IKA–40 LABAS

Sapagkat doon na isinilang at lumaki ang mga kalalakihang Malauegs ay maaaring pansamantala lamang ang kanilang takot dahil sa unang bulya ng mga putok ngunit mawawala rin ang pangangalisag nila habang tumatagal ang laban pagkat hindi sila basta gaganti para sabayan ang putukan.  Harinawang tama ang palagay ni Alferez pagkat pinag–aralan din naman ng mga soldados ang tamang pamamaraan sa pakipagtunggali nang sumailalim sila sa entrenamiento militar kahit magkaiba ang sitwasyon pagkat haharapin nila ang totoong laban na hindi pa nangyari sa bansang España.  Fusil ang pinakabagong armas noong panahong ‘yon na mas epektibo pa nang walang duda kaysa mga sandata ng mga kalalakihang Malauegs dahil nagagamit ito kahit nagkukubli sa malayong posisyon ang mga soldados habang nagpapaputok sila.  Pero hindi nasusukat sa uri ng armas ang tagumpay kahit bihasa pa rito ang sinumang mandirigma pagkat depende pa rin kung saan nagaganap ang larangan ng digmaan upang magiging paborable para sa kanila ang sitwasyon.  Mahalagang katangian ng mandirigma ang kanyang karanasan dahil ito ang nagiging basehan kung paano ipapanalo ang isang laban lalo’t kakaiba ang sandatang gamit ng kanyang kaaway ay madali na lamang upang magbago siya ng taktika.  Sapagkat nakintal na sa kanyang isip ang katuwiran na kamatayan ng kanyang kalaban ang kapalit ng tagumpay ay ito naman ang magiging layunin niya upang tatanghalin siyang bayani sa pagwawakas ng laban.  Habang malinaw na kabiguan ang kanyang kamatayan dahil kinapos siya ng paraan pagkat kulang ang naging karanasan niya kaya nawalan ng saysay ang mabisang sandata na kanyang tangan sanhi ng kakulangan niya ng kaalaman.  Tinungga na lamang ni Alferez ang kanyang kopita para pawiin ang antok na pilit pa rin nagpaparamdam sa kanyang mga mata hanggang sa napatingin siya sa orasan sa opisina ni Alcalde saka nagsalin ng panibagong tagay upang pasiglahin ang kanyang sarili.  Seguro, pahiwatig ng pagsang–ayon sa mungkahi ni Alferez ang pananahimik ni Alcalde pagkat hutok siya ng entrenamiento militar kaysa kanya na walang karanasan sa laban kahit kailan dahil sa opisina lamang nagpapalipas nang maghapon.  Baka napaglilimi rin ni Alcalde na talagang hindi na kailangan ang plano pagkat malayo ang posibilidad upang mabibigo ang kanyang pangarap dahil mga busog at tunod ang maipagmamalaking sandata lamang ng mga kalalakihang Malauegs laban sa mga soldados.  ¡Solo usaremos tacticas! ¡Para facilitar nuestro asedio a su comunidad!”  Aywan kung nagparamdam naman sa mga katutubong Malauegs ang nagbabantang panganib habang patuloy na ginagampanan ang kanilang mga gawain sa buhay lalo’t tuluyan nang naparam sa mga kaisipan nila ang paghihintay sa desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs makalipas ang walong buwan.  Maski yata sa kanilang panaginip ay hindi nagpahiwatig ang masamang balak ng pamahalaang Kastila ng Alcala laban sa kanila pagkat hindi man lamang nabanggit sa kanilang usapan ang tungkol sa buwis at amilyaramyento na kaytagal nang ipinagwalang–bahala nila.  Baka ang masayang tanawin sa kanilang komunidad sa tuwing gumigising sila sa umaga ay masamang pangitain na pala na binalewala lamang nila sa halip na binigyan ng kahulugan habang may pagkakataon pa sila.  Sana, mismong pagkakataon ang gumawa ng paraan upang makarating sa kanila ang masamang balak ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil tiyak na magiging madugo ang naghihintay na kaganapan sa mga susunod na araw kapag hindi nila napaghandaan ito.  Sana, mamagitan din si Bathala upang maisip nila ang ilipat na lamang sa pusod ng kagubatan ng Sierra Madre ang kanilang komunidad upang malayo sila sa kapahamakan dahil ito ang nakikitang solusyon sa kanilang problema bago pa sila salakayin ng mga soldados.  Bagaman, dapat magpasalamat sina Dayandang at Alawihaw pagkat nabinyagan na ang kanilang panganay ngunit hindi naman nila tangan ang kapalaran maliban sa manalig na lamang sa kapangyarihan ni Bathala habang paiigtingin naman ni Lakay Awallan ang kanyang pagdarasal.  Sapagkat hindi na mapipigilan pa ang plano ni Alcalde na posibleng isasakatuparan anumang araw mula ngayon ng mga soldados lalo’t pumayag na rin si Alferez matapos mahimasmasan nang biglang malasing dahil sa matapang na lasa ng alak mula sa bansang Portugal.  Sana, sa araw isasagawa ng mga soldados ang paglusob sa komunidad ng mga katutubong Malauegs para magagawa pa nila ang tumakas sakaling hindi na pumapanig sa kanila ang sitwasyon dahil armado ng mga fusil ang mga soldados.  Kasinungalingan kung sabihin na pagsuway ng mga katutubong Malauegs sa ordinansa ng pamahalaang Kastilang Alcala ang dahilan kung tuluyang ipag–utos ni Alcalde ang pagsalakay sa kanila pagkat batid naman niya na talagang wala silang kakayahan upang bayaran ang kanilang malaking pagkakautang sa buwis at amilyaramyento.  Katanggap–tanggap pang katuwiran na talagang nagkaroon siya ng masidhing interes sa kanilang malawak na lupain sa kabundukan ng Sierra Madre na pinatunayan naman nang magpalabas siya ng mga huwad na titulo pagkat kulang pa para sa kanya ang dating komunidad ng tribung Malauegs ng Calantac upang makuntento siya.  Kaya tuloy pa rin ang kanyang plano maski mababayaran pa ng mga katutubong Malauegs ang malaking pagkakautang nila sa buwis at amilyaramyento dahil palabas lamang ang ordinansa na pirmado pa niya kahit totoong naging epektibo lamang ito nang ipinatupad dahil kusang tumalima ang mga mamamayan ng Alcala.

Palibhasa, hindi na kayang pigilin ni Alferez ang kanyang matinding antok ay minabuti niya ang magpaalam na lamang kay Alcalde kahit maaga pa ang alas–cuatro nang hapon upang umayaw na siya sa kanilang inuman.  Pero tumungga muna siya ng isang tagay pagkat naging masarap na sa kanyang lalamunan ang alak na galing pa ng bansang Portugal saka dahan–dahang tinungo niya ang pintuan ngunit naging maingat ang kanyang pagbaba sa hagdanan na may labindalawang baitang.  Dumeretso siya sa kuwarto ng kanyang opisina upang matulog matapos ibalik ang saludo ng guwardiya sibil pagkat ngayon pa lamang yata nagparamdam ng kapaguran ang kanyang katawan sa halip na aksiyunan muna ang mga dokumento sa kanyang mesa.  Ilang araw nang naghihintay sa kanyang pirma ang mga dokumento dahil hindi rin naman niya matanggihan ang paanyaya ni Alcalde kahit kabilang dito ang promosyon ni Sarhento Valeriona Guztavo dela Paz para maipapadala na sana sa palacio del gobernador upang kumpirmahin ng Gobernador ng Cagayan kung hindi natinggal sa kanyang mesa.  Nagpaiwan pa si Alcalde sa kanyang opisina pagkat maaga pa ang alas–cuatro nang hapon upang umuwi na siya kaya pinagtuunan na lamang niya ang mga dokumento na hindi pa niya napirmahan kanina nang dumating ang tesorero.  Habang pinipirmahan niya ang mga dokumento ay isinasabay din naman ang pagtungga sa kanyang kopita dahil itinuloy pa rin niya ang hora feliz kahit mag–isa lamang siya upang malibang ang sarili na tumatanggi pang umuwi kahit masarap ang hapunan sa residencia ejecutiva dahil araw ng palengke kaninang umaga.  Basta walang kaseguruhan kung nabasa niya nang buong linaw ang bawat dokumento na pinirmahan niya pagkat isang bote rin ang naubos niya kahit wala si Alferez na tiyak mahimbing nang natutulog ngayon sa kanyang kuwartel.  Sapagkat umiindayog na ang kanyang paningin ay minabuti niya ang magpahinga na kung hindi maghinala si Señora Mayora dahil napaaga ang kanyang uwi sa residencia ejecutiva ngunit novena para sa Mahal na Birhen ngayon kaya maaaring nagsimba ang kanyang hermosa esposa.  Tutal, inihuhudyat na sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang alas–cinco nang hapon na pinatotohanan naman ng kampana ng simbahan ay dahan–dahan na rin tinungo ng kanyang marahang hakbang ang pintuan palabas ng kanyang opisina hanggang sa narating niya ang naghihintay na karwahe sa bakuran ng munisipyo ng Alcala.  Tunay na nagtataka ni Zafio dahil ngayon lamang napaaga ang kanilang pag–uwi sa residencia ejecutiva ngunit hindi na siya nagtanong pagkat mismong hitsura ni Alcalde ang nagsasabi na kailangan bilisan na lamang niya ang pagpapatakbo sa karwahe para makapagpahinga na ang opisyal.  Bagaman, maagang natapos ang inuman nina Alcalde at Alferez na dating tumatagal hanggang hating–gabi ngunit naging makabuluhan naman nang mapagkasunduan nila ang paglulunsad ng pananalakay sa komunidad ng mga katutubong Malauegs kahit hindi pa itinakda kung kailan isasagawa ito

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *