Dati–rati, naging epektibo rin naman ang mga plano ni Alcalde kahit hindi niya hiniling ang tulong ni Alferez ngunit hindi sa pagkakataong ito dahil tiyak na muli siyang mangangako kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz upang pamunuan nito ang pagsalakay sa komunidad ng mga katutubong Malauegs. “¡Esperar! ¿Sabes como hacer un plan? ¿Eh? ¿Teniente?” Muntik pang nabitiwan ni Alferez ang kopita na tutunggain na lamang sana niya ang laman pagkat parang napuyok ang leeg niya matapos tumama ang animo’y malakas na hambalos sa kanyang ulo dahil sa tanong ni Alcalde. Saka tumingin kay Alcalde ang nagliliyab niyang mga mata sabay ang mahigpit na kuyom sa kanyang mga palad habang mariin ang tiim ng kanyang mga bagang pagkat naging bahid sa kanyang un buen historical academico ang walang habas na tanong nito. Sapagkat kulang pa ang dalawang bote kung ikumpara sa normal na bilang ng iniinom nila upang mawaglit agad sa isip ni Alcalde na produkto ng Academia General Militar de España si Alferez kahit biro lamang ang intensiyon ng kanyang tanong. Kung gumugol ng maraming taon sa Academia General Militar de España si Alferez ay walang nakababatid kung natapos ni Alcalde ang kanyang pag–aaral basta dating empleyado siya sa bansang pinanggalingan niya bago naitalaga ng Pilipinas. Samantalang hasang–hasa ng maraming karanasan si Alferez mula nang madestino siya ng Africa kaya nararapat lamang igalang ang kanyang kakayahan dahil hindi basehan ang pagiging borracho niya kundi ang mga karunungang taglay ng kanyang utak. Sapagkat hindi puwedeng ikatuwiran ang kalasingan dahil pangalawang bote ng alak ang binubuno pa lamang nila ay nararapat lamang ang agad–agad humingi ng dispensa si Alcalde pagkat walang puwang sa seryosong pag–uusap ang biro. Seguro, napagtanto ni Alcalde ang kanyang pagkakamali pagkat umiiling siya ngunit hindi niya tinangka ang humingi ng paumanhin kahit nagpupuyos pa rin dahil sa galit si Alferez habang nanlilisik ang kanyang mga mata. Basta tinungga lamang ang kanyang tagay hanggang sa nasaid ang kopita upang muling salinan ito ng alak saka tinungo niya ang estante upang maglabas ng panibagong bote kahit may laman pa ang nakalapag sa mesa. Dahil ayaw lamang niyang balingan si Alferez para hindi magsalubong ang kanilang paningin kaya muling itinaas ang kanyang kopita hanggang sa nagpasunod pa siya ng panibagong tagay habang pinapakiramdaman ang kanyang fiduciario. Subalit nagimbal siya nang marinig ang boses ni Alferez na halos umalingawngaw sa loob ng kanyang opisina pagkat unang pangyayari na sinigawan siya nito ngunit hindi niya ipinairal ang pagiging balunlugod pagkat sa kanya nanggaling ang pagkakamali.
“¡Por supuesto . . . Alcalde! ¿Que clase de pregunta es esa? ¿Eh? ¿Donde utilizaras el plan? Eh?” Naturalmente! Nagpanting ang mga tainga ni Alferez pagkat malinaw na paghamak sa kanyang katungkulan bilang un Comandante del Ejercito de Alcala ang tanong ni Alcalde kaya itinigil muna niya ang pag–inom sa kanyang tagay dahil apektado na rin ang kanyang gana sa alak. Talagang ramdam ang pagkadisgusto niya kay Alcalde nang saglit maglaho ang paggalang niya sa kanya lalo’t hindi man lamang humingi ng paumanhin upang maglubag ang kalooban niya kung biro lamang ang sadya ng kanyang tanong. Kunsabagay, kilala man siya sa pagiging pasensiyoso sa kanyang mga subalterno kung mismong pagkatao na niya ang nadagil ay talagang magmimistulang halimaw siya dahil sino pa ba ang dapat magtanggol sa kanyang sarili habang nilalait kundi siya. Kailangan pa yatang ipaalaala kay Alcalde na puwedeng gamitin ni Alferez bilang un Comandante del Ejercito de Alcala ang pinagsanib na tropa ng mga soldados at ng mga guwardiya sibil para magdeklara ng amotinamiento laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala upang patunayan ang kanyang kapangyarihan. Nagkamali ang palagay ni Alcalde na lalabas si Alferez kahit walang paalam nang tumayo siya pagkat hindi pala papunta sa pintuan ang kanyang mga hakbang habang sinusundan niya ng tingin sa halip na pigilin. Dahan–dahang tinungo ni Alferez ang bintana upang pahulagpusin ang kanyang nagngangalit na damdamin matapos mapaglilimi kung bakit ganoon ang tanong ni Alcalde sa kanya pagkat naging karamaya na nila ang isa’t isa. Gayunpaman, hindi naging madali para sa kanya ang magpasensiya habang nananatili sa tabi ng bintana upang hintayin ang paghupa ng kanyang galit hanggang sa muling dumako kay Alcalde ang mga mata niya maski salubong pa rin ang mga kilay niya. Habang hindi naman matiyak kung nakiramdam lamang si Alcalde dahil hindi siya tumitingin kay Alferez na naroroon pa rin sa tabi ng bintana habang tuloy lamang ang kanyang pag–inom ng alak ngunit tigib ng lumbay ang kanyang mukha. Maya–maya, bumalik din sa upuan si Alferez pagkat hindi pa nasagot ni Alcalde ang kanyang tanong kahit wala siyang balak sundin ang utos nito upang gumawa ng plano kung sa simpleng misyon lamang gagamitin ito. Sa halip, ibinuhos na lamang niya sa alak ang pagtitimpi kahit ayaw na sana niya ang magpasunod pa ng tagay ngunit maaga pa upang magpahinga na siya lalo’t naging katakam–takam na ngayon sa kanyang mga labi ang matapang na lasa nito.
“¡Estamos a punto de atacar a los nativos de la Sierra Madre! ¡Si . . . Teniente! ¡El gobierno deberia tomar medidas contra ellos! ¡Como castigo por su terquedad! ¡Sin que sean un precedente para otras tribus!” Walang pagdadalawang–isip si Alcalde nang kusang ipinaliwanag niya ang dahilan kung bakit nabanggit niya ang plano sa halip na hintayin pang ulitin ni Alferez ang kanyang tanong pagkat kanina pa dapat nabalangkas ito kung hindi nagkaroon ng malentendido ang kanilang pag–uusap. Pumikit lamang si Alferez habang nagsasalita si Alcalde dahil talagang sumisigid sa kanyang lalamunan ang tapang ng alak kahit dahan–dahan ang kanyang pagtungga kaya lalong tumatagal ang kanyang tagay pagkat hindi niya magawang bilisan. Kaysa magpasunod ng panibagong tagay matapos ubusin ang laman ng kanyang kopita ay humakbang papunta sa malaking mapa ang kanyang mga paa upang muling alamin ang eksaktong pook ng komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil nalagtas na rin ito sa isip niya. Aywan kung naging desisyon niya ang sundin si Alcalde ngayong nalaman niya na gagamitin pala ang plano upang salakayin ang mga katutubong Malauegs ngunit namangha pa rin siya pagkat kailangan may sapat na dahilan upang gawin ito ng mga soldados. Hanggang sa nagbalik sa kanyang gunita ang pangyayari na naging dahilan upang lusubin ng mga soldados ang dating komunidad ng tribung Malauegs ng Calantac lalo’t nagpaalaala rin sa kanya ang mga huwad na titulo kaya natigil ang pagbabasa niya sa malaking mapa. Sumunod din ang mga paa ni Alcalde nang tumayo siya ngunit hindi man lamang sumiglaw si Alferez nang lumapit siya sa halip naging kapansin–pansin ang kanyang pag–iwas patunay na masama pa rin ang loob niya kahit abala sa pagbabasa ng mga impormasyon sa malaking mapa ang kanyang sarili. Hanggang sa bumalik sa upuan si Alferez pagkat tumatalab na yata sa kanya ang tapang ng alak ngunit naiwan pa si Alcalde dahil ipinagpatuloy pa nito ang pagbabasa sa malaking mapa imbes na pansinin siya na nangalumbaba sa mesa habang pinapawisan nang malagkit ang buong katawan. Hindi maintindihan ni Alferez ang kanyang pakiramdam gayong limang tagay pa lamang ang nainom niya ngunit wala sa isip niya ang magpahinga sa kuwartel dahil maaaring pagod lamang siya na pinalubha pa ng kanyang galit. Samantala, tama pala ang mga katutubong Malauegs nang maging palagay nila na hindi na muling magpapadala pa ng mga soldados sa kanilang komunidad ang pamahalaang Kastila ng Alcala dahil noon pa sana ito ginawa upang alamin kung bakit hindi nila sinunod ang ordinansa tungkol sa buwis at amilyaramyento. Dahil hindi puwedeng ipagwalang–bahala ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang walong buwan na pagkakabalam nila sa pagbabayad ng kanilang mga pagkakautang sa buwis at amilyaramyento pagkat tumalima ang lahat nang mamamayan sa bayan ng Alcala maliban sa kanila na tila hindi natinag sa mga parusa na isinasaad sa ordinansa. Kung ano ang naging katuwiran ng mga katutubong Malauegs nang walang ginawang hakbang laban sa kanila ang pamahalaang Kastila ng Alcala makaraan ang walong buwan ay tiyak ikagugulantang na lamang nila ang muling pagdating ng mga soldados sa kanilang komunidad. Sana, nagpalabas na ng desisyon ang lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat masyado nang mahaba ang walong buwan upang isipin na hindi pa rin sila nagkakasundo samantalang matagal nang napatituluhan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang mga lupain nang lingid sa kanilang kaalaman. “¡Despreciadlo! ¡Ni siquiera uno de ellos bajo! ¡A pagar impuestos! ¡Si . . . Teniente! ¡Ignoraron mi orden! ¡Realmente desafian al gbierno! ¡Pooh! ¡Demosles una leccion! ¡Si . . . Teniente!” Talagang napasuntok pa sa sariling palad si Alcalde dahil sa kanyang matinding pagngingitngit sa mga katutubong Malauegs pagkat hindi niya matanggap ang tahasang pagsuway nila sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala gayong pirmado pa mandin niya ito. Kaya nagkaroon ng matibay na dahilan upang isakatuparan sa lalong madaling panahon ang kanyang plano pagkat maliwanag na paghamak sa kanyang katungkulan bilang punong–bayan ng Alcala nang balewalain nila ang pagbabayad sa buwis at amilyaramyento kahit pamahalaang Kastila ng Alcala na ang may utos sa kanila. Parang muling tumaas ang kanyang alta presyon pagkat tumindi ang pagliliyab sa kanyang mga mata lalo’t pinalulubha pa ito sa epekto ng alak ngunit walang dapat ikabahala ang mga nagmamahal sa kanya dahil kasama naman niya si Alferez. Ngunit posible namang nakarating na sa huling hantungan ang kaluluwa ni Alferez pagkat naging kapansin–pansin ang pananahimik niya lalo’t hindi pa rin ginagalaw ang kanyang kopita kahit sumisingasing na dahil sa matinding galit si Alcalde. Bagaman, napapadalas ang pagtutukaki ni Alferez ay hindi naman matiyak kung sang–ayon siya sa mga sinasabi ni Alcalde pagkat nakapikit nang mariin ang mga mata niya ngunit maaaring totoo na kanina pa naglalakad papunta sa sementeryo ang kanyang sarili. Baka hindi pa niya namalayan nang bumalik sa mesa si Alcalde upang kunin ang kanyang kopita saka tinungga nang tuluy–tuloy ang natitirang laman nito dahil naging lunas na lamang yata sa kanyang mga problema ang pag–iinom ng alak. Pagkatapos, pumunta sa estante si Alcalde upang maglabas ng pang–apat na bote ng alak ngunit talaga yatang mahimbing na ang tulog si Alferez kahit nangangalumbaba lamang siya dahil hindi man lamang nagising maski may nangyari na sa harapan niya. Nang muntik dumulas mula sa kamay ni Alcalde ang bote sa ibabaw ng mesa dahil na rin sa dami nang nainom niya ngunit hindi siya nabahala sa nangyari kahit nakapanghihinayang kung natapon ito pagkat maraming alak pa ang nakaimbak sa estante. Samantalang ibiniyahe pa ng galyon mula ng bansang Portugal ang alak para ipainom lamang nang libre sa mga opisyal ng pamahalaang Kasila ng Pilipinas kaya buwanan din ang rasyon ni Alcalde galing ng palacio del gobernador. Lumikha ng dagalwak ang biglang paglabas ng ugwak na sumabay sa pag–alis ng tapon nang buksan ni Alcalde ang bote upang salinan ng alak ang kopita niya ngunit hindi pa rin nagising si Alferez para tumagay na rin sana. Hanggang sa naisip gisingin ni Alcalde si Alferez matapos titigan dahil hindi siya dapat matulog habang hindi pa natatapos ang kanilang pag–uusap pagkat kailangan may magagawa nang plano ngayon kahit tumagal hanggang hating–gabi ang hora feliz nila. Pero puwede namang magpahinga muna si Alferez kung talagang hindi na niya kaya ang gumawa ng plano dahil pagod siya ngunit sa sariling kuwartel dapat matulog pagkat hindi puwedeng magpaiwan siya sa opisina ni Alcalde. “¡Teniente! ¿Estas escuchando? ¿Eh?” Nakarating na yata ng bansang España ang kamalayan ni Alferez upang magparamdam sa kanyang mga kamag–anakan pagkat naalimpungatan pa siya mula sa kanyang kahimbingan nang bumulahaw ang tanong ni Alcalde na nagisnan niyang sinasalinan na pala ng alak ang kopita nito. Karaka–rakang tinungga ang kanyang kopita na kalahati pa ang laman upang magpanibagong salin para sa susunod na tagay ngunit may kabutihan din pala ang pagkakaidlip niya pagkat hindi na naramdaman ng kanyang bibig ang matapang na lasa ng alak. Maging ang pananakit ng kanyang katawan ay naparam din nang sandaling maidlip siya kaya hayaan nang hindi niya napakinggan ang mga sinasabi ni Alcalde basta nagising siya para sa panibagong tagay upang mapawi ang antok niya. Talagang naging palaisipan din niya kung bakit naramdaman niya ang matinding antok dahil sapat na ang tapang ng alak kung tuusin upang sumigla ang daloy ng kanyang dugo lalo’t alas–tres ng hapon ang inihuhudyat pa lamang sa kampana ng munisipyo ng Alcala. Samakatuwid, walang dahilan upang antukin na siya pagkat ilang oras pa lamang mula nang sinimulan niya ang pag–inom ng alak nang dumating siya kaninang alas–doce ng tanghali galing sa pamilihang bayan ng Alcala samantalang madalas tumatagal hanggang hating–gabi ang inuman nila ni Alcalde. Kanina, nandoon na siya sa pamilihang bayan ng Alcala kahit madilim pa lamang dahil maaga rin siyang natulog kagabi upang paghandaan ang araw ng palengke pagkat hindi na niya sinabayan ang mga soldados na nagsagawa ng reconocimiento sa karatig–pook sa bayan ng Alcala para ipahinga naman ang kanyang katawan. Lalong ayaw niyang ipagpalagay na si Alcalde ang dahilan nang mawala ang kanyang gana sa alak matapos pagdududahan nito ang kanyang kakayahan pagkat imposible upang mangyayari ‘yon dahil posisyon lamang bilang punong–bayan ng Alcala ang panlaban nito sa kanya. Sapagkat wala pa rin maipagmamalaki sa kanya si Alcalde dahil impluwensiya lamang ang naging puhunan niya nang maitalaga siya bilang punong–bayan ng Alcala kahit karaniwang empleyado lamang siya ng bansangEspaña pagkat magkamag–anak sila ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil pamangkin ng yumaong asawa nito si Señora Mayora. Katunayan, puwede niyang iparating ang kuwestiyonableng qualificaciones ni Alcalde kay Capitan–General Don Francisco Paulo de Alcala dela Torre, ang kasalukuyang Gobernador–Heneral ng Pilipinas ngunit hindi niya ito gagawin dahil tiyak na maaapektuhan naman ang Gobernador ng Cagayan na walang kamalay–malay sa kanyang mga balakyot na gawain laban sa mga katutubo ng Sierra Madre mula nang siya ang naging punong–bayan ng Alcala. Sisikapin na lamang niyang unawain ang kanyang mga kahibangan hanggang sa nagagawa pa niya ang magpasensiya basta huwag lamang ipagdamot ang mga alak sa estante pagkat hindi lamang para sa kanya ang rasyon. Hayun! Madali naman palang lutasin ang isyu ng hindi pagkakaunawaan pagkat naghihintay lamang na ilabas mula sa estante ang solusyon dahil talagang hindi rin gawaing maginoo ang paghihiganti lalo’t nalimutan na nilang pareho ang magsimba sa araw ng Linggo.
“¡Por lo tanto . . . ! ¡No es necesario un plan! ¡Si . . . Alcalde! ¡Eso es solo una perdida de tiempo! ¡Y cansado! ¡Solo por los disparos! ¡Esos nativos deben estar huyendo! Entonses, pumapayag na si Alferez upang sundin si Alcalde kung pagbasehan ang kanyang katuwiran matapos ang pagtatampo dahil sa biro na sinabayan pa ng pahang na lasa ng alak mula ng bansang Portugal hanggang sa muntik nang maparam ang kanyang gana sa pag–inom. Kunsabagay, talagang mahirap pasisinungalingan ang kanyang pahayag pagkat minsan nang napatunayan na talagang malaking bentaha ang mga fusil kaya naging madali na lamang para sa mga soldados nang kubkubin nila ang dating komunidad ng tribung Malauegs ng Calantac. Subalit magiging malaking debilidad naman para sa panig nila ang larangan ng sagupaan pagkat hindi nila kabisado ang malawak na kabundukan ng Sierra Madre kahit isasagawa pa nila sa araw ang paglusob ngunit lalong pabor naman sa panig ng mga kalalakihang Malauegs.
.
ITUTULOY
No responses yet