“¿Por que?” Naturalmente! Nagalit si Alferez dahil nadisturbo ng guwardiya sibil ang kanyang kahimbingan ngunit saglit lamang ito pagkat likas na sa kanya ang pagiging mahinahon pagkat naalimpungatan lamang siya matapos mapagtanto na tiyak mahalaga ang pakay niya kaya ginising siya. Pero sayang naman ang kanyang panaginip dahil tuluy–tuloy na sana ang kuwento kung hindi siya ginising lalo’t siya pa mandin ang bida kahit maraming kabalbalan pagkat lumipad lamang siya papunta sa kabundukan ng Sierra Madre upang magsagawa ng operasyon. Gayunpaman, pinilit niya ang bumangon upang alamin kung bakit ginising siya sa kalagitnaan ng gabi kung puwede naman yatang ipagpabukas na lamang para hindi na sana naabala ang kanyang kahimbingan dahil bihira lamang mangyari ito sa kanya. Umupo muna siya sa gilid ng kama dahil talagang yumuyukayok ang kanyang ulo upang muling mahiga para magkaroon ng karugtong ang kanyang panaginip dahil sadyang pinanabikan niya ang magiging wakas ng maaksiyong tagpo. Talagang may dahilan kung naging interesado man siya pagkat gusto niyang makita ang sarili habang maghapong nakipagbarilan sa mga kalalakihang Malauegs kahit labis niyang pinagtatakhan kung bakit siya lamang ang sumugod sa komunidad ng mga katutubong Malauegs. Espera! Diyata, armado na rin pala ng mga fusil ang mga kalalakihang Malauegs kahit sa panaginip lamang ngunit delikado pa rin kung magkatotoo ang pangarap nila dahil mahihirapan nang kubkubin ng mga soldados ang kanilang komunidad. Dahil sa panaginip lamang nangyari ang engkuwentro ay hindi na sana niya papansinin kung hindi lamang naging grabe ang kanyang kalagayan lalo’t ayaw maampat ang dugo nang sumambulat ang dibdib niya dahil sa mga tama ng bala. Hanggang sa nakita na lamang niya ang sarili sa loob ng kabaong ngunit sumikip ang kanyang paghinga pagkat buhay pa siya habang tinatabunan ng lupa kaya napabalikwas siya nang marinig ang boses ng guwardiya sibil dahil napagkamalan niya itong halakhak ng mga kalalakihang Malauegs. Napawi ang kanyang galit sabay tingin sa guwardiya sibil pagkat muntik na pala siyang patayin ng bangungot kung hindi siya ginising nito hanggang sa napailing siya para mapaknit sa isip niya ang masamang pangitain lalo’t palyado na rin ang kanyang paghinga. Nang maisip niya na posibleng nagmumulto si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil hindi man lamang niya inalayan ng kahit maikling dasal habang naroroon siya sa simbahan ng Alcala pagkat maaaring nananaghoy pa rin sa kabundukan ng Sierra Madre ang kanyang kaluluwa nang hindi nito masumpungan ang kapayapaan. Pero nagtatanong pa rin ang sarili niya kung bakit binangungot siya pagkat matinding antok ang dahilan nang maidlip siya maski gutom samantalang madalas lumiliyad sa dami ng alak ang kanyang tiyan ngunit mahimbing naman ang kanyang tulog. Aywan!
“¡Porque señor! ¡El Alcalde os ha citado! ¡Dijeron que deberias ir a la residencia ejecutiva! ¡Si! ¡Ahora señor!” [] Aba! Ibig bang sabihin maghapon na ikinulong ni Alcalde sa residencia ejecutiva ang sarili sa halip na nakipaglibing siya sa labinlimang soldados kung hindi naman pala siya umalis kahapon sa bayan ng Alcala para abalahin lamang niya ang mahimbing na tulog ni Alferez kahit hating–gabi na? Kung sanhi ng nabigong operasyon ng mga soldados ang kanyang dahilan ay dapat nagpamalas pa rin siya ng simpatiya pagkat nasawi ang labinlimang soldados habang tinutupad nila ang kanyang utos maski labag sa kanilang mga kalooban. Hindi dapat ipinairal ang sama ng loob niya kay Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga pagkat mali ang katuwirang ito dahil mga soldados na nasawi sa pagtupad sa kanyang utos ang mga inilibing kahapon samantalang nagkukulong lamang pala siya sa residencia ejecutiva habang ginagawa ang dapit para sa kanila. Sana, kahit pakitang–tao ang pakipaglibing niya sa labinlimang soldados dahil sadyang hindi maiiwasan ang pagkikita nila ng kura paroko ng Alcala pagkat siya lamang ang puwedeng magsagawa ng misang rekyem bilang nag–iisang alagad ng simbahan sa bayan ng Alcala ngunit may solusyon naman ang lahat nang problema kung talagang ginusto niya. Dahil obligasyon niya bilang Alcalde ang ipagkaloob sa kanila ang kanyang huling pagpupugay dahil naging tapat sila sa pagtupad ng tungkulin hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay ngunit wala ang punong–bayan ng Alcala sa panahon na kailangan magpamalas siya ng pakikiramay. Sana, hindi rin siya mumultuhin ng labinlimang kaluluwa pagkat bahagi ng kanyang plano ang salakayin ng mga soldados ang komunidad ng mga katutubong Malauegs nang tumanggi silang tumalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na nag–uutos sa kanila upang magbayad ng buwis at amilyaramyento. Posible bang inalihan na naman ng matinding paninibugho si Señora Mayora kaya nagawa nitong ikulong sa residencia ejecutiva si Alcalde kahit kailangan niya ang makipaglibing upang siya na lamang sana ang naging tambag dahil naroroon sa bansang España ang lahat nang mga kamag–anakan ng limang soldados? Ngunit ano pa ang katuturan ng pagiging punong–bayan ng Alcala ni Alcalde Procurador Naviero dela Alteza kung hindi niya kayang suwetuhin ang kanyang hermosa esposa pagkat tungkulin niya ang magpamalas ng suporta sa bawat miyembro ng tropa sa tuwing dumarating ang sitwasyon tulad kahapon.
Nang malaman ni Alferez ang dahilan kung bakit pinilit siyang gisingin ng guwardiya sibil ay saglit siyang napaisip nang malalim habang nagtataka ang sarili pagkat ngayon lamang nangyari na ipinatawag siya ni Alcalde kahit hating–gabi na. Kunsabagay, madalas na tumatagal hanggang madaling–araw ang kanilang hora feliz ngunit hindi niya maikukumpara ang sitwasyon ngayon pagkat walang naganap na inuman dahil matagal nang hindi niya nakikita si Alcalde buhat nang dumating siya mula sa nabigong operasyon. Samakatuwid, ito na ang hinihintay niyang pagkakataon pagkat kahapon pa gustong kausapin niya si Alcalde upang alamin kung bakit wala siya sa libing ng limang soldados dahil sa usap–usapan lamang nalaman niya na pumunta siya ng Maynila kahit hindi niya maiwasan ang magduda. Ngunit dagling nauntol ang pagnanais niya upang makipagkita kay Alcalde nang magkaroon ng agam–agam ang kalooban niya pagkat lingid pa sa kanya ang tungkol sa labinlimang soldados na nasawi sa operasyon dahil isang linggo rin na wala siya sa bayan ng Alcala. Katunayan, desisyon lamang niya upang gawin sa plasa ang burol ng limang bangkay nang tumanggi sa kahilingan niya si Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga para gawin ito sa simbahan ng Alcala pagkat totoo rin naman na maaabala lamang ang misa sa tuwing umaga kaya hindi na siya nagpilit pa. Lalong masikip kung sa bakuran ng munisipyo ng Alcala isinagawa ang burol dahil bukod sa malaking disturbo ito sa mga empleyado ay kahapon ng umaga lamang ideneklara niya ang walang pasok upang sumama silang lahat sa paglilibing. Hanggang kahapon sa libing ng labinlimang soldados ay inaasahan niya si Alcalde ngunit hindi pa rin siya nagpapakita kaya ikinagulat niya ang malaman na nagpatawag pa siya ng hora feliz imbes na nagpahinga na sana siya pagkat pasado hating–gabi na. Aywan kung talagang magkasamang pumunta ng Maynila sina Alcalde at Señora Mayora pagkat salungat ito sa kuwento na nasagap niya dahil mag–isa lamang na umalis siya kinabukasan din habang nagsasagawa sila ng operasyon sa kabundukan ng Sierra Madre kaya wala siya nang bumalik sa munisipyo ng Alcala ang tropa. Walang problema kahit hating–gabi ipinatawag siya ni Alcalde kung hindi sana naalaala niya ang resulta ng kanilang operasyon pagkat hindi rin magiging masarap ang lasa ng alak dahil tiyak na magtatagal hanggang madaling–araw ang sermon sa kanya. Nag–isip muna si Alferez para ihanda ang kanyang sarili sakaling totoo ang hinala niya kung bakit ipinatawag siya ni Alcalde kahit alanganing oras ng gabi hanggang sa naging desisyon niya ang huwag na lamang pumunta sa residencia ejecutiva. Sa halip, ipagpapabukas na lamang niya ang pakipagkita kay Alcalde basta huwag lamang ngayong gabi pagkat mag–iisip muna siya ng magandang rason para may pangontra sa kanyang sermon dahil hindi rin siya mapipilit kung malaman nito na tulog na siya. Tutal, malapit na rin sumapit ang umaga ay hihintayin na lamang niya ang pagpasok mamaya ni Alcalde sa opisina dahil tiyak na magiging kahiya–hiya lamang siya sa mga muchacha kung sa residencia ejecutiva mangyayari ang pagmumura sa kanya.
Minabuti ni Alferez ang pumunta na lamang sa residencia ejecutiva kaysa ipagpabukas pa niya dahil pareho lamang ang sumada kung sermon ang kanyang iniiwasan pagkat tiyak na hindi rin siya mapapalagay habang iniisip ang sadya sa kanya ni Alcalde. Lalo’t nalaman pa niya mula sa guwardiya sibil na kanina pa pala naghihintay ang karwahe ni Zafio para sunduin siya dahil bilin yata ni Alcalde sa kutsero ang huwag bumalik sa residencia ejecutiva hanggang hindi niya naisama ang opisyal kahit hating–gabi na. Tuloy, dali–daling tumayo siya upang magbihis ng uniporme para hindi bumigat ang kanyang atraso dahil seguradong naghihintay na sa kanya si Alcalde kaya bahala na kung paano niya ipapaliwanag ang naging reasulta sa kanilang operasyon. Pagkatapos, nagtatakbo na siya papunta sa labasan ng munisipyo ng Alcala maski madilim ang pasilyo habang bitbit ang paris ng bota pagkat hindi pa niya naisuot dahil sa magmamadali para hindi maisipan ni Alcalde ang matulog na lamang kung kainipan nito ang paghihintay. Nagising si Zafio nang marinig ang mga yabag ng mga paa ni Alferez dahil nakatulugan na niya ang paghihintay sa kanya na tuluy–tuloy sa loob ng karwahe maski hindi pa naayos nang mabuti ang sarili dahil hindi dapat paghihintayin nang matagal si Alcalde. Kaagad pinasibad ni Zafio ang kabayo sa pagbabakasakali na daratnan pa nilang gising si Alcalde dahil malinaw na halos isang oras siyang naghintay para tiyakin na masusunod niya ang bilin nito pagkat inihuhudyat na sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang ala–una ng madaling–araw. Samantalang kalahating oras lamang ang ibinigay na palugit kay Zafio upang sunduin si Alferez dahil naisip din naman ni Alcalde ang malaking kaabalahan kung gisingin pa siya pagkat malalim na ang gabi ngunit naging mapilit lamang ang kutsero. Dahil sa kagustuhang magpasikat ni Zafio upang magkaroon ng umento ang kanyang suweldo ay pinilit pa rin niya ang guwardiya sibil upang gisingin si Alferez kahit ayaw sana nito kung hindi niya pinagbantaan pagkat maghapong pagod ang opisyal. Maski malinaw ang bilin sa kanya na huwag nang gisingin si Alferez kung tulog na siya ay ginamit pa rin na panandaliang impluwensiya ang pagiging kutsero niya sa karwahe ni Alcalde para manduhan ang guwardiya sibil samantalang mas mataas pa ang katungkulan nito kaysa kanya.
“¡Buenas noches Alcalde! ¡Lo siento porque es temprano en la mañanas!” Dahil sa pagmamadali ni Alferez ay hindi pa rin niya pansin na saliwa ang mga butones ng kanyang uniporme kahit naroroon na siya sa residencia ejecutiva pagkat nawala na sa isip niya ang tumayo muna sa harap ng malaking salamin sa kanyang opisina. Dinatnan niya si Alcalde na talaga palang hinihintay ang kanyang pagdating sa residencia ejecutiva kahit madaling–araw na ngunit kabado pa rin siya pagkat naging palaisipan para sa kanya ang dahilan maski maaliwalas ang mukha nito na kabalintunaan sa kanyang iniisip.
ITUTULOY
No responses yet