Puwes, huwag na nilang hintayin pa na mauulit ang pangyayari pagkat walang pangalawang himala kahit nagawa nila ang lumikas kagabi sa yungib mula sa naglalagablab na impiyerno kung wala pa rin katiyakan ang kanilang kaligtasan habang nananatili sila rito dahil masakit mang aminin ngunit tila pinabayaan na sila ni Bathala sa hindi maipaliwanag na mga kadahilanan. Saang pook man sila mapunta ay sikapin na lamang nila ang magpalakas ng puwersa kung balak pa nila ang gumanti sa mga soldados pagdating ng araw na magagawa na ng mga sanggol na inulila ng kanilang mga amang ang lumaban dahil seguradong ito ang kanilang magiging sigaw upang mabawi ang pamana ng kanilang mga ninuno kahit muling dumanak ang dugo sa kalupaan ng Sierra Madre. Sapagkat hindi man sasambitin ng kanilang mga labi ang paghihiganti ngunit tiyak naman na ito ang laging iniisip nila kapag nalaman ang dahilan kung bakit maagang naulila sila sa amang upang ang paniningil sa utang ay lalong pahahalagahan nila dahil sabay sa pagsibol ng bagong henerasyon ang paninindigan na maaaring lihis sa mga naging katuwiran ng kanilang mga magulang dapwa may kabuluhan naman kung limiing mabuti pagkat nakintal na ito sa kanilang mga isip habang nasa sinapupunan pa lamang sila sanhi ng mga naranasang galimgim ng kanilang mga inang. Segurado, magsasanhi ng panibagong pakikibaka ang patuloy na paglalahad tungkol sa kasaysayan ng tribung Malauegs mula sa panahon ni Alawihaw habang ipinapaalaala sa kanila na buhay ang naging katumbas nang humantong sa kabiguan ang ginawang pagtatanggol ng kanilang mga amang sa kanilang dating komunidad upang lalong mag–aalab ang mga pusong walang ibang hinahangad kundi ang bigyan ng katarungan ang sinpit ng kanilang mga magulang.
“Sa pook na hindi tayo kayang sundan . . . ng mga soldados! Oo . . . sa pusod ng kagubatan!” Kung kinailangan tawirin nila ang mapanganib na kabundukan ng Sierra Madre kahit magdulot pa ng matinding hirap ang araw–gabing paglalakad upang doon na lamang itatayo ang kanilang bagong komunidad maski mapapalayo pa sila sa kabihasnan dahil kaguluhan lamang ang hatid nito sa kanila pagkat mga hayop man ang turing sa kanila ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay may halaga pa rin ang buhay nila. Basta huwag lamang sila maaabot ng nakamamatay na galamay ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat nagdadalamhati pa silang lahat lalo na si Lakay Awallan dahil dalawang mahal sa buhay niya ang kanyang ipinagluluksa kaya hindi niya lubos napagtutuunan ang pagdarasal habang ramdam niya ang kagulumihanan ngunit dalangin pa rin nila na sana magkaroon naman ng ganap na katahimikan ang kanilang mga kalooban. Sapul nang sumiklab ang kaguluhan ay inaasam na nila ang kapayapaan kahit batid nila na imposible nang maramdaman uli ito pagkat maraming buhay na ang naglaho dahil sa pagtatanggol sa kanilang dating komunidad ngunit posibleng naiwasan pa rin kung ipinairal lamang ang pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang lahi kahit totoong mahirap mangyayari kung naging bagko naman sa pag–uusap ang magkaibang dialekto. Subalit walang imposible kung naging makatuwiran lamang ang pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat maraming katutubong binyagan ang bihasa na rin sa wikang Espanol upang maipaliwanag sana sa mga katutubong erehe ang kahalagahan ng titulo ngunit kabalintunan dito ang nangyayari dahil sadyang may sariling layunin ang gobyerno. Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin ang mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre dahil taliwas sa naging kapalaran ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ay nakaligtas sa trahedya ang kanilang Punong Sugo kaya hindi sila tuluyang nagkawatak–watak matapos mawalan ng komunidad pagkat may gumagabay pa rin sa kanila kahit nag–iisang matanda na lamang siya sa tribung Malauegs. Wala nang nagpasunod ng tanong kahit nangangailangan ng sakripisyo ang paglilipat nila sa pusod ng kagubatan dahil tiyak naman ang kanilang kaligtasan kapag naipatayo na roon ang kanilang bagong komunidad pagkat nagagawan naman ng paraan maski mapapalayo sila sa bayan ng Alcala para maipagpapatuloy pa rin ng mga kababaihang Malauegs ang paglalako ng mga gulay kung ganap nang nakabangon sila pagdating ng panahon. Sandaling napaisip si Lakay Awallan pagkat talagang wala sa kanyang hinagap na darating ang araw na kailangan maghanap sila ng malilipatan ngayong pagmamay–ari na ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang komunidad na kaytagal nang pinamahayan ng maraming henerasyon ngunit tanggap na niya ang mga pangyayari dahil hindi pa naman katapusan nang lahat habang may buhay pa sila kaysa hayaan ang patuloy na pagtatanong ng kanyang sarili. Katunayan, hindi na niya matandaan kung pang–ilang henerasyon na si Bag–aw sa mga isinilang sa dating komunidad basta si Lakay Bangkuwang ang nagisnan niyang Punong Sugo ng kanilang tribu hanggang sa pinalitan niya bilang panganay na anak nang mamatay siya nang mapadako sa sanggol ang kanyang mga mata dahil hind niya matiyak kung mahintay pa ba nito ang tungkulin na iiwanan niya kapag dumating ang kanyang huling araw sa mundo kung pagbasehan ang mga nagaganap sa kasalukuyang panahon.
“Kailan natin gagawin ito . . . Luyong?!” Nagalak si Luyong nang marinig niya ang tanong ni Lakay Awallan pagkat ipinapahiwatig nito ang kanyang pakikiisa sa mabuting layunin sa halip na salungatin ang mungkahi niya upang ayunan ang ilan na tila nag–aatubili pa kahit delikado ang manatili sila sa yungib nang sumagi sa isip nila ang susuunging hirap imbes na agapan ang pagkakataon habang hindi pa natutuklasan ng mga soldados ang paglikas nila roon. Tama ang naging desisyon ni Luyong dahil totoong sila–sila na lamang ang maaaring magdamayan ngayong binabayo ng matinding pagsubok ang kanilang buhay habang hindi pa mabibigyan ni Lakay Awallan ng priyoridad ang kanilang kapakanan pagkat nagdadalamhati rin ang kanyang kalooban kaya hindi puwedeng iaasa sa kanya ang lahat lalo na ang kanilang kaligtasan. Ngayon ang panahon upang sabay–sabay silang tumitingin sa iisang direksiyon para magkaroon ng magandang bukas ang kanilang buhay lalo’t may mga anak sila na hindi dapat biguin ang mga pangarap higit yaong mga ulila na sa amang dahil silang mga magulang ang seguradong pagbuntunan ng sisi kapag may nangyaring masama sa kanila pagkat hindi nila pinahalagahan ang pangalawang pagkakataon gayong batid naman nila na pansamantala lamang ang kanilang paninirahan sa yungib. Wala nang dahilan para balikan pa ang mga alaala na iniwan ng mga nangasawi lalo’t hindi naman kasamang namatay ang kanilang kinabukasan upang hayaan na magiging bilanggo ng kahapon ang kanilang mga sarili kahit totoo na mapapalad ang mga patay kung tuusin pagkat nakalaya na sila mula sa mga problema kaysa mga buhay dahil nagpapatuloy pa rin ang kanilang pagpupunyagi ngunit mali ang ganitong katuwiran. Makabubuti ang pagtuunan na lamang ang kanilang mga pangangailangan upang muling sumigla ang kanilang buhay dahil batid naman nila na sa pamamagitan ng pagsisipag lamang nakakamtan ang kasaganaan pagkat dati nang ginagawa nila ito kaya walang dahilan para muling ilugmok sila sa kabiguan kahit talagang naninikis din ang tadhana kung minsan para subukin ang kanilang katatagan. Kailangan lamang ipagpatuloy ang pamimintuho nila kay Bathala kahit hindi niya napakinggan ang kanilang mga dasal nang salakayin ng mga soldados ang kanilang dating komunidad dahil sa kanilang paniniwala na naging mahimbing ang kanyang tulog kung ang totoo’y may pagkukulang din sila pagkat hindi natutulog ang may likha ng mundo maliban sa nagiging abala lamang siya sa pakikinig sa mga karaingan. Sapagkat tiyak na gagapiin lamang ng mga pagsubok ang kanilang mga kahinaan kung pagdudahan pa ng kanilang mga puso’t isipan ang pananalig sa panahon na kailangan pa mandin nila ang awa ni Bathala tulad nang naging saloobin nila kaninang hating–gabi kahit madali nang unawain dahil talagang wala nang umaasa nang mga sandaling ‘yon na matatakasan pa nila ang rapido ng mga punglo.
ITUTULOY
No responses yet