IKA–67 LABAS

Sin embargo!  Gaano man ang pagnanais ni Alferez upang mapapabilis ang pagdating ng mga bala sa bayan ng Alcala ay wala naman sa kanyang mga kamay ang paraan dahil depende pa rin kung kailan ang daong ng bacarza sa puwerto ng Aparri basta umalis na ito ng Maynila noong isang linggo.  Palibhasa, dismayado si Alcalde ay tila nalito ang isip niya nang umakmang kamutin ang kanyang ulo ngunit tinungga na lamang ang kanyang tagay kahit batid niya na hindi ito ang solusyon sa problema hanggang sa napailing siya.  Tuluyan nang napakamot sa ulo si Alcalde dahil talaga palang malaki ang posiblidad na maaantala ang pagsasakatuparan sa kanyang plano kung hindi agad–agad maihahatid sa bayan ng Alcala ang mga municiones na kailanganin ng mga soldados pagkat manggagaling pa ito ng Maynila.  Segurado, mag–eeskala pa sa mga lalawigan ng La Union at Ilocos ang barcaza para minsanan na lamang ang paghahatid sa mga kargamento kaya masuwerte na kung tumagal lamang ng dalawang buwan ang paghihintay nina Alferez at Alcalde maski apektado nito ang operasyon dahil ito ang problema na hindi mahahanapan ng solusyon.  Katunayan, estimasyon lamang ang dalawang buwan lalo’t delikado para sa mga sasakyang–dagat ang paglalayag sa panahon ngayon pagkat nagsimula na ang tag–ulan na posibleng makaapekto sa barcaza sanhi ng malalaking alon ngunit huwag naman sanang lumubog para hindi lumubha ang problema ni Alcalde.  Malinaw sa mga paliwanag ni Alferez na talagang hindi puwedeng itakda ang pangalawang operasyon habang wala pang katiyakan kung hanggang kailan darating sa bayan ng Alcala ang mga bala galing ng Maynila maski ipagpilitan pa ito ni Alcalde.  Napatitig na lamang kay Alferez si Alcalde sa halip na magalit na naman siya pagkat ito ang sitwasyon na hindi nila kontrolado hanggang sa naisaloob niya na kailangan maimpormahan agad ang Gobernador ng Cagayan upang masabihan nito ang mga negosyante.  Napalatak na lamang si Alcalde dahil sa tindi ng panghihinayang sa malaking halaga na mawawala sa kanya sabay iling nang mariin pagkat siya rin naman ang lumikha ng sariling problema kung bakit dumanas ng sunud–sunod na kabiguan ang kanyang mga plano.

            ¿Por que . . . Alcalde? ¿Cuando se realizara la venta de titulos falsos? ¿Eh?”  Tuloy, hiningi na ni Alferez ang paglilinaw ni Alcalde nang umabot na sa sukdulan ang kanyang pagtitimpi lalo’t hindi na niya matandaan kung pang–ilang tagay na ang hawak niya ngayon basta nagpanting ang kanyang tainga dahil sa patuloy nitong pagsusumang.  Dahil hindi rin niya ipapahamak ang mga soldados maski magalit pa sa kanya si Alcalde para masunod lamang ang kagustuhan nito pagkat sariwa pa sa puso’t isipan nila ang sugat na nilikha ng nagdaang operasyon.  Lalo’t kahapon lamang inilibing ang labinlimang soldados ay hindi ganoon kadali para sa kanila ang pagsasagawa ng operasyon habang nagluluksa ang kanilang mga kalooban maliban pa ang mga nagpapagaling sa pagamutan ng Alcala dahil talagang kailangan nila ang sapat na pahinga.  Kung talagang naitakda na ang bentahan sa mga lupain ng mga katutubong Malauegs ay puwede namang ipagpaliban ang petsa upang hindi magkakaroon ng kompromiso si Alcalde hanggang sa magiging malinaw na ang lahat maski tumagal basta matutuloy ito.  Bagaman, hindi maipapangako ni Alferez ang tagumpay ng pangalawang operasyon dahil tiyak na pinaghahandaan na rin ng mga katutubong Malauegs ang kanilang muling pagsalakay ngunit kailangan sumugal sila kahit walang kaseguruhan dahil hindi naman nila tangan ang sitwasyon upang pumabor sa kanila ang laban.  Gayunpaman, iniiwasan pa rin niya ang tandisang paninisi kay Alcalde kahit lumikha lamang ng malaking problema ang padalus–dalos na desisyon nito nang ialok sa mga negosyante ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre sa pamamagitan ng mga huwad na titulo.  Baka nakalimutan ni Alcalde na malaking mapa ang pinagbasehan lamang ng mga sukat ng bawat huwad na titulo kaya hindi nagtataglay ng mga legal na impormasyon pagkat hindi dumaan sa tamang proseso ang mga ito kahit pirmado pa nilang tatlo – si Alferez, ang agrimensor at siya.  Makabubuting itakda na lamang sa ibang araw ang bentahan sa mga lupain ng mga katutubong Malauegs para maisalba ang kanyang kredibilidad habang hinihintay pa ni Alferez ang mga bala na gagamitin nila sa susunod na operasyon.  Pero natahimik si Alferez matapos mapaglilimi na hindi dapat pinagdidiinan niya ang salitang huwad sa mga titulo pagkat kabilang siya sa mga pumirma ngunit itinaas na lamang ang kanyang kopita sa halip na humingi ng dispensa kay Alcalde.

            ¡Que apropiado! ¡Es la fiesta de Tuguegarao del Señor Pedro! ¿Pero tienes que prometerme verdad? ¡Teniente!”  Aywan kung gusto lamang maneguro ni Alcalde pagkat sa huling linggo ng Agosto pa naman ang kapistahan ni Señor Pedro sa bayan ng Tuguegarao upang apurahin niya ang pagsasagawa ng operasyon sa kabundukan ng Sierra Madre samantalang may panahon pa pala para hintayin ang mga bala na manggagaling ng Maynila.  Palibhasa, napapadalas ang giyera nila ni Señora Mayora ay nagkaroon na yata siya ng choque de guerra upang maging nerbiyoso na rin dahil may dalawang buwan pa upang mapaghahandaan niya ang bentahan sa mga huwad na titulo maski hindi na abisuhan ang mga negosyante na pinangakuan niya.  Napahinagpis si Alferez saka umiling nang mariin pagkat wala naman palang dapat ikabahala si Alcalde dahil sa kapistahan ni San Pedro pa gaganapin ang bentahan sa mga huwad na titulo gayong huling linggo sa buwan ng Mayo pa lamang ngayon sa kalendaryo ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Sapagkat isang araw lamang ang itinatagal ng operasyon basta sabayan lamang ng suwerte ang mga soldados ay tiyak may solusyon na ang problema ni Alcalde pagkat ito rin ang inaasahan ni Alferez kung pagbasehan naman ang kanyang plano.  Kung sa kapistahan ni Señor Pedro isagawa ang bentahan sa mga huwad na titulo ay maaaring itataon ito sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na laging sabay sa pista sa bayan ng Tuguegarao pagkat sadyang marami ang pumupunta sa palacio del gobernador upang iparating ang kanilang pagbati sa kanyang kaarawan.  Subalit ayaw namang isipin ni Alferez na posibleng hindi na lingid sa Gobernador ng Cagayan na pagmamay–ari ng mga katutubong Malauegs ang mga lupain sa kabundukan ng Sierra Madre na gustong ibenta ni Alcalde dahil hindi dapat malaman niya ang tungkol dito pagkat tiyak na paiimbestigahan niya ito.  At posibleng suhestiyon din ng Gobernador ng Cagayan upang sa kapistahan ni San Pedro gaganapin ang bentahan sa mga huwad na titulo dahil tiyak na marami ang mahikayat bumili sa mga lupain dahil sa kaaya–ayang klima sa kalupaan ng Sierra Madre ngunit hanggang doon lamang kaya ang naging kasunduan nila.  Sana, mali lamang ang sapantaha ni Alferez na may mga negosyante ang maaaring nagbigay na ng patinga kay Alcalde kaya hindi kataka–taka kung masyadong minamadali niya ang paglulunsad sa pangalawang operasyon gayong matagal pa ang kapistahan ni San Pedro upang mabahala siya samantalang Mayo pa lamang ngayon.  Pagkatapos tunggain ni Alferez ang laman ng kanyang kopita ay huminga siya nang malalim pagkat hindi pa pala magaganap ang bentahan sa mga huwad na titulo hanggang sa karaka–rakang nagpasunod pa siya ng panibagong tagay upang lunurin sa alak ang nararamdamang yamot.  Napansin niya ang pag–iling ni Alcalde ngunit binalewala lamang niya ito pagkat hindi nila tangan ang sitwasyon maski armado pa sila ng makabagong sandata upang ipangako niya ang tagumpay sa pangalawang operasyon dahil mangmang man ang mga kalaban nila ay nag–iisip din ang mga ito.  Basta naging pangako niya sa sarili na hindi na muling daranas ng kahit isang herido ang kanyang tropa pagkat isasagawa nila sa gabi ang paglusob upang hindi magagamit ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang kaalaman sa pakipagtunggali kapag nasorpresa sila.  Aywan kung bakit muling umiling si Alcalde samantalang wala nang dapat ikabahala ang kanyang sarili dahil matagal pa ang pista sa bayan ng Tuguegarao maliban na lamang kung balak nilang mag–asawa ang sumali sa rigodon na ginaganap sa gabi ng bisperas.  Lingid kay Alferez ay bumulong ng pagtutol ang sarili ni Alcalde matapos pumitlag ang puso niya dahil sa pangangamba nang magpaalaala sa kanya ang nangyari sa unang operasyon pagkat naglibing ng labinlimang bangkay ang opisyal maliban pa ang mga naiwan sa pagtakas.  ¡Eso no deberia suceder! ¿Eh?”   Kabutihan, nasabayan agad ni Alcalde ng pagtungga sa kopita ang biro ng kanyang sarili dahil hindi pa rin tumitining ang bagabag sa dibdib niya kahit totoo na malayo pa ang takdang araw ng bentahan sa mga huwad na titulo.  Pero pakiwari niya ay ito naman ang magiging sanhi upang hindi siya makatulog sa gabi pagkat tiyak na laging magpapahiwatig sa isip niya ang malaking halaga na posibleng maglalaho kung hindi agad mailunsad ang pangalawang operasyon dahil sa kakulangan ng mga bala.  Dagdag sa dating problema niya dahil tiyak na magdedeklara ng guerra mundial si Señora Mayora kung mabigo na naman ang pangalawang operasyon ni Alferez pagkat hindi na matutuloy ang bentahan sa mga huwad na titulo kaya wala nang dapat asahan pa mula sa mga negosyante.  Kanina, nang malaman niya ang resulta sa isinagawang operasyon ng mga soldados sa kabundukan ng Sierra Madre ay talagang nabawasan ang tiwala niya kay Alferez lalo’t dumanas ng maraming herido ang kanyang tropa bukod pa kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na kabilang sa mga desaparecido en combate hanggang ngayon.  Sapagkat hindi ito ang kanyang inaasahan dahil si Alferez mismo ang namuno sa operasyon ng mga soldados ay nagtiwala siya na maisakatuparan nila ang kanyang plano sa halip na kabiguan ang naririnig niya mula sa informe militar.  Kaya hindi siya masisisi kung pagdudahan na naman niya ang pangalawang operasyon kahit nakatakda pa lamang ilunsad ito pagkat ayaw niyang umasa ng tagumpay mula sa kanya na minsan nang nabigo sa unang pagtatangka pa lamang dahil tiyak mahihirapan na sila sa susunod.  Ano pa ba ang dapat asahan sa pangalawang operasyon kung nabigong palayasin ng mga soldados sa unang tangka ang mga katutubong Malauegs pagkat seguradong napaghandaan na rin nila ang kanilang pagdating dahil mas agresibo pa pala sila kaysa kanila na armado ng fusil ang bawat isa?  Kamalasan kay Alcalde pagkat si Alferez lamang ang maaasahan niya sa pagsasakatuparan ng kanyang mga plano dahil hawak nito ang puwersa ng mga guwardiya sibil at ang tropa ng mga soldados bilang un Comandante del Ejercito de Alcala ngunit hindi naman puwedeng manduhan niya kahit siya ang punong–bayan ng Alcala.  Por lo tanto!  Kailanganin pa rin niya si Alferez pagkat tropa lamang nito ang puwedeng magpalayas sa mga katutubong Malauegs para matutuloy na ang bentahan sa mga huwad na titulo kahit ano pa ang magiging kahinatnan sa pangalawang operasyon pagdating ng araw na ‘yon.  ¡Hola . . . Teniente! ¡Tu proxima mision no debe fallar! ¡Si! ¡Si no quiero que me lamen! ¿Lo entiendes? Eh?’’  Sumilay sa mga labi ni Alferez ang umis sa halip na seryosohin ang banta ngunit umasim ang kanyang mukha nang biglang tumapang ang lasa ng alak habang nanunukat ang tingin niya kay Alcalde na waring balewala lamang nito ang manakot ng opisyal.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *