IKA–72 LABAS

Kung kaligtasan naman nilang lahat ang dulot ng kanyang desisyon dahil malawak pa ang kabundukan ng Sierra Madre kaysa kamatayan lamang ang magiging hantungan ng mga kalalakihang Malauegs pagkat pinilit pa rin nila ang magbakasakali kahit wala nang pag–asa.  Minsan pang tumingin sa mga kababaihang Malauegs si Lakay Awallan dahil posibleng matutulad din kay Bag–aw na maagang naulila sa amang ang kanilang mga anak ngunit walang narinig na likat mula sa kanila kahit tiyak na maapektuhan sa kapusukan ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang pamilya.  Maging ang lupon ng mga matatandang Malauegs na kanina pa pinapakiramdaman ni Lakay Awallan ay nanatiling tikom ang mga ibig dahil abala sa pagdarasal ang kanilang mga isip kahit hindi naman yata sila pinapakinggan ni Bathala para mailigtas sana mula sa nakapangingilabot na kalagayan sa tulong ng himala ang kanilang tribu.  Hindi man lamang ba nila naisip na maaaring nakubkob na ng mga soldados ang kanilang komunidad nang lingid sa kanila kaya kailangan makagawa agad ng hakbang ang mga kalalakihang Malauegs upang hindi sila masungkaran sa loob ng sabradong kubol.

            “Opo . . . Apong Awallan!  Sapagkat malaki po . . . ang pananalig namin kay Bathala!   Alam po namin . . . hindi niya kami pababayaan!”  Aywan kung bakit matatag pa rin ang paninindigan ng mga kalalakihang Malauegs sa halip na pakinggan ang payo ni Lakay Awallan kahit batid nila na malapit nang mapatid ang huling hibla ng pag–asa pagkat hindi na nila kontrolado ang sitwasyon sa labas ng sagradong kubol.  Mahirap nang asahan sa pangalawang pagkakataon ang tagumpay kung ito ang naging palagay nila pagkat malinaw ang pagkakaiba ng sitwasyon dahil may kaunting liwanag pa rin kahit bumabagyo noon ngunit nakatulong naman kaya nabawi ang kanilang komunidad.  Sapagkat mungkahi ni Alawihaw upang labanan ang mga soldados sa pamamagitan ng pamuok gamit ang kanilang mga palathaw ngunit hindi na nila magagawa ito ngayon pagkat sila ang nalalagay sa posicion defensiva dahil hindi muog ang sagradong kubol para sa kanilang proteksiyon.  Ngayon, mas malinaw pang malasin sa gabi ang posibilidad ng kabiguan pagkat nag–aabang na lamang ang mga soldados upang paulanan ng mga bala ang mga katutubong Maluegs kapag tumambad sila dahil gamay na sa dilim ang kanilang mga paningin.  Dahil biglaan ang pangyayari ay tiyak na walang naihandang plano ang mga kalalakihang Malauegs para pangangahasan pa rin nila ang lumaban sa mga soldados na nagtatago sa dilim kaya hindi nila basta magagamit ang mga tunod pagkat mahirap silang tuntunin.  Malaking tulong sana kung itinuloy na lamang nila ang pagmamatyag sa labas ng mga kubol pagkat hindi naman basta mapapansin ang kanilang kulay ay tiyak nagawa pa nila ang gumapang upang hanapin ang pinagtataguan ng mga soldados.  Ngunit ang isuong pa rin sa peligrosong sitwasyon ang kanilang mga sarili ay pagpapatiwakal na lamang pagkat hindi na pumapanig sa kanila ang tagumpay ng laban dahil talagang hindi nakabuti ang pagmamadali nilang lumikas sa sagradong kubol imbes nanatili na lamang sana sila sa labas.  Tuloy, naligalig ang kalooban ni Lakay Awallan habang tahimik naman ang mga kalalakihang Malauegs pagkat hindi rin sila lalabas sa sagradong kubol kung hindi nila taglay ang basbas ng kanilang Punong Sugo ngunit tiyak na daramdamin nila ito pagkat hindi nila naipagtatanggol ang kanilang komunidad.

            “Hindi kaya . . . mas mainam!  Kung lumikas na lamang tayo  . . . ha?!  Mga anak?!”  Napilitan nang sumabad ni Lakay Lanubo pagkat ayaw rin niya na mapahamak si Balayong lalo’t nag–iisang anak lamang niya ang binata nang magpaalaala sa kanya ang sinapit ni Alawihaw dahil ipinagluluksa pa rin hanggang ngayon ni Lakay Awallan ang pagkasawi nito kahit maraming buwan na ang lumipas.  Sapagkat kabilang si Balayong sa mga mandirigmang Malauegs ay kinilabutan siya nang maisip ang posibleng mangyayari sa kanya dahil hindi puwedeng pasinungalingan ang sitwasyon para harapin pa rin ng mga kalalakihang Malauegs ang mga soldados maski hindi na sila ligtas.  Aanhin pa niya ang mabuhay lalo’t nagiging marupok na ang kanyang katawan sanhi ng mga karamdaman dahil tiyak magmimistulang lantang gulay na lamang siya kahit humihinga pa kung wala na rin si Balayong na tanging kasa–kasama niya sa hirap.  Minsan, nahiling niya kay Bathala na mainam pa kung kunin na lamang siya nito pagkat naaawa na rin siya kay Balayong dahil sa kanya na lamang nabuhos ang buong panahon niya sa halip na pag–ukulan naman ng pansin ang sarili niya.  Kaya hindi niya nalilimutan ang magparating ng pasasalamat kay Bathala dahil nagkaroon siya ng anak na handang magsakripisyo para sa kanyang kapakanan sa halip na iwan siya sa pag–iisa pagkat may sariling pamilya na ang mga kaedad nito sa kanilang tribu.  Hanggang sa nahiling ng kanyang sarili na sana hindi mag–aatubili si Lakay Awallan upang sang–ayunan ang kanyang mungkahi dahil hindi lamang para sa kaligtasan ni Balayong ang isinaalang–alang niya kundi sa lahat nang mga kalalakihang Malauegs pagkat pamilyado ang karamihan sa kanila.  Kunsabagay, may katuwiran din siya dahil tahimik mang nakikinig ang mga kababaihang Malauegs ngunit tiyak nag–aalala rin sila para sa kaligtasan ng mga kalalakihang Malauegs pagkat seguradong apektado ang kanilang mga pamilya maski mabuti ang hangarin nila kung humantong naman ito sa kabiguan.  Lalong magiging mahirap ang buhay para sa mga katutubong Malauegs kung kapusin ng suwerte ang mga kalalakihang Malauegs dahil sila na lamang ang natitirang pag–asa pagkat hindi na yata nila muling mararamdaman pa ang kapayapaan habang pinamumunuan ng mga banyaga ang bayan ng Alcala.  Tutal, maraming araw pa naman ang darating upang maipapamalas ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang katapangan basta huwag lamang ngayong gabi pagkat hindi na pumapanig sa kanila ang tagumpay matapos maglaho ang kanilang natitirang pag–asa.

            “Apong Awallan!  Apong Lanubo!  Walang kailangan . . . kahit buhay pa namin ang masawi!  Huwag lang po maagaw ng mga soldados . . . ang ating komunidad!  Opo!  Dahil buhay po mismo ni Alawihaw . . . ang isinakripisyo niya!  Para sa pagtatanggol .  . . ng ating komunidad!  Hindi ba mga kasama?!”  Nagkatinginan sina Lakay Awallan at Lakay Lanubo matapos marinig ang pahayag ni Lupog pagkat malinaw sa kanilang pagkaiintindi na mas ipinairal pa ng mga kalalakihang Malauegs ang kapusukan sa halip na bigyan ng priyoridad ang kapakanan ng kanilang mga pamilya dahil ito ang importante.  Bagkus, kinilabutan pa si Lakay Awallan pagkat hindi niya mabigyan ng katuwiran upang isugal pa ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang buhay kahit ang layunin pa nila’y ipagtatanggol ang kanilang komunidad kung wala na rin natitirang paraan upang ipagpilitan pa nila ito.  Aywan kung ano ang naging saloobin ng mag–inang Asana at Dita dahil katabi lamang nila si Lupog nang ipinahayag ang kanyang kapusukan ngunit halos sabay pang umiling sina Lakay Awallan at Lakay Lanubo upang ipahiwatig sa mga kalalakihang Malauegs ang kanilang pagtutol.  Lalong natulig sa pahayag ni Lupog ang lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat sila ang dahilan kung bakit humantong sa ganitong kalagayan ang kanilang tribu mula nang maganap ang unang pananalakay ng mga soldados.  Baka hindi pa namatay si Alawihaw kung pinahalagahan lamang nila ang kapakanan ng mga katutubong Malauegs imbes na binalewala nila ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala hanggang sa dumating ang gabing ito na seguradong pagsisisihan lamang nila habambuhay.  Tahimik pa rin ang lupon ng mga matatandang Malauegs nang dumako sa kanila ang mga mata ni Lakay Awallan upang muling hingin ang kanilang suhestiyon dahil sadyang mahirap ang magdesisyon sa ganitong sitwasyon kung wala nang nararamdamang kumpiyansa ang kanilang mga sarili.  Baka hindi na nila masisilayan pa ang sikat ng araw bukas ng umaga dahil hindi na nila nararamdaman ang kapayapaan ng gabi kahit paulit–ulit na lamang ang pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat talaga yatang natutulog pa si Bathala.  Sana, sa paggising ni Bathala ay sila pa rin ang matunghayan niya sa halip na mga kaluluwa na lamang nila ang naglakbay patungo sa kanyang kaharian dahil nakatulugan niya ang iligtas sila mula sa kalawit ng kamatayan kaya nagtagumpay ang lakas ng kasamaan.

            “P–Pero . . . masyado nang delikado ang sitwasyon!  P–Paano ang . . . ang inyong mga pamilya?!  Ang . . .   inyong mga anak?!  Mas kailangan nila kayo . . . ang inyong proteksiyon!”  Saka nagpasunod ng mariing iling si Lakay Awallan pagkat mabigat sa kanyang kalooban ang ipagkaloob sa mga kalalakihang Malauegs ang kanyang basbas dahil naniniwala siya na makabubuti pa rin kung lumikas na lamang sila sa yungib maski madilim sa labas ngunit pabor naman sa kanila.  Basta sabay–sabay ang kilos nila habang pinangungunahan ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang paglalakad ay tiyak na mararating nila ang yungib nang ligtas kaysa makipagsapalaran pa sila gayong hindi na pumapabor sa kanila ang sitwasyon dahil kanina pa nasalikupan ng mga soldados ang kanilang komunidad.  Bagaman, imposible dahil kakulay naman ng mga katutubong Malauegs ang gabi ngunit madali na lamang para sa kanila ang lumihis ng landas kung may masasalubong silang mga soldados dahil importanteng makalikas sila sa yungib bago pa maisipan nilang sunugin ang kanilang mga kubol.  Habang tahimik sanhi ng malalim na pag–iisip si Lakay Awallan ay minsan pang nagpaalaala sa kanya ang kapighatiang dinaranas ni Dayandang mula nang mapatay ng mga soldados si Alawihaw kaya may pag–aatubili ang kanyang kalooban upang igawad sa mga kalalakihang Malauegs ang basbas niya.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *