Sandaling naglakbay sa bawat sulok ng sagradong kubol ang kanyang mga mata hanggang sa napagbalingan niya ang lupon ng mga matatandang Malauegs ngunit hindi niya layon ang hingin uli ang kanilang suhestiyon dahil hindi na siya umaasa na may maitutulong pa sila sa kanilang problema. Matagal niyang natitigan ang lupon ng mga matatandang Malauegs ngunit wala siyang balak upang usigin sila dahil sa pagkakamali na nagsanhi ng pagdurusa nilang lahat ngayon pagkat aanhin pa ang pagtitika kung hindi na rin maipagkakaloob nito ang pangalawang buhay sa mga nangamatay. Lalong hindi siya magpapaalam dahil sabay–sabay naman silang lalabas ng sagradong kubol upang lumipat sa yungib kahit naghihintay sa kanila ang kapahamakan ngunit kailangan makipagsapalaran sila para sa kanilang kaligtasan kaysa mamamatay sila pagkat hindi gumawa ng paraan.
“Assassi . . . akina si Bag–aw! Hawakan mo . . . ang mga gamit ni Alawihaw! Heto! Huwag kang lumayo . . . sa tabi ko! Ha?!” Pagkatapos, dahan–dahang binalot ni Lakay Awallan ng balabal si Bag–aw na mahimbing pa rin ang tulog kahit nakatutulig ang mga putukan habang naghahanda na rin ang lupon ng mga matatandang Malauegs at ang mga kababaihang Malauegs maski wala silang narinig mula sa kanya ngunit malinaw naman sa kanyang kilos. Kunsabagay, talagang kailangan lisanin na ang kanilang komunidad kaysa maghintay pa ng milagro kung hindi na puwedeng panghahawakan ang kanilang mga dasal pagkat mistulang hindi na rin ito pinapakinggan ni Bathala sa hindi naman maipaliwanag na mga kadahilanan. Marahil, natakot na rin si Bathala pagkat naging masalimuot na ang sitwasyon sa komunidad ng mga katutubong Malauegs habang tumatagal ang pananalakay ng mga soldados dahil hindi man lamang humuhupa ang putukan gayong kaninang hating–gabi pa nagsimula ito. Tuloy, ibig na nilang maniwala na wala na rin nagawa ang mga kalalakihang Malauegs kundi naging karagdagang alalahanin pa sila ngayon ngunit kailangan matuloy ang paglilikas nila sa yungib upang tumining ang kanilang nararamdamang balais dahil mas ligtas ang manatili sila roon. Pangko ni Lakay Awallan ang sanggol upang tiyakin na mabibigyan niya ng proteksiyon ang anak ni Alawihaw kahit ano pa ang mangyari dahil wala ang kanyang inang upang kupkupin sana siya nito lalo’t wala nang kaseguruhan ang kanilang buhay sa ganitong sitwasyon. Minabuti niya ang umupo muna pagkat nangatal ang kanyang katawan nang sumagi sa isip niya si Dayandang dahil wala na silang naririnig kundi mga putok mula sa mga fusil ng mga soldados ngunit ipinagdarasal pa rin niya ang kaligtasan nito. Napansin niya na hindi man lamang dumilat si Bag–aw mula sa kanyang kahimbingan sapul nang iwan siya ni Dayandang hanggang sa napatingin siya kay Assassi dahil handa na ang kanyang sarili upang lisanin ang sagradong kubol. Mabigat ang kanyang mga hakbang pagkat nagdadalawang–isip pa rin siya upang iwan ang sagradong kubol ngunit nararapat lamang pakinggan niya ang pakiusap ng mga kababaihang Malauegs para sa kaligtasan ni Bag–aw dahil ayaw na niyang umasa pa ng himala. Patunay lamang na talagang hindi sila ligtas sa loob ng sagradong kubol nang gulantangin silang lahat ng malakas na pagsabog kaya nalingming sila pagkat hindi nila inaasahan na mangyayari agad ang kinakatakutan nila habang naghahanda pa lamang sila para lumabas. Alipalang nagliyab ang sagradong kubol nang lumikha ng apoy ang mga nagbabagang punglo na nagdulot ng kaguluhan sa mga katutubong Malauegs nang makulong sila sa loob kaya sigawan, iyakan ang naririnig mula sa kanila habang ramdam ang matinding panghihilakbot dahil sa sinapit nila. Nagpulasan silang lahat papunta sa masikip na pintuan kahit walang humpay ang pamamaril ng mga soldados ngunit lalong nabalam ang paglabas nila dahil lahat ay gustong mauna pagkat tinutupok na ng apoy ang sagradong kubol. “Takbo! Tumakbo kayo! Sa labas! Sa labas . . . bilisan n’yo! Takbooo!!!” Kung nagawang iligtas ni Lakay Lanubo ang kanyang sarili ay hindi tiyak ni Lakay Awallan pagkat nagkahiwalay sila basta nagimbal siya nang makita ang balyahan pagkat naging masikip ang pintuan ng sagradong kubol dahil ipinagpilitan ng mga kababaihang Malauegs ang lumabas sila nang sabay–sabay sanhi ng takot na maiwan sila sa loob. Bagaman, dalangin niya ang kaligtasan ni Lakay Lanubo ngunit tanggap din naman niya ang katotohanan na naiwan siya sa sagradong kubol dahil sa kanyang kalagayan pagkat tiyak wala na sa isip ninuman ang magpamalas ng kabutihan sa ganitong sitwasyon. Nang malaman niya na wala pala sa kanyang tabi si Assassi ay naipagpalagay na lamang niya na maaaring napasabay sa karamihan ang binatilyo kaysa hanapin pagkat nangangailangan din siya ng tulong upang hindi makulong sa sagradong kubol kasama ang kanyang apo. Palibhasa, masikip ang pintuan ng sagradong kubol ay talagang hindi puwedeng lumabas nang sabay–sabay kaya marami ang naiwan pa sa loob habang humihingi ng saklolo pagkat lalong bumilis ang pagsapit ng kamatayan dahil sa nagliliyab na apoy. Naghanap na lamang ng maraanan si Lakay Awallan sa halip na makipaggitgitan pagkat naging priyoridad niya ang kaligtasan ni Bag–aw kahit nangangatal na rin siya dahil sa takot ngunit kailangan sikapin niya ang magpakatatag upang hindi sila mapapasama sa nasusunog na sagradong kubol. Naging madali sa kanya ang gumawa ng butas para may mararaanan lamang siya nang maalaala niya na gawa lamang ng talahib ang sagradong kubol dahil wala nang panahon upang hintayin pa niya na makalabas sa pintuan ang lahat. May mga nagtangkang gayahin ang kanyang ginagawa ngunit nagtagumpay man ang ilan ay marami pa rin ang nangabigo pagkat tuluyan nang bumagsak ang mga alipapa kaya nasunog sila nang buhay sa halip na makalabas. Binilisan na lamang ni Lakay Awallan ang paglalakad papunta sa yungib kahit wala si Assassi upang alalayan sana siya para takasan ang malagim na pangyayari na kasalukuyang nagaganap sa sagradong kubol dahil sa panununog ng mga soldados. Upang tiyakin ang kaligtasan ng kanyang apo na mahimbing pa rin ang tulog kahit nagkaroon na ng saligawsaw sa kanilang komunidad habang dinig hanggang sa kanyang tinigilan ang mga haluyhoy mula sa mga nakulong sa sagradong kubol. Kung nakaligtas si Assassi ay hindi niya alam dahil hindi na rin siya naghanap pa pagkat kailangan makalikas na siya sa yungib dahil kay Bag–aw pagkat malalagay sa peligro ang kanyang sarili kung umiyak ang bata. Lalong hindi niya tiyak kung may nakaligtas mula sa nasusunog na sagradong kubol pagkat walang sumabay sa kanya papunta sa yungib basta naririnig niya ang mga daing ngunit itinuloy pa rin niya ang paglalakad sa halip na tumigil sandali. Paminsan–minsan, lumilingon siya upang alamin kung may sumunod sa kanya ngunit walang naaaninaw sa dilim ang kanyang mga mata hanggang sa napilitan siyang huminto nang maramdaman ang matinding kapaguran ngunit sandali lamang. Sapagkat gusto na niyang marating ang yungib upang tanungin si Bathala kung bakit hinayaan nito na magdusa sila sa halip na pinakinggan ang kanilang mga karaingan gayong naging tapat naman siya bilang Punong Saugo ng tribung Malauegs.
“EEEHHH!!! EEEHHH!!! EEEHHH!!!” Lalong nabalam ang mga kababaihang Malauegs kasama ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil mistulang dumaraan sila sa butas ng karayom nang sabay–sabay nilang tangkain ang lumabas sa pintuan ng sagradong kubol pagkat walang gustong magpaiwan sa loob upang takasan ang naglalagablab na apoy. Sila–sila ang naggigitgitan, nagbabalyahan, nagsisigawan para makalabas agad sa nasusunog na sagradong kubol pagkat naging priyoridad ng bawat isa ang sariling kaligtasan dahil mistulang nalulunod sila sa karagatan ngapoy nang malipat sa kanilang komunidad ang impiyerno. Kisap–matang naging impiyerno ang sagradong kubol habang nilalamon ito ng apoy kasama ang mga hindi kinasiyahan ng suwerte nang magtamo sila ng kapansanan dahil sa pag–uunahan kaya lalo lamang nalagay sa kasawian ang kanilang mga sarili. Nagtatanong ang kanilang mga sarili kung gaano ba kabigat ang naging pagkakasala nila upang hayaan ni Bathala na magdusa sila sa kalunus–lunos na kalagayan samantalang tahimik silang namumuhay sa kabundukan ng Sierra Madre kahit nagtitiis sa hirap dahil ito ang kanilang sinilangan. Nararapat bang mamamatay sila sa ganitong kaparaanan kung talagang pinagpapala sila ni Bathala dahil naniniwala sila na mas makapangyarihan siya sa lahat ngunit nagtatanong ngayon ang kanilang mga sarili kung bakit hindi niya nagawang iligtas sila mula sa kanilang kinasasadlakan? Naghihiyaw ang kanilang mga kaluluwa habang unti–unting nararamdaman nila ang paggapang ng apoy sa kanilang mga katawan pagkat wala sa hinagap na mamamatay sila sa ganitong paraan gayong ginagawa lamang ito sa mga bangkay. Taglay sa kanilang pagpanaw ang matinding hinampo kay Bathala pagkat hindi man lamang siya nagparamdam sa gabing ito na lubhang kailangan nila ang kanyang pagpapala ngunit umaasa pa rin sila para patuluyin sa paraiso nang walang sukdulang kapayapaan upang magkaroon naman ng katiwasayan ang kanilang mga kaluluwa. Kalayaan ang naging sambit nila sa huling tika para ipaalaala sa mga susunod na henerasyon kung gaano katindi ang dinanas nilang kaapihan mula sa mga kamay ng mga banyaga upang sa kanilang panahon ay nararapat lamang gunitain ang mga sakripisyong inialay nila.
“WAAA!!! WAAA!!! WAAA!!! Inang ko! HUHUHU!!! HUHUHU!!! HUHUHU!!! Saklolo!” Palakat ng mga musmos, hagibik ng mga matatanda ang naririnig mula sa natutupok na sagradong kubol ngunit wala man lamang nagtangkang dumulog dahil umaagaw sa kanilang boses ang malakas na dagubdob ng apoy kahit kanina pa sila sumisigaw ng tulong habang sinisikap takasan ang malagim na kamatayan. Sadyang kahabag–habag malasin ang maagang pagbuwis ng buhay ng mga walang malay gayong hindi naman nila batid ang sanhi ng kaguluhan maliban sa isinilang sila sa kasalukuyang panahon kung kailan dumaranas ng paniniil ang kanilang tribu mula sa mga banyaga. Sila ang mga napahiwalay sa kanilang mga magulang sanhi ng kalituhan nang biglang nagkaroon ng sunog sa loob ng sagradong kubol at ang mga inang na hinarap nang buong tapang ang kamatayan kaysa iwan ang kanilang mga anak. Pati ang lupon ng mga matatandang Malauegs nang hindi na kinaya ang pangyayari ay tinanggap na lamang nila ang kamatayan kasama sa natutupok na sagradong kubol ngunit huwag naman sanang isipin na parusa ito sa kanila kaya naganap ang lahat nang ito ngayon. Nagtatakbo ang mga kalalakihang Malauegs nang gumimbal sa kanila ang natutupok na sagradong kubol upang tulungan ang mga nakulong sa loob sa pagbabakasakali na magagawa pa nilang iligtas sila maski posibleng ikapahamak nila ang paglantad mula sa kanilang pinagtataguan. Kaagad naalaala ang kanilang mga pamilya at ang lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat magiging pahirapan ang paglabas kapag nagsabay–sabay sila sa halip na magbigayan dahil hindi naman lingid sa kanila na wala silang ibang daraanan kundi ang masikip na pintuan ng sagradong kubol. Dahil kay Lakay Lanubo ay dali–daling nagtatakbo si Balayong nang walang alintana sa kanyang kaligtasan para sikapin na mailalabas pa ang kanyang amang pagkat tiyak na kabilang siya sa mga naiwan sa loob sanhi ng binabatang karamdaman. Sumugod din si Dayandang nang matanaw niya ang sinapit ng sagradong kubol upang alamin kung nailigtas ang kanyang anak pagkat ipinagkatiwala lamang niya kay Assassi si Bag–aw nang sumama siya sa mga kalalakihang Malauegs upang ipagtanggol ang kanilang komunidad.
ITUTUOY
No responses yet