IKA–46 LABAS

Bagaman, hindi niya pinagdududahan ang kakayahan ni Alawihaw ay kinilabutan pa rin siya pagkat hindi puwedeng ipagwalang–bahala ang kanyang bilin ngunit hindi na niya pinansin ito nang magsidatingan ang mga kalalakihang Malauegs mula sa yungib.  Sapagkat hindi kasama sa mga nagsidating sina Lupog at Balayong ay maaaring hinintay nila si Alawihaw dahil hindi pa natatagalan nang inihatid ang kanyang pamilya sa yungib nang maantala ang pagpaalam niya kay Lakay Awallan.  Yamang bumalik na ang mga kalalakihang Malauegs ay sumenyas si Lakay Awallan kay Assassi upang tumuloy na rin sila sa yungib kahit wala pa sina Alawihaw, Lupog at Balayong para masisimulan na rin niya ang pagdarasal upang hilingin kay Bathala ang kanilang kaligtasan.  Hindi na niya kinausap uli ang mga kalalakihang Malauegs pagkat abala na rin sila sa paghahanda hanggang sa natanaw niya sina Alawihaw, Lupog at Balayong habang nagtatakbo pabalik sa komunidad ngunit tumuloy na sila sa kani–kanyang dating puwesto.

            Pinamunuan pala ni Alferez ang misyon upang tiyakin ang kanilang tagumpay pagkat ito ang naging pangako niya kay Alcalde bago ang saltar de ng kanyang tropa mula sa munisipyo ng Alcala kaninang hating–gabi kaya hindi na nagkaroon ng hora feliz ang dalawa.  Sana, pinabaunan din siya ni Alcalde ng isang bote ng alak upang hindi niya maramdaman agad ang pagod kahit sumakay siya sa kabayo ngunit tiyak gagambalain naman siya ng matinding antok pagkat hating–gabi nang lumisan sa bayan ng Alcala ang kanyang tropa.  Sadyang pinamunuan niya ang tropa para patunayan kay Alcalde na magiging madali lamang sa mga soldados para kubkubin ang komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre gamit ang mga fusil dahil minsan nang nasubukan ito sa dating komunidad ng tribung Malauegs ng Calantac.  Payagyag ang lakad ng kanyang kabayo sa halip na patakbuhin ito dahil hindi niya kabisado ang mga bulaos papunta sa komunidad ng mga katutubong Malauegs pagkat ngayon pa lamang niya narating ang kabundukan ng Sierra Madre na sa malaking mapa lamang madalas nakikita niya.  Aywan kung lumabas na ang promosyon ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz basta siya ang nauuna habang sakay rin ng kabayo dahil dalawang beses nang narating niya ang kabundukan ng Sierra Madre kaya natatandaan pa niya ang mga bulaos na maghahatid sa kanila sa komunidad ng mga katutubong Malauegs.  May dahilan nang muli siyang sumama sa operasyon pagkat batay sa huling actualizar tungkol sa kanyang promosyon ay naghihintay na lamang ito ng pirma ni Alcalde upang maipadala sa palacio del gobernador para sa kumpirmasyon naman ng Gobernador ng Cagayan.  Itinuturo niya kay Alferez ang komunidad ng mga katutubong Malauegs nang sandaling huminto ang kanilang tropa upang magpahinga habang kumakain ng racion seca matapos ang walang tigil na paglalakad nila umpisa kaninang hating–gabi mula sa bayan ng Alcala.  Hustong sumisilip sa largabista si Alferez nang mapanood niya ang mukha ni Lakay Awallan habang nagbibigay ng utos upang palikasin sa yungib ang mga katutubong Malauegs nang malaman na papunta sa kanilang komunidad ang tropa ng mga soldados.  Sinundan niya si Lakay Awallan habang nagtatakbo ngunit napuspos ng panghihinayang ang kalooban niya nang hindi na matunton ng largabista ang kanyang pinuntahan hanggang sa napailing siya dahil biglang naglaho ang hindi niya alam ay Punong Sugo ng tribung Malauegs.  Kaya naisaloob na lamang niya na posibleng natanaw ng mga katutubong Malauegs ang kanilang pagdating lalo’t mga kubol ang nakikita na lamang sa komunidad na sinaklot ng katahimikan nang muling silipin niya ang largabista.  Ngunit may palagay siya na maaaring nagtatago lamang ang mga katutubong Malauegs dahil parating na sila hanggang sa napangiti siya imbes na mabahala sa posibleng binabalak nila laban sa kanyang tropa na pumapasok na sa komunidad.  May katuwiran naman pala si Lakay Awallan pagkat pinatunayan ni Alferez na hindi kapayapaan ang dala ng mga soldados kundi karahasan bilang ganti ng pamahalaang Kastila ng Alcala nang tahasang suwayin ng mga katutubong Malauegs ang ordinansa tungkol sa buwis at amilyaramyento.

