IKA–77 LABAS

Nagmamadaling bumalik sa nagliliyab na sagradong kubol ang mga kalalakihang Malauegs nang mawaglit sa isip nila ang mga soldados kahit sila ang dahilan kung bakit naiwan sa loob ang kanilang mga pamilya pagkat wala ito sa kanilang hinagap nang mapagpasyahan nila ang lumabas upang harapin ang mga kalaban.

            “AHHH! AHHH! AHHH!”  Kasamaang–palad, hindi na nagawang iligtas ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang mga pamilya mula sa nasusunog na sagradong kubol nang sabay–sabay na umasalto ang mga soldados habang humihiyaw upang sindakin sila na natulingag naman nang saglit nawakli sa kanilang mga isipan ang pangyayari.  Tuloy, hinarap na lamang nila ang mga soldados pagkat humarang sila sa kanilang daraanan papunta sa nasusunog na sagradong kubol kahit naging dahilan pa ito upang mabalam naman ang pagliligtas sa kanilang mga pamilya.  Sapagkat mawawalan din ng kabuluhan ang kanilang pagsisikap upang iligtas ang kanilang mga pamilya kung sila naman ang masawi dahil nagpaulan na naman ng mga bala ang mga soldados habang tinatangka nila ang lumapit sa nasusunog na sagradong kubol.  Sakaling mali ang naging desisyon nila ay mabuti na rin ang sama–sama silang mamamatay kung kabiguan din lamang ang magiging hantungan ng pagtatanggol sa kanilang komunidad kaysa nabubuhay sila sa mapait na alaala.  Sunud–sunod ang bitiw nila ng mga tunod upang ibaling sa mga soldados ang nagngangalit nilang mga damdamin maski walang katiyakan kung may tinamaan sila ngunit tiyak na mayroon din kahit paisa–isa pagkat naririnig ang hiyawan.  Naging tanglaw sa nagaganap na engkuwentro ang nasusunog na sagradong kubol ngunit hindi na nagawa ng mga kalalakihang Malauegs ang dumasig upang isakatuparan ang pamuok pagkat natuto na rin yata ang mga soldados sa iniwang aral ng unang operasyon nang magbilang sila ng mga herido.  At nakahihigit pa rin ang lakas ng mga fusil dahil kumikitil ito ng buhay sa tuwing bumubuga ng punglo habang maya’t maya ang diin nila sa gatilyo kaya imposibleng mauulit pa ang tinamong tagumpay ng mga kalalakihang Malauegs sa unang laban dahil nag–iba na ang sitwasyon.  Talagang malaking desbentaha para sa mga kalalakihang Malauegs ang laban pagkat inuunat pa lamang ang kanilang mga busog ay napipilitan na silang maghanap ng pagkukublihan dahil bumubuhos na sa kanilang direksiyon ang mga bala bago pa mapalayog ang mga tunod nila.  Hindi nila naaaninaw ang tagumpay sa tuwing umaalingawngaw ang mga fusil dahil lalong nagpahamak sa kanila ang tanglaw mula sa nagliliyab na sagradong kubol pagkat naging madali na lamang para sa mga soldados ang asintahin sila.  Lalong naragdagan ang bilang ng mga nasasawi sa kanilang panig nang masampak sila sa dehadong kalagayan dahil naging agresibo ang mga soldados nang lumantad sila para tulungan sana ang mga nakulong sa nasusunog na sagradong kubol.  Walang duda na mas tiyak pa ngayon ang katalunan kung ikamamatay naman nilang lahat ang patuloy na pakipaglaban sa mga soldados dahil mahirap nang pasinungalingan ang katotohanan na kahibangan lamang ang magbakasakali pa pagkat hindi na pumapanig sa kanila ang tadhana.  Unti–unti nang humihina ang kanilang puwersa habang dumarami ang tinatamaan mula sa walang habas na pamamaril ng mga soldados samantalang mga naaagnas na bangkay na lamang ang nalalabi mula sa napugnaw na sagradong kubol nang muling lumukob ang dilim.

            “Fuego!  Fuego!  Fuego!”  Nangibabaw ang boses ni Alferez habang iniutos niya sa mga soldados ang walang puknat na pamamaril upang tiyakin ang tagumpay sa pangalawang operasyon dahil nakatakda nang isubasta sa darating na kapistahan ni Señor San Pedro ang mga huwad na titulo sa mga lupain ng mga katutubong Malauegs.  Sadyang pinagsanib niya ang puwersa ng mga soldados at ang mga guwardiya sibil sanhi ng kakulangan ng mga tauhan upang maisasagawa lamang ang pangalawang operasyon pagkat hindi na niya pinilit sumama ang mga nagpapagaling pa sa pagamutan ng Alcala dahil inaapura na ni Alcalde ang kanyang tropa.  Ayaw niyang mauulit ang kabiguan sa unang operasyon na humantong sa pagkamatay ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz at nagresulta pa ng maraming desaparecido en combate pagkat itinaon nila sa araw ang pagsalakay sa komunidad ng mga katutubong Malauegs maski sumabay pa ang pananalasa ng bagyo.  Naging marubdob na pangako niya ang paghihiganti pagkat hindi napag–ukulan ng marangal na libing ang mga bangkay ng mga soldados na naiwan sa kanilang pagtakas ngunit nanatili sila sa kanyang puso dahil dumadalaw pa rin sila sa kanyang panaginip.  Hindi niya hahayaan na magbibilang sila ng bangkay sa pangalawang operasyon dahil magiging sampal para sa kanya kung sa pagkakataong ito ay muling malalasap nila ang katalunan pagkat wala nang rason upang mangyayari pa ito lalo’t hindi napaghandaan ng mga katutubong Malauegs ang kanilang paglusob.  Katunayan, kanina pa nasalikupan ang komunidad ng mga katutubong Malauegs upang tiyakin na hindi na nila magagawa pa ang tumakas para magtago gaya noong unang operasyon nang maalerto sila dahil maliwanag ang paligid nang dumating ang mga soldados.  Pagkatapos, itinuloy naman ng mga soldados ang pagsisilab sa mga kubol upang hindi na muling pamamahayan ng mga katutubong Malauegs ang kanilang komunidad kaya naulit lamang ang ginawa nila sa dating teritoryo ng mga katutubong Malauegs ng Calantac para magiging lubos ang tagumpay sa pangalawang operasyon.  Tuloy, napilitang lumantad ang mga kalalakihang Malauegs na kasalukuyang nagtatago sa loob ng mga kubol kahit nag–aabang sa kanilang paglabas ang mga soldados basta huwag lamang sila masusunog nang buhay dahil hindi dapat sa ganitong paraan sila mamamatay.  Sapagkat tiyak na mananatili sa kabundukan ng Sierra Madre ang kanilang mga kaluluwa sa halip na tumuloy sa paraiso nang walang sukdulang kapayapaan kung sa kanilang pagpanaw ay hindi man lamang sila nakaganti kahit tunod ang kanilang armas.  Tutal, minsan lamang nila mararamdaman ang sakit kapag pinasalubungan ng nagbabagang tingga ang kanilang paglabas pagkat wala silang masusulingan maliban sa harapin ang kamatayan kung sa ganitong paraan itinakda ang pagtatapos ng kanilang buhay.

            “Tumakas na . . . ang iba!  Iligtas n’yo na lamang . . . ang inyong mga pamilya!  Isama n’yo na rin sa pagtakas . . . ang mga matatanda!  Sina Apong Awallan!  At . . . ang aking amang! Si Apong Lanubo!  Huwag n’’yo silang pababayaan!  Sige na!”  Sapagkat hindi nagtatapos ngayong gabi ang laban habang may mga katutubong Malauegs ang patuloy na tumatayo upang muling isisigaw ang kanilang kalayaan kahit paulit–ulit pang magaganap ang pangyayaring ito hanggang sa makamtan nila ang tagumpay.  Nakikiusap ang boses ni Balayong matapos gumuho ang kanilang paninindigan dahil naging mailap na ang tagumpay na inaasahan pa mandin nila pagkat kinapos ang bisa ng basbas at pagpapala na taglay nila sa pagharap ng laban.  Hanggang sa dumako sa sagradong kubol ang kanyang mga mata ngunit wala na siyang natatanaw roon kundi ang nag–aapoy na mga bala sa kalawakan kaya napilitan siyang magtago habang tinatanong ang sarili kung nailigtas ba ang kanyang amang Lanubo.  Tunay na mahirap tanggapin ang katalunan ngunit higit na masakit kung tuluyan nang maglaho sa kalupaan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs kaya may kabuluhan pa rin ang tumakas kahit karuwagan ang kahulugan dahil maraming pagkakataon pa naman para patunayan ang katapangan.  Yamang hindi na kayang ipagtanggol ang kanilang mga lupain ay tatanggapin na lamang nila ang mapait na katotohanan basta may maiiwan lamang kahit munting bakas upang magpaalaala sa mundo na minsan din namuhay sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs.  Kunsabagay, walang dapat ikabahala ang tribung Malauegs pagkat malawak pa naman ang kabundukan ng Sierra Madre upang sa liblib na pook na lamang sila maghahanap ng malilipatan para hindi na nila muling malalasap ang matinding kapighatian dulot ng kalupitan ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Para sila na lamang ang magbigay–pugay sa mga bayani pagkat sariling dugo’t luha ang idinilig sa kanilang sakripisyo upang tiyakin na maipapamana sa susunod na henerasyon ang bukas na may pangakong pag–asa dahil hindi na dapat mauulit pa ang madugong kasaysayan ng tribung Malauegs.

            “Dayandang . . . tumakas ka na rin!  Kailangan ka . . . ng anak mo!  Sige na . . . Dayandang!  Dalian mo!”  Kahiman, nakatulong si Dayandang sa mga kalalakihang Malauegs ay naipayo pa rin ni Lupog ang tumakas na siya alang–alang kay Bag–aw dahil ito na lamang ang natitirang paraan para sa kanilang kaligtasan kaysa ipagpatuloy pa rin ang pakipaglaban sa mga soldados.  Ngunit ayaw magpatinag ni Dayandang pagkat tumututol ang kanyang kalooban dahil ngayon pa ba magbabago ang kanyang desisyon kung kailan naririto na siya sa larangan upang ipaghiganti si Alawihaw laban sa mga soldados.  Dahil matindi rin naman ang pinagdaanan niyang pagsasanay na ginagamit niya ngayon pagkat hindi dapat mabibigo ang kanyang hangarin kahit imposible nang magkaroon pa ng katuparan ang pangako niya kay Alawihaw.  Sapagkat ang tumakas para sa kanilang kaligtasan ang mabuting suhestiyon dahil kontrolado na ng mga soldados ang sitwasyon upang ang tinamong kabiguan ngayon ay bakasakali magkakaroon pa ng redencion balang araw.  Lalo’t hindi rin naman kilala ni Dayandang si Alferez kahit naririnig niya ang boses nito na nagbibigay ng utos sa mga soldados kaya makabubuti pa ang makinig na lamang siya sa mga kalalakihang Malauegs habang may pagkakataon pa upang tumakas siya.  Baka mismong si Alawihaw pa ang magalit sa kanya pagkat malinaw na pinabayaan niya ang kanilang nag–iisang anak kahit batid niya na mali ang kanyang ginagawa dahil hindi niya tangan ang katiyakan ng katuparan sa kanyang pangako.  Marahil, kanina pa ipinayo ni Alawihaw ang tumakas na silang mag–inang kung may kakayahan lamang siya upang magparamdam dahil si Bag–aw lamang ang naiwang alaala sa kanilang pagmamahalan nang pumanaw siya para balewalain pa niya ito dahil wala na siya.

            “Hindi . . . basta sama–sama tayo!  Oo . . . lalaban tayo!  Hanggang sa huling patak . . . ng ating dugo!”  Nagkatinginan na lamang ang mga kalalakihang Malauegs nang marinig nila ang walang gatol na pahayag ni Dayandang pagkat handa pa rin ang kanyang sarili upang harapin ang laban kahit walang ipinapangakong tagumpay para sa kanila basta matupad lamang ang paghihiganti niya.  Nagsawalang–kibo ang mga kalalakihang Malauegs sa halip na piliting tumalima sa kanilang payo si Dayandang dahil iginagalang nila ang kanyang naging kapasyahan maski labis ang pag–aalala nila pagkat hindi naman lingid sa kanilang lahat ang totoong layunin niya.  Kahit duda sila kung magkaroon pa ito ng katuparan pagkat unti–unti nang pinanghihinaan ng loob ang bawat isa sa kanila matapos mapagtanto ang kanilang pagkakamali nang ipilit pa rin nila ang lumaban sa halip na pinakinggan ang payo ng kanilang Punong Sugo.  Katunayan, hanggang langit ang kanilang pagsisisi dahil isinakripisyo nila sa isang laban ang kanilang mga pamilya kahit wala nang pag–asa dahil sa maling paniniwala na mauulit pa ang tinamong tagumpay nila noong nabubuhay pa lamang si Alawihaw.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *