IKA–47 LABAS

Baka bumangon pa ang mga patay upang sila na lamang ang makipaglaban nang huwag lamang maaagaw ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang ipinamana nilang mga lupain dahil sadyang inilaan ito para sa kanilang tribu matapos likhain ni Bathala ang mundo.

          Nagulantang ang mga kalalakihang Malauegs nang pumailanlang ang makapal na usok mula sa kanilang komunidad hanggang sa nanlumo silang lahat nang mabigyan ng masamang kahulugan ang kanilang natatanaw pagkat ngayon lamang nangyari ito.  Nanghilakbot sila nang matanaw ang naglalagablab na apoy ngunit lalong humigpit ang hawak nila sa busog at tunod nang malaman ang pinagmulan ng makapal na usok pagkat may mga mahahalagang bagay sa loob ng kubol ang naiwan sa kanilang paglikas.  Ikinabahala nila ang ginagawang panununog ng mga soldados sa mga kubol pagkat hindi katanggap–tanggap para sa kanila ang ganitong parusa kung kasalanan ang hindi nila pagtalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala hanggang sa napailing na lamang sila.  Segurado, walang matutulugan mamayang gabi ang kanilang mga pamilya kung hindi mapigilan ang ginagawang panununog ng mga soldados sa mga kubol maski hirati na sila sa lamig ng gabi ngunit hindi ang kanilang mga anak.  Sumulak ang kanilang dugo habang tinatanaw ang makapal na usok dahil talagang hindi nila napaghandaan ang plano ng mga soldados ngunit kailangan masawata ito kahit hindi dapat magsimula sa kanila ang asalto.  Tutal, handa nang bitawan ng kanilang mga kamay ang mga tunod na kanina pa isinubo sa mga busog kung hindi lamang nagpaalaala sa kanila ang mahigpit na bilin ni Lakay Awallan ngunit kailangan suwayin nila ang kanyang utos.  Yaong unat ng kanilang mga busog ay sabay–sabay na lumayog sa kalawakan ang mga tunod papunta sa kanilang komunidad hanggang sa nagtuluy–tuloy ang paghahaginit ng mga talim ng kamatayan kahit walang kaseguruhan kung naging epektibo ito.  Subalit natigil ang panununog ng mga soldados sa mga kubol nang marami ang bumulagta dahil sa tama ng mga tunod kaya nagtatarang ang mga nakaligtas upang maghanap ng pagkukublihan pagkat tiyak na masusundan pa ang mga nadale.  Marami ang dali–daling pumasok sa mga kubol ngunit hindi rin pala ligtas ang magtago roon dahil tumatagos sa loob ang tunod ngunit lalong delikado kung lumabas sila pagkat walang tigil pa rin ang panunudla sa kanila ng mga kalalakihang Malauegs.  May nangahas magpaputok kahit sandali ngunit lalong nagpaulan ng mga tunod ang mga kalalakihang Malauegs sa halip na masindak sila kaya tumindi ang galit ni Alferez pagkat hindi nagawa ng mga soldados ang gumanti sa kanila.  Talagang nalagay sa desbentahang posisyon ang mga soldados dahil hindi nila natunton ang eksaktong pinagkukublihan ng mga kalalakihang Malauegs ngunit tiyak na hindi rin papayag si Alferez kung sa kabundukan ng Sierra Madre ilibing ang kanyang bangkay kahit bulandal siya.

          Nang magpaulan ng mga tunod ang mga kalalakihang Malauegs ay himalang napasok ni Alferez ang sagradong kubol maski matagal nang hindi siya nagsisimba ngunit nakabuti naman pagkat ligtas siya sa loob kaysa mga soldados na nagkanlong sa mga kubol.  Subalit walang napansin sa loob ng sagradong kubol si Alferez maliban sa mahabang mesa kung saan kumakain ang lupon ng mga matatandang Malauegs at mga upuan na may sariling luhuran sa tuwing nagdarasal sila ngunit walang larawan ng mga santo’t santa.  Tuloy, nagkaroon pa siya ng pagkakataon upang tuntunin ang eksaktong pinagmumulan ng mga tunod upang maagapan niya nang hindi magdulot ng malubhang pinsala sa panig nila lalo’t nalagasan na sila sanhi ng problemang ito.  Kahit hindi niya nakikita ang mga kalalakihang Malauegs mula sa sagradong kubol ay walang duda na mahuhulaan pa rin niya ang kanilang pinagtataguan kapag nasundan niya ang direksiyon ng mga tunod pagkat magiging madali na lamang tantiyahin ang pinanggagalingan ng mga ito.  Nang mabahala siya matapos maisaloob na maaaring nasalikupan na sila ng mga kalalakihang Malauegs pagkat mga tunod na nanggagaling sa lahat ng direksiyon ang natatanaw na lamang niya kahit saan pumaling ang kanyang paningin.  Mali pala ang naging palagay niya na tumakas na sila pagkat walang humpay pa rin ang pagpapaulan nila ng mga tunod kaya naligalig siya dahil lalong malalagay sa panganib ang kanilang buhay kung magpatuloy ang ganitong sitwasyon.  Kailangan makaisip siya ng paraan bago pa tatanghaling bangkay silang lahat pagkat magiging mahirap na para sa kanila ang pumiyapis kung tumagal hanggang gabi ang panunudla ng mga kalalakihang Malauegs dahil hindi nila kabisado ang paligid.  Pero wala yatang balak umatras ni Alferez dahil hindi ito ang naisip niyang solusyon ngayong nakubkob na nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs pagkat ito ang katuparan ng kanilang misyon na seguradong ikalulugod ni Alcalde.  Bagaman, hindi rin naman niya hahayaan na isa–isang tudlain ng mga kalalakihang Malauegs ang mga soldados hanggang siya na lamang ang natitirang buhay ay lalong ayaw niyang biguin si Alcalde maski nalalagay na sa panganib ang kanilang buhay.  Naturalmente!  Dapat mananaig ang lakas ng mga soldados upang hindi na tatangkain ng mga katutubong Malauegs ang bumalik pa sa kanilang komunidad pagkat wala nang rason upang manatili pa sila roon dahil titulado na ang kanilang mga lupain.  Sa bisa ng mga huwad na titulo ay pagmamay–aari na ng estado ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs kaya wala nang saysay kung ipagpatuloy pa rin nila ang lumaban sa puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil hahantong lamang sa kanilang kamatayan ang pagtatangka.

          “Fuego!  Fuego!”  Pagkatapos ang sandaling pagdili–dili ni Alferez ay buong tapang na lumantad siya habang sumisigaw upang hikayating lumabas ang mga soldados mula sa kanilang pinagtataguan pagkat lalong mapapahamak ang buhay nila kung magpatuloy ang panunudla ng mga kalalakihang Malauegs.  Sinabayan pa niya ng walang habas na pamamaril kahit hindi niya nakikita ang mga kalalakihang Malauegs upang paalpasin ang kanyang galit habang dahan–dahang tinutungo ang kinaroroonan ng kanyang kabayo upang ihanda sa pagtakas ang sarili.  Palibhasa, hayop na hindi marunong mag–isip ng kasamaan para sa tao ay suwerteng hindi tinamaan ng tunod nang tumakbo ito upang magkanlong sa puno habang sinisilaban ng mga soldados ang mga kubol dahil sa takot nito sa apoy.  Walang pag–aalinlangan na lumabas na rin mula sa mga kubol ang mga soldados para sabayan sa pagpapaputok si Alferez upang sindakin ang mga kalalakihang Malauegs imbes na magpagapi sila sa takot samantalang armado ng fusil ang bawat isa sa kanila na mas epektibo kaysa mga tunod.  Kunsabagay, nakabuti ang naisip na paraan ni Alferez dahil kanina pa nagpupuyos sa galit ang mga damdamin ng mga soldados pagkat hindi nila magawa ang gumanti nang panghinaan sila ng loob habang walang tigil sa pagtutudla ang mga kalalakihang Malauegs.  Walang habas din ang ginagawang pamamaril nila upang sindakin ang mga kalalakihang Malauegs lalo’t ngayon pa lamang nila maririnig ang rapido ng putukan ay seguradong nangangalisag sila sa takot dahil animo sinusuyod ng mga bala ang buong kapaligiran.  Salimbayan sa himpapawid ang mga nagbabagang tingga habang sinasalubong ang talim ng mga tunod upang ipamalas sa mga kalalakihang Malauegs ang lakas ng mga fusil hanggang sa ikinatuwa ng mga soldados ang kanilang napansin pagkat naging epektibo ang plano ni Alferez.  Seguro, may katotohanan ang naging katuwiran si Alferez na sapat na ang mga putok ng mga fusil upang masindak ang mga katutubong Malauegs pagkat natigil ang panunudla ng mga kalalakihang Malauegs ngunit hindi niya mapiho kung tumakas na rin sila.   Basta naging tagimtim ng kanyang puso ang tinamong tagumpay kahit may nagbuwis ng buhay sa kanilang panig pagkat bumagsak na sa kanilang mga kamay ang komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil sa kanilang pagsisikap.  Naisip na  rin niya ang magtalaga ng isang pangkat na pamumunuan ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz upang manatili muna sila sa komunidad kahit dalawang linggo para hindi na mababawi pa ito sakaling tangkain pa rin ng mga katutubong Malauegs ang bumalik mamayang gabi.  Sapagkat sunugin mang lahat ang mga kubol kung walang mga soldados ang nagbabantay ay tiyak na pangangahansan pa rin ng mga katutubong Malauegs ang bumalik sa kanilang komunidad dahil sa mga lupain na hindi basta maiiwanan sa kanilang pagtakas.  Hindi magiging problema ng pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang pagkain pagkat isang linggo ang dalang racion seca ng bawat soldado kaya mahihintay pa nila ang refuerzo na papalit naman sa kanila basta huwag lamang iwan ang komunidad ng mga katutubong Malauegs.  ¡Sargento! ¡Sigan sirviendo a las cabañas! ¡Para que esos nativos no tengan nada a que volver! ¡Apresurate!” Muling ipinagpatuloy ng mga soldados ang pagsisilab sa mga kubol ngayong nabigyan sila ng dahilan upang gawin ito matapos mamatayan ang tropa nila pagkat kailangan maipaghihiganti ang kanilang pagkamatay kahit sa anong paraan.  Ngunit hindi nila maramdaman ang pagluluksa habang tigmak pa ng poot ang kanilang mga puso pagkat hindi nagtatapos dito ang laban hanggang hindi pa nalilipol silang lahat upang wala nang katutubong Malauegs ang mamuhay pa sa kabundukan ng Sierra Madre.  Talagang matindi ang ginawang paniningil ng pamahalaang Kastila ng Alcala nang balewalain ng mga katutubong Malauegs ang kanilang pagkakautang sa buwis at amilyaramyento pagkat gumamit pa ng puwersa upang iparamdam sa kanila ang bagsik ng batas kahit ikasasawi pa nilang lahat ito.  Patunay na hindi madaling kalabanin ang pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat may sariling hukbo ito na handang tugisin ang sinumang lumalabag sa batas dahil wala nang malayong pook para sa mga soldados ngayong narating na nila ang kabundukan ng Sierra Madre.  Hindi puwedeng ipagyayabang ng mga katutubong Malauegs ang kanilang mga busog at tunod habang tangan ng mga soldados ang makabagong sandata dahil sa mga putok pa lamang nito ay nasisindak na sila lalo’t bumubuga pa ito ng apoy.  Seguro, napaglilimi rin ng mga kalalakihang Malauegs ang dahilan kung bakit nag–alinlangan sa pagpapalabas ng desisyon ang lupon ng mga matatandang Malauegs nang malaman nila ngayon ang katotohanan na hindi nila naisip noon pagkat kapabayaan sa tungkulin ang nakikita lamang nila sa kanila.  Pero walang garantiya upang ipagpalagay na hindi na sasalakayin ng puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang komunidad ng mga katutubong Malauegs kahit tumalima pa sila sa batas pagkat naihanda na ang mga huwad na titulo bago pa isinagawa ang misyon ng mga soldados.  Habang ipinagpatuloy ng mga soldados ang pagsisilab sa mga kubol ay nagmamatyag naman sa paligid si Alferez upang tiyaking hindi na mauulit ang panunudla ng mga kalalakihang Malauegs dahil ayaw niyang mag–uwi ng maraming kabiguan.  Tinitiyak naman ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na magiging tugnaw na ang lahat nang mga kubol kapag nilisan nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs pagkat hindi pa nababanggit sa kanya ang plano ni Alferez habang binabalayag pa lamang nito ang paligid.  Sumasabay sa tuluy–tuloy na pagpaimbulog ng maitim na usok sa kalawakan ang mga dupong kaya lalong nangulimlim ang panahon na kanina pa gustong lumuha kung hindi lamang pumipigil ang malakas na hangin.  Maya–maya, inihanda na ni Alferez ang kanyang kabayo ngunit hindi tiyak kung totohanin ang kanyang plano dahil abala pa sa pagmamando sa mga soldados si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz upang tiyakin na walang kubol ang maiwang nakatayo kahit ang sagradong kubol.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *