IKA–75 LABAS

Kumukuha lamang siya ng tiyempo habang hinihintay ang paghupa ng putukan para sundan ang mga kalalakihang Malauegs kahit hindi niya tiyak ang kanilang pinagtataguan na lalong nagpahina ng kanyang pag–asa upang matupad ang plano dahil sasagupain niya ang buong tropa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Maya–maya, sumungaw siya sa pintuan upang tiyaking ligtas na ang kanyang paglabas dahil pansamantalang natigil ang putukan habang napapailing na lamang si Lakay Awallan matapos mapaglimi ang maling palagay nang tuluyan na siyang naparam sa dilim.  Sinamantala niya ang pagsalit ng katahimikan para sundan ang mga kalalakihang Malauegs dahil sila ang magiging katuwang niya sa pagsasakatuparan sa kanyang paghihiganti kaya huwag sana silang bibiguin ni Bathala para sa ikatatahimik ng mga kaluluwa na humihingi ng katarungan.  Nagkatinginan na lamang silang lahat habang nagtatanong ang kanilang mga sarili kung makatuwiran ba ang naging kapasyahan ni Dayandang pagkat isang musmos ang kanyang isinakripisyo para matupad lamang ang ipinangako niyang paghihiganti.

            “Sandali lang . . . Dayandang!  Bumalik ka rito . . . Dayandang!”  Nakarating pa hanggang sa labas ng sagradong kubol si Lakay Awallan nang tangkain niya ang humabol upang muling pigilin si Dayandang ngunit wala na siyang natatanaw sa karimlan kahit sinisikap niyang aninagin ang paligid.  Subalit kinilabutan siya nang biglang nagliyab ang kalawakan pagkat muling narinig ang rapido ng mga fusil kaya nagtatarang siya pabalik ng sagradong kubol hanggang sa natisod siya ngunit nakabuti pa yata dahil humahaging sa ulunan niya ang mga bala.  Hanggang sa naramdaman na lamang niya ang sarili na gumagapang habang nagsisikap marating ang sagradong kubol kahit nagpapatuloy ang nakatutulig na putukan pagkat alam niyang delikado ang manatili sa labas dahil wala siyang mahihingian ng tulong.  Sa tulong ng mga kababaihang Malauegs ay dali–daling isinara niya ang pinto para tiyakin ang kanilang kaligtasan sa loob ng sagradong kubol upang hindi sila basta mapapasok ng mga soldados sakaling tuluyan nang nakubkob ang kanilang komunidad.  Sapagkat tila malapit na lamang ang pinanggagalingan ng mga bala habang tumatagal ang pananalakay ng mga soldados ngunit ayaw nilang isipin na hindi na kinayang ipagtanggol ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang komunidad dahil hindi naman lumilikha ng tunog ang bawat layog ng mga tunod.  Sa halip na itinuloy ang naudlot nilang pagdarasal ay minabuti nila ang pakiramdaman na lamang ang sitwasyon dahil kailangan maging alerto sila sakaling biglang pasukin ng mga soldados ang sagradong kubol pagkat iisa lamang ang labasan nito.  Kunsabagay, hindi agad maghihinala ang mga soldados na nagkulumutan silang lahat sa loob dahil madilim ang sagradong kubol basta huwag lamang silang lumikha ng ingay pagkat ito ang rason kung bakit itinigil na nila ang pagdarasal upang hindi sila maririnig sa labas.  Kanina pa pinatay ang gasera sa utos ni Lakay Awallan maski madilim sa loob para huwag lamang mababaling sa sagradong kubol ang pansin ng mga soldados lalo’t wala nang magtatanggol sa kanila dahil nasa labas ang mga kalalakihang Malauegs kaya inaabangan na lamang nilang lahat ang biglang pagbukas ng pintuan.  Kahit walang tiyak kung ano ang dapat gawin sakaling mangyayari ang kanilang kinakatakutan maliban sa magtago sa dilim habang umaasa na sana magkakaroon pa ng himala dahil ito na lamang ang kanilang panghahawakan para sa kaligtasan nilang lahat.

            “Apong Awallan . . .  ano po ang dapat nating gawin?!”  Nangangamba ang mga kababaihang Malauegs nang maisip nila na lubhang delikado ang manatili sila sa sagradong kubol kung walang katiyakan ang kanilang kaligtasan dahil posibleng mauulit ang pangyayari noong unang sumalakay sa kanilang komunidad ang mga soldados.  Matindi ang kanilang nararamdamang tigatig pagkat maaaring lumikha ng apoy ang mga nagbabagang punglo kung bumagsak sa atip ng sagradong kubol lalo’t gawa ng kogon lamang ang pook–dasalan ng lupon ng mga matatandang Malauegs kaya tumatagos sa mga siwang ang lagablab mula sa rapido ng mga putok.  Kunsabagay, talagang magkatotoo rin ang pinangangambahan ng mga kababaihang Malauegs kung hindi sila lumikas agad sa yungib pagkat nagsimula na ang panununog ng mga soldados sa mga kubol upang tuntunin ang pinagkukublihan ng mga kalalakihang Malauegs.  Marahil, pinag–iisipang mabuti ni Lakay Awallan ang maaaring mangyari sa kanila kung ipagpilitan nila ang lumabas ng sagradong kubol dahil hindi nila batid ang eksaktong pinagtataguan ng mga soldados upang magbakasakali pa rin sila kahit alam nilang delikado.  Pero hinihintay na ng mga kababaihang Malauegs ang kanyang desisyon pagkat nasisilip nila sa siwang na sinisimulan nang silaban ng mga soldados ang mga kubol tulad noong unang umatake sila sa kanilang komunidad ngunit mas grabe ngayon dahil walang pumipigil sa kanila.  Puwes, hindi dapat umabot pa sa sagradong kubol ang apoy upang hindi sila makukulong sa loob dahil seguradong dito mababaling ang panununog ng mga soldados upang pilitin silang lumabas kahit magiging problema pa nila ang pagtakas.  Talaga palang maselan ang tungkulin ng Punong Sugo pagdating sa ganitong sitwasyon pagkat kailangan isipin niya kahit hindi kayang gawin ngunit dapat subukin pa rin ang magbakasakali kung paano magkakaroon ng milagro upang maililigtas ang kanyang mga nasasakupan.  Bagaman, walang imposible kapag nasabayan ng suwerte ang kahilingan ngunit sa pagkakataong ito ay higit pa sa himala ang kailanganin pagkat hindi na pinapakinggan ang kanilang mga panalangin kaya huwag na silang umasa na darating pa ang kaligtasan nila.  Lalong hindi na sandigan ng pag–asa ang lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat layot na ang kanilang kakayahan upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili dahil sa dinaranas na mga karamdaman kahit minsan din silang naging mga mandirigmang Malauegs noong kalakasan pa lamang nila.

            “Baka kailanganin na natin . . . ang lumipat sa yungib!  Mas ligtas tayo roon!”  Bumulong si Lakay Lanubo dahil nangangamba na rin siya lalo’t wala na sa tabi niya si Balayong ay tiyak na hindi niya magagawang iligtas ang sarili kung pasukin ng mga soldads ang sagradong kubol matangi sa tanggapin ang kanyang kamatayan sa dulo ng mga fusil.  Talagang hindi sila dapat mananatili sa sagadong kubol upang wala silang pagsisisihan dahil walang masusulingan sakaling pasukin ito ng mga soldados na maaaring nagdududa na rin pagkat walang naririnig na mga hagibik mula sa mga kubol kahit kanina pa nila binabaril.  Bagaman, walang kaseguruhan kung lahat sila’y palaring makararating sa yungib pagkat posibleng mahaharang naman ng mga soldados ang pagpunta nila roon ngunit malaking tulong pa rin para sa kanila ang dilim kaysa makukulong sila sa sagradong kubol dahil pintuan lamang ang daraanan sa pagtakas.  Aywan kung narinig ni Lakay Awallan ang bulong ni Lakay Lanubo pagkat mariin ang pikit ng mga mata nito sa halip na tumingin sa kanya na naghihintay ng tugon kaya bumaling na lamang siya sa mga kababaihang Malauegs imbes ulitin ang kanyang mungkahi.  Seguradong naligalig na rin ang kalooban ni Lakay Awallan pagkat ang lupon ng mga matatandang Malauegs na dapat makatuwang niya sa pag–iisip ng mga solusyon ay naging dependiyente na lamang sa kanya imbes na tulungan sana siya para magiging madali na lamang ang paggawa ng mga desisyon.  Maya–maya, sumulyap kay Assassi ang waring nagtatanong na mga mata ni Lakay Awallan kung tulog ba si Bag–aw pagkat hindi man lamang nagparamdam ng alumihit ang bata dahil sa gutom kahit kanina pa umalis ang kanyang inang Dayandang.  Maaaring pinasuso muna ni Dayandang ang kanyang anak dahil mahimbing ang tulog ng bata habang pinapangko ni Assassi kaya napabuntung–hninga nang malalim si Lakay Awallan sabay usal ng pasasalamat pagkat hindi siya naging problema nila.

            “Seguro po . . . Apong Awallan!  Kailangan na po natin . . . ang lumikas!  Habang . . . may pagkakataon pa po tayo!”  Muling nagparating ng mungkahi ang mga kababaihang Malauegs sa pag–aakala na hindi narinig ni Lakay Awallan ang pakiusap ni Lakay Lanubo pagkat lalong nararamdaman nila ang panganib habang tumatagal sila sa sagradong kubol dahil dinig sa loob ang dagubdob ng apoy mula sa mga nasusunog na kubol.  Totoong wala sa mga kababaihang Malauegs ang pansin ni Lakay Awallan dahil kanina pa minamasdan niya si Bag–aw na mahimbing ang tulog sa mga bisig ni Assassi pagkat naghihinakit ang kanyang puso nang hindi man lamang pinakinggan ni Dayandang ang kanyang pakiusap.  Sana, maisip ni Dayandang ang bumalik ng sagradong kubol upang sa pagmulat ng mga mata ng kanyang anak ay mukha niya ang magisnan nito dahil tiyak naikuwento na sa kanya ang naging buhay noon ni Alawihaw nang maging ulila siya sa inang.  Hindi dapat mananaig sa kanyang puso ang poot pagkat mas kailangan ni Bag–aw ang kanyang pagmamahal kaya huwag naman sana na mawawala pa sa tabi niya maging ang inang niya lalo’t ulila na siya sa amang.  May tamang panahon ang paniningil ng pautang ngunit kailangan lamang maghintay upang pumanig sa kanya ang pagkakataon ngunit hindi mangyayari ngayong gabi ang katuparan nito dahil hindi nila napaghandaan ang pananalakay ng mga soldados.  Walang kailangan ang maghintay siya ng maraming taon pagkat nagiging makatuwiran ang paghihiganti kapag naisagawa ito sa panahon na kontrolado niya ang sitwasyon kaya naseseguro ang tagumpay nito sa madaling paraan.  Pagkatapos ang malalim na buntung–hininga ni Lakay Awallan ay tumayo siya saka tumingala na waring humihingi siya ng payo mula kay Bathala ngunit bahid ng lumbay ang kanyang mukha dapwa maaaring hindi lamang nila napansin dahil madilim.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *