Bagaman, dapat magpasalamat ang mga katutubong Malauegs pagkat maagang nalaman nila ang pagdating ng mga soldados ngunit kailangan samantalahin nila ang pagkakataon upang hindi sila magugulantang dahil maaaring tama ang sapantaha nila patungkol sa totoong layunin ng puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Nagkatinginan ang mga kalalakihang Malauegs dahil totoo pala ang balita na gumising sa kanila kahit ayaw pa sana nilang bumangon kung hindi pa naging mapilit ang mga kababaihang Malauegs nang malaman ng mga ito ang tungkol sa mga soldados. Habang nagpapatuloy ang pagsasalita ni Lakay Awalan ay lumapit kay Alawihaw sina Lupog at Balayong sabay bulong sa kanya upang ipaalaala ang pangako ng lupon ng mga matatandang Malauegs ngunit hindi na nila narinig ito hanggang dumating ang sitwayon ngayon. Kumunot ang noo nina Lupog at Balayong nang mabuo sa isip nila ang mang–usig dahil sa kapabayaan ng lupon ng mga matatandang Malauegs ngunit maagap na tinapik ni Alawihaw ang kanilang mga balikat upang ipaalaala na paglapastangan sa mga matatanda ang binabalak nila. Ayaw ni Alawihaw na manggagaling sa kanilang tatlo ang panunumbat bilang pagpipitagan na lamang dahil walang duda na mararamdaman din mga katawan nila ang haplit pagkat pinamumunuan ni Lakay Awallan ang lupon ng mga matatandang Malauegs habang miyembro naman dito si Lakay Lanubo. At hindi rin ito ang solusyon sa problema ngunit ipauubaya na lamang nila sa mga kalalakihang Malauegs upang sila mismo ang magpaalaala sa lupon ng mga matatandang Malauegs tungkol sa kanilang desisyon dahil hindi ito nabigyan ng katuparan matapos ang kanilang pangako. “Dapat maunahan natin . . . ang mga soldados! Sakaling . . . taliwas sa inaakala natin! Ang totoong sadya . . . ng kanilang pagbabalik ngayon! Oo! Pinagdududahan ko . . . ang kanilang maagang pagdating! Baka hindi . . . para makipag–ayos sa atin! Ang dahilan . . . ng kanilang pagbabalik! Kundi . . . !” Sinisikap patatagin ni Lakay Awallan ang kanyang kalooban habang nagsasalita pagkat hindi dapat makitaan siya ng gahak bilang bantayog ng katapangan upang hindi gumuho ang talaghay na laging nagbibigay ng inspirasyon sa mga kalalakihang Malauegs. Kahit tumitindi ang nararamdaman niyang pangamba dahil naging masasal ang bayo sa kanyang dibdib ay kailangan maging mahinahon pa rin siya pagkat hindi dapat magpamalas siya ng kahinaan upang hindi maaapektuhan ang kakayahan ng mga kalalakihang Malauegs. Lalo’t makakaharap nila ang mga soldados na armado ng mga fusil samantalang busog at tunod lamang ang pandepensa nila ay dapat makintal sa kanilang paniniwala na hindi lamang sa uri ng sandata natatamo ang tagumpay ng laban. Napailing nang mariin si Lakay Awallan nang gumuhit sa isip niya ang posibleng ganti ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit talagang hindi rin kayang bayaran ang malaking pagkakautang nila sa buwis at amilyaramyento sanhi ng kanilang karahupan dahil dumepende lamang sila sa paglalako ng mga gulay. Bagaman, naging malinaw na kung bakit itinaon pa sa bukang–liwayway ang pagbabalik ng mga soldados sa kanilang komunidad ay ayaw naman niya iugnay ang ginanap na taunang dayaw kagabi pagkat walang paraan upang malaman nila ang tungkol dito. Mas segurado siya sa paniniwala na nagkataon lamang dahil bahagi ito ng kanilang plano para hindi nila mapaghahandaan ang kanilang binabalak na paglusob ngayong umaga ngunit nagkulang lamang ang kanilang pagtataya. Hindi kataka–taka kung madaling–araw na nang dumating sila sa kabundukan ng Sierra Madre kahit hating–gabi nang umalis sila sa munisipyo ng Alcala dahil hindi nila kabisado ang mga bulaos na maghahatid sa kanila papunta sa komunidad ng mga katutubong Malauegs kaya pinabagal ng dilim ang kanilang paglalakad. Gayunpaman, hanggang langit ang pasasalamat ni Lakay Awallan pagkat naging mabait pa rin sa mga katutubong Malauegs si Bathala dahil hindi nito hinayaang maisakatuparan ng mga soldados ang mapaglihong hangarin ng pamahalaang Kastila ng Alcala lalo’t biglaan ang pangyayari para sa kanila na puyat