Sa lahat nang naninirahan ng residencia ejecutiva ay si Alcalde lamang ang dinatnan niyang gising pa dahil humiwalay na sa kanya si Zafio nang umakyat siya sa hagdan habang iniisip na lamang niya na maaaring mahimbing na ang tulog ni Señora Mayora. Naging palagay niya na seguradong naghihilik na si Alcalde kung naantala pa pala nang kaunti ang kanyang pagdating sa residencia ejecutiva dahil suot na nito ang damit pantulog kaya tama pala kung hinintay na lamang niya ang umaga. Kaysa tumuloy pa rin siya sa residencia ejecutiva dahil nagambala lamang ang kanyang tulog ngunit hindi na lamang siya kumibo habang hinihintay ang paglapit ni Alcalde na dinatnan niyang nagbabasa ng aklat para palipasin ang antok. Mistulang naninisi ang kanyang sarili dahil seguradong naglabas na ng alak si Alcalde kung sa opisina nito naganap ang kanilang pagkikita lalo’t mahigit isang linggo nang hindi niya nalalanghap ang aroma ng vino dahil naging abala siya sa mga nagdaang araw. Naging abala siya sa operasyon na humantong sa cementerio publico ng Alcala dahil sa libing ng lanbinlimang soldados na tumagal hanggang alas–tres ng hapon pagkat napahaba ang seremonya ni Padre Lucrecio Anton Nacarado de Mallorga para tiyakin na hindi sila magmumulto matapos siyang tumanggi upang gawin sa simbahan ng Alcala ang burol. Tuloy, biglang naalaala niya ang isang bote ng alak na pabaon sa kanya ni Alcalde ngunit minabuti niya ang iwan na lamang ito sa kuwartel sa halip na dalhin pa niya dahil maghapon lamang ang kanilang operasyon sa kabundukan ng Sierra Madre. Palibhaasa, nasa loob ng opisina ang kanyang kuwartel ay labis ang panlulumo niya dahil bote na lamang ang kanyang dinatnan galing sa nabigong operasyon nila sa komunidad ng mga katutubong Malauegs samantalang hindi naman sumisimsim ng alak ang mga daga. Segurado siya na hindi pa nabuksan ang bote nang ilapag niya ito sa ibabaw ng kama dahil paalis na ang kanyang tropa noon kaya wala nang panahon upang ipasok pa sa aparador pagkat wala rin naman sa hinala niya ang bantay–salakay. Basta ayaw niyang maghinala maski posibleng tinungga ng guwardiya sibil pagkat magiging katawa–tawa naman kung magalit pa siya nang dahil lamang sa alak gayong siya rin ang dapat sisihin kung bakit iniwan niya sa kuwartel ang pabaon ni Alcalde. Sino pa ba ang dapat niyang pagbibintangan kundi ang guwardiya sibil dahil siya lamang ang naiwan sa opisina noong araw na pinamunuan niya ang operasyon ng mga soldados sa kabundukan ng Sierra Madre kaya nilagyan na lamang niya ng tubig ang bote para may maiinom ang mga daga. “¡Parece que de lo que estamos hablanbo es importante! ¿Eh? ¿Alcalde? ¡Porque no esperaste a la mañana! ¡Todavia me llamaste incluso en medio de la noche! ¿Que es? ¿Eh?” Kanina, itinuloy ni Alcalde ang pagbabasa sa paboritong aklat niya upang palipasin ang antok ngunit hindi lamang matiyak kung natapos niya ito dahil pumikit naman ang kanyang mga mata nang hindi na niya matagalan ang paghihintay sa kanyang fiduciario. Katunayan, parang naalimpungatan pa siya dahil bumungad na sa pintuan si Alferez nang marinig niya ang boses nito sabay dilat ng kanyang mga mata pagkat naidlip pala siya habang nagbabasa ng aklat nang hindi niya namalayan sanhi ng pagod at puyat. Sa halip na itinuloy niya sa komedor si Alferez ay pumunta sila sa tabi ng bintana na hinahayaang bukas sa magdamag para pumasok ang hangin dahil nangamay na ang mga kamay ni Señora Mayora upang paypayan ang sarili lalo’t laging mainit ang sitwasyon sa residencia ejecutiva. Sapagkat ayaw ipagsapalaran ni Señora Mayora ang kanyang pagiging hermosa esposa ng punong–bayan ng Alcala dahil talagang magdedeklara siya ng giyera kung ipagpilitan ni Alcalde ang plano nito na ipagkatiwala na lamang sa mayordoma ang pagbibilang ng mapagbebentahan ng mga huwad na titulo. Naging bukambibig niya sa harap ng sampung muchacha ng residencia ejecutiva ang ¡sobre mi cadaver! upang ipaalaala sa kanila na siya lamang ang may karapatan sa kayaman ni Alcalde lalo’t naitakda na pala ang subastahan sa mga huwad na titulo. Tuloy, ramdam ni Alferez ang ginaw nang sumalubong sa kanya ang bulos ng halayhay mula sa labas ngunit pumiksi lamang siya nang magtanong ang sarili kung may imbak ba ng alak si Alcalde dahil ngayon lamang niya napasok ang residencia ejecutiva. Kaya nagsimulang lumikot ang kanyang mga mata dahil walang duda na mapapawi ng kahit kaunting lagok lamang ng alak ang matinding pangangaligkig ng kanyang katawan ngunit lalong naramdaman niya ang ginaw pagkat madilim ang komedor. Wala palang pag–asa na madadaluyan ng alak ang kanyang lalamunan na isang linggo nang natitigam sa pagkauhaw ngunit nagpaalaala naman sa kanya ang resulta ng operasyon sa tuwing iniisip niya ang magtanong kay Alcalde. Dahil hindi pa batid ni Alcalde ang tungkol sa libing ng limang soldados ngunit hindi man lamang ba niya napansin ang tanong sa kanyang mga mata nang magkatinginan sila pagkat normal na sa pagitan nila ang isang bote ng alak habang nag–uusap sila. Kunsabagay, talaga yatang walang napansin ang namumungay na mga mata ni Alcalde dahil kanina pa sinisikap niyang labanan ang matinding antok kung hindi lamang mahalaga ang kanyang pakay kay Alferez kaya hindi na niya nahintay ang umaga. At bihira rin yata mag–imbak ng alak sa residencia ejecutiva si Alcalde upang hindi maisipan ni Señora Mayora ang maglasing pagkat hindi naman lingid sa kanya na namumugad sa puso nito ang matinding selos laban sa mayordoma kahit sila ang laging magkasiping sa buong magdamag. Naneneguro lamang siya lalo’t hindi pa naibebenta ang mga huwad na titulo dahil ngayon nga lamang na hindi pa namamamad sa alak ang mga labi ni Señora Mayora ay gabi–gabi na ang giyera nilang mag–asawa nang dahil sa paninibugho samantalang nag–iisang tala lamang siya sa madilim na kalangitan ng kanyang buhay. Sapagkat laging madilim ang tingin niya sa loob ng residencia ejecutiva dahil sa sampung muchacha na pawang mga katutubong binyagan ngunit pampabawa naman ng kanyang kalasingan ang kanilang mga mapang–akit na ngiti habang naghahasik ng konsumisyon sa hating–gabi ang makinis na kutis ni Señora Mayora. Naturalmente! Ayaw rin naman niya ang maunang humimlay maski posibleng mangyayari ito sa kanya kapag sumagad na ang paninibugho ni Señora Mayora dahil sa kalasingan pagkat hindi pa natutupad ang pangarap niya na magiging unang punong–bayan sa itatatag niyang bagong bayan sa kapatagan ng Sierra Madre. “¿Hay algun problema . . . Alcalde? ¿Eh?” Hanggang sa hindi na napigilan ni Alferez ang magtanong upang alamin kung bakit ipinatawag siya kahit hating–gabi na gayong wala naman palang mahalagang sasabihin sa kanya si Alcalde maliban sa nagambala lamang nito ang kanyang tulog. Kahit ipinapahiwatig sa mukha ni Alcalde na hindi problema ang dahilan kung ipinatawag man siya ngunit nagtataka pa rin ang kanyang sarili maski ayaw rin niyang tiyakin na maaaring batid na nito ang naging resulta sa kanilang operasyon sa kabundukan ng Sierra Madre. Disin, nagalit na si Alcalde dahil seguradong hindi niya ikatutuwa ang malaman na nabigong kubkubin ng kanyang tropa ang komunidad ng mga katutubong Malauegs bukod pa sa dumanas ng maraming herido ang kanilang operasyon. Lalo’t hindi naman nangyari ang inaasahan niya sa kanilang paghaharap hanggang sa kumunot ang noo niya nang ngumiti si Alcalde dahil lalong nagulumihanan ang isip niya pagkat hindi dapat ganito ang reaksiyon ng namatayan ng mga soldados. Kaya ibig nang maniwala ang kanyang sarili na talagang hindi pa alam ni Alcalde ang tungkol sa limang soldados at sa sinapit ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat nagawa pa niya ang ngumiti sa halip na magparating ng pakikiramay maski huli na kung tuusin. Sana, nagkamali lamang ang kanyang palagay nang mamutawi sa mga labi ni Alcalde ang mga ngiti pagkat sadyang kasumpa–sumpa ang ganitong reaksiyon dahil lumalabas na ikinatuwa pa niya ang pagkasawi ng mga soldados habang isinasakatuparan nila ang kanyang utos. Walang puwang sa mga labi ang ngiti sa panahon ng pagluluksa kahit pansamantala lamang ito pagkat hindi dapat ikagagalak ang tinamong kabiguan lalo’t sa mga kamay ng mga kalalakihang Malauegs nalasap nila ang katalunan nang malayo sa kanilang inaasahan. Naging pormal ang hitsura ni Alferez nang kagyat nagpaalaala sa kanya ang pangyayari na muntik na rin ikapahamak niya kung naunahan siya ni Alawihaw dahil laging nagpaparamdam ito sa kanyang panaginip kaya hindi malagtas sa isip niya. Aywan kung ano ang magiging reaksiyon ni Alcalde kung siya ang sinakluban ng kamalasan sa halip na si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz basta ang pakiusap lamang niya ay maramdaman ang kanyang pagluluksa kung delikado para sa kanya ang umakyat sa kabundukan ng Sierra Madre upang hanapin ang bangkay niya. Tuloy, naisip niya ang magpaalam na dahil muli na naman nagpaalaala sa kanya ang promosyon na ipinangako niya kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat nabalam ito sa opisina ni Alcalde nang hindi agad napirmahan nito ang rekomendasyon dahil sa kanilang hora feliz. Gayunpaman, matatanggap pa rin ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang promosyon kahit patay na siya pagkat naisumite na sa palacio del gobernador ang rekomendasyon kaya walang duda na maigagawad ito pagsapit ng pasiyam para hindi naman masayang ang kanyang ginawang pagsasakripisyo maski huli na.
“¡Nada! ¡Ningun Teniente! ¡Solo queria contarte las benas noticias! ¡Si Teniente! ¡Has oido bien buenas noticias! ¡Porque muchos han expresado su deseo de comprar un terreno aqui en Alcaka! ¡Si Teniente! ¡Creme! ¡Porque vine de Manila antes de pasar por el pueblo de Tuguegarao! ¡Casi llego hace un momento! ¡Si!” Ngayon pa lamang nakumpirma ni Alferez ang tungkol sa usap–usapan na pumunta ng Maynila si Alcalde ngunit hindi na siya nag–abalang alamin pa kung kasama nito si Señora Mayora para hindi bigyan ng malisyosong kahulugan ang kanyang tanong. Kahit walang balak si Alferez upang magiging pangalawang Alcalde sa buhay ni Señora Mayora pagkat kuntento na ang sarili niya sa pagiging bulandal basta nadadaluyan ng alak ang kanyang lalagukan kayasa makipaglampungan siya sa isang balo. Diyata, naging priyoridad pa kay Alcalde ang pumunta ng Maynila upang ibenta lamang sa mga negosyante ang mga huwad na titulo ng mga lupain ng mga katutubong Malauegs sa halip na bumalik agad siya sa bayan ng Alcala pagkatapos ang sadya niya roon. Kaya tumagal ng limang gabi ang burol ng labinlimang soldados dahil hinintay pa ang kanyang pagdating sa pagbabakasakali na mahahabol niya ang araw ng paglilibing ngunit hindi masabi ni Alferez kung talagang sinadya na lamang ni Alcalde ang huwag magpakita para iwasan si Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga. Samakatuwid, may dahilan pala nang pabaunan ni Alcalde ng isang bote ng alak si Alferez pagkat binalak din pala niya ang pumunta ng Maynila upang ibenta ang mga huwad na titulo kahit hindi pa segurado ang resulta sa operasyon ng mga soldados. Para may maiinom na alak si Alferez kahit naroroon siya ng Maynila dahil hindi naman lingid sa kanya na tanging lunas sa sakit niya ang alak ngunit natiktikan lamang ng matang–lawin maski itinago niya ito sa ilalim ng unan. Sa sobrang tiwala niya sa guwardiya sibil ay bote na lamang ang dinatnan niya galing sa operasyon ngunit nanahimik na lamang siya pagkat magulo pa noon ang isip niya dahil naiwan sa kanyang pagtakas sa komunidad ng mga katutubong Maluegs si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz.
ITUTULOY
No responses yet