Habang nagaganap ang engkuwentro ng dalawang lahi ay naagawan naman ng fusil si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngunit lumubha pa ang kanyang tinamong kamalasan pagkat ito rin ang inihataw sa kanya hanggang sa nawalan siya ng malay. Nang magising si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ay gumapang siya upang maghanap ng matataguan hanggang sa humantong siya sa hapag ngunit dumami pa ang mga sumunod sa kanya kahit hindi naman talagang kaligtasan ang magtago sila roon. Pagkatapos, isa–isang inasinta nila ang mga kalalakihang Malauegs ngunit naging maingat sila matapos mapansin na sa bawat kalabit ng gatilyo ay hindi rin tiyak ang tinatamaan pagkat nag–iiba sa isang iglap ang kanilang posisyon dahil sa liksi ng kanilang mga galaw. Mangyari, kahambula ng mga kalalakihang Malauegs ang mga soldados kaya tantiyado ang kanilang pag–aasinta para hindi sila magkamali nang binabaril pagkat dumadalas ang pagkakataon na iba ang tinatamaan kahit sinisikap nila ang maging maingat. Walang duda na maragdagan lamang ang herido sa kanilang puwersa kung mga soldados din ang tinatamaan sa bawat pagkakamali ng kanilang puntirya lalo’t dumarami na ang agaw–buhay matapos silang tamaan ng palathaw.
Nang mapansin ng mga kalalakihang Malauegs na may bumabaril sa kanila ay agad tinunton nila ang pinanggagalingan ng mga putok habang magagawa pa nilang pigilin gamit ang mga tunod upang hindi masisira ang kanilang diskarte lalo’t kontrolado na nila ang laban. Maski madalang lamang ang ginagawang pamamaril ng mga nagkakanlong sa hapag ngunit delikado pa rin dahil posibleng maaapektuhan ang tiyempo ng laban pagkat mahahati ang atensiyon ng mga kalalakihang Malauegs kung hayaang magpatuloy ito. Dahil hindi puwedeng lumapit sa hapag ang mga kalalakihang Malauegs ay ginamit nilang kalasag ang mga naghihingalong soldados dahil tiyak na magdadalawang–isip muna ang mga nagkukubli sa hapag upang rapiduhin sila ng mga putok kung ito ang tumambad sa kanila. Sapagkat tatamaan ng mga tunod ang mga ulo ng mga soldados kung tangkain naman nila ang tumayo ay hindi na nangubli ang mga kalalakihang Malauegs kahit sila naman ang hantad sa kamatayan habang sinasabayan ng yuko ang kanilang pagtakbo. Pero natutulingag din ang mga tinatamaan ng bala sa panig ng mga kalalakihang Malauegs ngunit hindi ito naging dahilan upang madismaya sila kahit marami rin ang nagtamo ng sugat dahil hindi sumagi sa isip nila ang sumuko sa sariling teritoryo. Ngayon pa ba magpapagapi sa takot ang mga kalalakihang Malauegs kung kailan ramdam na nila ang tagumpay sa kanilang plano dahil hindi pala dapat pagdudahan ang palathaw maski bihira lamang kung gamitin nila ito. Tuloy, lalong naging agresibo sila upang supilin ang masamang layunin ng mga soldados nang muling mapasok nila ang komunidad na muntik nang mawala kung hindi sila nagpamalas ng kagitingan para mabawi ito. Sana, tuluyang nang mababawi ang kanilang komunidad sa pahintulot ni Bathala para mananatili sa kabundukan ng Sierra Madre ang tibung Malauegs pagkat seguradong tataglayin nila hanggang sa kamatayan ang kabiguan kung maging palaboy sila sa sariling bayan. Nang maramdaman ni Alferez na hindi na nila kontrolado ang sitwasyon ay saka pa lamang naisip niya ang kanilang kaligtasan pagkat hindi na matiyak ang kalagayan ng mga soldados dahil lalong dumarami ang mga gumugulapay. Walang duda na lalong malalagay sa panganib ang kanilang buhay kung tumagal pa hanggang mamaya ang pakipaglaban nila sa mga kalalakihang Malauegs dahil mahihirapan na silang lumabas sa komunidad kapag lumatag na ang dilim. Hindi naman puwedeng iwan ang mga soldados kahit magagawa niya ang tumakas sakay ng kabayo dahil tiyak na lilitisin siya ng el tribunal militar pagkat malinaw na pagtalikod sa responsibilidad ang pag–abandona sa kanyang tropa habang nagaganap ang engkuwentro.
“¡Apartate!” Kaya walang pagdadalawang–isip na isinigaw ni Alferez ang kanyang ultimong desisyon matapos mapagtanto na hindi basta malulupig ng mga soldados ang mga kalalakihang Malauegs nang magawa nila ang dumasig sa kanila kahit armado lamang sila ng palathaw. Lalo’t gumagamit na rin ng mga tunod ang mga kalalakihang Malauegs nang umigting ang labanan dahil nais nilang tiyakin na hindi na magagawa pa ng mga soldados ang gumanti ngayong marami sa kanila ang naagawan ng mga fusil kabilang si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz. Naseseguro ni Alferez na lalong maragdagan ang mga herido sa panig nila kung magpatuloy ang sagupaan hanggang mamaya pagkat nagawa na ng mga kalalakihang Malauegs ang sumugabang dahil sa kagustuhang mabawi ang kanilang komunidad. Hindi mahanap sa sulok ng kanyang malak ang tamang katuwiran upang ipaglaban nila ang komunidad nang mapagtanto niya na pansamantala lamang pala ang pagkakubkob nila rito upang isiping nagtagumpay ang kanilang misyon. Sapagkat mali ang magbuwis sila ng buhay kahit kabiguan ng misyon ang kahulugan nito kung wala naman palang kaseguruhan ang tagumpay dahil tiyak na walang may gusto upang maiiwan sa larangan ng giyera ang kanyang bangkay. Lalo’t magiging problema pa ang paghingi ng refuerzo para sagipin sila mula sa guarida ng kamatayan dahil malayo ang bayan ng Alcala kaya walang duda na malilipol lamang silang lahat pagkat desidido nang bawiin ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang komunidad. Lalong ayaw ni Alferez ang mamamatay siya sa kabundukan ng Sierra Madre dahil seguradong hindi mag–aaksaya ng panahon si Alcalde upang dalawin ang kanyang puntod pagkat magiging sampal lamang para sa pamahalaang Kastila ng Alcala na umaasang babalik sila dala ang tagumpay. Sa halip na itaas ang kanyang dalawang kamay upang isuko ang laban ay tatarulin na lamang niya sa isip ang natitirang paraan kahit mag–isa na lamang siyang babalik nang buhay sa bayan ng Alcala kung talagang mailap na sa kanila ang pag–asa. Nagpalingus–lingos siya upang hanapin ang kanyang kabayo dahil nawaglit na rin ito sa isip niya sanhi ng nakatutulig na hiyawan ng mga kalalakihang Malauegs ngunit tiyak na hindi ito ang naunang sumibad patungo sa bayan ng Alcala pagkat hindi kabisado nito ang kabundukan ng Sierra Madre. Tuloy, naging problema niya kung paano mararating ang gulod pagkat doon pala pumunta ang kabayo kaya napaisip siya dahil tiyak na pahahabulan naman siya ng mga tunod kung mapansin ng mga kalalakihang Malauegs ang kanyang pagtakbo. Hanggang sa ginapang na niya ang mga dupong maski umuusok pa mula sa napugnaw na mga kubol upang marating ang gulod dahil magiging madali na lamang para sa kanya ang tumakas habang sakay ng kabayo. Kung tumagos sa kanyang uniporme ang agipo ay maaaring hindi na lamang niya iniinda ito dahil tuluy–tuloy rin ang ulan ngunit maya’t maya ang hinto niya upang tiyakin na hindi siya napansin ng mga kalalakihang Malauegs hanggang sa narating niya ang gulod. “¡Apartate! ¡Apartate! ¡Apartate!” Hindi na nag–aksaya ng sandali upang malasin muna ni Alferez ang sarili na kulapol ng dumi nang magkaroon siya ng pagkakataon para takasan ang mga kalalakihang Malauegs na tumingin pa sa kanya nang marinig nila ang sigaw niya mula sa gulod. Dahil naging importante para sa kanya ang sumakay agad sa kabayo upang sumibad palabas ng komunidad habang may pagkakataon maski marungis ang kanyang mukha’t mga braso pagkat kaabalahan laman kung linisin pa ang kanyang sarili. Tiyak nawaglit na rin sa isip niya ang negatibong epekto ng kanyang utos dahil lalong nalagay sa kapahamakan ang mga soldados pagkat gumamit na ng mga tunod ang mga kalalakihang Malauegs nang matanaw nila ang kanyang pagtakas. Gayunpaman, nagpanakbuhan pa rin papunta sa bukana ng komunidad ang mga soldados upang sundan ang kanyang pagtakas maski hindi na maaninagan sa gitna ng nagsusungit na panahon ang kaligtasan habang hinahabol sila ng mga tunod. Yamang hindi na rin mapapakinabangan sa susunod na laban ang mga bangkay ay alaala ng kanilang kagitingan ang tanging taglay na lamang sa pagtakas ng mga buhay maski masakit sa kalooban ang maiwan sila sa larangan ng digmaan. Natigagal ang mga soldados nang marating nila ang bukana ng komunidad dahil biglang humaginit ang mga tunod mula sa grupo ni Balubad na kanina pa inaabangan ang kanilang paglabas kaya napigilan ang kanilang pagtakas. Pansamantalang umatras sila maski mabalam nang kaunti ang kanilang pagtakas pagkat hinanap muna nila ang eksaktong pinagkukublihan ng grupo ni Balubad saka gumanti sila ng rapido kahit mabibilang na lamang sa kanila ang may tangan ng fusil. Habang binabaril nila ang grupo ni Balubad ay may mga gumagapang naman nang matigil ang panunudla sa kanila dahil ito na lamang ang huling balakid sa kanilang pagtakas kung hindi kapusin ng suwerte ang kanilang mga sarili. Dahil malapit nang makarating sa bukana ang paghahabol ng mga kalalakihang Malauegs nang lingid sa kanila na naghihintay naman ng pagkakataon upang makalabas nang ligtas matapos matunton nila ang puwesto ng grupo ni Balubad. Lalong natigatig ang mga soldados nang mapaglilimi na wala nang kabuluhan ang pagsuko dahil tiyak na papatayin din sila kaya naisip nila ang magpaputok nang sabay habang tumatakbo palabas sa bukana upang sindakin ang grupo ni Balubad. Tuloy, natakasan pa rin ng mga soldados ang guarida ng kamatayan dahil hindi nagawang magpaulan ng mga tunod ang grupo ni Balubad kahit tanaw na tanaw nila ang kanilang pagtakas dahil sila naman ang nasindak sa mga putok.
Habang sinisikap naman ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang tumakas kahit hilahod ang kanyang pagtakbo basta huwag lamang maiiwan sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ngayong nalaman niya kung gaano katindi ang kanilang galit sa puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Kanina, muntik na siyang patayin matapos ihambalos sa kanyang tuhod ang sariling fusil nang maagaw nila ito ngunit tumatak sa isip niya ang kanilang hitsura na tigib ng poot habang nagliliyab sa galit ang kanilang mga mata. Baka hindi na siya nagising kung naulit pa ang paghataw sa kanyang katawan kaya gumapang na lamang siya papunta sa hapag upang magtago dahil hindi na maihakbang ang kanyang mga paa nang manumbalik ang malay niya. Kahit naiwan siya sa pagtakas ay mahigpit pa rin ang kapit niya sa gahiblang pag–asa habang namamalas pa niya ang mga nagaganap sa kanyang paligid dahil nagagawa pa naman niya ang gumapang hanggang sa bukana ng komunidad. Pero nanghilakbot siya nang marating ang bukana ng komunidad pagkat mga tunod mula sa grupo ni Balubad ang sumalubong sa kanya ngunit hindi na niya tinangka ang maghanap pa ng matataguan sanhi ng kanyang kalagayan. Basta pumikit na lamang nang mariin ang kanyang mga mata nang maramdaman niya ang matinding kirot sa kanyang dibdib habang tinutudla siya ng grupo ni Balubad hanggang sa humilagpos ang huling pugto ng kanyang hininga. Kaagad binawian siya ng buhay matapos tumagos sa kanyang puso ang talim ng tunod ngunit sinikap pa rin ng mga soldados ang bumalik habang rinarapido nila ng mga bala ang grupo ni Balubad sa pagbabakasakali na maililigtas pa siya. Ngunit hindi na nila nagawa ang lumapit pa kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat dumating na ang mga kalalakihang Malauegs upang pigilin ang kanilang pagtakas kaya gumapang uli sila palabas sa bukana ng komunidad kahit hindi nila nasambilat ang bangkay ng kanilang Sargento Primero.
ITUTULOY
No responses yet