Ngunit ayaw rin nilang isipin na nakulong na sila sa loob ng mga kubol kahit nalagay sila sa gipit na katayuan hanggang walang nagtatangkang pumasok upang daluhungin sila dahil tiyak na makipagsabayan na lamang sila gamit ang palathaw. Basta huwag lamang masusunog ang kanilang mga kubol dahil seguradong hindi na nila mararating pa ang yungib upang lumisan pagkat madilim kung wala na rin silang mapagkukublihan sakaling biglang dumiklap ang mga nagbabagang punglo na tumatagos sa loob.
“WAAA!!! WAAA!!! WAAA!!! WAAA!!! WAAA!!! WAAA!!!” Sumabay sa mga putukan ang iyakan ng mga musmos pagkat ngayon lamang nila narinig ang rapido ng mga fusil na taliwas sa mga nagdaang gabi dahil payapa silang natutulog nang magdamag sa piling ng kanilang mga inang. Mangyari, mga kalalakihang Malauegs lamang ang nakaranas sa bagsik ng mga fusil dahil sila ang naiwan sa komunidad noong unang sumalakay ang mga soldados ngunit salungat ngayong gabi pagkat sa labas ng mga kubol lamang nagmula ang mga putok. Sinikap magpakatatag ng mga katutubong Malauegs kahit walang humpay ang pamamaril ng mga soldados sa kalaliman ng gabi habang umuusal ng taimtim na dasal para iligtas nawa sila ni Bathala mula sa kamatayan na kumakatok na sa kanilang mga pintuan. Pumipikit sila sa tuwing naririnig ang rapido ng mga putok upang ihanda ang kanilang mga sarili sakaling hindi na nila mahihintay pa ang pagsapit ng umaga dahil hindi nila mawari kung hanggang kailan matitigil ang pamamaril. Mahabaging langit! Sana, iligtas sila ni Bathala mula sa kanilang kahabag–habag na kalagayan pagkat hindi na nila naaaninaw ang pag–asa sa gitna ng nakapangingilabot na sitwasyon habang pilit pa rin nilang pinanghahawakan kahit ang munting pananalig ng kanilang mga kalooban para hingin ang pangalawang buhay. Nagsusumamo ng awa ang kanilang mga puso’t kaluluwa kahit ngayong gabi man lamang dahil sadyang wala na silang masusulingan habang inuulan ng mga bala kundi ang kanilang tagapagligtas dahil wala silang kakayahan upang harapin ang mga kalaban. Sana, maramdaman nila ang kanyang pagpapala dahil ito lamang ang kanilang inaasahan sa tuwing dumarating ang ganitong pangyayari pagkat naniniwala sila na nakahihigit ang kanyang kapangyarihan kaysa anumang lakas mayroon ang mundo. Anuman ang mga pagkakasala nila ay huwag naman sanang igagawad ngayong gabi ang kanyang parusa sa halip bigyan pa sila ng pagkakataon upang maitutuwid ang mga pagkukulang nila na naging dahilan upang danasin nila ang pagsubok na ito. Subalit naririnig pa kaya ni Bathala ang kanilang mga dasal kung hindi na niya namamalas ang mga pangyayari sa komunidad ng mga katutubong Maluegs dahil mahimbing na rin ang tulog niya pagkat kailangan din naman ang magpahinga siya lalo’t pasado hating–gabi na.
“Saklolo! AHHH!!! Saklolo!!! Tulungan n’yo kami!!! AHHH!!! Tulonggg!” Aywan kung darating pa sa mga katutubong Malauegs ang saklolo gayong lahat sila’y nangangailangan nito ngayon pagkat talaga yatang natutulog na si Bathala kaya hindi na niya naririnig ang mga hinagpis ng kanilang mga kalooban habang tumitindi ang mga pangyayari. Nang muling dumagisdis ang mga putok ay tuluyan nang gumuho ang natitirang pag–asa ng mga katutubong Malauegs na tanging nagpapalakas sa kanilang natitigatig na damdamin ngunit asam pa rin nila ang masilayan bukas ng umaga ang araw upang mag–alay ng pasasalamat kay Bathala. Sinisikap isubsob sa lupa ang kanilang mga sarili sa tuwing tumatambad sa kanilang mga paningin ang kamatayan pagkat walang duda na ngayong gabi pa lamang ay pipikit na ang kanilang mga mata kapag tinamaan sila ng bala. Gayunpaman, ayaw nilang ayunan ang sariling palagay sa gitna ng kawalan nang pag–asa na maaaring hindi na nila masisilayan pa ang bukas kahit posibleng ganito nga ang kasasapitan nila kung magtagumpay ang layunin ng mga soldados sa kanilang komunidad. Kailangan paigtingin pa ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang pagdarasal upang magising si Bathala kung siya man ay totoong natutulog na para ilahad ang kanyang mapagpalang kamay alang–alang sa kanilang kaligtasan ngayong nalalagay sa panganib ang kanilang buhay. Kung totoo na kailangan din ni Bathala ang magpahinga sa tuwing sumasapit ang hating–gabi ay bahala na kung saan hahantong ang kanilang mga dasal basta hindi nila nalimutan ang tumawag sa kanya kahit sinasakmal na sila ng kamatayan. Harinawa, maramdaman niya ang salagimsim upang magising siya bago pa kapusin ng kapalaran ang mga katutubong Malauegs sanhi ng matinding salakhati pagkat kanina pa sila nagsusumamo ng kanyang habag maski palutay–lutay ang dasal ng mga labi dahil sa pangamba. Aywan kung tugon ng langit ang malakas na kayugkog ng kulog ngunit sinamantala naman ito ng mga kalalakihang Malauegs upang pangahasan ang sumilip sa mga siwang ng mga bintana para makiramdam nang dumalang ang pagpapaputok ng mga soldados.
Mabibilang lamang sa mga kalalakihang Malauegs ang naglakas–loob lumabas ng kubol para alamin ang sitwasyon dahil talagang kailangan mahadlangan nila ang mga soldados pagkat tiyak na magiging bihag silang lahat kapag nakubkob ang kanilang komunidad. Kung may paraan pa para harapin ang mga soldados ay katanungan na hindi nila masagot basta nanatili ang kanilang masidhing pagnanais dahil hindi puwedeng ikumpara ang nakaraang laban pagkat ligtas sa yungib ang kanilang mga pamilya. Nang muling umalingawngaw ang bulya ng mga putok ay sumalubong sa kanilang paglabas ang mga nagbabagang punglo na muntik na nilang ikinasawi kung hindi sila dumapa agad ngunit nanatili sila sa ganoong ayos sa halip na bumalik sa loob. Itinuloy nila ang pagmamasid habang nagsasalimbayan sa himpapawid ang mga punglo upang alamin ang eksaktong pinagkukublihan ng mga soldados kahit naging problema nila ang dilim na pinalulubha pa ng makapal na ulop hanggang sa tinangka na nila ang gumanti. Muling humaginit ang kanilang mga tunod kahit hindi tiyak kung may tinamaan sila dahil nahirapan din silang tuntunin ang pinagtataguan ng mga soldados ngunit hindi nila itinigil ang pagmamasid sa pagbabakasakali na malalaman din nila ang kinaroroonan ng mga ito. May katuwiran upang isipin ng mga kalalakihang Malauegs na sadyang isinakatuparan sa hating–gabi ang paglusob sa kanilang komunidad pagkat hindi sila kayang talunin kung sa araw isinagawa ito kahit armado pa ng mga fusil ang mga soldados. Talagang mahihirapang gumanti ang mga kalalakihang Malauegs lalo’t naging sorpresa para sa kanila ang pananalakay ng mga soldados dahil hindi sumagi sa isip nila na mangyayari ito ngayong gabi hanggang sa mabilis na nagbalik sa kanilang alaala ang sinapit ng mga dating katutubong Malauegs ng Calantac. Sapagkat hating–gabi rin noon nang sumalakay sa dating komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ang mga soldados kahit maramingtanod ang nagbabantay sa pasukan nang walang pakundangan na sinunog nila ang mga kubol kaya nagpanakbuhan sila upang tumakas. Subalit marami pa rin ang nangasawi kabilang na si Lakay Lumbang dahil talagang tiniyak ng mga soldados ang kanilang kamatayan upang hindi na muling pamamahayan pa ang komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ngunit himalang nakaligtas ang ilan upang magiging buhay na saksi sa pangyayari. Kaya hindi kataka–taka kung ganito rin ang nararanasan ngayon ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre dahil kailangan panindigan ni Alferez ang pangako na taglay niya sa pagbabalik sa munisipyo ng Alcala ang tagumpay sa pangalawang operasyon upang ialay kay Alcalde pagkat hindi niya nagawa ito noong isinagawa ang unang operasyon sanhi ng katalunan. Sapagkat napilitang umatras ang mga soldados nang dumanas sila ng maraming herido hanggang sa naiwan sa kanilang pagtakas si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kaya naapektuhan ang pinasok na kasunduan ni Alcalde sa mga negosyante dahil sa kanilang kabiguan. Ngunit sitwasyon na mismo ang nagpapahiwatig na matutuloy ang bentahan sa mga huwad na titulo na nakatakdang gaganapin sa darating na kapistahan ni San Pedro sa bayan ng Tuguegarao kung hindi masagkaan agad ng mga kalalakihang Malauegs ang pananalakay ng mga soldados dahil wala na yatang bisa ang mga dasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs.
Hanggang sa pinangahasan na ng mga kalalakihang Malauegs ang sumagsag sa sagradong kubol kasama ang kani–kanilang mga pamilya kahit inuulan sila ng mga bala dahil walang katiyakan ang kalagayan nila kung manatili sa kanilang mga kubol pagkat wala silang mahingan ng tulong. Nais din nilang hingin ang payo ng lupon ng mga matatandang Malauegs dahil naseseguro nila na nagdarasal sila sa sagradong kubol pagkat ito lamang ang natitirang paraan upang iadya sila ni Bathala mula sa kapahamakan na kasalukuyang nagbabanta sa kanilang buhay. Bagaman, ligtas silang nakarating sa sagradong kubol ay nabahala pa rin sila pagkat sina Lakay Lanubo at Balayong lamang ang dinatnan nila sa loob ngunit wala ang Punong Sugo na inaasahan pa naman nila upang hingin ang kanyang payo. Nalaman nila mula sa mag–amang Lakay Lanubo at Balayong na lumipat agad sila sa sagradong kubol nang bistayin ng mga bala ang kanilang kubol ngunit sa likuran sila dumaan maski nahirapan sa halip na lumabas sa pintuan. Naligalig ang mga kalalakihang Malauegs nang malaman nila na wala pa sa sagradong kubol si Lakay Awallan at ang mag–inang Dayandang at Bag–aw ngunit hindi naman nila magawa ang lumabas upang alamin ang kanilang kalagayan. Maya–maya, dumating sina Lupog, Anabyong at Bakaw kasama ang kani–kanilang mga pamilya upang sa sagradong kubol din magtatago nang matigil ang putukan ngunit tiyak na iisa ang kanilang nararamdaman nang mga sandaling ‘yon kahit tahimik sila. Sapagkat mahirap ilarawan ang mga mukha na saklot ng pangamba habang nanginginig ang mga katawan kaya hindi matigil–tigil ang paggulong ng mga luha dahil naroroon sa isip nila.ang agam–agam kung may bukas pa bang dapat hintayin. Ngayon pa lamang nagdatingan ang mga matatandang Malauegs na sumabay sa limang kalalakihang Malauegs ngunit pareho ang naging paraan nila para marating ang sagradong kubol dahil hindi na ligtas ang kanilang komunidad. Nagtatanong sa isa’t isa ang mga kalalakihang Malauegs pagkat wala na si Alawihaw na kinikilala nilang lider para pangunahan sila ngunit wala naman sa kalagayan si Lakay Lanubo upang magdesisyon lalo’t tumindi pa ang kanyang karamdaman dahil sa takot. Seguro, hihintayin na lamang nila si Lakay Awallan kahit naging katanungan nila kung bakit siya pa ang nahuhuli na taliwas sa mga nagdaang pangyayari dahil siya ang laging nauuna sa sagradong kubol upang pulungin sila ngunit ipinagpalagay na lamang nila na maaaring nabalam lamang ang kanyang paglalakad. Palihim na sumaglit sa kubol ni Lakay Awallan si Balayong upang alamin ang dahilan kung bakit nabalam ang kanyang paglipat sa sagradong kubol dahil imposible naman na hindi pa siya nagigising maliban na lamang kung tinamaan siya. Ngunit dali–dali rin bumalik sa sagradong kubol si Balayong nang hindi niya mahanap sina Lakay Awallan at Assassi dahil kinilabutan siya nang muling umalingawngaw ang mga putok kaya gumapang na lamang siya sa halip na tumakbo. Habang hinihintay nila ang Punong Sugo ay sinimulan naman ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang pagdarasal kahit kanina pa sila umuusal nito bago lumipat sa sagradong kubol ngunit sisikapin pa rin nilang gisingin si Bathala upang matunghayan niya ang kalunus–lunos na sinapit ng kanilang tribu.
ITUTULOY
No responses yet