Upang magkaroon ng gantimpala ang kanilang naranasang hirap kung marapatin ni Bathala ang pananahan nila sa kaharian nito pagkat ito ang madalas na sinasabi ng Punong Sugo para kayanin nilang harapin ang mga pagsubok sa buhay. Lalong lumakas ang hagulhol ni Dayandang sanhi ng matinding paninimdim habang unti–unting linalamon ng apoy ang bangkay ng asawa niya hanggang sa nagsisigaw siya upang gisingin si Alawihaw pagkat kinilabutan siya nang mapagmasdan ang nagaganap sa kanya. Maaaring takot ang sanhi nang pumalahaw na rin si Bag–aw kaya dali–daling inilayo siya ni Assassi upang hindi niya masaksihan ang pagsusunog sa bangkay ng kanyang amang pagkat musmos pa siya upang maintindihan ang dahilan kung bakit nangyayari ito sa harap niya. Tuluy–tuloy ang pagluha ni Lakay Awallan habang pilit niyang tinatanaw ang naaagnas na bangkay ng kanyang nag–iisang anak ngunit kailangan magpakatatag siya upang hindi gumuho ang bantayog ng tribung Malauegs lalo’t hindi nagtatapos dito ang kanilang suliranin. Lalong lumakas ang mga pananangis nang tuluyan nang maglaho sa paningin ang mga itinuturing na bayani ng tribung Malauegs matapos ang kanilang paglalakbay sa kalupaan dahil sila naman ang magiging mandirigma ni Bathala sa kabilang daigdig. Dinig hanggang sa kapatagan ng Sierra Madre nang tangayin ng hangin mula sa lambak ang matinding pananaghoy ng mga pusong nangungulila sa kanilang mga minamahal kahit hindi dapat upang magiging lamikmik ang paglisan ng mga kaluluwa. Lumayos sa kalawakan ang makapal na usok para magiging hagdan ng mga kaluluwa sa kanilang pag–akyat papunta sa kalangitan upang mapapadali ang pagharap nila kay Bathala na maaaring hinihintay naman ang kanilang pagdating. Subalit tinabig lamang ng hangin ang makapal na usok upang walang balaksila ang kislap ng mga bituin na nagsisilbing tanglaw sa mga kaluluwang naglalakbay kaya tiyak na hindi ‘yon ang hagdan paakyat sa kaharian ni Bathala. Muling nag–alay ng dalangin si Lakay Awallan dahil seguradong hindi na niya magagawa pa ang tumuloy mamaya sa sagradong kubol upang hindi niya maisip sumbatan ang lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat sila ang dapat usigin sa pagkamatay ni Alawihaw at sa sampung kalalakihang Malauegs. Yamang kabilang ang kanyang kubol sa mga sinunog ng mga soldados ay sasamahan na lamang niya ang mag–inang Dayandang at Bag–aw pagkat nais niyang pagninilayan ang pangyayari matapos mapagtanto na kasalanan din niya ang pagkamatay ni Alawihaw.
“Bag–aw . . . bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs! Ipinagkakatiwala ko sa iyo . . . ang mahalagang tagubilin! Ipagpapatuloy mo . . . Bag–aw! Ang laban na sinimulan . . . ng ‘yong amang!” Aywan kung bahagi pa rin ba ng ritwal nang mistulang ginawang alay ni Lakay Awallan si Bag–aw habang sinasambit ang mahalagang bilin basta ikinagulat ito ng mga katutubong Malauegs hanggang sa naumid silang lahat habang sakbibi ng pag–aalala ang kanilang mga damdamin. Bagaman, hindi nagpamalas ng pagtutol si Dayandang ngunit nabagabag pa rin ang kanyang kalooban nang pumalahaw si Bag–aw dahil seguro sa takot nang maramdaman nang hubad na katawan nito ang nakadadarang na init ng apoy. Maging ang lupon ng mga matatandang Malauegs ay hindi nakahuma ngunit wala sa kanila ang nagtangkang sawatain ang ginagawa ni Lakay Awallan pagkat hindi rin nila alam ang tunay na dahilan basta nakita na lamang nila si Bag–aw habang itinataas niya sa ibabaw ng nagliliyab na apoy. Ngunit binalewala lamang ni Lakay Awallan ang palahaw ng sanggol upang ituloy ang kanyang ginagawa pagkat hindi niya tangan bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs ang kapalaran ng bawat katutubong Malauegs kaya sasamantalahin na niya ang mag–iwan ng mahalagang tagubilin para sa kanyang apo. Kunsabagay, depende na lamang sa hinaharap kung magkaroon pa ng katuparan ang bilin kahit wala na siya pagdating ng araw pagkat sanggol pa lamang si Bag–aw habang siya naman ay malapit nang marating ang takip–silim ng kanyang buhay. Kaya mahirap panghahawakan ang katuparan ng kanyang bilin dahil posibleng maaapektuhan ang responsibilidad na pilit niyang iniatang kay Bag–aw pagkat magbibilang pa ng maraming taon bago maipagpapatuloy nito ang iniwang laban ni Alawihaw lalo’t isinilang siya sa panahon na magulo ang sitwasyon. Gayunpaman, matibay ang pananalig ni Lakay Awallan na pinapakinggan ni Bathala ang kanyang asam bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs dahil sa paniniwala na karapat–dapat si Bag–aw na magiging kahalili niya sa tungkulin pagdating ng araw na hindi na maiiwasan ang kanyang paglisan sa mundo. Talagang mangyayari ito balang araw pagkat si Alawihaw ang nakatakdang pumalit sana sa kanya bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs kung hindi lamang siya nasawi sa laban kaya tiyak na ipagpapatuloy ni Bag–aw ang tungkulin na iiwan niya. Maya–maya, dinig sa lambak ang mga tilaok ng mga labuyo mula sa kagubatan upang ihudyat ang pagsapit ng madaling–araw ngunit hindi puwedeng mangangaso mamayang umaga ang mga kalalakihang Malauegs dahil naghihintay sa kanila ang maraming gawain. Hinintay muna ng mga katutubong Malauegs na tuluyang masupok ang mga bangkay kahit tapos na ang ritwal ng pagsusunog hanggang sa unti–unting nababanaagan nila ang silahis ng araw mula sa likod ng kabundukan ng Sierra Madre kaya dahan–dahang nilisan nila ang lambak upang harapin ang umaga. Ngunit nagpaiwan pa si Lupog sa halip na sabayan ang kanyang pamilya dahil nagparamdam ng paninisi ang kanyang sarili kung bakit hindi niya sinundan si Alawihaw nang makita niya na papunta siya sa gulod. Hanggang sa hiningi niya ang kapatawaran ni Alawihaw sa pagbabakasakali na naririnig pa siya nito ngunit mistulang kumaway lamang sa kanya ang alapaap habang nagbabalik sa alaala niya ang huling bilin nito para sa kanyang grupo.
“Huwag ninyong kalimutan hingin . . . ang patnubay ni Bathala! Siya . . . ang ating kaligtasan!”
Kinabukasan. Kahit batid ng mga kalalakihang Malauegs na inililibing ng mga binyagan ang kanilang mga patay ay hindi pa rin sila nag–aksaya ng panahon para maghukay sa halip itinapon na lamang nila sa bangin ang mga bangkay ng mga soldados kabilang si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz. Mabuti nang pagpistahan ng mga agila, mga uwak, mga lawin at mga mababangis na hayop sa kagubatan ang mga bangkay kaysa pag–ukulan din sila ng ritwal pagkat hindi nararapat bigyan ng pagpapahalaga ang kamatayan ng mga soldados. Kanina, may nagmungkahi mula sa lupon ng mga matatandang Malauegs ang isakay sa kariton ang mga bangkay upang ihatid sa munisipyo ng Alcala ngunit hindi ito nasunod dahil walang nagpresenta mula sa mga kalalakihang Malauegs pagkat pare–pareho silang dumaranas ng kapaguran at puyat sa magdamag. Subalit ang totoong katuwiran ng mga kalalakihang Malauegs ay talagang hindi nila magagawa ang magpamalas ng kabutihan habang hindi pa humuhupa magpahanggang ngayon ang kanilang galit pagkat pamahalaang Kastila ng Alcala ang dahilan kung bakit nagluluksa silang lahat. Palibhasa, napapaligiran ng mga puno ang komunidad ng mga katutubong Malauegs ay naging madali lamang sa kanila ang magpatayo ng mga kubol para sa mga pamilyang namatayan upang hindi na sila babalik pa sa yungib mamayang gabi. Naging priyoridad din ng mga kalalakihang Malauegs ang mga kubol nina Lakay Awallan at Lakay Lanubo upang may matutulugan mamayang gabi ang dalawang matanda pagkat puyat sila dahil sa magdamag na pagdarasal habang hinihintay ang paghupa ng panahon. Tulung–tulong sa pagpapatayo ng maraming kubol ang mga kalalakihang Malauegs hanggang sa dumatal ang dapit–hapon ngunit panatag na ang kanilang mga kalooban maski maghapong pagod pagkat wala nang pamilya ang matulog ngayong gabi sa yungib. Hindi na rin nakitulog sa mag–inang Dayandang at Bag–aw si Lakay Awallan pagkat sa bagong kubol na siya nagpalipas ng gabi upang hindi maaabala ang kanilang pagtulog kung kailangan na niya ang gumising para sa madaling–araw na pagdarasal. Pero naiwan pa si Assassi upang samahan muna niya ang mag–inang Dayandang at Bag–aw pagkat ngayon ang unang gabi na hindi na nila kapiling si Alawihaw kahit mag–isa sa bagong kubol si Lakay Awallan dahil matatawagan naman niya si Balayong. Basta wala sa plano ni Lakay Awallan ang pumasok sa sagradong kubol ngayong gabi pagkat ayaw niyang humarap sa lupon ng mga matatandang Malauegs habang masama pa ang kanyang loob dahil tiyak na siya ang inuusig ni Alawihaw dahil sa kanilang kapabayaan na humantong lamang sa kanyang pagkamatay.
