Tumalima siya ng ilang hakbang nang muling idinaan ni Alcalde sa senyas upang palapitin siya pagkat malayo sa mesa ang kanyang kinatatayuan hanggang sa abot–kamay na ang upuan ngunit ginusto pa rin niya ang tumayo sa halip na umupo. Malayong alukin siya ng tagay pagkat walang bote ng alak sa ibabaw ng mesa ni Alcalde habang hindi pa dumarating si Alferez na pinamunuan ang seguridad sa araw ng palengke para hindi na mauulit ang pangyayari nang mauna pang nalasing sa basi ang mga guwardiya sibil. At walang duda na hindi rin magtatagal sa pamilihang bayan ng Alcala si Alferez dahil naririto sa opisina ni Alcalde ang lunas kung biglang sumumpong ang kanyang vertigo pagkat nagkape lamang siya kahit may oras pa kanina para kumain muna siya ng almusal. Pagkatapos ang pasapyaw na pagbabasa sa dokumento ay saka pa lamang binalingan ni Alcalde ang tesorero na nagdarasal yata ang isip ngunit imposibleng maririnig siya ng langit pagkat sa kisame nakatingin ang kanyang mga mata. Baka naipagpalagay lamang ng tesorero kahit hindi tiyak kung may kasalanan siya dahil hindi naman ganoon kalaking halaga ang nasa kanyang poder bilang ingat–yaman ng munisipyo ng Alcala upang parusahan siya ng garote ngunit ang ipatawag siya ay talagang ikinabahala na niya. Dahil kilala sa pagiging malupit sa mga empleyado ng munisipyo ng Alcala si Alcalde kahit kalahi pa niya ay hindi kataka–taka kung naging siwal siya sa mga katutubong Malauegs lalo’t naudyukan pa ito ng kanyang masidhing pagnanais na angkinin ang malawak na kalupaan ng Siera Madre. Seguro, hindi napansin ni Alcalde ang naging reaksiyon ng tesorero pagkat mas halata sa kanyang mukha ang masidhing kagustuhan para alamin ang katotohanaan sa kanyang sapantaha maski malumanay ang boses niya habang nagtatanong.
“¡Varon! ¡Solo queria confrmarlo por tu parte! ¡Sobre la ordenanza que publique! ¿Si siguiera su implementacion? ¡Lee esto! ¡Varon!” Matapos tanggapin ng tesorero mula kay Alcalde ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay binasa niya ito ngunit sandali lamang nang maalaala na may kopya rin siya dahil ito ang laging basehan ng kanyang tanggapan sa paniningil sa buwis at amilyaramyento. Pagkaraan ang sampung taon mula nang maitalaga si Señor Demetrio Varon dos Zapallos Daluz bilang ingat–yaman ng gobierno revolucionario noong taon 1830 ay dumating naman si Procurador Naviero dela Alteza na bagong nombrado sa pagka–Alcalde kaya pareho nilang nasaksihan ang pagpapalit ng pueblo Fulay sa bagong pangalan nitong bayan ng Alcala noong 1843. Kung lubos ang kumpiyansa ng dating punong–bayan ng Alcala kay Señor Demetrio Varon dos Zapallos Daluz ay nabago ito sa panahon ni Alcalde ngunit hindi siya naringgan ng reklamo kahit naging limitado lamang ang pondo na ipinagkatiwala sa kanyang poder dahil mas importante sa kanya ang posisyon. Sa halip na magkaroon ng hinakdal ay tinanggap na lamang niya ang katuwiran na may kani–kanyang pamamaraan sa pamumuno ang bawat punong–bayan kahit batid niya na may mga transksiyon si Alcalde na hindi nito ipinapasok sa kaban ng bayan. May napansin lamang ang kanyang matalas na paningin sa dokumento pagkat pirmado ito ni Alcalde samantalang ang kopya na naroroon sa kanyang tanggapan ay segurado siya na walang pirma kahit nakasulat din ang pangalan nito. Gayunpaman, hindi na niya inalam ang tungkol sa pirma dahil naging maayos naman ang pagtugon ng mga mamamayan ng Alcala sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala maliban sa hindi pa rin niya lubos madalumat hanggang ngayon kung bakit ipinatawag siya ni Alcalde. Gustuhin pa niyang marinig ang tanong ni Alcalde upang maliwanagan ang kanyang sarili sa totoong layunin ng kanilang pag–uusap para hindi kakaba–kaba ang kanyang kalooban lalo’t ngayon lamang siya ipinatawag ng punong–bayan sapul nang maging ingat–yaman ng munisipyo ng Alcala. Kunsabagay, halos lahat nang mamamayan ng Alcala ay tumalima naman sa ordinansa tungkol sa buwis maliban sa amilyaramyento dahil sa katapusan ng taon pa lamang magsisimula ang pagbabayad nila rito ngunit abala pa rin siya hanggang alas–cinco ng hapon para magampanan lamang nang maayos ang tungkulin niya. Hanggang sa dumako ang alumana niya sa mga katutubo ng Sierra Madre pagkat mamamayan ng Alcala din naman sila kahit sa kabundukan naninirahan kaya lalong hindi napalagay ang kanyang sarili nang mapagtanto na seguradong ito ang dahilan ni Alcalde. Napaisip siya pagkat totoo naman na walang pumunta sa kanyang tanggapan kahit isang katutubo ng Sierra Madre para magbayad sa buwis ayon sa iniutos ng ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit minabuti niya ang magsawalang–kibo na lamang kaysa pangunahan si Alcalde. Dali–daling inilapag niya sa mesa ang dokumento upang sundan si Alcalde na tumayo matapos ang kanyang karagdagang pahayag habang papunta sa tabi ng bintana ang kanyang mabagal na hakbang para magpahangin. “¡Ordene a todos los ciudadanos de Alcala! ¡El pago de impuesto y impuesto a la tierra! ¡Cada mes! ¡Este decreto cubre a los nativos de la Sierra Madre! ¡El Sargento Primero fue a quien ordene! ¡No hay ninguna razon por la que no deban seguir la ordenanza!” Hindi naman tuwirang masabi na pillado en el acto si Señor Demetrio Varon dos Zapallos Daluz basta naibulong na lamang niya sa sarili na tama pala ang kanyang hinala kung bakit ipinatawag siya nang maagang–maaga ni Alcalde sa opisina nito para alamin kung sumunod sa ordinansa ng pamahalang Kastila ng Alcala ang mga katutubo ng Sierra Madre. Dahil ito pala ang inaasahan ni Alcalde ngunit limiin mang mabuti ay hindi niya kasalanan kung linabag ng mga katutubo ng Sierra Madre ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat wala siyang poder de implementacion upang ipatupad nang buong higpit ang naturang batas. Subalit nawalan siya ng lakas upang sabihin ang totoo dahil lalong tumindi ang kanyang kaba habang pinapakinggan si Alcalde na unti–unti nang bumabagsik ang boses ngunit sinikap na lamang niya ang maging mahinahon kaysa magpagahis sa takot. Bagaman, pareho silang nakatayo sa tabi ng bintana ngunit wala siyang balak tumalon kung maging peligroso ang sitwasyon dahil kaya pa naman niya ang tumakbo nang mabilis papunta sa palacio del gobernador kahit totoong may edad na siya. Talagang sinadya niya ang huwag lumapit kay Alcalde para sa kanyang kaligtasan sakaling gumawa ng eskandalo ang una pagkat hindi rin naman siya yuyuko dahil sa kapritso nito lalo’t walang inilihim sa kanya si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz. Malayong kamag–anak niya si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kaya siya ang naging hingahan ng kanyang mga problema lalo na ang tungkol sa promosyon na ipinangako sa kanya nina Alcalde at Alferez ngunit tinangay na yata ito ng bagyo na dumaan sa bayan ng Alcala. Palibhasa, malinaw ang pag–iisip ni Alcalde dahil hindi pa nasayaran ng kopita ang kanyang mga labi mula nang dumating siya sa opisina kanina ay naging madali lamang para sa kanya upang maalaala ang mga katutubong ng Sierra Madre habang patangu–tango naman ang tesorero. Kunsabagay, may katuwiran upang tumindi ang galit ni Alcalde dahil hindi biro ang walong buwan para balewalain lamang ng mga katutubong Maluegs ang pagbabayad sa buwis at amilyaramyento kaya mahirap ipaliwanag kung bakit naatim nila ang lumabag. Kagabi, talagang hindi naging mahimbing ang kanyang tulog lalo’t mistulang pitada ng galyon ang hagok ni Señora Mayora pagkat magdamag din namang itinatanong ng kanyang sarili kung sumunod ba sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga katutubong Malauegs. Kaya inagahan na lamang niya ang pagpasok sa opisina maski inaantok pa siya para linawin ang gumugulo sa kanyang isip kahit hindi naman ito masyadong mahalaga kung tuusin dahil hawak na niya ang mga huwad na titulo. Ngunit mabuti na ang may matibay na dahilan upang hindi na magagawa ng mga katutubo ng Sierra Madre ang magreklamo kapag iniutos na niya kay Alferez ang pagsasakatuparan sa kanyang plano para masisimulan na rin ang pagbebenta sa mga huwad na titulo. Isinabay na niya si Señora Mayora na papunta naman sa simbahan ng Alcala upang minsanan na lamang ang biyahe ng karwahe kaya bakas sa kanyang hitsura ang malaking pagkakamali ng lupon ng mga matatandang Malauegs nang maipagpalagay nila na kinalimutan na ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga katutubong Malauegs. “¡Ahora . . . Varon! ¡Quiero saber de ti! ¿Si los nativos de la Sierra Madre vienen a tu oficina? ¡Para saldar su deuda tributarial! ¡Y impuesto a la tierra!” Kapagdaka, napatingin si Señor Demetrio Varon dos Zapallos Daluz sa simbahan ng Alcala na tanaw mula sa bintana ng opisina ni Alcalde ngunit kanina pa natapos ang pangalawang misa kahit mabibilang lamang ang dumalo pagkat naging priyoridad para sa kanila ang araw ng palengke sa bayan ng Alcala. Animo umaamot siya ng payo mula kay Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga ngunit imposibleng maririnig siya dahil abala sa pagbibigay ng basbas sa mga nagkukumpisal ang kura paroko ng Alcala sa loob ng confesario kaya sadyang hindi siya masuwerte ngayong araw. Hanggang sa nagparamdam sa kanyang kalooban ang matinding katanungan ngunit kailangan timbangin nang maigi ng kanyang puso’t isipan ang kasagutan upang walang pagsisisihan ang kanyang sarili pagdating ng araw. Dapat bang bigyan niya ng priyoridad ang katapatan sa tungkulin na labinlimang taon niyang ginagampanan kung ang pagsasabi ng katotohanan ay walang duda na magdudulot naman ng kapahamakan sa mga katutubo ng Sierra Madre lalo’t nangyari na ito noon sa mga katutubong Malauegs ng Calantac? Aminado siya na hindi magiging madali para sa mga katutubo ng Sierra Madre ang tumalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat mismong mga katutubong binyagan sa bayan ng Alcala ay umaalma sa laki ng buwis at amilyaramyento dahil kailangan bayaran din ang limang taon na pagkakautang nila bukod pa ang kasalukuyang obligasyon. Kaya inaasahan din niya ang ganitong reaksiyon mula sa mga katutubo ng Sierra Madre pagkat malayong magkukusang–loob sila lalo’t wala silang kakayahan upang bayaran ang pagkakautang nila sa buwis at amilyaramyento maliban na lamang kung maging marahas ang pamahalaang Kastila ng Alcala sa pagpapatupad ng batas. Baka tinututulan din ng mga katutubo ng Sierra Madre ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kaya walang bumaba sa kanila para magbayad ng buwis at amilyaramyento ngunit kinilabutan lamang siya nang maisip ang katuwirang ito hanggang sa nalingaw ang isip niya. Malaki ang probabilidad upang suwayin din ng mga katutubong binyagan ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kung nanatili pa sila sa kabundukan ng Sierra Madre pagkat nag–iwan pa sila ng malaking balanse sa buwis at amilyaramyento dahil kapos ang kanilang pambayad sa obligasyon. Mga palagay na sinarili na lamang ni Señor Demetrio Varon dos Zapallos Daluz dahil tiyak na hindi magugustuhan ito ni Alcalde ngunit makabubuti ang pagkalooban na lamang ng exenta de impuestos ang mga katutubo ng Sierra Madre kung siya ang masunod pagkat wala naman silang permanenteng hanapbuhay. Bagaman, talagang hindi dapat singilin pa ng buwis at amilyaramyento ang mga katutubo ng Sierra Madre ay hindi naman ganito ang naisip na katuwiran ni Alcalde pagkat puwedeng pambayad sa kanilang pagkakautang sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang malawak na lupain. Pero ayaw magbigay ng komento ang tesorero tungkol sa mga lupain ng mga katutubong Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre kahit ito ang dahilan kaya pilit na pinababayaran ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang limang taon na pagkakautang nila sa amilyaramyento dahil nangangailangan ito ng malaking halaga para magiging pagado na ang kanilang obligasyon.
“¡Aun no . . . Alcalde! ¡Ni un solo nativo vino a mi oficina! ¡Si! ¡Esa es la verdad . . . . Alcalde!” Pithaya ng pagsisisi ang puso ni Señor Demetrio Varon dos Zapallos Daluz sakaling humantong sa kapahamakan ng mga katutubo ng Sierra Madre ang kanyang pag–amin sa katotohanan dahil siya naman ang mapasama kung hanapin din sa kanya ang kabayaran sa buwis at amilyaramyento. Kahit wala pa rin kaseguruhan kung mapanatili ang kanyang katungkulan bilang ingat–yaman ng munisipyo ng Alcala dahil sa pagsasabi ng katotohanan kaysa magsisinungaling siya kung magsanhi naman ito ng kanyang paghihikaos pagkat nawalan siya ng empleyo pagkaraan ang labinlimang taon. Sapagkat puwedeng wasakin ni Alcalde ang kanyang kapalaran habang empleyado siya nito nang walang pagsaalang–alang sa kanyang labinlimang taong serbisyo kaya nahambal siya pagkat tunay na wala pa rin siyang puwedeng panigan sa sitwasyong ito. Walang duda na ginawa na niya kung kaya lamang niyang balikatin ang kanilang pagkakautang sa buwis at amilyaramyento pagkat siya ang nangangalisag sa tuwing naalaala ang kuwento ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz noong sinalakay ng mga soldados ang dating komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac. Subalit sapat na bang garantiya upang hindi magbabago ang plano ni Alcalde sakaling nabayaran ng mga katutubo ng Sierra Madre ang kanilang malaking pagkakautang sa buwis at amilyaramyento gayong handa na ang mga huwad na titulo ng kanilang mga lupain? Sinikap iwasan ni Señor Demetrio Varon dos Zapallos Daluz ang nanunumbat na tingin ni Alcalde nang maramdaman niya ang matinding pangamba pagkat wala siyang nagawang pagkakasala upang usigin siya nito dahil tesorero lamang siya. Malaking pagkakamali ni Alcalde kung inakala nito na hinayaan niyang tumagal nang walong buwan ang atraso ng mga katutubo ng Sierra Madre pagkat ang para dar seguimiento upang mapilit na tumalima sila sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay tungkulin ng mga soldados. Matapos ipagtapat ang katotohanan ay yumuko siya pagkat hindi niya matagalan ang makipagtitigan kay Alcalde kahit totoong matanda siya sa edad ngunit hindi naman niya puwedeng itanggi na karaniwang kawani lamang siya sa munisipyo ng Alcala. Napabuntung–hininga siya upang paalpasin ang kaba sa kanyang dibdib na ayaw tumining mula pa kanina nang tanggapin niya ang abiso habang hinihintay ang magiging kapalaran niya sakaling ikagagalit ni Alcalde ang tugon niya.
“¡Sin verguenza! ¡Los retrasados! ¡Los nativos realmente me desafian! ¡Mmm!” Talagang napadungaw pa sa bintana habang nag–aantanda si Señor Demetrio Varon dos Zapallos Daluz upang tiyakin ang kanyang akala nang maging pakiwari niya ay alipalang tumalon ang kanyang kaluluwa nang gumulantang sa kanya ang sigaw ni Alcalde. At parang siya pa ang tinamaan nang ihampas ni Alcalde sa pasamano ang kanyang kamao dahil sa tindi ng galit nang malaman ang walang takot na pagsuway ng mga katutubo ng Sierra Madre sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na pinatagal pa ng walong buwan. Kung nagpupuyos dahil sa galit si Alcalde ay nangangaligkig naman siya sa sobrang pangangamba kaya lalong humigpit ang kapit niya sa pasamano upang tiyakin na hindi siya basta maibabalibag palabas sa bintana kapag nabaling na sa kanya ang galit nito. Nang muli niyang matanaw ang simbahan ng Alcala ay umusal agad siya ng dasal habang sinasabayan niya ng buntung–hininga upang labanan ang panghihilakbot pagkat kisap–matang naparam din ang kanyang sariling disposisyon sanhi ng hindi inaasahang pangyayari na noon lamang niya namalas. Talaga yatang nasabayan ng kamalasan ang araw niya pagkat hindi nagparamdam ang milagro mula sa kanyang angel dela guardia kahit tuluy–tuloy ang sambit niya ng dalangin para sa kanyang kaligtasan nang maisip na posibleng ito na ang kanyang katapusan. Bantulot naman siya upang tumakbo palabas sa opisina nang maisip niya ito dahil tiyak na lalong magngingitngit si Alcalde kung layasan niya nang walang paalam kaya pumikit na lamang siya habang nagpapasaklolo sa mga santo’t santa. Minabuti niya ang manahimik para hindi iisipin ni Alcalde na kapabayaan niya kung bakit walang katutubo ng Sierra Madre ang pumunta sa kanyang opisina upang bayaran ang kanilang pagkakautang sa buwis at amilyaramyento dahil wala rin siyang maibibigay na paliwanag. Ayaw niyang mabuo sa paniniwala ni Alcalde na nakipagsabwatan siya sa mga katutubo ng Sierra Madre upang isipin nito na nagbayad na sila ngunit inilihim lamang niya pagkat tiyak na magdudulot naman sa kanya ng labis na kahihiyan kung masesante siya. Sapagkat ayaw rin niyang madungisan ng maling paratang ang kanyang labinlimang taon na pagiging ingat–yaman sa munisipyo ng Alcala pagkat matagal na sana niyang ginawa kung totoo ang lahat nang ito dahil hindi basta masusumpalan ng pera ang lamat ng dangal. Bagaman, kanina pa gusto niya ang bumaba sa hagdan na may labindalawang baitang ay kailangan hintayin muna niya na si Alcalde ang kusang magpapalabas sa kanya pagkat tiyak na maaapektuhan ang kanyang posisyon kung pangahasan niya ang umalis nang walang–abog. Sapagkat hindi rin naman magagawa ni Alcalde ang pumatay ng ingat–yaman sa munisipyo ng Alcala pagkat tiyak na mawawala sa kanya ang maraming oportunidad kung madestiyero siya pabalik sa bansang España upang pagdusahan ang krimeng nilikha niya. “¡Todos pagaran por esta audacia! ¡Si!” Seguro, tumaas ang alta presyon ni Alcalde pagkat naging mabilis ang kanyang paghinga ngunit maaaring hindi ito napansin ni Señor Demetrio Varon dos Zapallos Daluz dahil lalong lumikot ang kanyang mga mata habang kumukuha ng tiyempo upang tumakbo palabas sa opisina. Sana, hindi umepekto ang hula ni Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga na mga katutubo ng Sierra Madre ang magiging dahilan sa maagang pagkamatay ni Alcalde dahil hindi naman lingid sa kanya ang ginawa ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa dating tribung Malauegs ng Calantac kaya isang linggo rin nag–alay siya ng misa para sa kanilang lahat. Marahil, sumagi ito sa isip ni Alcalde pagkat dali–daling tinungo niya ang estante upang ilabas ang mabisang lunas para sa alta presyon dahil sa takot na tumalab ang mistulang sumpa ng kura paroko laban sa kanya lalo’t may katagalan na rin na hindi siya nagsisimba.
ITUTULOY
No responses yet