kagabi. Kunsabagay, dalangin noon ni Lakay Awallan ang magpadala sana ng sugo ang pamahalaang Kastila ng Alcala upang maipaliwanag sa kanila ang kahulugan ng buwis at amilyaramyento ngunit may katuwiran kung pagdudahan na niya ngayon ang malaking bilang ng mga soldados. Dahil naseseguro ng kanyang sarili na hindi kapayapaan ang dala sa pagbabalik ng mga soldados sa kanilang komunidad pagkat buong tropa na yata ang ipinadala ng pamahalaang Kastila ng Alcala samantalang puwede naman ang isang pangkat kung mapayapang pag–uusap ang layunin nila. Maliban sa isang misyon na seguradong ikasasawi nilang lahat kung hindi napansin agad ng mga bakay ang kanilang pagdating kaya natigil ang pagsasalita ni Lakay Awallan nang sumulyap siya sa mga matatandang Malauegs upang ipaalaala ang kanilang malaking pagkakamali. Napatingin na rin sa kanila ang mga kalalakihang Malauegs ngunit walang naglakas–loob upang sumbatan sila kahit nagliliyab sa galit ang mga mata nila dahil magbibigay lamang ng masamang halimbawa sa kanilang mga anak kung alipustain nila ang mga matatanda. “Huwag naman sana mangyayari . . . ang kinakatakutan ko! Dahil . . . marami sila ngayon! Oo! Kaya . . . magsipaghanda kayo!” Minabuti ng mga kalalakihang Malauegs ang manahimik na lamang nang mapagtanto na hindi kalutasan sa kanilang problema ang magsawatan sila dahil sa pagkakamali ng lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat hindi na rin mababago pa nito ang sitwasyon na kailangan harapin nila. Sapagkat magdudulot lamang ng aligutgot ang bangayan kung kailan nahaharap sila sa matinding problema kaya hindi dapat bigyan ng priyoridad ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil may araw ang paniningil para sa kanilang pagkakamali. Kalimutan muna nila ang panloob na suliranin upang hindi ito makaapekto sa kanilang tungkulin lalo’t nakaatang sa kanilang mga balikat ang kaligtasan ng kanilang tribu mula nang hirangin sila ni Lakay Awallan bilang mga mandirigma ng tribung Malauegs. Noon, naging taimtim na pangako nila ang ipagtanggol hanggang sa huling patak ng kanilang dugo ang tribung Malauegs pagkat wala na rin halaga ang mabuhay pa sila sa kalupaan ng Sierra Madre kung naglaho na ang kanilang sariling pagkakakilanlan pagkat magiging kapara sila ng mga bagamundo. Aminado naman sila na hindi pa dumanas ng pagsubok ang pagiging mandirigma nila pagkat hindi rin naman nagkaroon ng malubhang hidwaan sa pagitan ng apat na tribu sa kabundukan ng Sierra Madre ngunit kailangan mangyari ito upang maranasan nila. Siyempre, magigimbal sila kapag narinig ang nakatutulig na mga putok at manghihilakbot dahil bumubuga ng apoy ang mga fusil ngunit mangyayari lamang ito kung mga soldados mismo ang magpasimuno sa karahasan. Dahil tiyak na hindi manggagaling sa kanilang busog ang unang tunod kung maaari naman nilang ikapapahamak ang paghahamon lalo’t hindi pa nila nasubukan kahit minsan ang mapalaban sa mga soldados na armado ng fusil ang bawat isa. Dapat mananatili sa kanilang mga sarili ang katatagan upang hindi sila madaling gahisin ng sindak kapag napasabak na sila sa kakaibang karanasan na hindi pa nila napagdaanan sa tanang buhay nila bilang mga mandirigma ng tribung Malauegs. At manalig sa sariling kakayahan para magiging panatag ang kanilang kaisipan kahit mga busog at tunod lamang ang kanilang mga armas habang hinaharap nila ang matinding laban sa kanilang buhay dahil wala silang mahihintay na saklolo. Sana, pinapahalagahan ni Bathala ang walang kapagurang pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs upang iadya niya mula sa kapahamakan ang mga mandirigmang Malauegs dahil wala naman siyang sariling tropa upang magiging karagdagang puwersa ito para sa kanila maliban sa umasa sa kanyang kapangyarihan. Samantala, malapit nang mapasok ng mga soldados ang bukana ng komunidad ng mga katutubong Malauegs kung hindi lamang naging problema nila ang madulas na bulaos ngunit hindi pa yata tapos ang pagbibigay ng instruksiyon ni Lakay Awallan sa mga kalalakihang Malauegs dahil hindi pa niya inihuhudyat ang paglilikas.
“Huwag po kayo mag–aalala . . . Apong Awallan! Hindi po nila basta mapapasok . . . ang ating komunidad! Malaking tulong po . . . sa panig natin! Nang dumating po sila . . . na maliwanag ang araw! Nakikita po natin . . . silang lahat!” Walang pag–aalinlangan na umusal ng pangako ang isang lalaking Malauegs maski simple lamang ang kanilang mga armas kung ikumpara ito sa mga fusil ng mga soldados dahil hindi nasusukat sa uri ng sandata ang labanan upang matamo ang tagumpay. Walang bakas ng pagkabahala ang kanyang mukha habang pinapatunayan ang kanyang kahandaan para ipagtanggol ang kanilang komunidad kahit ito ang magiging unang pagkakataon upang mapapalaban siya sa mga soldados na gumagamit ng mga fusil. Bagaman, matagal nang natigil ang kanilang pag–eensayo ay magagamit pa rin ang mga natutunan nila basta huwag lamang sila magpapatangay sa takot pagkat mahalaga na mapapanatili pa rin ang kanilang disposisyon kapag sumiklab na ang sagupaan. Sapagkat ito ang layunin nang sumailalim silang lahat sa araw–araw na ensayo na tumagal ng dalawang linggo ngunit natigil ito nang bumalik ang kapayapaan sa kanilang komunidad dahil sa paniniwala na hindi na sila gagambalain pa ng mga soldados. Tumango nang pagsang–ayon ang mga kalalakihang Malauegs pagkat totoo na walang ibang magtatanggol sa kanilang komunidad kundi sila rin kahit may mga tribu na maaaring hingan nila ng tulong ngunit natatanaw na ang panganib mula sa labas ng sagradong kubol. Kasamaang–palad lamang dahil hindi pa rin magawa ni Lakay Awallan ang matuwa pagkat hindi ordinaryong kalaban ang mga soldados upang paniniwalaan ang kanyang narinig kahit totoo sa kalooban nito ang pangako kaya natahimik siya. Nararapat bang panghahawakan ang pangako kung pilit lamang pinatatag ng isang nilalang ang kanyang sarili sa harap ng pagsubok kahit nagkakanlong sa kanyang puso ang matinding pangamba dahil wala pa siyang karanasan sa laban? Sumulyap lamang sa lalakihang Malauegs si Lakay Awallan pagkat siya man ay handa rin harapin ang mga soldados kung kaya pa niya ang humawak ng busog at tunod dahil tungkulin ng bawat katutubong Malauegs ang ipagtanggol sa harap ng nagbabantang panganib ang kanilang tribu.
“Opo . . . Apong Awallan! Hindi po namin hahayaang makubkob nila . . . ang ating komunidad! Magkakamatayan na . . . Opo! Kung ito . . . ang kinailangan!” May nagparinig din ng pangako kahit walang katiyakan ang katuparan nito ngunit tiyak na gagawin niya ang lahat para sa kaligtasan ng kanyang lahi na nanganganib mawalan ng sariling puwang sa kabundukan ng Sierra Madre kung hindi siya lumaban. Hanggang sa muling napukaw ang galit ng mga kalalakihang Malauegs laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala dahil sa ordinansa na pilit ipinapatupad sa kanila samantalang pagtatanim ng mga gulay lamang ang pinagkukunan nila ng kabuhayan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Sakaling humantong sa kabiguan ang kanilang mga pangako ay handa naman silang magsakripisyo bilang pagtalima sa huling bilin ng kanilang mga ninuno na hindi makakamtan ang tagumpay kung walang magbuwis ng kanyang buhay. Hindi nakaligtas kay Lakay Awallan ang tuluy–tuloy na pagtango ng mga kalalakihang Malauegs dahil tanggap nila ang katotohanan na hindi tangan ng kanilang mga kamay ang magiging kahinatnan sa magaganap na pagtatagpo sa pagitan nila at sa mga soldados. Napatingin siya sa mga matatandang Malauegs na tahimik lamang habang pinapakinggan nila ang magkasunod na pahayag pagkat sila ang dahilan kung bakit dumating ang problemang ito kahit ayaw sana nilang mauulit ang naging kapalaran ng tribung Malauegs ng Calantac.
ITUTULOY
No responses yet