Marahil, wala lamang sa kondisyon si Alcalde dahil naghahanda na siya para umuwi matapos maisaloob na masyado nang malalim ang gabi para palawigin pa ang kanilang hora feliz kahit kabaligtaran ito sa mga nagdaang inuman. Katunayan, inihudyat na sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang pagsapit ng alas–doce ng hating–gabi kaya seguradong kanina pa hinihintay ni Señora Mayora ang pag–uwi ni Alcalde upang komustahin ang grasya na sinisimulan nang bilangin sa isip niya kahit sa mapa pa lamang iginuhit. Hindi na rin napigilan ni Alferez ang pamimigat ng kanyang mga talukap pagkat tuluy–tuloy ang pagtutukatok ng kanyang ulo hanggang sa mistulang naalimpungatan pa siya nang masalisod sa mesa ang isang paa ni Alcalde dahil sa pag–aapura nitong umuwi sa residencia ejecutiva. Nang malaman niya na naghahanda na pala si Alcalde upang umuwi ay dali–daling tumayo siya para sumabay sa kanya dahil ayaw rin naman niya ang magpaiwan sa opisina kahit nakaimbak sa estante ang maraming bote ng alak. Kunsabagay, hindi na kailangan ang lumabas pa sa munisipyo ng Alcala si Alferez pagkat may sariling kuwartel sa kanyang opisina samantalang hinahatid naman ng karwahe si Alcalde pauwi sa residencia de ejecutivo maski puwede na sana siyang magpalipas ng gabi sa opisina dahil madaling–araw na. Kaya pinipilit pa rin umuwi ni Alcaldel sa residencia ejecutiva kahit gaano pa katindi ang kanyang kalasingan dahil ayaw niyang magdeklara ng guerra mundial ang kanyang hermosa esposa pagkat siya na ang nahihiya sa sampung muchacha.
“¡Bueno. . . Teniente! ¡Continuems la conversacion manana! ¡Es demasiado tarde en la noche! ¡Tomemos un descanso! ¿Eh?” Maging ang pinagkakatiwalaang kutsero ng karwahe ay kunsumido dahil gabi–gabi rin napupuyat kahit hindi naman kasama sa hora feliz pagkat hatid–sundo niya si Alcalde sa residencia ejecutiva imbes na mahimbing nang natutulog sana sa piling ng kanyang pamilya. Lalo’t isa rin siya sa mga nagiging enemigo sa tuwing nagdedeklara ng guerra mundial si Señora Mayora kahit si Alcalde lamang ang kaalitan niya dahil sa selos ngunit nagtitimpi na lamang siya pagkat mahal ang pamasahe sa galyon para bumalik ng bansang España silang mag–anak. Aywan kung dapat ba siyang matuwa dahil ngayon lamang napaaga ang uwi ni Alcalde kahit hating–gabi na ngunit maraming oras pa naman ang puwedeng itulog niya hanggang bukas ng umaga pagkat ihahatid naman niya si Señora Mayora sa simbahan ng Alcala. Naging himutok din niya ang suweldo na limampung piso kada buwan dahil hindi na ito naragdagan buhat nang magsimula siya bilang kutsero ng karwahe pagkat laging sinasalungat ni Señora Mayora si Alcalde kahit kasama siya sa nomina ng munisipyo ng Alcala. Kabutihan, hindi na lumalabas pa si Zafio para umuwi pagdating nila sa residencia ejecutiva dahil may kuwartel sa recinto ang kanyang pamilya na nagbibigay naman ng bentaha sa kanila kahit limampung piso lamang kada buwan ang sahod niya. May kani–kanilang kuwartel din ang sampung muchacha na naninilbihan sa mag–asawang Señora Mayora at Alcalde na kinabibilangan ng mayordoma, labandera, plantsadora, kusinera, serbidora, palengkera, agwadora, peynadora, kamarera at ang sisiwa. Obligasyon ng sisiwa ang idispatsa ang gabalde kalaking arinola ni Señora Mayora na laging nag–uumapaw ng orina sa tuwing umaga kaya siya ang nakababatid sa buwanang regla ng kanyang amo ngunit ito naman ang nagiging tampulan ng tsismis. Samantala, katutubong binyagan man ang mayordoma ay nagiging kaakit–akit naman sa puso na walang pinipiling lahi kung magmahal ang kanyang balingkinitang katawan lalo’t matatas pa siya sa wikang Kastila bukod sa laging ngumingiti kahit natutulog. Mga katangian na wala si Señora Mayora maliban sa pagiging asawa niya ng punong–bayan ng Alcala dahil normal nang mapuputi ang kutis ng mga banyaga ngunit hindi siya basta nagpapatalo habang memoryado pa ang pagrorosaryo na tanging sandata niya. Hindi napapalya sa pagsisimba si Señora Mayora kahit bumabagyo dahil pangarap yata niya ang maging santa kahit imposible kung pagbatayan ang araw–gabing balitaktakan nila ni Alcalde dahil sa simpleng kalantari na nag–uugnay ng kanyang esposo sa mayordoma. Paminsan–minsan, binabanggit din niya sa dasal ang pangalan ni Alcalde para sabay sana silang umaakyat sa hagdan ng kalangitan basta huwag lamang siyang alihan ng paninibugho dahil nawawala ang kanyang pagiging banal. Kahit nasa loob siya ng simbahan ng Alcala ay nagagawa pa rin idalangin ng kanyang kriminal na utak ang kamatayan ni Alcalde habang naglalakad siya nang paluhod mula sa pintuan hanggang sa dambana kung ubos na ang kanyang mga luha dahil sa matinding kabiguan. Talagang nananaghoy pa siya para dinggin ng mga santo’t santa ang kanyang sumpa nang magkaroon agad ito ng talab kay Acalde nang walang pag–aalintana kahit siya rin ang magiging kaawaawa kapag nabiyuda siya. Minsan, hindi napigilan ng tsismosong kura paroko ng parokya ni Santa Filomena ang magtanong kay Señora Mayora kung bakit nagiging madalas naman yata ang paglalakad niya nang paluhod sa loob ng simbahan sa halip na nagpapasalamat pagkat punong–bayan ng Alcala ang kanyang esposo. Dapat mang pagdududahan kung naniwala si Padre Lucrecio Anton Nacarado de Mallorga basta napangiti siya dahil sa walang kagatul–gatol na tugon ni Señora Mayora pagkat imposibleng papasukin siya sa kalangitan kung buhay pa lamang siya ay sinisilaban na ang kanyang kaluluwa pagkat nagsinungaling siya sa kura paroko. Paano magiging malinis ang kaluluwa ni Señora Mayora pagdating nang araw na kailangan na niya ang humarap sa kanyang manlilikha kung nakayanan pa niya ang magsinungaling sa kura paroko sa halip na ikinumpisal ang kanyang mga kasalanan? Kinagabihan, nakita niya ang sarili habang tinatahak nilang dalawa ni Alcalde ang matinik na landas hanggang sabay na inakyat nila ang hagdan ngunit sa tuwing naalaala niya ang mayodoma ay nahuhulog siya sa . . . basta nagising siya! Hayun! Tinatanong niya ang sarili kung bakit siya lamang ang nahulog sa impiyerno samantalang nagsisimba naman siya kahit may bagyo at malaki ang ibinibigay niyang donasyon sa simbahan para matiyak lamang ang pagiging banal niya.
“¡Alcalde . . . es bueno! ¡Porque yo tambien tengo sueño!” Sabay na bumaba sa hagdanan sina Alcalde at Alferez hanggang sa narating nila ang labasan ng munisipyo ng Alcala ngunit mabibilang na ang nagbabantay na mga guwardiya sibil pagkat katatapos lamang isagawa ang palitan ng kanilang relyibo. Maski matindi ang antok ng dalawang opisyal sanhi ng kalasingan ngunit wala namang nangyaring masama habang bumababa sila sa hagdan na may labindalawang baitang pagkat kabisado na nila ang bilang dahil panhik–manaog na sila roon. Yaong sakay ni Alcalde sa karwahe ay agad pinasibad ni Zafio ang kabayo pauwi sa residencia ejecutiva upang ituloy ang naabala niyang kahimbingan habang mahaba pa ang gabi pagkat kanina pa gusto nang magpahinga ang kanyang katawan. Habang pasuray–suray na tinungo ng mga hakbang si Alferez ang kanyang opisina dahil mistulang lumilindol ang tingin niya sa pasilyo samantalang puwede naman siyang magpahatid sa mga guwardiya sibil upang hindi na matatagalan ang paglalakad niya. Sapagkat walang ilaw ang pasilyo ay hindi niya magawang bilisan ang paglalakad hanggang sa may nasalubong siya ngunit tiyak na hindi niya napansin dahil lalong dumilim ang kanyang paningin nang pumikit siya. Segurado, hindi rin niya napansin ang pagsaludo ng guwardiya sibil na nagbabantay sa kanyang opisina pagkat dumanas yata siya ng somnambulo sanhi ng matinding kalasingan ngunit natunton pa rin niya ang sariling kuwarto na dapat ipagpasalamat. Nasundan na lamang ng tingin ng guwardiya sibil ang pagpasok ni Alferez sa kuwarto pagkat hindi na bago sa kanya ang ganitong eksena sa tuwing dumarating ang opisyal sabay pasalamat dahil hindi na siya mapupuyat sa paghihintay. Subalit napailing ang guwardiya sibil dahil humiga si Alferez sa kama kahit suot pa rin ang kanyang uniporme pagkat hindi na niya kinaya ang magpalit ng damit sanhi ng matinding antok na pinalubha pa ng kanyang kalasingan. Nagkibit–balikat na lamang ang guwardiya sibil habang papunta sa sariling papag ang mga hakbang ng mga paa niya upang ituloy na rin ang kanyang naabalang pagtulog nang wala siyang tinanggap na utos mula sa opisyal na kaagad naghihilik. Maya–maya, nagpalakasan na ng hagok sina Alferez at ang guwardiya sibil hanggang sa inihudyat sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang alas–seis ng umaga ngunit hindi malaman kung gising na ang opisyal dahil wala nang humahagok sa kanyang kuwarto. Nang bumangon ang guwardiya sibil para magkape habang hinihintay ang magiging kapalit niya sa pagbabantay sa opisina ay gising na rin pala si Alferez ngunit tinatamad lamang tumayo dahil mabigat ang kanyang pakiramdam.
Basta ang nakikitang probabilidad sa ngayon ay hindi matatanggihan ng agrimensor ang ilegal na utos ni Alcalde kahit imposibleng gawin ang mga titulo kung mapa lamang ang pagbabatayan niya lalo’t magiging dokumento publico pagdating ng araw ang mga ito. Samakatuwid, mga ilang araw ang hinihintay na lamang upang mawawalan din ng sariling komunidad ang mga katutubong Malauegs kapag napatituluhan na ng agrimensor ang kanilang malawak na lupain sa Sierra Madre nang lingid sa kanila pagkat mapa lamang ang pagbabasehan nito. Diyata, matutulad din pala ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ang kanilang kapalaran maski ayaw sana nila na humantong sa ganito ang pangyayari dahil wala na palang puwedeng humadlang sa plano ni Alcalde kahit ang gabi–gabing pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs kay Bathala. Sapagkat desidido nang isakatuparan ni Alcalde ang kanyang balakyot na plano maski maglaho pa sa kalupaan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs dahil sila rin naman ang dapat sisihin nang tandisang nilabag nila ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala gayong may kaakibat itong parusa. Walang duda na manghihilakbot ang lupon ng mga matatandang Malauegs kung gawin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang marahas na hakbang laban sa kanilang tribu dahil tiyak na tahasang ibubunton ito sa kanila ng mga kalalakihan Malauegs pagkat binalewala nila ang pagpapalabas ng desisyon. Lalong lulubha ang problema ng mga katutubong Malauegs kung magkaisa ang mga kalalakihang Malauegs upang itatag ang sariling tribu bilang protesta kahit mga amang din nila ang bumubuo sa lupon ng mga matatandang Malauegs kung apektado na rin sa pangyayari ang kanilang mga pamilya. Sana, huwag namang ipahintulot ni Bathala kung mahal pa niya ang mga katutubong Malauegs pagkat lalong hihina ang kanilang lakas kung humantong sila sa ganitong sitwasyon imbes nagkakaisa dahil ito ang kailangan nila ngayon. Sapagkat hindi solusyon sa problema ang magpatangay sila ng galit dahil magsasanhi lamang ito ng pagkakawatak–watak nila kahit totoo na malawak pa ang kabundukan ng Sierra Madre para pagtayuan ng hiwalay na komunidad ngunit higit na mahalaga ang alaala ng tribung Malauegs. Kailangan magiging bukas lagi ang kanilang mga kaisipan para handa sila sa anumang binabalak ng pamahalaang Kastila ng Alcala upang hindi sila masusungkaran kapag naganap na ito pagkat hindi simpleng banta lamang ang kanilang kinakatakutan. Samakatuwid, nararapat lamang asahan ang nagbabantang parusa hindi man bukas ngunit tiyak naman sa mga darating na araw dahil sa kanilang pagkakamali pagkat isang probabilidad na ito nang kusang labagin nila ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Puwes, kailangan ang magsakripisyo kahit hindi na nila mararamdaman ang kahimbingan sa pagtulog dahil naghihintay lamang ng pagkakataon ang mga kaaway kung kailan nalingat sila sa paghahanda upang hindi nila magagawa ang lumaban.
Marahil, totoo ang bulungan ng mga muchacha na naimpatso si Señora Mayora dahil sa kanyang kinain na morisketa–tostada habang nag–uulam ng inihaw na tapa ng pagil dahil hindi siya naging alingasngas kahit hating–gabi na nang umuwi sa residencia ejecutiva si Alcalde ngunit sinisisi naman niya ang kusinera. Kaya naging mahimbing pa ang tulog ni Alcalde lalo’t katamtaman lamang ang nainom niyang alak pagkat natuon sa pagbabasa sa mapa ang kanyang pansin ngunit ito rin ang dahilan kung bakit maaga siyang bumangon kinabukasan. At maagang pumasok sa opisina kahit hindi pa nag–almusal dahil sa kanyang plano na nagparamdam hanggang sa panaginip kaya hindi rin tiyak kung talagang napasarap ang kanyang tulog basta magaan ang pakiramdam niya. Seguro, maagang pumunta sa simbahan ng Alcala si Señora Mayora nang hindi na siya naidlip sa magdamag dahil hindi na rin siya nagisnan ni Alcalde ngunit ikinagulat naman nito ang biglang pagpasok ng mayordoma sa kuwarto upang ihatid ang umuusok na kape. Kabutihan sa sitwasyong ‘yon dahil hilam pa sa muta ang mga mata ni Alcalde ay hindi niya pansin ang alindog na naging lason sa puso ni Señora Mayora na taimtim namang nagdarasal sa loob ng simbahan ng Alcala habang isinasagawa ni Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga ang misa. Tuloy, hindi nangyari ang bagay na lalong magpatotoo sana sa hinala ni Señora Mayora pagkat tinungo na ni Alcalde ang banyo upang paghandaan ang kanyang pagpasok sa opisina matapos higupin ang alok na kape ng mayordoma. Maaaring bulong lamang ng demonyo ang hinala ni Señora Mayora na lumilipat si Alcalde sa kuwartel ng mayordoma sa tuwing umaalis siya para magsimba upang subukin kung hanggang saan ang tiwala niya sa kanyang esposo. Palibhasa, palaban din ang mayordoma ay hindi siya kayang komprontahin ni Señora Mayora kahit hingin pa niya ang tulong ng kura paroko ng Alcala pagkat mas kinakampihan pa ni Alcalde ang mga muchacha kaysa kanya kaya lalong tumitindi ang kanyang paninibugho. Paghatid kay Alcalde sa munisipyo ng Alcala ay agad din pinatakbo ni Zafio palabas ang kabayo dahil kanina pa naghihintay sa kanya sa simbahan ng Alcala si Señora Mayora pagkat pangalawang misa na sa umaga ang inihuhudyat ng kampanaryo na tanaw mula sa kabayanan. Nagmamadali namang pumasok sa opisina si Alcalde dahil kailangan matapos ngayong araw ang kanyang plano upang maipapatupad na ang susunod na hakbang kahit kaninang umaga lamang nabuo ito sa kanyang utak. Naglabas muna siya ng isang bote ng alak mula sa estante saka kinuha niya mula sa gaveta ang isang kopita pagkat kailangan ang pampasigla upang magiging aktibo sa pag–iisip ang kanyang utak habang umiinom siya. Isang kopita lamang ang inilabas niya dahil maaga pa naman upang asahan niya si Alferez hanggang sa napasulyap siya upang tiyakin kung tama ang bilang niya na limang bote ng alak ang natitira na lamang sa estante. Pumiksi lamang siya pagkat darating din naman bukas ng umaga ang kanyang rasyon mula sa palacio del gobernador kaya walang dapat ikabahala sakaling kapusin mamaya ang hora feliz nila ni Alferez dahil mas importante ang kanyang plano. Sapagkat nagkape lamang siya sa residencia ejecutiva ay ramdam niya ang hagod ng alak sa kanyang lalamunan ngunit naubos pa rin niya ang laman ng kopita upang magpasunod ng pangalawang tagay para lalong bumilis ang kislot ng isip niya. Pagkatapos, lumapit siya sa malaking mapa habang hawak–hawak ang kopita upang muling alamin kung naroon pa ang mga palatandaan na nagtuturo sa komunidad ng mga katutubong Malauegs hanggang sa napangiti siya nang maisaloob na tama naman pala si Alferez. Pero kailangan pa rin ang ayuda ni Alferez para sa kanyang susunod na plano dahil naroroon sa malaking mapa ang kasagutan ng kanyang mga katanungan kaya panay ang sulyap niya sa pintuan habang hinihintay ang kanyang fiduciario. Ngunit si Alferez na hinihintay ni Alcalde ay nagkakape pa lamang para mawaswasan ang kanyang utak na natubog ng alkohol kahit nagbabad na siya sa banyo kanina pagkat mas gusto pa ng kanyang katawan ang humiga uli. Dahil ramdam pa rin niya hanggang ngayon ang epekto ng kanyang kalasingan maski matapang ang timpla ng kape na inalok sa kanya ng guwardiya sibil na muling lumabas upang kunin ang kanyang almusal kahit hindi siya kumakain ng agahan. Maya–maya, pumasok siya sa kuwartel upang magbihis ng uniporme dahil ipinapahiwatig na sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang oras na dapat handa na siya kahit gusto pa sana niya ang magpahinga pagkat talagang masama ang kanyang pakiramdam. Bumalik siya sa tabi ng mesa habang pinagmamasdan ang mga dokumento na kahapon pa naghihintay sa kanyang pirma nang pumasok ang guwardiya sibil na may dala ng almusal ngunit hindi na niya pinansin ito nang maalaala niya si Alcalde.
Si Zafio ang nagparating sa utos ni Alcalde na kailangan makipagkita ngayong umaga sa kanya ang agrimensor habang hinihintay niya ang pagdating ni Alferez na palabas naman sa opisina nito kahit masama ang pakiramdam. Kaagad tumalima ang agrimensor kahit wala siyang maisip na dahilan kung bakit ipinatawag siya ni Alcalde pagkat hindi na niya naitanong ito sa kutsero na nagmamadaling lumabas sa opisina matapos tanggapin niya ang utos. Habang naglalakad siya sa pasilyo papunta sa hagdanan ay naalaala niya ang dating komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ngunit umiling lamang siya nang maisip na maaaring ipapagawa rin sa kanya ang inspeccionando el lote sa mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre. Sumagi sa isip niya ang tumutol sakaling tama ang kanyang hagap pagkat masyadong malayo ang kabundukan ng Sierra Madre upang isagawa niya ang inspeccionando el lote kahit sabayan pa siya ng mga soldados kung hindi naman niya kabisado ang ugali ng mga katutubong Malauegs. Sapagkat nabalitaan na niya mula kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang tungkol sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre ay naglalaro ngayon sa isip niya ang dahilan kung bakit biglang ipinatawag siya ni Alcalde gayong halos nawaglit na ito sa alaala niya. Nang muling magpaalaala sa kanya ang sinapit noon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ay kinilabutan siya habang tinatanong ang sarili kung maulit din ba sa mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre ang pangyayari kapag ipinagpilitan ni Alcalde ang pagsusukat sa kanilang mga lupain. Walang duda na naging aral na ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre ang naging kapalaran noon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac sa kamay ng mga soldados ngunit pinagsisihan din naman niya nang masangkot ang sarili sa mapanlilimbong na layunin ni Alcalde. Hanggang sa naligalig ang kanyang kalooban dahil tiyak na magiging problema naman kung ayaw niyang sumunod sa instruksiyon pagkat vengativo si Alcalde sa mga tumatanggi sa kanyang gusto kaya iniisip pa lamang niya ito ay kinakabahan na siya. Segurado, maaapektuhan ang kanyang pamilya kung mawalan siya ng trabaho dahil hindi naman sila basta makababalik ng bansang España pagkat sapat lamang sa kanilang mga pangangailangan ang kanyang sahod para maglaan pa siya ng pamasahe nila sa galyon. Bahala na kung anuman ang magiging instruksiyon mamaya ni Alcalde kaysa magiging pasanin niya habambuhay ang paghihirap ng kanyang pamilya kahit ayaw na sana niyang mauulit pa ang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac. Nang pansamantalang nahinto ang kanyang paglalakad dahil nagtatalo ang isip niya kung tama ba ang alamin na lamang muna niya ang sadya ni Alcalde bago gumawa ng desisyon para sa kinabukasan ng kanyang pamilya.
“¡Buenos dias . . . Teniente!” Nang manumbalik ang hinahon ng agrimensor ay nakasalubong naman niya sa paanan ng hagdanan si Alferez na paakyat ang mabagal na hakbang ngunit hindi na siya nagtaka dahil halos sa opisina ni Alcalde naglalagi ang un Comandante del Ejercito de Alcala. Kabutihan sa pangyayaring ‘yon dahil nagawa pa rin niya ang batiin si Alferez kahit hindi niya inaasahan ang kanilang pagtatagpo ngunit naging kapuna–puna naman ang maluway na kilos nito habang umaakyat sa hagdan. Sapagkat hindi nagtanong si Alferez habang umaakyat sa hagdan ang mabagal niyang hakbang ay naipagpalagay ng agrimensor na maaaring alam na niya na ipinatawag siya ni Alcalde dahil sumunod din siya sa kanya. Lingid sa agrimensor ay nagtataka rin pala si Alferez nang malaman na papunta siya sa opisina ni Alcalde ngunit hindi na lamang niya pinuna pagkat talagang wala sa kondisyon ang kanyang sarili upang tanungin siya. Basta tumango lamang si Alferez nang batiin siya ng agrimensor pagkat tila kinakatamaran na rin niya maging ang pagsasalita gayong taliwas ito sa dati na laging masigla ang kanyang katawan kaya walang kakupas–kupas din ang kanyang ngiti maski problemado. Subalit wala namang dapat ipangamba si Alferez dahil malayo pa ang pahimakas ng buhay niya habang kailanganin pa ni Alcalde ang serbisyo niya para sa kanyang mga plano upang samantalahin ang kanyang pagiging punong–bayan ng Alcala. Nang maramdaman niya ang pagsunod ng agrimensor ay sandaling itinigil ang kanyang pag–akyat upang lumingon ngunit hindi pa rin siya nagtanong habang pangiti–ngiti naman ang empleyado dahil naninibago sa kanyang ikinikilos. Diyata, papunta pala sa pangalawang palapag ang agrimensor ngunit hindi pa rin siya nag–abala upang linawin ang sadya nito hanggang sa napagtanto ng kanyang utak na unti–unti nang nahimasmasan na opisina lamang ni Alcalde ang naroroon sa itaas kaya napaisip siya. Pero muling natigil ang kanyang pag–akyat sa hagdan nang maalaala niya ang tanong ni Alcalde tungkol sa titulo bago nagtapos ang kanilang hora feliz kagabi ngunit bigla rin bumilis ang kanyang mga hakbang dahil dito. Talagang kanina pa hinihintay ni Alcalde ang kanyang pagdating kung hindi siya tinanghali nang gising hanggang sa naisipan niyang ipatawag ang agrimensor upang mapag–uusap na nila ang paggawa ng titulo habang wala pa siya. “¡Buenos dias . . . Alcalde!” Kahit naunang pumasok si Alferez sa opisina ni Alcalde ay nanggaling pa rin sa agrimensor ang pagbati upang hintayin ang pahintulot nito pagkat laging nagpaalaala ang kanyang sarili na karaniwang kawani lamang siya sa munisipyo ng Alcala.
ITUTULOY
No responses yet