            ¡Camina mas rapido! ¡Apresurate!”  Dahil gusto nang mapasok ni Alferez ang komumidad ng mga katutubong Malauegs na minsan nang naipagpalagay niya na pahingahan lamang ng mga mangangaso ang natuklasan noon ng grupo ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz matapos kuwestiyunin ni Alcalde ang isinumiteng ulat nito.  Subalit ang pagiging puyat sa buong magdamag ang nagpapabagal sa paglalakad ng mga sundalo pagkat kulang ang ilang saglit na pahinga lalo’t paakyat ang bulaos papunta sa komunidad ng mga katutubong Malauegs kaya hindi rin sila mapilit ni Alferez.  Nang hindi na mahintay ni Alferez ang mga soldados ay pinatakbo niya ang kabayo hanggang sa napasok nito ang komunidad ng mga katutubong Malauegs kahit nag–iisa lamang siya pagkat nagpahuli naman si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz upang hintayin ang tropa.  Hindi na siya nagulat nang sumalubong sa kanya ang abandonang komunidad pagkat tama pala ang kanyang sapantaha na napaghandaan ng mga katutubong Malauegs ang kanilang pagdating nang matanaw sila ng mga bakay nang lingid sa kanila.  Tuloy, napaglimi niya na maaaring patungo sa pagtataguan si Lakay Awallan ngunit napangiti siya nang maalaala ang kanyang maliksing galaw maski matanda na kaya hindi na siya nasundan ng largabista kahit paulit–ulit pa ang silip niya rito.  Nanggilalas siya habang minamasdan ang komunidad ng mga katutubong Malauegs pagkat hindi niya sukat–akalain na napagtiisan nila ang mamuhay sa kabundukan ng Sierra Madre gayong mas ligtas kung sa bayan ng Alcala sila naninirahan dahil malayo sa kapahamakan na araw–gabing banta sa kanilang buhay.  Diyata, natitiis nila ang manirahan sa kabundukan ng Sierra Madre kahit kubol lamang ang kanilang kanlungan sa maghapon at sa malamig na panahon sa tuwing sumasapit ang gabi habang napapaligiran sila ng mga makamandag na hayop mula sa kagubatan.  Hanggang sa nabigyan niya ng katuwiran kung bakit bahag lamang ang saplot ng mga kalalakihang katutubo sa tuwing bumababa sila sa bayan ng Alcala dahil hindi pa sila ganap na sibilisado kaya kulang ang kanilang kaalaman tungkol sa maayos na pamumuhay.  Ngunit mali ang isipin na naging problema ng mga katutubong Malauegs ang mga mababangis na hayop dahil payapa naman ang kanilang buhay habang naninirahan sa kabundukan ng Sierra Madre noong mga nagdaang panahon bago pa natuklasan ng mga soldados ang kanilang komunidad.  Lalong walang katiyakan ang magiging buhay ng mga katutubong Malauegs kung sa bayan ng Alcala sila manirahan pagkat hindi lamang sa kabayanan matatagpuan ang kaligtasan dahil mayroon din nito kahit sa impiyerno kung walang naghahangad ng kapahamakan para sa kapwa makasalanan.  Baka kailangan ipaalaala kay Alferez na hindi pa bumaba kahit kailan sa bayan ng Alcala ang mga makamandag na hayop upang sagpangin ang mga banyaga samantalang narating na nila ang kabundukan ng Sierra Madre matapos gawan ng mga huwad na titulo ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs.  Dahan–dahang pinalakad ni Alferez ang kabayo para tiyakin ang kanyang sapantaha na maaaring nagtatago lamang sa loob ng mga kubol ang mga katutubong Malauegs ngunit wala siyang naulinigan kahit munting anasan habang pinapakiramdaman niya.  Hanggang sa napansin niya ang usok mula sa kusina kaya biglang gumuhit sa kanyang isip ang masamang balak upang tiyakin ang kanyang hinala pagkat imposibleng nagawa agad ng mga katutubong Malauegs ang magtago.  Segurado, mapipilitang lumabas ang mga katutubong Malauegs kapag isinagawa ng mga soldados ang kanyang plano ngunit nagpalinga–linga muna siya sa pagbabakasakali na may lumantad habang binibilang niya ang mga kubol pagkat si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pa lamang ang sumusunod sa kanya.  Minsan pang tumigil ang kabayo ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz upang muling maghintay sa bukana dahil pumapasok pa lamang ang mga soldados hanggang sa narating nilang lahat ang komunidad ng mga katutubong Malauegs habang manghang–mangha dahil sa kanilang namalas.  Nang walang kaginsa–ginsang isinigaw ni Alferez ang pagpapatupad sa kanyang utos kahit hindi pa nakapagpahinga ang mga soldados para mapipilitang lumabas ang mga katutubong Malauegs nang maisaloob niya na maaaring nagtatago lamang sila sa loob ng mga kubol.  ¡Lucha contra las cabañas! Vamos! ¡Lucha contra las cabañas! ¡Ahora mismo!”  Mistulang naglalagablab na impiyerno ang komunidad ng mga katutubong Malauegs nang magliyab ang mga kubol matapos isagawa ng mga soldados ang utos ni Alferez ngunit taliwas sa naging palagay nito ay walang lumabas kahit isa man lamang.  May katuwiran si Lakay Awallan nang palikasin sa yungib ang mga katutubong Malauegs dahil nailayo sila mula sa tiyak na kamatayan ngunit nanganganib namang mawalan sila ng tirahan kung ipagpatuloy ng mga soldados ang panununog sa mga kubol.  Tuwang–tuwa si Alferez habang pinagmamasdan ang nasusunog na mga kubol dahil natitiyak niya na wala nang babalikan pa ang mga katutubong Malauegs ngunit hindi naman seguro pababayaan ni Bathala upang magiging palaboy sila pagkat walang dahilan para mangyayari ito sa kanila.  Subalit tiyak hindi na nila mararamdaman pa ang katahimikan sa buhay kung walang sulok ang hindi kayang marating ng mga soldados ngayong napasok na nila ang kabundukan ng Sierra Madre pagkat nagsisimula pa lamang sa araw na ito ang mga plano ni Alcalde.  Naghihiyaw naman dahil sa galak ang mga soldados habang ipinagpapatuloy nila ang pagsisilab sa mga kubol kaya posibleng maghahanap na lamang ng malilipatan ang mga katutubong Malauegs kahit sa pusod ng kagubatan basta ligtas sila.  Malinaw na naulit lamang ang naging kapalaran noon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac kahit ayaw sana ni Lakay Awallan na mangyayari ito sa kanila ngunit tiyak na hindi rin isusuko ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang komunidad hanggang may nalalabing paraan pa sila.  Kabutihan sa pangyayari ngayon dahil nagkaroon pa ng pagkakataon ang mga katutubong Malauegs upang tumakas para sa kanilang kaligtasan pagkat napaghandaan agad nila ang balak na pananalakay ng mga soldados sa kanilang komunidad.  Kabaligtaran ang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac dahil nagising na lamang sila nang marinig ang naninindak na putukan pagkat sadyang itinaon ng mga soldados sa hating–gabi ang pagsalakay habang natutulog silang lahat kaya mabibilang lamang ang nakaligtas sa kanila.  Lumikha ng dagubdob habang pinupugnaw ng apoy ang bawat kubol na gawa lamang ng mga marurupok na materyales hanggang sa pumailanlang sa kalawakan ang makapal na usok na posibleng tumawag ng pansin sa mga kalalakihang Malauegs.  Tuloy, hindi matiyak ang magiging kalagayan ng mga katutubong Malauegs pagkat maiiwanan naman sa pagtakas ang kanilang mga lupain na ipinamana pa mandin ng kanilang mga ninuno kapag tuluyan nang naagaw ng mga soldados ang kanilang komunidad.  Maski malawak pa ang kalupaan ng Sierra Madre kung wala naman silang sariling teritoryo dahil nabigo silang ipagtanggol ang kanilang komunidad pagkat masyado silang nagtiwala sa sariling paninindigan samantalang hindi naman pala nila kayang ipaglaban ito.  Mabuti pa ang mga dating katutubong Malauegs ng Calantac pagkat posibleng nalimutan na nila ang malagim na karanasan kaya dalangin na lamang ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang tanging pag–asa ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre upang hindi mangyayari ang kanilang kinakatakutan.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *