Bagaman, totoo na delikado para sa kanya ang nag–iisa pagkat walang mahihingian ng tulong kung may nangyaring masama sa kanya ngunit walang duda na may mahalagang dahilan siya upang gawin ito kahit nalalagay sa peligro ang kanyang buhay. Lingid sa kanila ay malapit nang marating ni Lakay Awallan ang sagradong kubol dahil kusang humihinto siya sa tuwing lumilipat ng pagkukublihan maski mabalam ang kanyang paglalakad upang hindi siya mahagip sa nagsasalimbayang mga bala sa paligid. Kahit hindi mawari ngunit maaaring ang bagay na tangan nang mahigpit ng mga kamay niya ang dahilan kung bakit minabuti niya ang magpahuli sa halip na sumabay sa paglikas kina Dayandang at Assassi na ikinabahala naman ng mga kalalakihang Malauegs.
“May . . . nangyari bang masama sa kanya?! Ha . . . Assassi?!” Pati si Lakay Lanubo ay nabahala na rin dahil si Lakay Awallan na lamang ang hindi pa dumarating sa sagradong kubol lalo’t hindi puwedeng balewalain ang lumulubhang sitwasyon sa kanilang komunidad pagkat nakadukwang na sa kanilang lahat ang panganib kung hindi nila ito matakasan. Nagkulumutan sa sagradong kubol ang mga katutubong Malauegs dahil sa paniniwala na ligtas ang magtago sila roon pagkat nawaglit sa isip nila na posibleng mauulit ang ginawang panununog noon ng mga soldados sa kanilang mga kubol nang matamak na rin sila ng matinding linggatong. Sapagkat naroroon ang malaking posibilidad upang muling gawin ito ng mga soldados para mapipilitang tumakas sila kung kasiyahan pa ng suwerte maski maiwan na ang kanilang mga lupain dahil mas importante pa rin ang buhay kaysa kayamanan. Segurado, nalagtas sa isip nila ang lumikas sa yungib samantalang ito ang ginagawa nila sa tuwing dumarating ang ganitong sitwasyon dahil ligtas ang manatili roon habang hinihintay nila ang pagsapit ng umaga para nakikita nila ang mga soldados. Kunsabagay, lubhang mapanganib ang lumikas sa yungib pagkat hindi nila tiyak ang pinagtataguan ng mga soldados dahil napapaligiran na yata sila kung pagbasehan ang pinagmumulan ng mga putok kaya wala nang ligtas na paraan upang gawin pa nila ito ngayon. Kaysa masabat sila ng mga soldados kung pangahasan nila ang lumikas sa yungib ay mabuti pa ang hintayin na lamang nila si Lakay Awallan upang hingin ang kanyang payo dahil naniniwala ang mga kalalakihang Malauegs na kakayanin pa nilang iligtas ang kanilang komunidad. Ipinagpatuloy na lamang ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang pagdarasal upang gisingin si Bathala dahil maaaring mahimbing pa rin ang kanyang tulog kung kailan nagsusumamo sila ng awa habang hinihintay nila si Lakay Awallan na kararating lamang sa sagradong kubol.
“Apong Awallan . . . mabuti dumating na po kayo! Bakit po . . . ngayon lamang kayo?! Nag–aalala po kami . . . sa inyo! Kanina pa kami naghihintay . . . sa inyo?! Opo!” Si Lupog na kanina pa palakad–lakad ang agad sumalubong kay Lakay Awallan nang tumambad siya sa pintuan ng sagradong kubol kaya napangiti ang mga katutubong Malauegs nang malaman nilang dumating na siya dahil muling sumigla ang kanilang pag–asa kahit wala namang kapangyarihan ang kanyang pagiging Punong Sugo. Humahangos si Lakay Awallan sanhi ng sobrang kapaguran pagkat tuluy–tuloy ang kanyang pagtakbo hanggang sa narating niya ang sagradong kubol kahit naliligo sa pawis ang kanyang katawan gayong malamig ang panahon dahil sa ulop na lalong nagpadilim ng gabi. Kaagad hinanap niya ang mag–inang Dayandang at Bag–aw at si Assassi na sumalubong pa sa kanya dahil malamlam ang liwanag na tumatanglaw sa kanila pagkat may pantalya ang gasera na ginagamit para hindi malaman ng mga soldados na lumikas silang lahat sa sagradong kubol. Tinabihan niya si Dayandang para alamin ang kalagayan ni Bag–aw na gising pa rin ngunit mistulang hindi ramdam ng kanyang kamusmusan ang walang humpay na putukan pagkat ngumiti siya nang apuhapin niya ang kanyang mga paa. Nagpasalamat naman si Lakay Lanubo pagkat naibsan ang kanyang labis na pag–aalala kahit may katuwiran kung bakit nagpahuli pa si Lakay Awallan dahil kailangan palang tiyakin na dala niya ang mga naiwang gamit ng yumaong Alawihaw sa kanyang paglikas sa sagradong kubol. Sapagkat hindi niya hahayaan na mapunta sa kamay ng mga soldados ang pamana ng isang amang para sa kanyang anak dahil taglay nito ang maraming alaala na iniwan ng nakaraan upang laging babakasin sa gunita. Dahil tiyak na hahanapin ito ni Bag–aw pagdating ng araw na magagawa na niya ang mangangaso sa kagubatan upang maramdaman niya kahit sa busog at tunod man lamang ang mga kamay ng kanyang amang Alawihaw. Maya–maya, nagpahayag ng kahandaan ang mga kalalakihang Malauegs sa pamamagitan ni Lupog pagkat kanina pa hinihintay nila ang payo ni Lakay Awallan kung hindi lamang naantala ang pagdating nito sa sagradong kubol dahil sa paniniwala na magagawa pa nilang harapin ang mga soldados.
“Apong Awallan . . . kahit kakaunti na lamang po kami! Pero nakahanda po kami . . . . . . sa anumang ipag–uutos ninyo! Opo!” Naglakbay sa mukha ng bawat kalakihang Malauegs ang mga mata ni Lakay Awallan pagkat batid niya na posibleng ikapapahamak lamang nila ang kanyang talibadbad na desisyon kahit may pananalig siya sa katapatan ng kanilang mga puso ngunit hindi pa rin niya naiwasan ang magdalawang–isip. Hanggang sa dumako sa lupon ng mga matatandang Maluegs ang kanyang paningin na waring humihingi ng suhestiyon dahil hindi lamang siya ang dapat nagpapahayag ng desisyon kung pagbasehan ang kasalukuyang sitwasyon pagkat apektado silang lahat habang nalalagay sa panganib ang kinabukasan ng kanilang tribu. Huwag idahilan ang kanyang pagiging Punong Sugo ng tribung Malauegs upang magiging lubos ang kanilang panibulos sa kanya pagkat tungkulin din nila ang magbigay ng mungkahi bilang kasapi ng lupon ng mga matatandang Malauegs para magkaroon sila ng iisang tinig at paninindigan na dapat ipaglaban. Kailangan pa bang balikan ang nakaraan upang ipaalaala sa lupon ng mga matatandang Malauegs kung bakit umabot sila sa ganitong kalagayan ngunit hindi nagparinig kailanman ng panunumbat ang mga katutubong Malauegs kahit marami ang nagbuwis ng buhay dahil sa kanilang pagkukulang. Nalungkot si Lakay Awallan nang walang nagparinig ng suhestiyon mula sa lupon ng mga matatandang Malauegs upang ibahagi ang sariling opinyon kung dapat pa bang ipagtanggol ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang komunidad kahit walang katiyakan kung mapigilan pa nila ang patuloy na pananalasa ng mga soldados. Muling napatingin sa mga kalalakihang Malauegs si Lakay Awallan dahil nagdadalawang–isip din siya upang ipagkaloob sa kanila ang kanyang basbas pagkat ayaw na niyang maranasan uli ang kapighatian na minsan nang nagdulot ng linggatong sa kanilang mga damdamin. Pero tiyak na habambuhay namang pagsisisihan nila kung tuluyan nang mahulog sa mga kamay ng mga soldados ang kanilang komunidad na minsan nang ipinagtanggol ni Alawihaw pagkat hindi man lamang sila nagsikap upang hadlangan ang mga kalaban. Samakatuwid, dapat ipahayag na ni Lakay Awallan ang kanyang desisyon kaysa magdedepende pa siya sa mungkahi mula sa lupon ng mga matatandang Malauegs kung kailan huli na ang lahat dahil unti–unti nang lumiliit ang pag–asa ng mga kalalakihang Malauegs para mapigilan pa nila ang paninibasib ng mga soldados. Kunsabagay, namamalas naman sa kanilang mga mukha ang masidhing hangarin upang ipagtanggol ang kanilang komunidad dahil walang imposible para sa mga pusong naghahangad ng kalayaan basta huwag lamang magiging alipin ng mga banyaga. Tumigil kay Lupog ang kanyang paningin dahil siya ang nagpahayag ng kahandaan upang sundin ng mga kalalakihang Malauegs ang kanyang magiging kapasyahan basta ipagkaloob lamang sa kanila ang kanyang basbas dahil ito ang hinihintay nila mula sa kanya.
“Sa palagay ninyo . . . may paraan pa?! Para harapin . . . ang mga kalaban?! Madilim! Hindi ninyo nakikita . . . ang mga soldados! Lalo na . . . ang kanilang puwesto!” Sa katuwiran pa lamang ni Lakay Awallan ay malinaw ang kanyang pagtutol kaya bantulot siya upang ipagkaloob sa mga kalalakihang Malauegs ang kanyang basbas dahil ayaw rin naman niya na mapahamak sila hanggang sa dumako sa mga kababaihang Malauegs ang mga mata niya. Ayaw niyang ikompromiso ang mga kalalakihang Malauegs sa isang laban na imposible nang makamtan ang tagumpay dahil mabibilang lamang sila laban sa puwersa ng mga soldados lalo’t hindi pumapabor sa kanila ang kapaligiran pagkat nilagom ito ng kadiliman. Naniniwala siya na lubhang delikado ang sitwasyon upang naisin pa rin ng mga kalalakihang Malauegs ang lumaban dahil posibleng nasalikupan na ng mga soldados ang kanilang komunidad nang lingid sa kanila pagkat ikinulong nila sa sagradong kubol ang mga sarili. Gaano man ang pagnanais ng mga kalalakihang Malauegs upang lumaban kung hindi naman makatulong sa kanila ang dilim ay tiyak na mapapahamak lamang sila pagkat puwedeng rumapido ang mga fusil ng mga soldados maski hindi nila nakikita ang mga kaaway. Katunayan, tiyak na kanina pa iniutos ni Lakay Awallan sa lahat ang paglilikas sa yungib kung sa araw naganap ang pananalakay ng mga soldados pagkat hindi magiging mahirap gawin ito dahil walang hadlang ang daraanan sa kanilang pagtakas. Sa naging pagtataya niya sa sitwasyon ay mabuti pa ang iwan na lamang ang kanilang komunidad kahit buhay ni Alawihaw ang isinakripisyo upang huwag lamang makubkob ito noong unang linusob sila ng mga soldados.
ITUTULOY
No responses yet