IKA–78 LABAS

Samantalang kabalintunaan naman ang naging katuwiran ni Dayandang pagkat hindi siya makapapayag na maagaw ng mga soldados ang kanilang komunidad dahil dito isinilang ang anak niyang si Bag–aw at dito rin namatay si Alawihaw.  Kahit ano pa ang magiging kahinatnan ng kanilang laban ay handa siya upang panindigan ang kanyang katuwiran basta huwag lamang mabibigo ang mabuting hangarin niya para sa kanyang mga mahal sa buhay lalo na kay Bag–aw.  Sandaling natahimik si Dayandang dahil lingid sa mga kalalakihang Malauegs ay tumindi ang sintog sa kanyang dibdib nang masulyapan niya ang mga kubol na isa–isa nang nilalamon ng apoy dahil wala na silang kakayahan upang pigilin ang mga soldados.  Tuloy, lalong nangibabaw ang kanyang hangarin na maipaghiganti si Alawihaw hanggang sa dumalisdis ang kanyang mga luha pagkat kasamang naparam ang mga alaala na iniwan ng kanyang asawa nang gumapang sa kanilang kubol ang apoy.  Pumikit nang mariin ang kanyang mga mata pagkat humihiyaw si Alawihaw habang unti–unting napupugnaw ang kanilang kubol kaya dali–daling ipinilig ang kanyang ulo upang mapalis sa kanyang isip ang masamang pangitain.  Nang iglap naalaala niya si Bag–aw ay napayuko siya habang napaisip nang malalim pagkat tumambad sa kanyang paningin ang masayang mukha ng anak niya ngunit nagtataka siya dahil animo namamaalam ang mga kaway nito.  Ngunit hindi niya maarok ang kahulugan ng mga salagimsim maliban sa naligalig siya hanggang sa nagpalingus–lingos ang kanyang mga mata upang hanapin ang tugon sa kanyang nababahalang puso nang maramdaman nito ang labis na pagsisisi.  Ah!  Sadyang laging nasasambit ang pagsisisi kung ramdam na ang kabiguan dahil nalikha lamang ang desisyon habang sumisigid sa kalooban ang galit nang walang pakundangan sa masamang epekto nito pagkat naging alipin ng kapusukan.  “Ang anak ko . . . si Bag–aw!  Naitakas kaya siya . . . ni Amang Awallan?!”  Tinanggap ni Dayandang ang payo dahil seguradong kanina pa naghihintay sa kanyang pagbabalik si Bag–aw ngunit lalong nabalisa ang kanyang kalooban pagkat hindi niya tiyak kung saan hahanapin ang kanyang anak ngayong tupok na ang sagradong kubol.  Kahit saklot ng pagdududa ang kanyang puso kung talaga bang nagawa ni Lakay Awallan ang tumakas kasama si Bag–aw mula sa sagradong kubol dahil sa kanyang kahinaan ay naisip niya ang dumeretso sa yungib pagkat umaasa pa rin siya na ligtas ang dalawa sa tulong ni Assassi.  Kasamaang–palad, napigilan ang kanyang pagtakas pagkat kailangan gumanti siya gamit ang mga tunod dahil muling dumaluhong nang sabay–sabay ang mga soldados habang nagpapaulan sila ng mga bala ngunit dumapa na lamang siya sa halip na naghanap pa ng pagtataguan.  Nabaling sa manu–mano ang pakipagtunggali ng mga kalalakihang Malauegs sa mga soldados gamit ang kanilang natutunan sa pagsasanay ngunit mahigpit pa rin ang hawak nila ng palathaw pagkat tiyak na kakailanganin nila ito kapag humantong sa pamuok ang laban kung saan sila bihasa.  Sapagkat malaki ang naitulong sa kanila ng palathaw noong unang umatake ang mga soldados sa kanilang komunidad kaya umaasa sila na sa pamamagitan nito ay magtatagumpay uli sila dahil dumating ang pagkakataong ito kung kailan tanggap na sana nila ang katalunan.  Walang duda na tama ang naisip nilang taktika dahil maraming soldados ang bumubulagta agad nang halibasin nila ng mga palathaw ngunit doble naman ang ganti pagkat hindi nila nagagawa ang umilag sa tuwing pumuputok ang mga fusil sanhi ng dilim.  Gayunpaman, lalo silang naging agresibo sa pagbabakasakali na mababago pa pabor sa kanila ang takbo ng laban kahit mangilan–ngilan na lamang sila ngunit taglay pa rin nila ang tapang ng mandirigmang Malauegs na hindi basta sumusuko habang may natitira pang lakas ang kanilang mga katawan.  Dapat maipapanalo nila ang laban para hindi tuluyang makubkob ng mga soldados ang kanilang komunidad na minsan nang nangyari kung hindi gumawa ng plano si Alawihaw matapos malaman nito na dehado ang kanilang armas kontra sa mga fusil.  Basta huwag lamang ipagkait ni Bathala ang kanyang pagpapala na kanina pa nila hinihiling upang tumagal sila sa laban pagkat wala na ang lupon ng mga matatandang Malauegs upang ipagdasal ang kanilang tagumpay dahil kasama sila sa nasunog na sagradong kubol.  Laging nagpapaalaala sa mga kalalakihang Malauegs ang katuwiran na hindi paramihan ng mandirigma ang laban upang isipin na tangan na nila ang tagumpay kahit hindi pa tapos ang sagupaan dahil ibinabatay pa rin ito sa tatlong kakayahan – talas ng isip, liksi at abilidad.  Lalo’t epektibo rin naman ang ginamit nilang paraan upang biguin ang hinahangad na tagumpay ng mapanupil na puwersa dahil sa giyera ay walang krimen kahit buong tropa pa ang mapatay nila sa engkuwentro.

            “Takbo!  Tumakas na tayo!  Tayo na!  Bilisan ninyo!  Takbooo!!!”  Nakalimutan lamang ng mga kalalakihang Malauegs na mahalaga pa rin ang uri ng armas upang tumagal sila sa laban dahil hindi basta nasasagkaan ng talas ng isip at liksi ng galaw ang mga bala sa tuwing pumuputok ang mga fusil na taliwas sa mga busog at tunod.  Mabisa lamang ang kanilang mga sandata habang may laman pang tunod ang kanilang mga talanga dahil hindi naman puwede na maging dependiyente sila sa palathaw sa lahat nang pagkakataon dahil para sa malapitang gamit lamang ito.  Tuloy, nawalan ng saysay ang nalalabing tapang kahit naisin pa nila ang lumaban hanggang sa naisip nila ang isang desisyon maski sukal sa kanilang mga kalooban ngunit kailangan isagawa dahil ito na lamang ang natitirang paraan.  Kabiguan man ang hatid sa kanilang pagtakas ngunit maituturing pa rin tagumpay ang makitang ligtas silang lahat pagkat hindi nagtatapos ang laban sa minsanang sagupaan lamang upang itodo ang natitirang tapang dahil maraming araw pa ang dapat paghandaan.  Maski naghihintay ang mapait na kuwento sa kanilang pagdating sa yungib pagkat wala na ang kanilang mga pamilya upang salubungin sana sila ng mahigpit na yapos ngunit mabuti na ang may mga nagluluksang puso upang hindi malilimutan ang mga iniwang alaala.  Talagang nakahihigit pa rin ang mga fusil pagkat tiyak na may tinatamaan kung ikumpara sa mga tunod dahil kailangan pang unatin ang busog maski abala sa apurahang laban lalo’t kisap–matang nagbabago ang sitwasyon sa bawat pagkabalam.  Tuluyan nang naapektuhan ng linggatong ang kanilang laban hanggang sa mabilis na nilamon ng karuwagan ang kanilang katatagan kaya nagmadali silang tumakas maski naging maigting ang rapido ng mga fusil.  Sa halip na kumarimot ng takbo si Dayandang ay sineguro muna niya na walang kalalakihang Malauegs ang naiiwan sa kanilang pagtakas maski nagpapatuloy ang pamamaril ng mga soldados para hindi na nila nanaisin pa ang bumalik sa kanilang komunidad.  Aywan kung bakit naging mahalaga pa para sa kanya ang mga kalalakihang Malauegs kaysa sa kanyang sarili samantalang may anak siya na naghihintay sa kanyang pagdating sa yungib upang damhin ang kanyang mainit na yakap nang hindi siya mumultuhin ni Alawihaw.  Tumalilis na rin si Balayong hanggang sa naglaho siya sa dilim ngunit hindi piho kung namalayan siya ni Dayandang pagkat nasundan ng tingin nito ang mga kalalakihang Malauegs na pinipilit pa rin nila ang tumakas kahit hinahabol sila ng mga bala.  Dahil sumusugod ang mga soldados ay dali–daling sumuot sa dilim si Dayandang imbes na sundan niya ang mga kalalakihang Malauegs kaya hindi na siya nalingunan ni Balayong na umakma pang bumalik nang malaman nito na hindi pala siya sumunod.  Kaagad napuruhan sa ulo si Lupog nang sabay sa kanyang paglantad ang putok na hindi niya naiwasan ngunit may magluluksa pa ba para sa kanya pagkat hindi rin matiyak kung nakaligtas mula sa nasunog na sagradong kubol ang pamilya niya.  Nang tangkain ni Anabyong ang sumaklolo kay Lupog maski umuulan ng mga bala ay hindi pa rin nila nagawa ang tumakas kahit isinuko na nila ang laban pagkat siya naman ang nahagip sa leeg na agad ikinasawi niya.  Sentro sa puso ang tama ni Bakaw dahil sinikap pa rin niya ang lumaban hanggang sa naubusan siya ng tunod ngunit wala siyang pagsisisi pagkat nagampanan niya ang tungkulin ng mandirigmang Malauegs hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.  Tumagos sa puso ang bala na tumama sa likod ni Balubad habang tumatakbo siya upang tumakas ngunit hindi na niya nagawa ang lumayo nang bumagsak siya matapos pahabulan ng rapido upang tiyakin ang kanyang kamatayan.  Naisaloob ni Balayong na maaaring nagkukubli lamang si Dayandang upang hindi siya tamaan ngunit lubhang delikado ang magtagal pa siya roon pagkat nag–iisa na lamang siya lalo’t naglabasan na ang mga soldados mula sa kanilang pinagtataguan.  Talagang malalagay sa panganib si Dayandang kung hindi na niya magagawa ang sumunod kay Balayong dahil tiyak na siya naman ang pagbabalingan pagkat papunta na sa tapat ng kanyang pinagtataguan ang mga soldados upang habulin ang mga tumatakas.  Ngunit nagtatarang sa paghahanap ng mapagkukublihan si Balayong nang tangkain niya ang sumaklolo kay Dayandang pagkat gumulantang sa kanya ang nakapangingilabot na rapido ng mga bala kaya hinintay na lamang niya ang paghupa ng putukan.  Sisikapin niyang maisama si Dayandang kahit dalawa na lamang sila ang naiiwan pagkat hindi niya tiyak kung nagawa ng iba ang tumakas sanhi ng walang habas ang pagpapaputok ng mga soldados mula sa lahat ng direksiyon.

            “Dayandanggg!!!”  Tama ang naging sapantaha ni Balayong nang hindi na magawa ni Dayandang ang tumakbo dahil kumakamay siya habang humihingi ng tulong pagkat siya naman ang binabaril ng mga soldados nang hindi na nila mahabol ang mga tumatakas.  Gustuhin man niya ang tulungan si Dayandang ngunit nabaling naman sa kanya ang rapido ng mga putok na muntik pa niyang ikamamatay kung hindi siya bumalik agad sa pinagkukublihan kaya nagpalipas muna siya ng ilang saglit.  Hinintay muna niya ang pagtigil ng putukan habang kumukuha ng tiyempo pagkat tiyak na hindi niya maipapaliwanag kay Lakay Awallan kung darating siya sa yungib na hindi kasama si Dayandang lalo’t wala na si Lupog upang maalalayan sana siya nito.  Sakaling kapusin ng suwerte si Dayandang ay sisikapin pa rin niya kahit ang bangkay na lamang nito ngunit umaasa siya na sa tulong ng mga dasal ni Lakay Awallan ay maisasama niya nang buhay ang biyuda dahil walang imposible kay Bathala.  Hanggang sa nagmamadaling lumapit kay Dayandang si Balayong nang pansamantalang natahimik ang paligid ngunit nagkamali ang kanyang palagay pagkat hinintay lamang pala ng mga soldados ang paglantad niya upang sabayan ng rapido.  Tuloy, nawalan ng saysay ang kanyang pagsisikap pagkat nauna pa siyang humandusay sa lupa nang pasalubungan siya ng mga bala hanggang sa nabaling naman kay Dayandang ang mga putok nang marinig nila ang pagtitili niya.  Kunsabagay, seguradong nanaisin na lamang ni Balayong ang mamamatay kapag nalaman niya na kasama sa natupok na sagradong kubol si Lakay Lanubo pagkat ginusto pa niya ang ipagtanggol ang kanilang komunidad kaysa nanatili sa tabi ng kanyang amang.  Taglay sa pagpanaw ni Dayandang ang matinding kabiguan pagkat hindi umayon ang kapalaran sa kanyang kagustuhan na maipaghihiganti si Alawihaw kaya walang duda na tatangisan niya ito sa harap ng kanyang asawa kapag nagkita na sila.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *