Kung abot–tainga ang ngiti ni Alcalde ay salubong naman ang mga kilay ni Alferez pagkat nagpahiwatig agad sa kanya ang malaking problema kung totoo ang pahayag ng kanyang kausap dahil pinag–iisipan pa lamang niya kung kailan itutuloy ang operasyon sa kabundukan ng Sierra Madre. Lalong nanginig dahil sa lamig ng hangin mula sa labas ang kanyang katawan nang magparamdam ang kinakatakutan niya kaya lumayo siya sa bintana pagkat balak na sana niya ang magpaalam upang hindi na nila mapag–uusap pa ang tungkol sa nabigong operasyon. Muling lumikot ang kanyang mga mata habang sinisisi ang sarili upang tiyakin na hindi pa nagigising ang sampung muchacha dahil ipaghahanda nila ng almusal si Señora Mayora pagkat ipinapaalam na sa kampana ng simbahan ng Alacala ang alas–cuatro ng madaling–araw para sa unang misa mamayang umaga. Dahil seguradong pakakainin siya ng sermon ni Alcalde ay tiyak na magiging kahiya–hiya siya kung marinig ito ng sampung muchacha pagkat naging palipasan ng oras na lamang nila ang pagkakalat ng tsismis habang parehong wala ang kanilang mga amo. Aywan kung saan ang kuwarto ng mag–asawang Alcalde at Señora Mayora dahil ipinagdarasal din niya na sana tulog pa ang huli kahit hindi siya napapalya sa pagsisimba araw–araw para walang magkakalat ng kalantari kapag nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan niya at ng punong–bayan ng Alcala.
Kumpirmado na hindi pa batid ni Alcalde ang tungkol sa nabigong operasyon ng mga soldados sa komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil kararating lamang pala niya mula ng Maynila na kabalintunaan naman sa naging palagay ni Alferez. Ipinatawag lamang siya ni Alcalde kahit hating–gabi na upang ipaalam sa kanya na maraming negosyante ang nagpahayag ng kagustuhan upang bumili ng mga lupain sa malawak na kabundukan ng Sierra Madre sa darating na bentahan ng mga huwad na titulo. Kaya nararapat lamang putulan ng dila ang nagkakalat ng maling espekulasyon na ikinulong ni Señora Mayora sa residencia ejecutiva si Alcalde pagkat malinaw na pagyurak ito sa pagkatao ng hermosa esposa na nangangarap maging santa pagdating ng huling paghuhukom. Hanggang sa kinabahan si Alferez pagkat walang duda na malalagay siya sa kompromiso kung matuloy ang binabalak na bentahan sa mga lupain ng Sierra Madre ngunit may solusyon pa naman kahit okupado pa rin ng mga katutubong Malauegs ang kanilang komunidad. Basta huwag lamang apurahin ni Alcalde ang mga soldados dahil nagpapagaling pa sa pagamutan ng Alcala ang karamihan sa kanila matapos ang madugong pakipaglaban nila sa mga kalalakihang Malauegs na humantong sa pagkasawi ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kaya naiwan siya sa kabundukan ng Sierra Madre. Talagang magpapaalam na sana si Alferez upang bumalik na lamang sa munisipyo ng Alcala nang matigil ang kanyang dahan–dahang paglalakad papunta sa pintuan dahil inakala naman niya ay gising na ang sampung muchacha ng residencia ejecutiva pagkat nagkaroon ng ilaw sa komedor. Lingid sa kanya ay umalis din sa tabi ng bintana si Alcalde ngunit dumeretso siya sa komedor upang sindihan ang ilaw roon hanggang sa tumambad sa kanyang paningin ang isang bote ng alak at dalawang kopita sa ibabaw ng mesa. Kahit hindi pa tinatawag si Alferez ay kusa nang lumapit siya sa komedor habang nagpapasalamat ang sarili pagkat hindi niya nasambit agad ang paalam lalo’t binubuksan na ni Alcalde ang bote ng alak kaya napalunok siya dahil sa pananabik. Talagang nag–iimbak ng alak sa residencia ejecutiva si Alcalde para hindi na kailangan utusan pa niya si Zafio upang pumunta sa opisina kung gusto niya ang uminom kahit mag–isa lamang siya pagkat may mga pagkakataon na napapaaga ang uwi niya. Paminsan–minsan, nagkakaroon din ng hora feliz silang mag–asawa kung walang regla si Señora Mayora dahil ginagawa nilang pulutan ang natitirang ulam sa hapunan ngunit limitado lamang sa isang bote ang kanilang inuman para walang sumbatan kung lasing na sila. Dagling naparam ang antok ni Alferez maski aroma pa lamang ng alak ang nalalanghap niya habang sinasalinan ni Alcalde ang dalawang kopita pagkat mahigit isang linggo rin na hindi siya masigla dahil hindi nadaluyan ng alkohol ang kanyang lalamunan. Kung masyadong pormal kanina ang kanyang mukha ay nakangiti na siya ngayon habang hinihintay ang alok ni Alcalde dahil handa na ang kanyang sarili sakaling magiging paksa sa usapan nila ang tungkol sa nabigong operasyon.
“¿Eso es seguro? ¿Alcalde?” Naniniyak ang boses ni Alferez pagkat naging palaisipan para sa kanya kung bakit hindi pa rin inaalam ni Alcalde ang resulta kaugnay sa operasyon na isinagawa nila sa komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil gusto niyang makita ang magiging reaksiyon nito. Kapag nalaman niya na dumanas ng maraming herido ang kanyang tropa kahit armado sila ng fusil dahil sa unang rapido ng mga putok lamang natakot ang mga kalalakihang Malauegs na taliwas sa kanyang akala pagkat lumaban pa rin sila. Sa pagdating pa lamang niya sa residencia ejecutiva ay dapat inalam na agad ni Alcalde kung nagtagumpay ba ang kanilang operasyon pagkat nag–aalala rin siya upang sabihin sa kanya ang totoo dahil marami na pala ang nahikayat bumili sa mga huwad na titulo. Tuloy, nagtagal pa sa kanyang kamay ang kopita dahil nagtatalo ang kanyang kalooban maski matindi na ang kanyang pananabik sa alak pagkat maraming araw rin na hindi nalasahan ng kanyang dila ang sahang ng alkohol. Patuloy ang pagtatanong ng kanyang sarili kung ano kaya ang magiging reaksiyon ni Alcalde kung ipagtapat na lamang niya ang tungkol sa labinlimang soldados at kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz para matigil na ang kanyang pag–aalala hanggang sa dumako sa kopita ang kanyang mga mata. Nang parang kisap–matang naglaho ang gana niya sa alak pagkat talagang hindi mapakali ang kanyang kalooban habang iniisip niya ang problema kaya mainam pa yata ang manahimik na lamang siya dahil tumitindi ang pangamba niya. Bagaman, tungkulin niya ang ipaalam kay Alcalde ang naging resulta ng kanilang operasyon ngunit nag–aalala naman siya lalo’t malapit nang lumiwanag ay tiyak na masasaksihan nina Señora Mayora at ng mga muchacha kung paano siya alipustain ng punong–bayan ng Alcala. Seguro, inumin na lamang niya ang tagay para lumakas ang kanyang loob imbes na hayaang gapiin ng pangamba ang kanyang sarili para masubhan ang nararamdaman niyang uhaw dahil maraming araw rin natigam ng alak ang katawan niya. Sapagkat pinilit lamang niya ang sarili upang tunggain nang dahan–dahan ang alak ay mahigit sa kalahati pa ang laman ng kopita nang itinigil niya ang pag–inom na talagang taliwas sa madalas na ginagawa niya dahil tuluy–tuloy hanggang sa masaid. Pagkatapos, tumingin siya kay Alcalde nang maalaala niya na okupado pa hanggang ngayon ng mga katutubong Malauegs ang mga lupain sa kabundukan ng Sierra Madre na gusto nitong ibenta sa mga negosyante kaya itinuloy niya ang pag–inom ng alak upang malasing pagkat siya naman ang nababahala. Kung naganap sa opisina ni Alcalde ang kanilang inuman ay walang duda na sinasalinan na niya ng pangalawang tagay ang kanyang kopita ngunit naging maginoo ang kanyang galaw sa teritoryo na hindi niya kabisado ang mga patakaran.
“¡Si Tenienbte! ¡De hecho . . . los Franciscanos del pueblo de Tuguegarao . . . tambien me lo dijeron! ¡Si!” Delikado! Talagang mangyayari pala ang kinakatakutan ni Alferez kapag ipinagtapat niya ang totoong sinapit sa kanilang operasyon sa kabundukan ng Sierra Madre maliban na lamang kung malayo pa ang takdang araw ng bentahan sa mga huwad na titulo dahil magagawan pa niya ito ng remedyo. Maya–maya, tinungga na ni Alcalde ang kanyang tagay habang naglulundag sa tuwa ang kanyang puso pagkat naging matagumpay ang kanyang lakad ngunit hindi sumabay si Alferez dahil naghihintay pa ng panibagong salin ng alak ang kopita niya. At ikinagulat ni Alferez ang malaman na interesado rin palang bumili ng titulo ang obispo sa bayan ng Tuguegarao kaya nanlaki ang kanyang mga mata nang maisip na hindi na pala puwedeng ipagpaliban pa ang pagbebenta sa mga lupain ng mga katutubong Malauegs. Ngunit imposible na mailulunsad agad ang pangalawang operasyon pagkat nagpapagaling pa lamang sa pagamutan ng Alcala ang kanyang mga soldados hanggang sa napaisip siya nang malalim kung paano mabibigyan ng agarang solusyon ang kanyang problema. Lalong hindi puwedeng maging incremento sa mga soldados ang puwersa ng mga guwardiya sibil pagkat hindi sila combatiente para isabak sa operasyon dahil hindi nila pinag–aralan ito ngunit mapipilitan pa rin siya kapag hiniling ni Alcalde ang pagsasagawa ng opensiba sa komunidad ng mga katutubong Malauegs. Napailing nang mariin si Alferez pagkat walang duda na mabibigo lamang ang kanilang pangalawang operasyon kung pakinggan niya si Alcalde lalo’t kapos na rin sila ng mga bala dahil tiyak pinaghahandaan na rin ng mga katutubong Malauegs ang kanilang pagbabalik. Pero maaapektuhan naman ang negosasyon na pinasok ni Alcalde kung hindi gumawa ng paraan si Alferez kahit hindi niya kasalanan dahil umalis siya papunta ng Maynila maski wala pang malinaw na resulta ang isinagawang operasyon. Disin, nalaman ni Alcalde na nabigong kubkubin ng tropa ni Alferez ang komunidad ng mga katutubong Malauegs kung hinintay muna niya ang kanilang pagbabalik mula sa operasyon sa halip na ibinenta agad niya sa mga negosyante ang mga huwad na titulo. Pero apektado pa rin nito si Alferez kung hindi matupad ni Alcalde ang pangako niya sa mga negosyante pagkat tiyak na magiging kahiya–hiya naman siya sa kanila kaya malaki ang posibilidad na mapapatay niya ang fiduciario kung hindi masolusyunan ang kanyang problema.
“¡Pero Alcalde! ¡Todavia tenemos un problema! ¡Porque! ¡Que . . . Alcalde!” Marahil, napag–isip–isip ni Alferez na makabubuti kung ipagtapat na lamang niya ang totoong nangyari sa kanilang operasyon nang hindi na niya mahintay ang tanong ni Alcalde dahil tiyak na pala ang pagbebentahan sa mga huwad na titulo. Ngunit hindi siya nagpadalus–dalos sa pagtatapat maski handa na ang kanyang sarili sakaling magmukhang tigre si Alcalde kapag nalaman nito ang naging resulta sa kanilang operasyon kaya hindi pa napapaalis ang mga katutubong Malauegs mula sa komunidad nila. Sapagkat hahantong din naman sa nagdaang operasyon ang kanilang pag–uusap habang tumatagal ay dapat sabihin na lamang niya para hindi kakaba–kaba ang kanyang dibdib dahil naaapektuhan lamang nito ang kanyang gana sa pag–inom ng alak. Bakasakaling maipagpaliban din ang bentahan sa mga lupain ng mga katutubong Malauegs kung sabihin niya ang totoo upang mabigyan ng abiso ang mga negosyante habang maaga pa hanggang sa magiging tiyak na ang lahat para hindi naman malalagay sa kompromiso si Alcalde. Bagaman, hindi umaasa si Alferez na tatanggapin ni Alcalde ang kanyang paliwanag kapag nalaman nito ang malagim na resulta sa kanilang operasyon ngunit mabuti na ang mapigtal sa isip niya ang problema para wala nang alalahanin pa ang kanyang sarili. Pagkatapos, mabilis na tinungga ang alak sa kanyang kopita upang ihanda sa posibleng mangyayari ang kanyang sarili habang pinapakiramdaman niya si Alcalde na waring naniniyak naman ang tingin sa kanya matapos mapakinggan nito ang kanyang tinuran.
ITUTULOY
No responses yet