Pero kagabi pa lumipat sa kubol ng mag–inang Dayandang at Bag–aw si Lakay Awallan nang manggaling siya sa sagradong kubol pagkat nabahala siya nang malaman mula kay Assassi na ayaw tumahan sa pag–iiyak ang bata kahit wala namang dinaramdam gayong malalim na ang gabi. Marahil, nagparamdam lamang kay Bag–aw si Alawihaw dahil naging mahimbing naman ang tulog nito matapos ipaghele ni Lalay Awallan ngunit hindi na bumalik sa sariling kubol ang Punong Sugo para alalayan si Dayandang sakaling muling mag–alumihit ang bata.
“Dayandang! Tumuloy kayo ngayon din . . . sa sagradong kubol! Sasabayan kayo . . . ni Assassi! Sige na! Susunod na lamang ako! Ingatan mo . . . si Bag–aw! Dali na . . . sa likuran kayo dumaan! Bilis!” May dahilan pala nang mabahala kanina ang mga soldados habang isinasagawa nila ang pagsugabang sa komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil talagang nagising si Bag–aw ngunit si Lakay Awallan ang bumangon dahil hindi yata siya naramdaman ni Dayandang pagkat naging mahimbing na rin ang tulog nito. Marahil, nanaginip lamang si Bag–aw dahil napayapa uli siya ngunit hindi na natulog si Lakay Awallan pagkat binalak niya ang pumunta sa sagradong kubol upang magdasal kung hindi lamang naging problema niya si Assassi dahil ayaw gumising. Minabuti niya ang magdasal na lamang sa tabi ng bintana habang hinihintay ang pagsapit ng madaling–araw dahil ito ang oras ng kanyang relyibo sa pagbabantay sa bukana kasama si Assassi ngunit pinagtitiyagaan pa rin niya pagkat minsan lamang naman sa isang linggo. Nang mabaghan siya dahil sa rapido ng mga putok na gumambala sa kanyang maagang pagdarasal ay pinatay agad niya ang gasera saka pinakiramdaman ang dahilan hanggang sa lumapit na rin sa kanya si Assassi na kayhirap gisingin kanina. Ngunit hindi niya malaman kung dapat ba siyang magpasalamat nang hindi niya napilit gisingin si Assassi dahil tiyak na may nangyayari nang masama sa kanilang dalawa kung nagkataon na sumabay sa kanilang pagpunta sa sagradong kubol ang mga putok. Hindi man niya nakikita ang mag–inang Dayandang at Bag–aw dahil madilim ang kubol ngunit pumaswit agad siya upang huwag nang ituloy ng manugang niya ang pagtatanong para hindi makatawag ng pansin sa labas ang kanyang boses. Ramdam niya ang panganib pagkat ngayon lamang ginising sila ng mga putukan na malayo sa karaniwang gabi habang nagtatanong ang kanyang sarili kung bakit walang nagparating ng abiso sa kanila samantalang dala–dalawa ang bakay sa bukana. Laging tahimik ang komunidad ng mga katutubong Malauegs sapul nang higpitan nila ang pagbabantay sa bukana upang hindi nila ikabibigla ang paglusob ng mga soldados dahil inaasahan na nila ito mula nang maganap ang unang pananalakay ng mga ito. Nang hindi na matali ang kanyang kalooban ay ipinasya niya ang lumikas sila sa sagradong kubol dahil sa paniniwala na ligtas sila roon pagkat hindi na rin madalumat ng kanyang isip ang pangyayari lalo’t walang tigil ang putukan sa labas ng kubol.
“Opo . . . Amang! Basta . . . sumunod po agad kayo! Hihintayin po namin kayo . . . sa sagradong kubol! Mag–ingat din po kayo . . . Amang! Sige po!” Sa likuran ng mga kubol dumaan sina Dayandang at Assassi ngunit patigil–tigil ang kanilang pagtakbo dahil tuluy–tuloy rin ang rapido ng mga fusil kahit hindi nila nakikita ang mga namamaril ngunit natatanaw naman sa kalawakan ang mga nagbabagang tingga. Sinusundan ni Dayandang si Assassi pagkat siya ang nagbibigay ng senyas kung kailan dapat tumakbo upang hindi mapansin ng mga soldados ang kanilang palihim na paglipat sa sagradong kubol hanggang sa napatapat sila sa kubol ng mag–amang Lakay Lanubo at Balayong. Wala nang sumagot sa kanilang panawagan kundi ang mga putok na tila wala nang katapusan ngunit lalo lamang nagpatindi sa nararamdaman nilang kuribdib pagkat nauna nang nagtungo sa sagradong kubol ang mag–amang Lakay Lanubo at Balayong nang lingid sa kanila. Pangko ni Dayandang si Bag–aw ngunit tila hindi ramdam ang nagaganap na balasaw sa kanyang paligid gayong naging balisa siya bago sumapit ang hating–gabi kaya dali–daling lumipat sa kubol nilang mag–inang ang Punong Sugo upang payapain siya. Kabutihan nang hindi na muling umiyak si Bag–aw dahil malaking tulong ito para kina Dayandang at Assassi habang palipat–lipat sila sa mga kubol upang isabay sa tiyempo ang kanilang pagtakbo para hindi sila mahagip ng mga bala. May mga sandali na napapasabay ang pagtakbo nina Dayandang at Assassi kung kailan muling bumubuga ng mga bala ang mga fusil ng mga soldados dahil sa kanilang pagmamadali na marating agad ang sagradong kubol pagkat ayaw nilang tumagal sa isang lugar. Sapagkat tiyak na magdudulot sa kanila ng problema kung matakot si Bag–aw dahil walang duda na maririnig ng mga soldados ang kanyang palahaw lalo’t walang magtatanggol sa kanila sakaling may magtatangka sa kanilang buhay. Kunsabagay, natatanaw na nila ang sagradong kubol ngunit duda ang kanilang mga sarili kung may daratnan sila roon pagkat walang ilaw sa loob na taliwas sa tuwing nagdarasal ang lupon ng mga matatandang Malauegs kahit naunawaan nila ang dahilan kung bakit madilim ito. Basta ang napansin ni Dayandang ay walang palatandaan na may nagtatago pa sa loob ng bawat kubol na naraanan nila kaya naisaloob niya na kailangan marating na nila ang sagradong kubol pagkat maaaring sila na lamang ang hindi pa pumapasok doon. Nang pansamantalang humupa ang putukan ay tumalilis sina Dayandang at Assassi upang marating agad ang sagradong kubol hanggang sa nakapasok silang tatlo na ipinagpasalamat nila pagkat muling narinig ang sigalbo ng mga nakatutulig na putukan. Kaya naman naantala ang pagsunod ni Lakay Awallan kina Dayandang at Assassi pagkat maya’t maya ang pangungubli niya sa mga kubol kahit gustuhin niyang bilisan ang paglalakad dahil kailangan gamayin sa dilim ang kanyang paningin lalo’t nag–iisa lamang siya.
“Dayandang . . . ! Bakit kayong mag–ina . . . at si Assassi?! Ang lumikas lamang . . . ha?! Bakit hindi n’yo kasama . . . si Apong Awallan?! Nasaan siya?! Kanina pa kami naghihintay . . . sa kanya!” Kanina pa binabalak ni Balayong ang sumaglit sa kubol ng mag–inang Dayandang at Bag–aw upang tiyakin ang kanyang kutob na maaaring lumipat doon sina Lakay Awallan at Assassi nang marinig sa kanilang komunidad ang putukan. Ngunit hindi na siya natuloy nang bumungad sa pintuan ng sagradong kubol sina Dayandang at Assassi kaya lumapit na rin si Lakay Lanubo dahil kay Lakay Awallan na sadyang nagpahuli pa upang tiyakin na walang mahalagang bagay ang naiwan sa kanilang paglikas. Nagkatinginan ang mga kalalakihang Malauegs nang sabay umiling nang mariin sina Dayandang at Assassi pagkat agad naipagpauna nila ang maling palagay dahil tampak ng panganib ang kasalukuyang sitwasyon ng kanilang komunidad sa halip na hintayin ang paliwanag ng dalawa. Tuloy, tinangka na ni Lupog ang lumabas upang salunuin si Lakay Awallan pagkat posibleng magkatotoo ang kanilang pinangangambahan dahil nag–iisa lamang siya lalo’t kinilabutan silang lahat nang muling narinig ang rapido ng mga putok dahil pumapasok na sa sagradong kubol ang mga bala. Natigil naman ang pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs dahil nabahala sila nang malaman na naiwan pa sa kubol si Lakay Awallan pagkat lumikas na sa sagradong kubol ang lahat maliban sa kanya na kanina pa nila inaasahan ang pagsunod para pakinggan ang kanyang desisyon. Talagang hindi rin lubos maintindihan ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang dahilan kung bakit nagpaiwan pa si Lakay Awallan sa halip na sumabay na sana siya kina Dayandang at Assassi dahil magiging mahirap para sa kanya ang pumunta sa sagradong kubol nang nag–iisa.
ITUTULOY
No responses yet