Lalong pinaigting ng mga kalalakihang Malauegs ang pagsasanay nang mapaglilimi nila ang kahalagahan nito upang paghandaan ang muling pagbabalik ng mga soldados dahil naseseguro nila na lulusob uli sila pagkat nabigo ang kanilang unang tangka na agawin ang komunidad nila kahit armado sila ng mga fusil. Patunay ang nakaraang engkuwentro na kahit nalagasan sila ay hindi naman tuluyang bumagsak sa mga kamay ng mga soldados ang kanilang komunidad nang ibahin nila ang istilo sa laban matapos matuklasan na hindi pala epektibo ang kanilang mga tunod. Aminado ang mga kalalakihang Malauegs na talagang walang katapat ang mga fusil ng mga soldados dahil may kakayahan itong pumatay kahit gaano pa kalayo ang kalaban pagkat tuluy–tuloy ang pagbubuga ng mga bala kaya hindi sila madaling malululupig kung mga tunod lamang ang katapat nila. Kaagad namamatay ang mga tinatamaan sa fusil dahil tumatagos sa pinagtataguan nito ang mga bala maski malayo ang puwesto ng mga soldados habang bumabaril sila na taliwas sa mga tunod dahil kailangan unatin pa ang busog na malaking abala. Subalit natuklasan ng mga kalalakihang Malauegs na epektibo lamang pala ang mga fusil ng mga soldados kung magpatangay sila sa takot pagkat talagang nawawala rin ang kanilang disposisyon upang lumaban kung rapido ang pagpapaputok nila. Katunayan, nakatulong nang malaki sa kanila ang plano ni Alawihaw pagkat nalantad lamang ang kahinaan ng mga soldados dahil wala pala silang karanasan sa manu–manong laban kaya posibleng hindi ito napag–aralan nila sa entrenamiento militar ngunit hindi katuwiran ito upang magkumpiyansa sila. Sapagkat kailangan pa rin pag–aralan nila ang tamang paggamit sa palathaw upang magiging mas epektibo ito kahit totoo na maraming soldados ang naagawan ng mga fusil ngunit tiyak na hindi na ito mauulit pa pagkat mag–iingat na rin sila. Dahil limitado lamang ang mga armas at kakayahan ng mga kalalakihang Malauegs ay mahalaga pa rin ang kanilang talas sa pag–iisip at liksi ng galaw bilang pantapat sa mga soldados upang hindi sila magtamo ng malubhang pinsala. Nagpasalamat na lamang ang mga kalalakihang Malauegs pagkat naturingan man na sumailalim sa limang taon na entrenamiento militar ang mga soldados bago sila itinalaga sa bayan ng Alcala ngunit nagbilang pa rin sila ng mga patay dahil hindi nila kabisado ang larangan kung saan naganap ang laban. Pero depende pa rin sa sitwasyon kung kailangan puwedeng gamitin ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang mga armas pagkat nag–iisip din ang kalaban upang hindi na mauulit ang kanilang kabiguan dahil hindi itinuro sa kanilang entrenamiento militar ang sumuko sa laban. Sumali na rin sa pagsasanay ang mga kabataang Malauegs sa pahintulot ni Lakay Awallan basta kaya na nila ang humawak ng mga katutubong armas pagkat kailangan matutunan na nila ang lumaban para sa kanilang kalayaan dahil lubhang mapanganib ang mabuhay sa kasalukuyang panahon.
ITUTULOY
No responses yet