Sapagkat hindi sila dapat lumantad sa labas ng yungib kung araw ay magiging limitado lamang sa loob ang kanilang mga kilos ngunit mapagbawalan ba ang mga kababataang Malauegs upang huwag pumunta sa ilog kung gusto nila ang maligo at maipapangako ba ng mga magulang kung talagang hindi na masawata ang pag–alumihit ng mga bunso nila. Kahit anong ingat pa ang gawin nilang lahat ay tiyak na maririnig pa rin ang ingay na nilikha ng kanilang mga anak kaya lalong mahihikayat ang mga soldados upang hanapin agad ang pinagmumulan nito para hindi sila matutop dahil naniniwala sila na walang katutubong Malauegs ang nakaligtas nang sunugin nila ang dating komunidad matapos nilang salakayin ito. Samakatuwid, hindi pa rin maiiwasan ang posibilidad upang matuklasan ang pananatili nila sa yungib kung magtagal sila roon dahil tiyak na maghihinala ang mga soldados hanggang sa maglulunsad sila ng operaciones profilactica sa paligid para kumpirmahin ang kanilang suspetsa na lalong delikado pagkat seguradong tuluyan nang mapaparam sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs. Kung ligtas man sila sa nagdaang magdamag ay hindi nangangahulugan na ganito pa rin ang magiging buhay nila sa mga susunod na araw pagkat kailangan nila ang manangan sa pag–iingat habang naririto sila a yungib kaya kailangan pa bang pagtalunan kung kaligtasan na nila ang nalalagay sa panganib para hindi na rin mauulit ang pangyayari nang dahil lamang sa desisyon ng mga matatandang Malauegs na hindi na naipahayag hanggang sa namatay na lamang sila. Marahil, iniisip din ni Lakay Awallan ang magiging epekto sakaling pumayag siya sa mungkahi ni Luyong lalo’t wala silang naisalba na mga pagkain at mga kagamitan na kailanganin nila sa paglilipat pagkat hahanapin pa nila ang pook na puwedeng pagtatayuan ng bagong komunidad ay tiyak na araw–gabing maglalakad sila na maaaring gumugol naman ng maraming araw hanggang sa marating nila ang pusod ng kagubatan ngunit problema naman ang dulot nito sa kanya dahil kay Bag–aw hanggang sa napayuko siya nang lumikot ang sanggol. Subalit hindi rin naman puwedeng isantabi niya ang katotohanan dahil talagang nanganganib ang buhay nila kung manatili sila sa yungib pagkat isang pagkakamali lamang nila ay tiyak na damay ang lahat kahit hanggang langit pa ang kanilang pagsisisi kung wala na rin halaga habang umalingawngaw na sa pintuan ng yungib ang mga putok ng mga fusil.
“Kasi . . . ! Masyadong malapit ang yungib . . . sa dating komunidad natin! Malaki ang posibilidad . . . upang matunton tayo ng mga soldados! Puwes . . . hindi tayo ligtas dito! At . . . ! Kapag nagsimula nang maaagnas . . . ang mga bangkay! Tiyak . . . mapipilitan tayong lumabas! Kahit ayaw natin! Baka ito pa . . . ang magiging dahilan! Upang alamin . . . ng mga soldados! Ang pinagmumulan . . . ng maalingasaw na amoy!” Posibleng napagtanto ng mga katutubong Malauegs ang katuwiran ni Luyong pagkat natahimik silang lahat lalo na ang mga may mga anak matapos mapakinggan ang paliwanag niya kahit nangangailangan ng panibagong sakripisyo ang kanilang gagawing paglilipat kung kaligtasan naman ang kapalit nito mula sa pang–aapi ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay walang kailangan ang maglakad sila ng maraming araw hanggang sa mararating nila ang pook na pagtatayuan ng kanilang bagong komunidad. Upang hindi tuluyang maglalaho sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs gaya nang naging kapalaran ng mga katutubong Malauegs ng Calantac dahil umaasa pa rin sila ng magandang buhay kahit nagdurusa sila ngayon pagkat hindi naman seguro ipahihintulot ni Bathala para habambuhay na mamimighati sila kung naririyan naman ang kanilang Punong Sugo na laging nagdarasal. At talagang hindi rin nila matatagalan ang pananatili sa yungib habang naroroon din sa loob ang mga bangkay na hindi puwedeng sunugin kahit gaano pa katindi ang hangarin nila upang bigyan ng ritwal pagkat sa ganoong paraan lamang maiparamdam nila ang pagpupuri dahil sa kanilang ipinamalas na kabayanihan ngunit magtataka naman ang mga soldados kapag natanaw nila ang makapal na usok. Marahil, ganito rin ang naging saloobin ni Lakay Awallan kahit nanatiling tahimik dahil tumayo siya matapos ipaubaya kay Assassi si Bag–aw na tila nakikinig din sa usapan habang kinikilala ang mga nasa kanyang harapan upang hanapin ang kanyang inang Dayandang na hindi pa nagpaparamdam mula kagabi gayong ito ang hinihintay ng Punong Sugo. Tumango nang marahan ang Punong Sugo para iparating ang kanyang pagsang–ayon sa mungkahi ni Luyong kahit ang paglisan nila ay hayagang pagpapaubaya ng kanilang mga lupain sa pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat wala na rin katuturan upang ipaglaban pa ang katuwiran na pamana ito ng kanilang mga ninuno kung hindi naman tinatanggap dahil walang titulo. Kung nais nilang mamuhay nang malaya ay nararapat lamang lisanin nila ang yungib upang damhin sa pook na paglilipatan ng kanilang bagong komunidad ang kapayapaan kahit taglay nila habambuhay ang mapait na alaala dahil sadyang puspos ng talinghaga ang buhay ng tao kaya walang katiyakan ang kanyang magiging hantungan habang naglalakbay siya sa mundo. Magiging karagdagang problema pa nila kung lalong darami ang mga soldados pagkat talagang matagal nang plano ng un Comandante del Ejercito de Alcala ang magtayo ng destacamento de tropas hindi lamang sa dating komunidad ngayong nakubkob na nila ito kundi sa buong kapatagan ng Sierra Madre bilang paghahanda habang hindi pa naibebenta sa mga negosyante ang mga huwad na titulo dahil gaganapin pa lamang ito sa kapistahan ni San Pedro. Makabubuting madaliin na nila ang paglilipat habang may panahon pa alang–alang sa kanilang mga pamilya pagkat malinaw na wala sa yungib ang kanilang kaligtasan dahil mistulang naghihintay na lamang sila kung kailan sasagpangin ng mga halimaw kapag ipinagpilitan pa rin nila ang manatili roon gayong alam na nila ang posibleng mangyayari. Saan man sila dadalhin ng kapalaran ay doon na lamang nila sikaping kalimutan ang hindi matingkalang pagkaduhagi nila upang mahanap ng kanilang mga puso ang kapayapaan nang magkaroon pa ng halaga ang kanilang buhay sa tulong ni Bathala kahit nangahulugan ng panibagong panimula ang mangyari basta wala nang gumagambala sa kanilang pananahimik at nang maramdaman naman nila ang kahimbingan sa bawat gabing dumaratal. Bakasakaling magbalik din ang kanilang dating sigla upang salubungin ng ngiti ang bawat umagang dumarating basta magiging positibo lamang ang kanilang mga pananaw sa buhay maski inagawan sila ng mga lupain sanhi ng kanilang kamangmangan ngunit bahala na si Bathala ang maggawad ng parusa sa mga taong naging mapagmalabis sa kanilang kapangyarihan.
“At . . . saan naman tayo lilipat?! Ha?!” Sadyang inilaan para sa mga katutubo ang malawak na kalupaan sa kabundukan ng Sierra Madre kahit walang kasulatan maliban sa naging habilin ito ng kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng pamana bago pa dumating ang mga banyaga pagkat sila ang unang nilalang na pinagpapala ni Bathala maski totoong kapos sa maraming bagay ngunit mayaman naman sila sa mga biyaya na kaloob ng kalikasan kaya hindi naghahangad nang higit pa ang kanilang mga puso dahil kuntento na kung anong mayroon sila. Samakatuwid, hindi problema ang paglilipatan pagkat matatagpuan din sa kabundukan ng Sierra Madre ang pook na pagtatayuan ng kanilang bagong komunidad ngunit kailangan pa rin ang kanilang kusang–loob na pagsang–ayon upang walang sisihan kung daranasin nila ang pagod, gutom, uhaw at hirap kung tumagal ang kanilang paghahanap dahil tiyak na magiging problema sa mga may pamilya ang araw–gabing paglalakad. Kung hindi nga lamang kailangan ang lumayo sila mula sa dating komunidad pagkat talagang walang kaseguruhan kung kayanin pang ipagtanggol ng mga kalalakihang Malauegs ang yungib sakaling salakayin ito ng mga soldados dahil mabibilang na lamang sila upang isugal pa sa tiyak na kapahamakan ang kanilang buhay at ang kinabukasan ng kanilang mga pamilya. Kung narating ng mga soldados ang dating komunidad gayong napakalayo na nito mula sa bayan ng Alcala ay walang duda na matutuklasan din nila ang yungib lalo’t walang ilog ang kailangan tawirin pa nila kung magtagal pa ang kanilang panatitili roon dahil sila mismo ang magpatunay na nagiging posible na ngayon ang mga kaganapan na sa akala nila noo’y imposibleng mangyayari.
ITUTULOY
No responses yet