Tumiim ang kanilang mga bagang sabay sa pagkuyom ng kanilang mga palad sanhi ng nagpupuyos na galit hanggang sa may nagtangkang ihanda ang kanyang busog nang saglit mawaglit sa isip niya ang bilin ni Alawihaw. Napasuntok siya sa lupa upang pahulagpusin ang kanyang nagliliyab na damdamin sabay kagat nang mariin sa mga labi para hindi siya mapapahiyaw pagkat mahalagang maisakatuparan ang plano upang mabawi ang kanilang komunidad dahil inaasahan ito ng kanilang mga pamilya. Matiyagang hinintay ng grupo ni Lupog ang hudyat mula kay Alawihaw ngunit maaaring naniniyak pa lamang ang sarili nito kung dumating na sila sa itinakdang puwesto kaya hindi pa lumayog sa kalawakan ang tunod. Kunsabagay, nasalikupan na ng mga grupo nina Bakaw at Lupog ang mga soldados ngunit kailangan pa rin magmadali sa pagbibigay ng hudyat si Alawihaw dahil pansamantalang humulaw ang paligid nang tumighaw ang hangin at ulan. Kahit nagpapatuloy ang kagugkog ng kulog habang hinahaplit ng kidlat ang kalawakan ay puwede nang iutos ni Alferez sa mga soldados ang paglisan sa komunidad ng mga katutubong Malauegs upang samantalahin ang paghupa ng ulan dahil ito lamang ang hinihintay nila. Baka isantabi na rin niya ang balak na mag–iiwan ng isang pangkat ng mga soldados sa pamumuno ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat hindi puwedeng balewalain ang posibilidad na sasalakayin sila ng mga kalalakihang Malauegs mamayang gabi lalo’t masama ang panahon. Bagaman, nakubkob na nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs ngunit mapipilitan pa rin silang iwan ito pagkat hindi ligtas kung matulog sila roon dahil hindi nila napaghandaan ang problemang taglay ng masamang panahon.
Nagsilbing mga bakay ang grupo ni Balubad upang tambangan ang mga magtatangkang tumakas kapag isinisigaw na ni Alawihaw ang hudyat pagkat naging madali lamang para sa kanila ang pumuwesto sa bukana nang malaman na walang nagbabantay roon kahit isang soldados. Palibhasa, malayo ang bukana mula sa sentro ng komunidad ay hindi nila alam na pumasok sa sagradong kubol ang mga soldados ngunit hindi sila naging kumpiyansa pagkat naririnig pa rin nila ang usapan mula roon kahit wala silang natatanaw. Maya–maya, naalerto sila nang maisip na posibleng naghahanda na upang umalis ang tropa nang matanaw nila si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz hanggang sa may mga sumunod pa sa kanya gayong hindi pa nila naririnig ang hudyat mula kay Alawihaw. Natanaw rin nila si Alferez ngunit hindi nila tiyak kung saan papunta ang mga hakbang nito habang kausap ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang mga soldados na maaaring nagbibigay ng instruksiyon kahit hindi nila naiintindihan ang kanyang mga sinasabi. Pero may sariling plano na ang grupo ni Balubad kung magkatotoo ang hinala nila kahit wala pa ang hudyat mula kay Alawihaw dahil kailangan mapigilan nila ang mga soldados upang pagbabayarin sa kanilang katampalasan. Dahil seguradong dadaluhong na rin ang mga grupo nina Bakaw at Lupog kung marinig nila ang mga putok mula sa mga fusil upang hindi na magagawang umatras pa ng mga soldados dahil sila naman ang makalaban nila. Hanggang sa naging desisyon nila ang huwag nang hintayin pa ang hudyat mula kay Alawihaw nang muling matanaw nila si Alferez habang inaakay ang kabayo nito pagkat senyales ito na naghahanda na ang mga soldados upang lumisan. Naging taimtim na pangako ng kanilang mga sarili ang huwag hayaang may makatakas kahit isa man lamang sa mga soldados hanggang hindi napagbabayaran ang ginawang panununog nila sa kanilang komunidad. Pangako na ngayon isakatuparan dahil seguradong dumarating na ang grupo ni Alawihaw nang maaninawan nila ang naglalakad mula sa makapal na ulop kaya handa na rin ang kanilang mga palathaw bukod pa ang mga busog at mga tunod. Dahil naging madali lamang para sa grupo ni Balubad ang pumuwesto sa bukana ay posibleng naudyukan ng maling paniniwala si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz nang walang nagtangkang humarang sa kanila gayong delikado ang teritoryo na pinasok nila. Kaya nawaglit na sa isip niya ang magtalaga ng bantay sa bukana para sa kanilang seguridad dahil ganito rin ang nangyari noong unang natuklasan nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs ay walang sumalubong sa kanilang pagdating. At maaaring nawaglit naman sa isip ni Alferez ang seguridad sanhi ng kanyang matinding pananabik upang mapasok agad ang komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil talagang mahirap din paniwalaan na may mga naninirahan pala sa kabundukan ng Sierra Madre.
Maya–maya, sumenyas na rin nang paabante si Alawihaw para sa kanyang grupo nang sa tantiya niya ay narating na ng grupo ni Lupog ang kanilang puwesto dahil kinaiinipan na nilang lahat ang paghihintay sa kanyang hudyat. Kunsabagay, maaaring hindi na kailangan isakatuparan pa ng mga kalalakihang Malauegs ang plano pagkat naghahanda na ang tropa ni Alferez upang lisanin ang kanilang komunidad para samantalahin ang paghupa ng ulan habang hindi pa dumatal ang gabi. Subalit muling binayo ng malakas na hangin ang kabundukan ng Sierra Madre matapos gumuhit ang matalas na kidlat hanggang sa bumuhos na rin ang ulan dahil pansamantala lamang pala ang paglubag ng panahon ngunit tuloy pa rin ang paglalakad ng grupo ni Alawihaw. Kahit hindi mawari ang eksaktong posisyon ng araw ay segurado pa rin si Alawihaw na hindi pa ito humimlay dahil iba ang malaitang dilim kaysa gabi ngunit kailangan maisagawa na ang plano upang hindi sila gahulin ng oras. Dalangin ng puso niya ang tagumpay sa kanilang plano pagkat lubhang kailangan ng mga pamilya nila ang matutulugan mamayang gabi dahil masikip para sa kanilang lahat ang yungib kung magdamag ang pag–uulan. Ayaw niyang panaligan ang sariling palagay na lilisanin din ng mga soldados ang kanilang komunidad pagkat hindi ito ang nararamdaman niya nang muling humataw ang malakas na hangin habang sumasabay ang buhos ng ulan. Mas kapani–paniwala pa ang isipin na matutulog na lamang sa komunidad ang mga soldados kung magpatuloy ang ganitong panahon dahil hindi rin naman nila magagawa ang tumawid sa mga ilog dahil tiyak umaapaw na ang baha. Bagaman, pinagdudahan din niya ang sariling plano dahil palathaw lamang ang sandata nila ngunit mainam na ito kaysa wala silang ginawang hakbang pagkat malaking tulong sa kanila ang masamang panahon at mga dasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs. Napalalim yata ang pag–iisip niya dahil narating na pala nila ang bukana nang hindi niya namalayan ngunit huminto muna ang grupo niya upang kumuha ng tiyempo pagkat wala silang natatanaw na mga soldados mula sa kanilang tinigilan. Talagang sa bukana lamang sila manggagaling kahit nag–aabang din doon ang grupo ni Balubad upang mahaharang nila ang sinumang magtatangkang tumakas mamaya habang umaabante sila papunta sa sentro ng komunidad. Pinag–aralang mabuti ng kanyang grupo ang eksaktong posisyon ng mga soldados upang tiyakin na walang nagtatago sa mga kubol hanggang sa napansin nila ang kanilang paisa–isang paglabas maski umuulan mula sa sagradong kubol kung saan sila sumilong. Natanaw rin ni Alawihaw ang hindi niya kilalang si Alferez na handa nang sumakay sa kabayo ngunit hindi niya sinamantala ang pagkakataon kahit umaayon ito sa kanilang plano dahil maaalarma naman ang mga soldados. Diyata, pangangahasan pa rin ng mga soldados ang bumalik sa bayan ng Alcala maski bumabagyo imbes na magpalipas na lamang ng gabi sa komunidad pagkat mababalam din sila pagdating sa mga ilog dahil magiging problema naman nila ang baha. Gustong sorpresahin ni Alawihaw ang mga soldados upang hindi magagamit ang kanilang mga fusil para magagawa naman nila ang lumapit sa kanila habang lumalakas ang ulan kaya inihudyat ng kanyang tunod ang pagsisimula ng plano.
“Pero . . . Apong! Buhay pa po si Alawihaw . . . nang tumakas ang mga soldados! Opo . . . Apong! Basta . . . ! Nakita ko na lang po . . . tumatakbo siya! Hindi ko lang po alam! Kung . . . saan siya pumunta! Hanggang sa narinig po namin . . . ang sigaw ni Balayong!” Subalit hindi nagtapos doon ang paliwanag ni Lupog pagkat nakita pala niya ang pagtalilis ni Alawihaw ngunit hindi niya ito pinansin dahil natuon siya sa paghahabol sa mga soldados upang hadlangan ang kanilang pagtakas. Naging masigasig sa pagtugis sa mga soldados ang mga kalalakihang Malauegs upang papanagutin sila dahil sa ginawang panununog nila sa mga kubol ngunit natakasan man nila ang humahabol na mga tunod ay tiyak na may mga nahagip pa rin sa kanila. Marahil, unti–unti nang nauunawaan ni Lakay Awallan ang totoong dahilan kung bakit mag–isang nagtungo sa gulod si Alawihaw pagkat tumango siya ngunit hindi pa rin inaalis sa bangkay ang kanyang paningin kahit dapat nang linisin ito upang ihanda sa gagawing ritwal. Malinaw sa malak niya na hindi naging priyoridad ng mga kalalakihang Malauegs ang seguridad para sa kanilang mga sarili nang magsimula ang pamuok sa pagitan nila at sa mga soldados dahil natuon sa kanilang komunidad ang layunin nila. Mahigpit ang bilin ni Alawihaw bago naghiwa–hiwalay ang kanilang mga grupo na dapat mabawi ang kanilang komunidad kahit sa anong paraan kung mabigo ang kanilang plano kaya walang umaasa na makikita pa ang sarili nang nakatindig. Nang maging madugo ang labanan ay hindi na sumagi sa isip nila ang tumawag kay Bathala habang nakipagsasampakan sa mga fusil ang kanilang mga palathaw lalo’t nagtagumpay ang kanilang plano nang magapi nila ang mga soldados. Aywan kung paano isasagawa ang pagsusunog sa mga bangkay kung ayaw naman tumigil ang ulan dahil tiyak na hindi didiklap sa mga basang lambo ang apoy habang dumadagisdis ang hangin likha ng nagpupuyos na panahon. Muling tumango si Lakay Awallan pagkat malinaw sa paliwanag na sinikap isakatuparan ng mga kalalakihang Malauegs ang plano ni Alawihaw upang mabawi ang kanilang komunidad na pansamantalang napasakamay ng mga soldados dahil hindi nila naipagtanggol agad ito. Bagaman, hindi ito ang tagumpay na ninais makamtan ng mga kalalakihang Malauegs pagkat naging apurahan ang pagbalangkas ni Alawihaw sa plano ay lalong hindi nila tangan ang sitwasyon nang mapasabak sila sa pamuok kahit walang kaseguruhan sa panig nila ang pag–asa. Sapagkat tungkulin nila ang ipagtanggol ang kanilang komunidad dahil ito ang simbolo ng kanilang kalayaan sa kabundukan ng Sierra Madre ay nararapat lamang mabawi nila mula sa mga soldados kahit magbuwis pa sila ng buhay kung kinailangan. Disin, hindi na lamang nila isinakatuparan pa ang plano kahit mawalan sila ng komunidad kung buhay naman pala ni Alawihaw ang magiging kapalit nito pagkat aanhin pa ang tagumpay kung nagluluksa ang tribung Malauegs dahil sa kanyang pagkasawi. Aywan kung sapat nang kabayaran ang buhay ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz upang masasabi na patas lamang ang naging resulta ng laban sa pagitan ng mga kalalakihang Malauegs at ng mga soldados kahit kahibangan upang isipin na puwede palang gawin na pantubos ang buhay. Basta nag–iwan ng malalim na sugat sa mga puso ng mga kalalakihang Malauegs ang pangyayari pagkat sadyang mahirap limutin ang pagkamatay ni Alawihaw kahit lumipas pa ang maraming taon dahil laging magpapagunita sa kanila ang mga alaala na iniwan niya.
ITUTULOY
No responses yet