Gayunpaman, naging dalangin pa rin ng mga katutubong Malauegs na sana hindi totoong nasundan sila ng mga soldados pagkat nais na nilang ipahinga ang mga sarili upang damhin ang kapayapaan sa loob ng yungib kahit pansamantala lamang. Ngunit walang nangahas lumabas upang kilalanin sana ang mga dumarating dahil posibleng mga kalalakihang Malauegs sila na nangangailangan agad ng kanilang tulong pagkat sila lamang ang nakaaalam kung paano marating ang yungib kahit madilim. Baka kabilang sila sa mga nakaligtas ngunit ngayon pa lamang nakarating sa yungib dahil naging balakid sa kanilang pagtakas ang mga tinamong sugat kaya pahintu–hinto ang kanilang paglalakad para tiyakin na hindi sila nasundan ng mga soldados.
“Tulong! Tulungan n’yo kami! Tulonggg!!! Walang pag–aatubili na lumabas ang mga nagtatago sa loob ng yungib nang marinig ang mga boses na humihingi ng tulong dahil mga kalalakihang Malauegs pala ang dumating kahit malubha ang kanilang mga sugat ngunit nagawa pa rin nila ang tumakas. Kanina pa gustong humingi ng tulong ang mga kalalakihang Malauegs ngunit natakot sila dahil posibleng matunton ng mga soldados ang kanilang kinaroroonan kung marinig nila ang kanilang sigaw kaya gumapang na lamang sila hanggang sa narating nila ang yungib. Kung anu–anong paraan na lamang ang ginagawa nila para maibsan ang paghihirap ng mga sugatan pagkat naging problema nila ang gamot dahil sa kagubatan lamang matatagpuan ang mga halaman na nagpapagaling sa mga sugat ngunit delikado pa ang sitwasyon. Tiyak na walang maglalakas–loob upang pumunta sa kagubatan dahil hindi pa ligtas ang lumabas ng yungib ngunit magbabakasakali pa rin sila kahit walang kaseguruhan ang pagtatapal ng mga dahon sa mga sugat upang pansamantalang maisasalba ang kanilang buhay. Aywan kung lunas ang dasal ngunit mabuti nang ipaubaya na lamang kay Bathala ang buhay ng mga naghihingalo pagkat ayaw pa rin maampat ang pagdurugo ng mga sugat hanggang sa dahan–dahang pumipikit nang mariin ang kanilang mga mata. Muli, isa–isang kinilala ni Lakay Awallan ang mga sugatan habang umaasa na kabilang sa kanila si Dayandang ngunit humantong lamang sa kabiguan ang kanyang pagtatanong dahil maaaring inilibing na ng mga soldados ang kanyang bangkay kung hindi nila isinama sa mga nasusunog na kubol. Bumalik siya sa labas ng yungib para muling abangan si Dayandang kahit abutin hanggang bukas ng umaga ang paghihintay niya ngunit sinabayan na lamang niya ng dasal upang ipakiusap kay Bathala ang kaligtasan nito.
Nang naisaloob ni Lakay Awallan na maaaring malubha ang sugat ni Dayandang ay lalong nabahala ang kanyang kalooban pagkat tiyak na ikamamatay niya ito dahil wala siyang mahingian ng tulong kaya hindi na niya nagawa ang tumuloy sa yungib. Wala rin sina Balayong at Lupog upang matanong sana niya tungkol kay Dayandang hanggang sa naipagpalagay na lamang niya na maaaring magkasama silang tatlo pagkat hindi basta pababayaan ng magpinsan ang asawa ni Alawihaw. Sinipat ni Lakay Awallan ang karimlan dahil sa paniniwala na maaaring naghihintay lamang ng tulong si Dayandang ngunit walang naaninagan ang kanyang mga mata hanggang sa unti–unting lumalayo ang kanyang mabagal na mga hakbang. Huminto lamang siya nang mapansin na pabalik pala sa komunidad ang kanyang lakad dahil posibleng mapapahamak siya pagkat tiyak naroroon pa ang mga soldados maski tahimik na roon upang hintayin na lamang ang umaga. Nagulat siya nang malaman na malayo na pala ang kanyang narating kaya binilisan niya ang paglalakad pabalik sa yungib dahil sa takot na matutop siya ng mga soldados ngunit napilitan pa rin siyang tumigil dahil sa pagod. Kabutihan, hindi nag–alumihit si Bag–aw hanggang sa narating niya ang yungib ngunit hindi na siya pumasok sa loob dahil itinuloy pa rin niya ang paghihintay kay Dayandang kahit kanina pa siya humihikab nang magparamdam ang matinding antok. Subalit napapadalas naman ang pagtatanong ng kanyang sarili kung bakit wala pa rin hanggang ngayon si Dayandang lalo’t nagsimula nang magpahiwatig sa kanyang puso ang andam ngunit tumatanggi lamang siya upang pagtuunan ito ng pansin. Pero lalong tumitindi ang kanyang kaba kahit balewalain niya ang salagimsim dahil kanina pa dapat dumating sina Dayandang, Balayong at Lupog kung talagang kabilang sila sa mga nakaligtas pagkat malapit nang sumapit ang madaling–araw. Nagtagal pa siya sa labas ng yungib hanggang sa may naulinigan siya na lalong nagpatalas sa kanyang paningin dahil malinaw ang tinig habang tumatawag ngunit naisip naman niya na maaaring namalikmata lamang siya dahil sa matinding antok. Subalit guni–guni pa ba kung unti–unti namang lumalapit ang tumatawag ng kanyang pangalan hanggang sa napuspos ng galak ang kanyang kalooban nang makilala niya ang dumating pagkat talagang nawaglit na siya sa kanyang isip dahil kay Dayandang.
ITUTULOY
No responses yet