Muling nagpaalaala sa kanya ang naging kahilingan noon ni Alawihaw ngunit napabuntung–hininga na lamang siya pagkat hindi na rin mababago pa ang pangyayari maski sisihin pa niya ang lupon ng mga matatandang Malauegs hanggang sa natigil ang paglalakad niya. Nang magtanong ang kanyang sarili kung posible kayang naiwasan nila ang malagim na pangyayari kung naging maagap lamang sa pagpapalabas ng desisyon ang lupon ng mga matatandang Malauegs imbes na binalewala ito hanggang sa tumagal ng walong buwan? Pero bumalik si Assassi upang sunduin si Lakay Awallan nang malaman nito na naiwan pa siya sa gulod dahil tiyak na magiging mahirap para sa kanya ang maglakad nang nag–iisa pagkat pusikit na ang paligid sanhi ng makapal na ulop. Yumuko lamang si Lakay Awallan pagkat wala nang iluluha pa ang kanyang mga mata upang muling tangisan ang pagkasawi ni Alawihaw nang isa–isang nagparating ng pakikiramay ang mga matatandang Malauegs na kanina pa naghihintay sa kanyang pagpasok ng sagradong kubol. Huling lumapit si Lakay Lanubo na sinundo pa ni Balayong nang malaman nito na hindi pa siya bumabalik sa kanilang komunidad ngunit hindi naman siya nag–iisa dahil nagpaiwan na lamang sa yungib ang mga pamilya na wala nang babalikan pang kubol.
Sa yungib nagpalipas ng magdamag ang mga pamilya na nasunugan ng mga kubol, sa sagradong kubol naman ang lupon ng mga matatandang Malauegs habang ipinagdarasal nila ang mga nangasawi ngunit nanatili sa lambak ang mga kalalakihang Malauegs matapos ilatag sa mga dambana ang mga bangkay. Hindi umalis sa lambak ang mga kalalakihang Malauegs maski nagpupuyos ang panahon dahil itutuloy pa rin ang ritwal kapag humupa ang ulan para hindi sikatan ng araw ang mga bangkay ayon sa bilin ni Lakay Awallan. Pagkatapos ihatid ni Assassi sa sagradong kubol si Lakay Awallan ay nagmamadaling bumalik siya sa kubol ng mag–inang Dayandang at Bag–aw upang samahan sila dahil ito ang unang gabi na hindi nila kapiling si Alawihaw lalo’t hindi pa tumigil ang pagsusungit ng panahon. Hindi mawari kung nagdarasal si Lakay Awallan ngunit posibleng natutulog siya pagkat mariin ang pikit ng kanyang mga mata habang yukayok ang ulo dahil sa matinding dagok sa kanyang buhay dulot ng hindi inaasahang pangyayari. Pero itinuloy pa rin ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang pagdarasal pagkat maraming dapat aminin kay Bathala matapos ang malagim na pangyayari dahil sila ang sinisisi ng mga katutubong Malauegs kung bakit linusob ng mga soldados ang kanilang komunidad. Sapagkat maraming pamilya ang biglang naulila nang masawi sa madugong engkuwentro sa pagitan ng mga kalalakihang Malauegs at ng mga soldados ang kanilang mga asawa gayong naiwasan sana ito kung naging makatuwiran lamang sila dahil may paraan naman. Tiyak na hindi magiging madali para sa mga katutubong Malauegs upang limutin ang kanilang nagawang pagkakasala kahit nauuwaan pa sila ni Bathala pagkat maraming buhay ang naglaho dahil naging alisagsag sila sa tungkulin. Tanging magagawa ng lupon ng mga matatandang Malauegs ay ipagdasal ang mga kaluluwa ng mga nangasawi para marapatin ni Bathala ang kanilang pagpasok sa paraiso nang walang sukdulang kapayapaan upang matupad ang pangarap ng bawat katutubong Malauegs. Marahil, naging mahimbing ang tulog ni Lakay Awallan pagkat napansin na lamang niya ang sarili habang naglalakbay sa kawalan upang sundan ang tumatawag sa kanya maski walang namamalas sa karimlan ang kanyang mga mata. Gaano man ang paghahangad niya upang kilalanin ang tumatawag sa kanya ay humantong pa rin sa kabiguan ang kanyang pagsisikap ngunit hindi maaaring ipagwalang–bahala ang kanyang naririnig dahil mistulang naninisi ang tinig nito.
“Puwes! Hanggang kailan po kami . . . maghihintay sa inyong desisyon?! Amang ko?!”
Lumapit si Lakay Lanubo upang ipaalam kay Lakay Awallan na puwede nang isagawa ang ritwal ng pagsusunog sa mga bangkay pagkat humupa na ang panahon nang sumapit ang madaling–araw habang natutulog siya kaya hindi nagkaroon ng karugtong ang panaginip niya. Katunayan, sina Lakay Lanubo, Balayong at Assassi ang nagisnan na lamang niya sa sagradong kubol pagkat nagtungo na sa lambak ang lupon ng mga matatandang Malauegs upang simulan ang pagdarasal sa mga bangkay habang unti–unting bumubuti ang panahon kahit pabugsu–bugso pa rin ang galaw ng hangin. Nang malaman niya na kanina pa hinatid ni Assassi sa lambak ang mag–inang Dayandang at Bag–aw ay dahan–dahang tumayo siya saka tinungo ng kanyang mabagal na hakbang ang pintuan ng sagradong kubol ngunit sandaling natigil ang paglabas niya. Sapagkat nagpahabol ng tanong ang kanyang sarili kung kayanin ba niyang panoorin ang pagsusunog sa bangkay ni Alawihaw hanggang sa napailing siya ngunit kailangan maisagawa ang ritwal bago sumikat ang araw. Humigpit ang hawak ni Lakay Lanubo sa kanyang mga palad upang palakasin ang kanyang loob dahil siya lamang ang puwedeng magsagawa ng ritwal bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs maski masakit ito ngunit kailangan gampanan pa rin niya ang tungkulin. Nakalapag ang sampung bangkay sa kani–kanyang dambana na agarang itinayo kahit nagsusungit ang panahon para ihanda sila sa gagawing ritwal kapag umuntos ang panahon kaya malaki ang pasasalamat ng mga katutubong Malauegs dahil natuloy pa rin ito. Nakatayo sa tapat ng bawat dambana ang mga miyembro ng pamilya upang saksihan ang pagsisilab sa mga bangkay habang sinisikap namang pagmasdan ni Dayandang si Alawihaw kahit hilam sa luha ang kanyang mga mata. Minsan pang humiling ang kanyang puso na sana magagawa pa niyang pigilin ang nakatakdang ritwal upang mahintay pa ni Alawihaw ang paglaki ng kanilang anak kahit yaon na ang magiging huling malas niya sa asawa. Bagaman, tahimik lamang ang sanggol habang pangko ng kanyang inang pagkat wala pa siyang muwang sa mga nangyayari sa kanyang paligid ngunit tiyak nagtataka pa rin siya habang tinatanaw ang nakahiga sa dambana. Itanong man niya kay inang Dayandang kung bakit lumaki siya na walang nagisnang amang ay walang duda na lagi niyang papakinggan ang mga kuwento na minsan sa kanyang kamusmusan ay nagkasama silang mag–amang kahit sa maikling panahon lamang. Mga alaala na magbibigay ng inspirasyon kay Bag–aw upang ipagpatuloy ang laban na iniwan ni Alawihaw pagkat buhay rin ang nararapat na kabayaran pagdating ng panahon na kailangan maniningil na siya ng pautang. Bahala na kung paano isakakatuparan ni Bag–aw ang paghihiganti basta masingil niya ang pautang ng kanyang amang upang patunayan na magagawa rin nila ang pumatay ng mga banyaga sa pamamagitan ng patas na laban gamit ang sariling kakayahan. Marahil, ninais pa rin ni Bathala na matuloy ang ritwal ng pagsusunog sa mga bangkay pagkat sabay–sabay nagpamalas ang mga bituin matapos lisanin ng unos ang kalangitan kahit nagsimula namang magparamdam ang halayhay sa madaling–araw. Maya–maya, aninaw na ng mga katutubong Malauegs si Lakay Awallan habang inaalalayan siya ni Assassi dahil si Lakay Lanubo naman ang sinasabayan ni Balayong pagkat maputik ang bulaos kaya hindi nila magawang bilisan ang paglalakad hanggang sa nabalam ang kanilang pagdating sa lambak. Kaagad pumuwesto si Lakay Awallan sa tapat ng dambana kung saan inilatag ang bangkay ni Alawihaw upang simulan ang ritwal para samantalahin ang humaymay ng panahon at habang hindi pa nababanaagan ang bukang–liwayway dahil hindi dapat malalabag ang kanilang kaugalian.
“Maawaing Bathala! Amin pong hinihiling . . . ang iyong kapatawaran! Para po sa ikatatahimik ng mga kaluluwa . . . ng iyong mga anak! Ngayong . . . sumakabilang–buhay na sila! Nasa harapan mo . . . ang kanilang mga katawang–lupa! Ngunit . . . naging tapat na tagasunod po sila . . . sa iyo! Noong . . . nabubuhay pa sila! Basbasan mo po sila . . . para magiging mapayapa po . . . ang kanilang paglalakbay! Patungo . . . sa yong kaharian.” Tumayo si Lakay Awallan sa puwesto na sadyang inilaan para sa kanya upang mamalas siya nang lahat ngunit pumikit nang mariin ang kanyang mga mata dahil ayaw niyang masilayan ang bangkay ni Alawihaw habang isinasagawa niya ang seremonya. Pumuwesto sa likuran niya ang lupon ng mga matatandang Malauegs upang sabayan ang kanyang pagdarasal kaya tumingala sa langit silang lahat upang damhin ang presensiya ni Bathala habang isinasagawa nila ang ritwal sa pagsusunog ng mga bangkay. Nangangatal ang boses ni Lakay Awallan, nanginginig ang kanyang mga kamay at nagdurugo ang kanyang puso pagkat hindi na niya mapapasubalian ang katotohanan na kabilang sa mga sisilaban mamaya ang bangkay ng kanyang anak. Nang matapos ang kanyang panalangin ay lumapit sa dambana ang mga kalalakihang Malauegs habang tangan ng bawat isa ang sigsig kahit hindi pa niya inihuhudyat ang pagsisilab sa mga bangkay dahil pinalalayo muna ang mga pamilya para hindi sila magdulot ng kaabalahan. Sumunod na rin ang lupon ng mga matatandang Malauegs hanggang si Lakay Awallan na lamang ang naiwan habang ipinagpatuloy nito ang pagdarasal upang pagkalooban nawa ng kapatawaran ang mga sawing–palad para marapatin ni Bathala ang kanilang pagpasok sa paraiso nang walang sukdulang kapayapaan. Aywan kung malinaw pa sa kanyang mga mata na hilam sa luha ang tumingin sa mga bangkay upang minsan pang isipin na hindi kailanman mapaparam ang kanilang iniwang alaala pagkat naging bahagi sila ng tribung Malauegs. Hanggang sa tumingin siya sa silangan para tiyakin na malayo pa ang umaga habang nahihimlay sa kapayapaan ang kabundukan ng Sierra Madre matapos ang maghapon at magdamag na pananalasa ng bagyo na walang iniwan kundi ang matinding linggatong. Maya–maya, yumuko siya upang alayan ng huling pagpupugay ang mga kalalakihang Malauegs na hindi nagdalawang–isip isakripisyo ang mga sariling buhay alang–alang sa kanilang komunidad na simbolo ng kalayaan ng tribung Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre lalo’t muntik nang maagaw ito ng mga soldados kung hindi sila lumaban. Pagkatapos, sumenyas siya upang simulan na ang pagsisilab sa mga gatong sa ibaba ng mga dambana hanggang sa gumapang ang apoy kaya lumiwanag ang kapaligiran sa kabundukan ng Sierra Madre hanggang sa umalimaymay ang mga haluyhoy at pananangis. Muling sumabay sa pagdarasal ni Lakay Awallan ang mga katutubong Malauegs upang magiging payapa ang paglalakbay ng mga kaluluwa ng kanilang mga mahal sa buhay patungo sa paraiso nang walang sukdulang kapayapaan ayon sa kanilang paniniwala.
“Mahal! Huwag kang malulumbay! Nag–iisa ka man sa paglalakbay! Pagpapala ni Bathala ang ‘yong gabay!”
Lalong napiyapis ng matinding pangungulila ang mga pusong inulila nang pumailanlang ang awitin ng pamamaalam mula sa mga kababaihang Malauegs habang gumagapang sa mga bangkay ang apoy kaya tumindi lamang ang pananangis nang hindi na kinayang pagmasdan ng mga namimighating damdamin ang masakit na tanawin. Paulit–ulit ang pagkanta ng mga kababaihang Malauegs para magiging masaya nawa ang paglalakbay ng mga kaluluwa patungo sa kaharian ni Bathala kahit nag–iwan ng walang hanggang lumbay sa mga pamilya ang kanilang dagliang paglisan sa mundo.
ITUTULOY
No responses yet