Dahil naligalig na rin maging ang mga kalalakihang Malauegs nang matanaw nila ang mga soldados pagkat taliwas ito sa kanilang inaasahan kahit minsan nang nasambit nila na sana magpadala ng sugo ang pamahalaang Kastila ng Alcala para malinawan sila tungkol sa buwis at amilyaramyento. Kaya sa kanyang pananahimik kanina ay naisip niya ang bumalangkas ng plano para mabawi ang kanilang komunidad habang may araw pa alang–alang sa kanilang mga pamilya na walang matutulugan mamayang gabi kung hindi sila gumawa ng paraan. Isinantabi muna niya ang tungkol sa mga kubol pagkat madali na lamang bigyan ng solusyon ito kung magtagumpay ang kanyang plano maski masyadong mapangahas dahil priyoridad nila ngayon ang kanilang komunidad. Kailangan lamang handa ang kanilang mga kalooban tulad nang ipinangako nila kay Lakay Awallan pagkat hindi nangangahulugan ng katalunan ang ginagawang pagsisilab ng mga soldados sa kanilang mga kubol habang hindi pa nila isinusuko ang laban. Dahil sa teritoryo nila nagaganap ang engkuwentro ay dapat sila ang magdikta kung anong klaseng laban ang nararapatgamitin upang magiging sorpresa para sa mga soldados kapag isinasagawa na ang kanilangsariling taktika. Ngayon ang pagkakataon upang magamit ang kanilang mga natutunan mula sa dalawang linggong pagsasanay pagkat tungkulin nilang ipagtanggol ang tribung Malauegs sukdang buhay pa nila ang masawi kung ito ang takda ng kapalaran. Basta manalig lamang sa kapangyarihan ni Bathala ang mga kalalakihang Malauegs dahil kailangan magtagumpay ang plano ni Alawihaw alang–alang sa kanilang mga pamilya na umaasang may babalikan pa silang komunidad mamayang gabi. Kailangan magmadali rin sila habang may araw pa pagkat wala nang pangalawang pagkakataon ang puwedeng asahan sa mga susunod na araw kung mabigo sila ngayon dahil okupado na ng mga soldados ang kanilang komunidad. “Sasalikupan natin . . . ang mga soldados! Oo! Mahahati tayo . . . sa apat na grupo! At hindi natin gagamitin . . . ang ating mga armas!” Batid ni Alawihaw na kailangan ang magmadali sila upang mabawi ang kanilang komunidad pagkat kabiguan ang katumbas ng bawat saglit na pagkakabalam ng kanilang plano dahil hindi na pumapabor sa panig nila ang sitwasyon. Aminado siya na lubhang delikado ang plano ngunit nabigyan niya ng katuwiran ito dahil gagahulin na sila ng panahon kung mag–isip pa siya ng ibang paraan kaysa pinapanood na lamang nila sa kalawakan ang makapal na usok. Iminuwestra na lamang niya kung paano isasagawa ang plano upang madaling mauunawaan ito ng mga kapwa kalalakihang Malauegs kahit duda pa rin siya na hindi sila muling gagapiin ng karuwagan pagkat masyadong peligroso ang pagsasakatuparan nito. Tama ang naging hinala niya pagkat tunay na nabaghan ang mga kalalakihang Malauegs nang gumuhit sa kanilang utak ang katanungan kung paano isasagawa ang kanyang plano na hindi sila gagamit ng busog at tunod hanggang sa nagkatinginan sila. Nagkatinginan din sina Lupog at Balayong ngunit hindi nila tinangkang hingin ang paglilinaw ni Alawihaw kaugnay sa kanyang plano dahil ayaw nilang pangungunahan siya habang hindi pa natatapos ang kanyang paliwanag. Sa halip, hinayaan na lamang nila na ipagpatuloy ni Alawihaw ang pagpapaliwanag tungkol sa kanyang naisip na plano upang maintindihan nilang lahat pagkat maikli na ang nalalabing panahon para abalahin pa siya ng maraming katanungan. Naniniwala si Lupog na pinag–isipang mabuti ni Alawihaw ang plano bago niya inihayag sa kanila dahil batid din naman niya na seguradong mananangan sila ng kaunting pag–asa habang isinasakatuparan ito pagkat mga fusil ang tangan ng mga soldados. Bagaman, nagtatanong din ang kanyang sarili ngunit alam niya na hindi basta papayag si Alawihaw upang mangyayari ang kanilang pinangangambahan maski masusuong sila sa panganib maliban na lamang kung sadyang hindi na maiiwasan ito. Pagkatapos, sumulyap siya kay Balayong hanggang sa napatingin na rin siya sa mga kapwa kalalakihang Malauegs upang pakiramdaman ang kanilang mga reaksiyon habang nagpapaliwanag ni Alawihaw dahil inaasahan niya na may magtatanong mula sa kanila. Tumango siya matapos marinig na pamumunuan niya ang ikatlong grupo kahit delikado ang itinakdang puwesto para sa kanila ngunit hindi siya nagpamalas ng pagkabahala upang hindi masira ang tiwala sa kanya ni Alawihaw. “Bakaw! Dalhin mo sa likuran ng mga kubol . . . ang grupo mo! Doon kayo pumuwesto! Balubad . . . tumuloy kayo sa bukana! Abangan ninyo . . . ang paglabas ng mga soldados! Doon lamang sila . . . puwedeng umatras! Lupog . . . pumuwesto kayo malapit sa kusina! Mag–ingat lang kayo . . . para hindi mapapansin ng mga soldados! Ang. . . inyong pagdating doon!” Marahil, tanggap ng mga itinalagang lider sa bawat grupo ang magiging puwesto nila dahil tahimik lamang sila sa halip na magtanong kahit palaisipan pa rin para sa kanila kung bakit ayaw ipagamit ni Alawihaw ang mga busog at tunod. Kunsabagay, walang puwesto ang masasabing ligtas dahil iilang kubol ang hindi na lamang nilamon ng apoy kaya tampak sila sa paningin ng mga soldados kahit makulimlim ang panahon kung hindi sila mag–iingat. Yamang tumatango lamang sina Bakaw, Balubad at Lupog imbes na magparinig ng katanungan ay naisaloob ni Alawihaw na tanggap nila ang kanyang plano dahil madali namang unawain ang kahulugan ng kanilang pananahimik. Sapagkat hindi dapat sayangin ang bawat saglit sa sitwasyong nangangailangan ng madaliang solusyon lalo’t hindi mawari kung hanggang saan na ang nararating ng araw pagkat nanatiling makulimlim ang panahon mula pa kaninang madaling–araw. Hanggang sa dumako ang mga mata ni Alawihaw sa mga kapwa kalalakihang Malauegs habang nagtatanong ang kanyang paningin upang tiyakin ang kanilang kahandaan pagkat hindi dapat umasa sila ng tagumpay dahil hindi pa tapos ang laban. Ipauubaya na lamang nila sa tadhana ang magiging hantungan ng kanilang mga kapalaran kung marapatin ni Bathala ang mga dasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs dahil walang gustong magluluksa habambuhay pagkat lason sa puso ang kabiguan. Bagaman, nagpahayag silang lahat ng kahandaan upang mabawi ang kanilang komunidad mula sa mga kamay ng mga soldados ay hindi pa rin matalos ng isip nila kung paano isasakatuparan ang plano ni Alawihaw. Talagang hindi nila maintindihan si Alawihaw samantalang ngayon higit na kailanganin nila ang mga busog at tunod lalo’t mga fusil ang kanilang kalaban dahil nakasalay rito ang kanilang kaligtasan sa tuwing nahaharap sila sa panganib. Mali naman yata upang hayaan na lamang nilang bistayin ng mga bala ang kanilang mga katawan kung puwede namang lumaban sila gamit ang mga busog at tunod para maipagtatanggol mula sa tiyak na kamatayan ang kanilang mga sarili. Aywan kung hindi sumagi sa isip ni Alawihaw na posibleng ikapapahamak ng grupo ni Lupog ang pumuwesto sila sa kusina dahil malapit lamang doon ang hapag kung saan nagkukumpulan ang mga soldados kaya mapapansin agad nila ang kanilang pagdating. Hindi rin ligtas ang grupo ni Bakaw pagkat matatanaw sila ng mga soldados pagkat halos tupok nang lahat ang mga kubol maliban sa sagradong kubol dahil doon namamahinga ang maraming soldados habang hinihintay ang hudyat ng replegarse. Nalalagay rin sa panganib maging ang grupo ni Balubad pagkat hindi nila batid kung may nag–aabang na mga soldados sa bukana upang bigyan ng proteksiyon ang tropa na pumasok sa komunidad lalo’t kasama sina Alferez at Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz. Hanggang sa tinangka na ni Lupog ang magtanong ngunit hindi ito natuloy dahil ipinapaliwanag na ni Alawihaw ang dahilan kung bakit ayaw niyang gamitin nila ang mga busog at tunod ngunit lalo lamang silang nagimbal. Tumingala siya upang isuko kay Bathala ang sarili na hilam ng pangamba habang ibinubulong ng kanyang isip ang taimtim na dasal maski hindi mabigkas–bigkas ng kanyang mga bibig ngunit umaasa na maririnig sana ito. “Papasukin ng aking grupo . . . ang ating komunidad! Manggagaling sa akin ang hudyat . . . para sabay–sabay! Ang pagsalakay natin . . . sa mga soldados! Ihanda ang inyong . . . mga palathaw! Sapagkat . . . gagamitin natin ang mga ‘yan! Oo . . . palathaw ang gamitin natin! Hindi mga tunod . . . sa sandaling nakalapit na tayo sa kanila!” Kinilabutan ang mga kalalakihang Malauegs nang malaman na gagamit lamang sila ng palathaw imbes ang kanilang mga busog at tunod pagkat hindi lubos madalumat ng kanilang isip kung paano ipagtatanggol ang kanilang mga sarili laban sa pumuputok na mga fusil. Kahit mataas ang respeto nila kay Alawihaw bilang pinuno ng mga mandirigmang Malauegs ngunit hindi pa rin nila naiwasan ang pagdudahan ang kanyang plano dahil mistulang pagpapatiwakal ang naiisip niya kung palathaw lamang ang magiging sandata nila. Tuloy, napaisip nang malalim ang mga kalalakihang Malauegs nang magtanong ang kanilang mga sarili kung angkop ba sa ganitong sitwasyon ang paggamit ng palathaw samantalang napatunayan na kanina kung gaano kalakas ang mga fusil ng mga soldados. Kung hirap silang itaboy ang mga soldados gamit ang mga busog at tunod ay lalong hindi nila mababawi ang komunidad kung palathaw ang armas lamang nila dahil hindi ito ang madalas ginagamit nila kahit sa pangangaso. Gayunpaman, maski napatunayan nila na talagang hindi mabisa ang mga tunod laban sa mga fusil ay mainam pa rin kung ito ang kanilang gamit pagkat ligtas sila kahit paisa–isa ang tudla dahil nagagawa nila ang magtago habang pinapaulanan ng mga bala. Walang duda na ikamamatay lamang nilang lahat ang paggamit ng palathaw pagkat hindi bakal ang kanilang mga katawan upang hindi sila tatablan kapag sumalubong agad sa kanilang paglantad ang rapido ng mga bala. Kunsabagay, sakbat pa rin nila ang mga talanga’t busog sakaling hindi umubra ang kanilang palathaw ngunit talasan lamang ang kanilang isip para magiging mabilis ang kanilang galaw dahil posibleng ramdam pa nila ang kalasingan. Maski bihirang gamitin ang palathaw ngunit malaki rin ang naitutulong nito sa kanilang pangangaso dahil ito ang panghataw nila kung hindi napuruhan sa isang tunod ang hayop upang hindi na magagawa pa nito ang tumakbo. Ngunit ang magiging sandata ito sa isang laban na ngayon pa lamang nila mararanasan ay talagang hindi madaling tanggapin dahil hindi karaniwang kalaban ang mga soldados pagkat sumailalim sila ng entrenamiento militar bago itinalaga sa bayan ng Alcala. Pero tungkulin ng mga kalalakihang Malauegs ang ipagtanggol ang kanilang mga pamilya, ang kanilang tribu at higit sa lahat ang kanilang komunidad laban sa sinuman na magtatangkang sumakop sa kanila kaya hindi isyu kung anong armas ang dapat gamitin nila. Basta huwag lamang magiging alipin sila sa isang kultura na salungat sa kanilang nakagisnan dahil may sariling puwang sila sa mundo maski sa liblib na kabundukan ng Sierra Madre ang inilaang pook para sa kanila ni Bathala. “Oo . . . lalaban tayo nang harap–harapan! Lalapitan natin sila . . . para hindi nila magagamit! Ang . . . kanilang mga fusil! Naintindihan ba ninyo ako?!” Lalong nagulantang ang mga kalalakihang Malauegs pagkat wala sa hinagap nila na hahantong sa ganitong istilo ang kanilang pakipaglaban sa mga soldados para mabawi lamang ang kanilang komunidad hanggang sa nagkatinginan sila.
ITUTULOY
No responses yet