“Bukas po ng madaling–araw . . . Apong Awallan! Habang . . . ! Hindi pa po natutuklasan ng mga soldados . . . ang yungib na ito! At mamayang gabi po . . . sisikapin po namin ang mamitas ng mga gulay! At . . . anihin ang mga natitirang palay! Para . . . may pagkain po tayo pagdating natin! Sa ating lilipatan . . . Opo!” Bagaman, ngayong umaga lamang napagdesisyunan nila ang tungkol sa mungkahi ni Luyong ay hindi naman magiging problema nila ang paghahanda kaya walang tumutol nang itinakda niya bukas ng madaling–araw ang kanilang paglisan sa halip nagpapasalamat pa sila pagkat maagang naisip ang planong ito dahil tiyak wala na rin pangalawang himala kung kailan sinasalakay na ng mga soldados ang yungib. Walang duda na makatulong sa kanila ang dilim kung sa madaling–araw gawin ang kanilang paglisan dahil hindi madaling matiktikan ang kanilang mga galaw basta huwag lamang sila lumikha ng ingay para maisasagawa nila ito nang buong ingat pagkat dapat lamang asahan na gising sa magdamag ang mga soldados na naatasang bantayan ang dating komunidad. Biglaan man ang naging desisyon nila ay sapat pa rin ang maghapon upang ikondisyon ang kanilang mga sarili kaugnay sa nakatakdang paglilikas dahil dapat handa rin ang kanilang mga kalooban sa pagtanggap sa mga posibleng magaganap pagkat walang nakababatid kung ano ang maaaring masumpungan sa araw–gabing paglalakad maliban sa umasa na sana hindi tumagal ang paghahanap nila ng paglilipatan. Sapagkat hindi biro ang maglakad habang sumasalab ang init ng araw sa tanghaling–tapat lalo’t may mga anak pa sila na magiging sanhi upang maya’t maya ang tigl nila para magpahinga hanggang sa abutin ng maraming araw ang kanilang paglalakad bago matagpuan sa pusod ng kagubatan ang pook na pagtatayuan ng kanilang bagong komunidad kahit malaking katanungan kung kayanin ba ito ni Lakay Awallan. Tunay na magiging suliranin para sa mga kababaihang Malauegs na may mga anak ang nakatakdang paglilikas dahil walang nakababatid sa posibleng mangyayari habang araw–gabing naglalakad sila sa paghahanap ng mapagtatayuan ng kanilang bagong komunidad ngunit tagimtim na lamang nila ang pagkakaroon ng kasalitan pagkat may asawa sila na puwedeng umalalay sa kanila. Samantalang higit ang hirap na daranasin ng mga biyuda kahit hindi na ito lingid sa kanila pagkat wala na ang kanilang mga asawa na laging inaasahan nila ngunit walang hindi napagtitiisan basta panatilihing matatag ang kalooban at positibo ang pananaw sa hinaharap dahil kapalit naman nito ang kaginhawaan sa buhay. Katunayan, sampu na lamang ang mga kalalakihang Malauegs kasama na sa bilang sina Luyong at ang kanyang nakatatandang kapatid na si Tagatoy kaya nararapat lamang ang lumabas sila sa yungib upang maghanap ng malilipatan dahil talagang hindi na nila kakayanin ang lumaban pa pagkat anino pagpapakamatay na rin kung pangahasan nila ang maghiganti gayong tigmak pa ng matinding kabiguan ang kanilang mga damdamin. Kabilang sa mga nakaligtas si Tagatoy dahil hindi naman malubha ang sugat niya lalo’t naagapan pa ito ng magdamag na pahinga matapos gamutin ng halaman na ginutol sa loob ng yungib ng kanyang asawa na si Danglay at ito rin ang naging panlunas sa iba na daplis lamang ng bala ang tinamo sa katawan maliban ang mga napuruhan pagkat talagang hindi na naisalba ang buhay nila. Kagabi, pinakiusapan ni Tagatoy si Luyong upang iparating kay Lakay Awallan ang kanyang mungkahi tungkol sa kanilang seguridad sa yungib na hindi magagawa ng kanyang sarili pagkat nagpapagaling pa siya dahil lubhang delikado ang manatili sila rito nang matagal lalo’t naroron din sa loob ang mga bangkay na hindi puwedeng sunugin para hindi malalaman ng mga soldados na may nakaligtas pala kahit sinilaban na nila ang komunidad. Kaya ikinagagalak din niya ang pagpayag si Lakay Awallan dahil para rin naman sa kaligtasan nilang lahat ang layunin ng mungkahi upang samantalahin ang pagkakataon habang hindi pa natutuklasan ng mga soldados ang yungib kahit may pag–aatubili ang kanyang sarili pagkat hindi malapit sa Punong Sugo silang magkapatid na taliwas kina Alawihaw, Lupog at Balayong noong nabubuhay pa lamang sila.
“Sige! Simulan na ninyo . . . ang paghahanda!” Walang pagdadalawang–isip na ipinagkaloob ni Lakay Awallan ang kanyang basbas upang maisasagawa agad ng mga katutubong Malauegs ang paghahanda kaugnay sa kanilang gagawing paglisan mula sa yungib mamayang madaling–araw habang umaasa naman ang kanyang puso na sana maisakatuparan nila ito nang walang balakid ngunit sandaling naramdaman niya ang lungkot pagkat tiyak na mga alaala na lamang ni Dayandang ang tanging dala niya sa kanilang pag–alis bukas. Inaamin niya na talagang nalalagay sa peligro ang kanilang buhay kung magtagal pa sila sa loob ng yungib kaya ayaw niyang ipagsapalaran ang kinabukasan ng tribung Malauegs kung may paraan naman upang maiiwasan ang pinangangambahan nila maski masakit sa kanilang mga kalooban ang lumayo sa dating komunidad pagkat wala na silang kakayahan upang ipaglaban pa ang karapatan nila rito. Isang libo’t isang pangamba ang katumbas ng bawat sandali habang nananatili sila sa yungib pagkat seguradong hindi nila mararamdaman ang katiwasayan kung laging naiisip ang panganib na mistulang anino na sumasabay sa bawat kilos nila dahil naroroon lamang sa dating komunidad ang mga soldados kaya hindi na siya magugulat kung sa paggising nila ay may nag–aabangan na pala sa kanilang paglabas. Sa gabay ni Bathala ay sisikapin na lamang niya ang maging matatag upang ipaunawa sa mga katutubong Malauegs na kayang batahin ang matinding kasawian na dumating sa kanilang buhay upang hindi tuluyang maglalaho ang tiwala sa kanilang mga sarili pagkat inspirasyon nila ang makita na nananatiling matibay ang pundasyon ng kanilang Punong Sugo kahit ilang beses pang bayuhin ito ng mga pagsubok hanggang sa mauulit pa ang mga pangyayari. Sapagkat nag–iisang matanda na lamang siya sa tribung Malauegs ay naging pangako niya sa sarili na kapakanan ng mga katutubong Malauegs ang laging priyoridad ng kanyang desisyon upang lumawig pa ang kanilang paninirahan sa kabundukan ng Sierra Madre dahil masakit kung pawang pagkondena ang mamutawi sa mga labi ng mga susunod na henerasyon imbes na papuri ang ialay sa kanilang puntod. Bilang Punong Sugo ay nakasalalay sa kanyang pamumuno ang buhay at kinabukasan ng tribung Malauegs na hindi dapat mabigo maski hindi niya tangan ang magiging kapalaran nila sa lilipatang pook ngunit sapat na ang matiyak na ligtas sila roon hanggang sa bumalik sa normal ang kanilang pamumuhay dahil kailangan magpatuloy pa rin ang pag–inog ng kanilang mundo kahit minsan nang ninakawan sila ng puwang sa kalupaan ng Sierra Madre. Kaagad lumapit si Naga upang pasusuhin si Bag–aw nang mapansin nito ang pagiging balisa ng sanggol habang kinakandong ni Assassi maski mahimbing ang kanyang tulog sa nagdaang magdamag ngunit hindi na nila hinintay na umiyak pa siya pagkat hindi dapat makompromiso ang kanilang paglisan mamayang madaling–araw. Nang saglit na gumuhit sa isip ni Lakay Awallan ang tanong kung anong kapalaran ang naghihintay sa kanya at kay Bag–aw sa paglilipatan nila pagkat tiyak na magiging mahirap para sa kanya ang magkaroon ng obligasyon kung kailan matanda na siya hanggang sa nausal niya ang mahalagang pangako na gagawin niya ang lahat upang magampanan ang mga responsibilidad na iniwan ng mag–asawang Alawihaw at Dayandang. Maya–maya, pasimpleng nagdasal siya sa isang sulok habang abala sa paghahanda ang mga katutubong Malauegs upang hingin ang patnubay ni Bathala para masusumpungan agad nila ang pook na pagtatayuan ng kanilang bagong komunidad nang hindi na sila gugugol pa ng maraming araw sa paghahanap dahil batid niya na sadyang mahirap ang maglakad nang walang tiyak ang patutunguhan.
Kinagabihan. Palihim na pumunta sa tumana ang ilang kababaihang Malauegs upang mamitas ng mga gulay at magbunlot ng mga lamang–lupa lalo na ang luya na panlaban sa lamig na taglay ng madaling–araw dahil hindi naman magiging problema nila ang pagpapakulo ng tubig pagkat maraming ilog ang maraanan bago mapasok nila ang pusod ng kagubatan ngunit hindi rin sila nagtagal. Habang pag–aani ng mga palay ang inaasikaso naman ng mga kalalakihang Malauegs dahil magagawan na ito ng paraan pagdating sa paglilipatan nila kahit hindi nila dala ang lusong at halo kaysa mga soldados ang makinabang sa mga biyaya na pinaghirapan nila ay talagang hindi sila nag–iwan kahit isang uhay saka nagmamadaling bumalik sila sa yungib pagkat natatanaw mula sa kanilang kinaroroonan ang silweta ng mga soldados.
ITUTULOY
No responses yet