang kubol ni Impong Ubak ngunit may solusyon ang lahat nang problema maliban sa buwis at amilyaramyento na mahigpit ipinapatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Katanungan naman kung bakit hindi na lamang palipatin ng tirahan si Impong Ubak para sa kanyang kaligtasan upang hindi na kailangan ang tumawid pa siya sa ilog kung may nangangailangan sa kanyang serbisyo kahit anong oras ng gabi.  Tutal, mag–inang lamang sina Impong Ubak at ang kanyang anak na dalaga ay hindi naman seguro malaking bagay kung makadagdag sila sa bilang ng mga pinapakain ng mga kababaihang Malauegs dahil puwede naman silang tumulong sa mga ginagawa nila.  Sana, maiisip ito ng lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat marami pang mga kababaihang Malauegs ang nakatakdang manganak basta huwag lamang mangyayari ang kanilang pinangangambahan para hindi ito ang magiging dahilan upang makunan naman ang mga nagdadalantao.  Siyempre, sa pagiging perito ng mga kalalakihang Malauegs sa pangangaso ay dapat pa bang pagtakhan kung bihasa rin sa pagtudla ang kanilang mga natatanging sandata na mahiyain lamang sa araw kaya nagkakanlong sa mga bahag nila.  “Impong Ubak!  Maaari na po bang. . . ah?  S–Sundan . . . !  He!He!He!  A–A ng . . . panganay ko?!”  Kung biro lamang ang bulong ni Alawihaw ay maaaring hindi ito narinig ni Impong Ubak dahil talagang gustung–gusto nang humiga ang kanyang katawan sanhi ng magdamag na puyat kaya mabagal ang kanyang mga hakbang.  Bagaman, mahirap hulaan kung talagang biro lamang ang tanong ngunit lumingon pa rin si Impong Ubak para alamin kung seryoso si Alawihaw na napakamot na lamang sa kanyang ulo dahilan upang matigil sila pagkat siya ang nauuna sa paglalakad.  Naging pakahulugan naman ni Alawihaw na maaaring ikinagalit ni Impong Ubak ang kanyang biro pagkat kumunot ang noo niya habang titig na titig sa kanya ang inaantok niyang mga mata ngunit ngumiti na lamang siya.  Marahil, tinatanong ni Impong Ubak ang sarili kung ano ba ang gustong iparating sa kanya ni Alawihaw pagkat napaisip siya nang malalim hanggang sa tumalikod siya matapos pumiksi upang ituloy ang kanilang mabagal na paglalakad.  Hanggang sa tumingala na lamang si Alawihaw upang pigilin ang kanyang alik–ik pagkat hindi yata naintindihan ni Impong Ubak ang biro niya ngunit wala na siyang balak ulitin ang tanong upang hindi tuluyang magalit ang komadrona.  Nang walang kaginsa–ginsa na tumama sa kanyang dibdib ang lukbutan matapos mapagtanto ni Impong Ubak ang intensiyon ng kanyang tanong kaya ang kubol na halos tanaw na lamang ay naging malayo dahil muling natigil ang paglalakad nila.  Napaatras si Alawihaw habang sinasangga ang lukbutan dahil talagang hindi siya tinantanan ng komadrona hanggang sa humalakhak siya matapos mapaglilimi na posibleng nagkaroon ng epekto sa kanya ang puyat.  Sapagkat kaytagal nawatasan ni Impong Ubak ang kahulugan ng biro hanggang sa napangiti na rin siya dahil totoo naman na talagang sakripisyo ang siyam na buwang tiniis ni Alawihaw habang nagdadalantao si Dayandang.  Pero kailangan dugtungan pa ni Alawihaw ang kanyang pagtitiis dahil mahina pa ang katawan ni Dayandang para apurahin niya ang pagbubuntis upang magkaroon lamang ng kapatid ang kanilang panganay.  Lalong hindi kailangan upang hintayin pa nina Alawihaw at Dayandang hanggang sa magagawa nang tumalalan ng kanilang panganay pagkat hindi rin naman puwedeng ipagbawal ang kanilang kagustuhan bilang mag–asawa.  Tuloy, naging seryoso si Impong Ubak sa pagpapaalaala kay Alawihaw dahil malaki ang posibilidad upang pagsisihan niya ang masamang epekto ng kanyang biro kung totohanin niya ito pagkat hindi naman siya hangal upang ipaalam pa.

            “Aba!  Damuhong ‘to!  Bakit?!  Gusto mo na bang mabiyudo. . . ha?!”  Siyempre, umiling si Alawihaw dahil nagsisimula pa lamang mabuo ang kanilang pamilya sa pagsilang ng kanyang panganay lalo’t sumabay pa sa problema ng kanilang komunidad ang pagdating nito sa buhay nilang mag–asawa.  At nang hindi mararanasan ng kanyang panganay ang naging buhay niya na maagang naulila sa inang pagkat kulang ang kanyang naramdamang pagmamahal kahit may amang na sumubaybay sa kanyang paglaki.  Gayunpaman, ayaw niyang mangangako kung pagbatayan ang kasalukuyang sitwasyon dahil hindi na bahagi ng pangarap ang bawat bukas pagkat may bahid na ng takot ang kanilang mga puso sa tuwing gumigising sa umaga.  Dumapo sa kanyang balikat ang sumunod na hampas ni Impong Ubak pagkat hindi na niya naiwasan ang lukbutan nito ngunit idinaan na lamang niya sa tawa ang pangyayari dahil lalo lamang nabalam ang kanilang paglalakad.  Kunsabagay, natatanaw na ang kubol ni Impong Ubak dahil kalahating kilometro lamang yata ang layo nito mula sa ilog basta huwag lamang lumakas ang baha para magiging madali na lamang ang pagtawid kung kailanganin ang kanyang serbisyo.  Pero ngayon pa lamang napatunayan ni Alawihaw ang kuwento ng mga kababaihang Malauegs dahil napansin niya mismo na talaga palang sulimpat ang mga mata ni Impong Ubak nang hindi sinasadyang nagsalubong ang kanilang mga paningin.  Ngayon din niya napagtanto kung bakit mariin ang pikit ng mga mata ng kanyang panganay dahil ayaw palang malalinan siya kaya binilisan na lamang niya ang paglalakad pagkat nagparamdam na rin sa kanya ang antok.

            “Nagbibiro lang po ako . . . Impong Ubak!”  Pagsapit sa kubol ni Impong Ubak ay agad humingi ng paumanhin si Alawihaw upang hindi niya daramdamin ang biro dahil hindi naman lingid sa kanya ang usap–usapan tungkol sa nunal ng asngal niya kahit hindi pa napatunayan ang bisa nito.  Sapagkat batid din naman niya na pinapahalagahan lamang ni Impong Ubak ang kapakanan ng mga bagong panganak na mga kababaihang Malauegs upang hindi nila daranasin ang malubhang karamdaman dahil tiyak damay rin ang kanilang mga anak kung ikamatay nila ito.  Katunayan, marami nang bagong panganak ang ginamot niya sanhi ng binat ngunit naagapan lamang sa pamamagitan ng pagpapadagandang sa kanila habang sinasabayan niya ng gabi–gabing hilot upang muling sumigla ang daloy ng dugo sa mga ugat nila.  Kailangan pa bang itanong niya ang dahilan kung walang gustong umamin kaya maraming amang ang mistulang ikinulong sa kuweba pagkat isang buwan din na ipinagbawal sa kanila ang pagtabi sa kanilang mga asawa?  Nakakahiya naman kung ireklamo pa nila sa Punong Sugo ang ginagawang pagbabawal sa kanila ni Impong Ubak dahil malalaman lamang nito ang kanilang matinding kalanyaan na naging dahilan ng binat ng kanilang bagong panganak na mga asawa.  May kasalit na takbo ang paglalakad ni Alawihaw kahit magdamag na hindi pa siya umidlip hanggang sa muling tawirin niya ang ilog pabalik sa komunidad ngunit hindi pa rin niya nararamdaman ang kapaguran.  Naparam na yata ang antok niya pagkat lalong sumigla ang kanyang pakiramdam habang iniisip na hindi lamang si Dayandang ang daratnan niya dahil dalawang nilalang ang naghihintay na sa kanyang pagdating.  Lalo na ang kanyang panganay dahil mukha na lamang nito ang laging nasa isip niya mula pa kanina nang bigla siyang natigil mula sa paglalakad pagkat kailangan pansinin muna niya ang bulong ng kanyang sarili.  Nang sumagi sa isip niya na kailangan magkaroon ng kapatid ang kanyang panganay dahil alam niya ang hirap ng pagiging bugtong na anak lalo’t walang muwang pa siya noon nang mamatay ang kanyang inang.  Itinuturing niyang nakababatang kapatid si Balayong maski mas malapit sa kanya si Lupog dahil halos magkaedad lamang sila ngunit iba pa rin ang pagmamahal ng totoong kapatid kaysa mga kamag–anak lamang.  Subalit may katuwiran din naman ang mga paalaala ni Impong Ubak pagkat ngayon niya napaglilimi na maaaring binat ang naging sanhi nang maagang pagkamatay ng kanyang inang hanggang sa napangiti na lamang siya dahil kay Lakay Awallan.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *