IKA–86 LABAS

Bagaman, hindi puwedeng itigil ang kanilang paglalakad ngunit hindi naman magiging problema kapag naramdaman ng kanilang mga anak ang gutom pagkat maraming prutas ang mapipitas sa paligid at posibleng isasabay na rin ng mga kalalakihang Malauegs ang pangangaso upang may ulam sila dahil mga gulay lamang ang dala ng mga kababaihang Malauegs.  Siyempre, sa pasigan lamang puwedeng magpahinga ang mga katutubong Malauegs habang isinasabay naman ng mga kababaihang Malauegs ang pagluluto sa pagkain dahil hindi dapat tumagal ang kanilang paghahanap sa paglilipatan pagkat magiging problema kung wala pang naipatayo kahit isang kubol muna ang mga kalalakihang Malauegs kapag umulan.  Pagkatapos ang mahabang dasal ni Lakay Awallan na kusang sinabayan nilang lahat ay maaga silang natulog para ihanda ang kanilang mga sarili dahil kailangan nila ang gumising mamayang madaling–araw upang simulan ang paglilikas kaya tahimik ang yungib maliban sa ilang kalalakihang Malauegs na boluntaryong nagbantay sa labas pagkat hindi rin naman maramdaman nila ang kahimbingan habang iniisip ang kaligtasan nilang lahat.  Seguro, hindi pa nararamdaman ni Bag–aw ang pangungulila sa kanyang inang Dayandang pagkat laging mahimbing ang kanyang tulog sa piling ni Assassi matapos pasusuhin ni Naga na naging pangalawang inang na niya sapul nang lumikas sila sa yungib ngunit katanungan naman kung hanggang kailan ang pagmamagandang–loob ng asawa ni Luyong sa sanggol kung may bunso siya na nangangailangan din ng kalinga.  Pero nanatiling gising si Lakay Awallan pagkat nag–aalala ang kalooban niya lalo’t mamayang madaling–araw na ang alis nila ay tiyak hindi na daratnan pa ni Dayandang ang kanyang anak kung buhay pa siya kahit pinagdududahan na rin niya ang sariling palagay dahil matagal na ang magdamag at maghapon para hanapin ang kanyang anak kung talagang nakaligtas siya.  Papunta sa labas ng yungib ang kanyang mabagal na hakbang sa pagbabakasali na magpaparamdam sa kanya si Dayandang kahit ngayong gabi man lamang dahil kailangan tanggapin na rin niya na talagang hindi siya pinalad kaya naging pakiusap na lamang niya na sana dalhin siya ni Bathala sa kinaroroonan ni Alawihaw.  Sapagkat ramdam na rin niya ang kabiguan sanhi ng walang kasegruhan na paghihintay dahil kalabisan na ang dalawang gabi gayong kaylapit lamang ng yungib kung talagang nakaligtas siya ngunit lalong nabagabag ang kanyang kalooban pagkat wala na rin siyang magagawa maski labag sa kanilang kaugalian nang maisip na posibleng ibinaon na lamang ang bangkay nito kahit hindi nadasalan.  Bumalik lamang sa loob ng yungib si Lakay Awallan upang ihanda ang kanyang katawan para sa walang katapusang paglalakad na sisimulan bukas ng madaling–araw hanggang sa matunton nila ang pook na magbibigay ng ganap na kapayapaan sa kanilang lahat kung hndi na sila muling gagambalain pa ng mga soldados dahil ito rin naman ang kanyang taimtim na luhog kay Bathala.

            Mahal . . . huwag kang malulumbay!  Nag–iisa ka man . . . sa paglalakbay!!!  Pagpapala ni Bathala . . . ang ‘yong gabay!

Aywan kung talagang sumapit na ang madaling–araw dahil hindi pa naman naririnig ang tilaok ng mga labuyo basta nagising si Lakay Awallan na handa nang lisanin anumang sandali ng mga katutubong Malauegs ang yungib habang hinihintay ang utos niya pagkat napasarap din ang kanyang tulog sanhi ng ilang gabing puyat kaya inalam agad niya kay Assassi na kanina pa bumangon kung gising na rin si Bag–aw.  Katunayan, may sariling pila ang mga kabataang Malauegs habang ginagabayan sila ng mga kalalakihang Malauegs upang hindi lumikha ng ingay ang kanilang kalikutan sa paglalakad palabas ng yungib dahil kailangan masunod ang plano para hindi mapapansin ng mga soldados ang kanilang pag–alis kaya maya’t mya ang witwit ng mga inang sa tuwing humihikbi ang kanilang mga anak pagkat gusto pang umidlip.  Ayaw magtiwala ang mga kalalakihang Malauegs kahit tahimik ang paligid dahil mas malinaw sa pandinig ang maski sasak lamang ng butiki sa kalaliman ng gabi pagkat batid nila na araw–gabing binabantayan ng mga soldados ang dating komunidad kaya kailangan maging maingat ang lahat habang naririto pa sila sa yungib upang matuloy ang balak na paglisan nila.  Sinusundan ng mga kababaihang Malauegs ang mga kabataang Malauegs na naging disiplinado naman kahit inaantok pa dahil masyadong maaga ang madaling–araw upang gumising na sila habang inaalalayan naman ng ilang kalalakihang Malauegs ang mga may pangko ng paslit lalo na ang kani–kanilang pamilya hanggang sa tuluyan nang lumayo sa yungib ang kanilang mga hakbang.  Subalit nanatili pa sa labas  ng yungib si Luyong dahil binabasbasan pa lamang ni Lakay Awallan ang mga bangkay na maiiwan sa loob ngunit umaaasa siya na mauunawaan din nila ang sanhi kung bakit hindi puwedeng isagawa ang ritwal ng pagsusunog kahit naroroon ang matinding hangarin nila gayon man nag–iwan siya ng pangako na babalik siya sa yungib upang mapag–ukulan ng ritwal kahit ang mga kalansay man lamang nila.  Pagkatapos, muling nagdasal si Lakay Awallan para hingin ang patnubay ni Bathala dahil batid niya na ang paghahanap ng pook para pagtatayuan ng bagong komunidad ay isang misyon na kailangan pagtiyagaan nila lalo’t tiyak na mararanasan nila ang maraming problema kahit umayon ang lahat sa planong ito ngunit seguradong hindi maiiwasan ang paninisi kapag naramdaman na ang pagod, gutom at hirap sa paglalakad.  Pangko niya si Bag–aw habang tangan naman ni Assassi ang mga gamit ni Alawihaw nang lumabas sila sa yungib ngunit natigil ang kanyang paglalakad upang tapunan ng huling sulyap ang dating komunidad kahit sumusugat sa kanyang puso ang sakit pagkat hindi lamang ang mga alaala ng mga magulang ng kanyang apo ang naiwan kundi ang katotohanan na doon din siya isinilang, tumanda hanggang sa naging Punong Sugo nang mamatay ang kanyang amang Bangkuwang na walang duda ay nanlulumo rin habang minamasdan nito ang kanilang paglisan.  Sa paglisan ng mga katutubong Malauegs ay tuluyan nang isinuko ang kanilang karapatan sa mga lupain na dating pagmamay–ari nila maski sukal ito sa kanilang mga kalooban ngunit kailangan tanggapin nila ang katotohanan na sadyang walang puwang sa lipunan na ipinapalaganap ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga katutubo ng Sierra Madre.  Sinasabayan na lamang nila sa pag–awit ang paglalakad para hindi nila gaanong mararamdaman ang hirap at pagod pagkat nangako sila na hindi susuko kahit ano pa ang mangyari hanggang sa mahahanap nila ang pook na pagtatayuan ng kanilang bagong komunidad dahil ito na lamang ang natitirang paraan upang muling mamuhay nang mapayapa.  Lalong bumibigat ang kanilang mga kalooban habang unti–unting lumalayo mula sa dating komunidad ang kanilang paglalakad pagkat hindi sumagi kahit sa kanilang mga panaginip na magiging bagamundo sila sa sariling bayan kaya tanging magagawa nila ay mananangis hanggang sa masaid ang kanilang mga luha upang maiparating kay Bathala ang kanilang pagdurusa.  Sana, sa kanilang paglayo ay dito na rin magtatapos ang kanilang paghihirap kahit hindi ito ang solusyon upang lubos na malilimutan nila ang pangyayari pagkat hindi lamang mga mahal nila ang naglaho kundi maging ang kanilang dating komunidad na pinamamahayan pa mandin nang matagal ng kanilang mga ninuno noong nabubuhay pa sila ngunit iglap naging pagmamay–ari na ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil hindi nila naipagtanggol ito.  Sana, hindi na itutulot ni Bathala upang mauulit pa ang pangyayari pagkat labis na ang kanilang paghihirap ngunit idadalangin pa rin nila para laging ipaalaala sa kanya na minsan na silang pinabayaan niya kung kailan kailangan nila ang kanyang habag dapwa madali namang unawain ang dahilan pagkat hindi lamang sila ang nagsusumamo sa kanya.  Gayunpaman, seguradong magigising ang kahapon upang magkaroon ng ikalawang aklat ang kasaysayan na nagsimula sa dating komunidad kung dumating ang panahon na kailangang malaman ng mga bagong henerasyon ang sanhi kung bakit maagang naulila sila sa amang pagkat hindi puwedeng ilihim sa kanila ang katotohanan lalo na kay Bag–aw dahil nawalan siya ng mga magulang.  Tiyak na walang makapipigil sa kanilang paghihiganti kahit mauulit pa ang madugong kasaysayan kaya harinawang mauunawaan din ni Bathala ang kanilang dahilan maski labag ito sa kanyang kautusan kung tadhana na ang mismong gumawa ng paraan pagkat kailangan masingil ang pautang kahit gaano pa katagal ito para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanilang mga magulang.  Lalong magkakaroon lamang ng basehan ang paghihiganti dahil nagiging mahirap sa pusong nag–aapoy sa galit ang tumanggap ng anumang katuwiran lalo’t naparam na rin ang bakas ng mga alaala na tanging iniwan ng kanilang mga ninuno nang kamkamin pa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga lupain na dapat magiging pamana sana sa kanila.

            “Apong Awallan!  Ako na po muna . . . ang magpangko kay Bag–aw!  Para . . . hindi po kayo mahihirapan . . . sa paglalakad.”  Kusang inalok ni Luyong  ang sarili upang pangkuin si Bag–aw nang gumaan naman ang pakiramdam ni Lakay Awallan na walang duda ay pagod na kahit ayaw humingi ng tulong dahil batid niya na hapo na rin silang lahat sanhi ng tuluy–tuloy na paglalakad ngunit hindi na siya tumanggi pagkat totoo rin naman na talagang kailangan niya ang tulong nito.  Mangyari, napalingon si Luyong nang mapansin niya na hindi pala nakasabay sa kanilang paglalakad sina Lakay Awallan at Assassi lalo’t siya ang may mungkahi para lumipat sila ng pook kaya nagmamadaling bumalik siya pagkat responsibilidad niya ang kanilang Punong Sugo kung may nangyari sa kanya dahil lalong tumitindi ang init ng araw habang sumasapit ang tanghaling–tapat.  Sapagkat pangko ni Lakay Awallan si Bag–aw kahit matanda na siya ay lalong tumindi ang kanyang kapagalan maski may pandong na birang ang kanyang ulo hanggang sa hindi na niya nasasabayan ang mabilis na paglalakad nila ngunit sinisikap pa rin niya ang sumunod nang walang pahinga dahil alam naman niya na talagang mararanasan nila ang ganitong hirap.  Hindi matulungan ni Assassi si Lakay Awallan pagkat saklay naman niya ang mga gamit ni Alawihaw na talagang hindi rin niya iniwan noong nakipagitgitan siya sa pintuan habang nasusunog ang sagradong kubol hanggang sa natakot siya nang wala nang mahagilap sa labas ang kanyang paghahanap dahil nauna na palang lumikas sa yungib ang kanyang apong.  Nagpasalamat na lamang siya pagkat hindi puwesto ng mga soldados ang kanyang narating nang maligaw siya dahil sa paghahanap kay Lakay Awallan ngunit hindi naman niya natunton agad ang landas papunta sa yungib sanhi upang matagalan siya na ikinabahala naman ng Punong Sugo habang hinihintay nito ang kanyang pagsunod na inabot ng madaling–araw kung hindi pa siya napasabay sa magkapatid na Tagatoy at Luyong.  Marahil, sapat na ang nagdaang maghapon upang lubos na makilala ni Bag–aw si Luyong pagkat tahimik lamang siya nang pangkuin nito ngunit napangiti naman si Lakay Awallan nang mapansin ang tingin ng sanggol na tila nagtatanong kung pagod na ba siya kaya tumango siya para aliwin ang kanyang apo na maaaring nakiramdaman lamang.  Mabuti na lamang pala na bumalik si Luyong pagkat talagang kanina pa hinihingal si Lakay Awallan ngunit tinitiis lamang niya ang pagod habang iniisip na may kapalit na ginhawa ang pagsasakripisyo basta magiging matiyaga lamang sila alang–alang sa kanilang kaligtasan dahil magiging kahiya–hiya naman siya kung manggaling pa sa kanya ang reklamo gayong siya mismo ang nagpaalaala sa kanila tungkol sa posibleng daransin nila bago nila nilisan ang yungib.

            “Salamat . . . Luyong!”  Katunayan, talagang hindi kayang sabayan ni Lakay Awallan ang paglalakad ng mga kasama niya kahit sikapin niya ang humabol sa kanila dahil bukod sa matanda na siya ay pangko pa niya si Bag–aw ngunit lalong ayaw namang abalahin niya ang bawat isa para alalayan sana siya hanggang sa bumalik si Luyong upang tulungan siya na ipinagpasalamat naman niya pagkat talagang nahihirapan na rin siya.  Malaking ginhawa sana para kay Lakay Awallan ang paglalakad habang tungkod lamang ang tangan niya ngunit ayaw naman niyang ipaubaya kay Assassi si Bag–aw pagkat sakbat din ng binatilyo ang mga gamit ni Alawihaw na hindi dapat maiwan dahil ito lamang ang alaala ng isang amang na seguradong hahanapin ng kanyang anak pagdating ng araw na kaya nang hawakan nito ang busog at tunod.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *