IKA–59 LABAS

Pinamunuan nina Lupog, Balubad at Bakaw ang pagsasanay na si Alawihaw ang naging ispirasyon nilang lahat ngunit ginaganap lamang ito sa hapon hanggang takip–silim upang may panahon din ang mga kalalakihang Malauegs para mangangaso sa kagubatan.

            Hindi nagdalawang–isip na pumayag si Lakay Awallan nang magpahayag din ng hangarin ang mga kababaihang Malauegs upang mapabilang sila sa hanay ng mga mandirigmang Malauegs lalo na ang mga namatayan ng asawa matapos niyang mapagtanto na talagang napapanahon na para sumailalim sa pagsasanay silang lahat.  Maliban sa mga matatandang Malauegs pagkat batbat na ng maraming karamdaman ang kanilang mga katawan ngunit pinagtitiisan lamang nila ang pagdarasal sa sagradong kubol dahil ito ang tungkulin na dapat gampanan ng kanilang lupon habang nabubuhay pa sila.  Nais seguruhin ng mga kababaihang Malauegs na may maitutulong sila sakaling mauulit ang pangyayari dahil tungkulin din naman nila ang ipagtanggol ang tribung Malauegs maski malalagay rin sa peligro ang kanilang buhay pagkat tiyak na sila ang unang maaapektuhan kapag nabigo ang mga kalalakihang Malauegs.  Naging masigasig ang lahat lalo’t natuon sa mga tamang pamamaraan ng pakipagtunggali ang kanilang pagsasanay base sa naging karanasan naman ng mga kalalakihang Malauegs nang makasagupa nila ang mga soldados upang maiiwasan ang mga pagkakamali dahil humantong lamang ito sa kanilang pagluluksa.  Kaya ito ang kinonkonsidera na mahalagang bahagi sa kanilang pagsasanay upang hindi na muling mananangis pa sa pangungulila ang kanilang mga puso kahit handang itaya ang kanilang buhay kung puwede namang iwasan.  Bagaman, sa panahon na sadyang hinahamon ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang katatagan ay nararapat lamang na magiging handa sila sa lahat nang araw pagkat kailangan nila ang manindigan bilang isang lahi para sa kanilang kalayaan at karapatan.  Napilitang pumayag si Lakay Awallan nang magpahayag ng kahandaan si Dayandang upang sumailalim din sa pagsasanay kahit batid niya ang totoong layunin nito ngunit hindi na lamang siya nagpahiwatig ng pagtutol pagkat may dahilan naman.  Kunsabagay, talagang hindi rin maiaalis kay Dayandang ang mag–isip ng paghihiganti maski mahirap isakatuparan ito sakaling bumalik sa kanilang komunidad ang mga soldados dahil buhay ng kanyang asawang si Alawihaw ang kanilang inutang.  Gagawin niya kahit gaano pa kahirap ang pagsasanay dahil ito lamang ang paraan upang magkaroon ng katuparan ang kanyang layunin habang isinisigaw ng puso niya ang paghihiganti para sa kapayapaan ni Alawihaw.  Hindi siya mangingiming harapin ang mga soldados gamit ang kanyang natutunan sa pagsasanay dahil kailangan mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang asawa na nanatiling buhay sa kanyang puso’t isipan hanggang ngayon.  Minsan, naisip niya ang magpakamatay upang sundan si Alawihaw nang mawalan siya ng pag–asa ngunit napigilan lamang ito dahil sa tanong ng kanyang sarili kung paano na lamang si Bag–aw kung maging ulila na rin siya sa inang.  Ngayon pa ba niya iiwan si Bag–aw kung kailan kailangan nito ang kanyang pagkalinga’t pagmamahal dahil lamang sa kabiguan na wala namang may gusto lalo’t hindi lamang siya ang namatayan ng asawa ngunit buong tapang na hinarap nila ito.  Pagkaraan ang isang buwan na pagsasanay ay handa na ang mga katutubong Malauegs upang sundan ang mga yapak ng kanilang mga bayani matapos umusal ng pangako na walang kailangan kung hingin din ng pagkakataon ang magbuwis sila ng buhay.  Sapagkat tanto na nila ang kahalagahan ng pagsasakripisyo para matamo ang kapayapaan alang–alang sa susunod na henerasyon dahil silang nabubuhay sa kasalukuyan ang dapat gumawa ng paraan upang ipamana sa kanila ang bukas na may pangako ng magandang pag–asa.

            “Ipinapangako ko . . . Alawihaw!  Ipaghihiganti ko . . . ang pagkamatay mo! Hu!!!Hu!!!Hu!!!  Magbabayad silang lahat!  Hu!!!Hu!!!Hu!!!”  Minsan pang umusal ng pangako si Dayandang dahil binabagabag ng matinding pangungulila kay Alawihaw ang kanyang puso kaya hindi niya nararamdaman ang antok kahit malalim na ang gabi samantalang mahimbing na ang tulog ni Bag–aw.  Katunayan, araw–gabi na tinatangisan niya ang maagang paghihiwalay nila ni Alawihaw pagkat hindi ito kailanman sumagi sa kanya kahit hindi na maibabalik pa ng mga luha niya ang buhay ng kanyang asawa ngunit ayaw naman tumigil sa paninimdim ang kanyang puso.  Seguro, panahon lamang ang nakababatid kung hanggang kailan ipagluluksa ng kanyang puso ang pagkamatay ni Alawihaw habang mga luha ang laging kaulayaw niya sa magdamag upang sa paggising ay siya pa rin ang nasa isip niya.  Bagaman, nagpapasalamat siya sa tuwing namamalas ang mga ngiti ni Bag–aw pagkat pansamantalang nagiging lunas ito ng kanyang pusong nagdurugo ngunit masakit pa rin isipin na ulila na sa amang ang kanyang anak kahit hindi pa nararamdaman ng musmos nitong isipan ang kalungkutan.  Muling naglakbay pabalik sa yungib ang kanyang alaala upang minsan pang gunitain ang mga tagpong naganap doon dahil ipinahiwatig sa kilos ni Bag–aw na waring pinipigilan niya ang pag–alis ni Alawihaw.  Kailangan ipangako ni Alawihaw ang kanyang pagbabalik upang tumahan lamang si Bag–aw pagkat talagang ayaw niyang bumitiw para huwag lamang siya maiiwan ngunit may dahilan para ilikas silang mag–inang sa yungib.  Kahit masakit sa kanyang kalooban habang minamasdan ang anak na mistulang nagsusumamo sa kanya pagkat mas mahalaga ang kanyang tungkulin bilang pinuno ng mga mandirigmang Malauegs sa panahon na nalalagay sa panganib ang kanilang komunidad.  Binilisan na lamang niya ang pagtakbo ngunit hindi pa rin kinayang balewalain ng kanyang damdamin ang animo humahabol na palahaw ni Bag–aw kaya tatlong beses lumingon siya upang kawayan ang kanyang munting anghel.  Hanggang sa tuluyan nang nakatulugan ni Dayandang ang mga kapighatian ngunit umaawit pa rin ang kanyang kaluluwa habang naglalakabay sa panganorin sa pagbabakasakali na marating din niya ang kinaroroonan ni Alawihaw.  Upang sa kanyang paggising bukas ay muling magparamdam ang kasawian kahit ayaw na sana niya para ganap nang magkaroon ng katahimikan ang kaluluwa ni Alawihaw dahil hindi na rin niya mababago pa ang mga pangyayari.

            Sa aking pamamaalam!  Munting kahilingan sana madalaw!  Puntod kong mapanglaw!  Pagkat ligaya ng kaluluwa ko!  Ang paminsan–minsa’y masilayan mo!

            Balikan sa alaala ang nagdaan!  Masayang araw ‘wag kalimutan!  Ang matamis nating suyuan!  Baka ako’y muling magpaparamdam !  Upang sa puso mo’y mananahan!

            Talagang nakapagtataka kung bakit wala si Alferez sa kanyang opisina gayong masyadong maaga pa ang alas–siete ng umaga sa hudyat ng kampana ng munisipyo ng Alcala dahil tiyak nasa residencia ejecutiva pa lamang si Alcalde upang isipin na ipinatawag siya nito.  Wala rin ang guwardiya sibil na nagbabantay sa kanyang opisina maski bukas ito para matanong sana tungkol sa kanyang kinaroroonan pagkat ngayon lamang napaaga ang kanyang pag–alis ngunit hindi naman mawari kung saan siya pumunta.  Hmmm!  Huwag naman sana magkatotoo ang dasal ng mga katutubong Malauegs na kusa na niyang inihimlay sa cementerio publico ng Alcala ang sarili pagkat hindi siya nagtamo kahit galos para ikamatay niya ito maliban na lamang kung inatake siya ng infarto dahil sa tindi ng takot.  Katunayan, nagawa pa ng kanyang kabayo ang tumakbo palabas sa komunidad ng mga katutubong Malauegs habang naiiwan pa ang mga soldados dahil sinikap pa rin nila ang iligtas si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kahit ang bangkay man lamang niya kaysa sa iwan siya sa kanilang pagtakas.  Baka nga pumunta siya sa opisina ni Alcalde upang ipaalam ang naging resulta sa kanilang misyon sa komunidad ng mga katutubong Malauegs maski mahirap sang–ayunan ang palagay dahil katatapos lamang ihudyat sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang alas–siete ng umaga.  Pero malaking disgrasya kung totoong pumunta siya sa opisina ni Alcalde dahil tiyak na hindi alak ang ipainom sa kanya kundi sermon pagkat nabigong palayasin ng mga soldados ang mga katutubong Malauegs mula sa kanilang komunidad.  Ano pa kaya kapag nalaman ni Alcalde na kabilang ang bangkay ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz sa mga naiwan sa kabundukan ng Sierra Madre nang tumakas ang mga soldados pagkat hindi nila napasuko ang mga katutubong Malauegs gayong inaasahan pa mandin niya ang tagumpay ng kanilang misyon.  Kunsabagay, maaga pa naman ang alas–siete ng umaga kaya sarado rin ang opisina ni Alcalde ngunit walang duda na kanina pa siya dumating sa munisipyo ng Alcala kung naiparating na sa kanya ang kalunus–lunos na resulta sa misyon ng mga soldados dahil tiyak na mag–aalala siya.  Talagang nakapagtataka pagkat ngayon pa nabalam ang kanyang pagpasok sa opisina kung kailan may matinding problema ang naghihintay sa kanya dahil imposible na nalasing siya kagabi kung mag–isa lamang siyang umiinom.  Sa makalawa pa ang araw ng Linggo upang ipagpalagay na maaaring nagsimba lamang si Alcalde kahit kada semana santa lamang pumapasok siya sa simbahan ng Alcala dahil hindi niya kasundo ang kura paroko ng Alcala ngunit dapat pa rin pagdudahan dahil sabay pang nawawala ang dalawang opisyal.  Samantalang sa munisipyo ng Alcala lamang madalas naglalagi sina Alcalde at Alferez para mag–inuman hanggang may alak pa sa estante kaya tama ba ang isipin na hindi pa nila napag–uusapan ang tungkol sa nabigong operasyon ng mga soldados dahil hindi pa sila nagkikita.

            Maging sa pamilihang bayan ng Alcala ay mangilan–ngilan din lamang ang mga tao kaya malayo sa normal na tanawin kung ihambing sa araw ng palengke ngunit tuloy pa rin ang matumal na kalakalan maski tahimik ang kabayanan pagkat hindi dapat tumigil ang negosyo ngayon.  Mabibilang din ang mga nagtitinda ng mga gulay dahil wala ang mga dating naglalako kahit sa ordinaryong araw ngunit bukas pa rin ang mga tindahan ng mga dueño dahil hindi naman lahat nang araw ay naghahatid ng suwerte sa negosyo.  Parang nahulaan ng mga comprador ang matumal na kalakalan sa pamilihang bayan ng Alcala pagkat dalawa lamang ang dumating ngunit hindi rin sila nagtagal upang tumuloy sa kalapit na bayan nang malaman nila na walang naglalako ng mga gulay.  Aywan kung tama ang palagay na napuyat sa magdamag na pagroronda ang mga guwardiya sibil dahil hindi rin sila mahagilap samantalang araw–gabi ang pagmamatyag nila sa pamilihang bayan ng Alcala kahit hindi araw ng palengke kaya talagang palaisipan kung bakit sabay–sabay naman yata ang pahinga nila.  Saang lupalop naman kaya isinagawa kung nagpatawag ng miting si Alferez upang isipin na ito ang dahilan kung bakit hindi siya matagpuan sa munisipyo ng Alcala kahit imposible ang palagay pagkat priyoridad ng mga guwardiya sibil ang pagbabantay sa pamilihang bayan ng Alcala.  Kunsabagay, pagbibigay ng seguridad sa bayan ng Alcala ang tungkulin ng mga guwardiya sibil habang pagsasagawa ng mga operasyon sa kabundukan ng Sierra Madre ang priyoridad naman ng mga soldados ngunit parehong nasa pamumuno ni Alferez ang dalawang tropa ng pamahalaang Kastila ng Alcala bilang un Comandante del Ejercito de Alcala.  Mangyari man na totoong nagpatawag siya ng miting ay kailangan bang dumalo rin ang mga guwardiya sibil gayong malinaw naman na mga soldados lamang ang dapat magpaliwanag kay Alcalde kung bakit humantong sa kabiguan ang kanilang misyon.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *