IKA–88 LABAS

Maliban kay Lakay Awallan na gising pa rin habang minamasdan niya si Bag–aw na waring naghahanap kay Dayandang ang kanyang mga mata ngunit hindi naman siya umiyak dahil pinasuso muna siya ni Naga ngunit si Assassi ang kanyang katabi ngayon pagkat minabuti niya ang mag–alay muna ng dalangin pagkatapos ang kanilang hapunan para magpasalamat dahil hindi na pinalawig pa ni Bathala ang kanilang paghahanap ng malilipatan.  Nangulimlim ang mukha ni Lakay Awallan nang mapigta ng habag ang kanyang puso pagkat hindi niya lubos madalumat kung kagustuhan ba ni Bathala nang maagang maulila si Bag–aw ng kanyang mga magulang ngunit siya na rin ang pumakli dahil ayaw niyang magkamali ng palagay kahit naniniwala siya na laging may dahilan kung bakit naganap ang mga pangyayari maski hindi nila ninais ito.  Naniniwala ang Punong Sugo na hindi sana napahamak si Dayandang kung pinakinggan lamang niya ang kanilang mga pakiusap dahil batid naman niya na mas kailanganin siya ni Bag–aw pagkat hindi na nila kapiling si Alawihaw ngunit tumuloy pa rin siya para isakatuparan lamang ang kanyang ipinangakong paghihiganti gayong batid naman niya na imposible ang katuparan nito pagkat hindi na umaayon sa panig niya ang gabi at mga soldados ang kalaban niya.  Bagkus, ipinairal pa rin ni Dayandang ang kapusukan para lamang maipaghiganti niya si Alawihaw kahit mabibilang na lamang ang mga kalalakihang Malauegs na kasama niya sa nagtatanggol sa kanilang dating komunidad kaya napailing na lamang si Lakay Awallan habang nagbabalik sa alaala niya ang tagpong ‘yon sa loob ng sagradong kubol pagkat mistulang ipinain sa kamatayan ang buhay nito nang walang pagdadalawang–isip .  Bagaman, hindi sinisisi ni Lakay Awallan si Dayandang ngunit hindi naman maaaring isantabi ang kanyang pagkakamali na humantong sa kanyang kasawian kaya maagang naulila ang kanyang anak dahil naging priyoridad niya ang paghihiganti sa halip na naging makatuwiran na lang sana siya pagkat lubhang delikado na ang sitwasyon noong gabing ‘yon hanggang sa naging dalangin na lamang ng Punong Sugo na sana itinulot ni Bathala ang makasama pa rin niya si Alawihaw sa paraiso ng walang sukdulang kapayapaan.

Nagtatanong ang kalooban ni Lakay Awallan kung paano niya palalakihin si Bag–aw gayong matanda na siya upang gampanan ang tungkuling ito hanggang sa napapikit nang mariin ang kanyang mga mata dahil hindi niya mahalugap ang tugon sa tanong na bumabagabag sa kanyang isip nang muling naalaala niya sina Alawihaw at Dayandang hindi para sisihin sila kundi hingin ang kanilang payo kahit sa panaginip man lamang nila iparamdam ito.  Pero hindi naman niya tinatanggihan ang tungkuling ito dahil sino pa ba ang dapat mag–alaga kay Bag–aw kundi siya ngunit paano niya paghahandaan ang kinabukasan ng bata kung ang katandaan niya mismo ay nagiging suliranin din niya lalo’t tumatagos sa kanyang mga buto ang bitlig sanhi ng limang araw na paglalakad dapwa sinarili na lamang niya ito pagkat kanino ba siya makikisuyo upang hilutin kahit sandali ang kanyang katawan kung nanlalampot naman silang lahat.  Kahit kusang nagparating ng malasakit sina Naga at Luyong ay hindi puwedeng asahan niya ito sa lahat nang pagkakataon pagkat may mga anak din sila maliban kay Assassi ngunit hindi naman habambuhay na makakapiling nila ang binatilyo pagkat hindi naman maaaring pigilin niya sakaling maiisipan na nito ang magkaroon ng sariling pamilya balang araw.  Talagang mag–isa na lamang niya ang pagkandili kay Bag–aw kaya ipinauubaya na lamang niya sa mga darating na araw ang magiging kapalaran nilang dalawa sa pagbabakasakali na malaki na ang kanyang apo kapag nagpaalam na rin sa kanya si Assaassi para mag–asawa upang hindi na magiging problema niya ang pag–aalaga sa kanya at nang mapagtuunan na rin ang kanyang tungkulin bilang Punong Sugo.  Sakaling pagpalain naman ni Bathala si Bag–aw hanggang sa maging ganap nang mandirigma ay hindi pa rin nagtatapos doon ang problema ni Lakay Awallan pagkat tiyak na ipaghihiganti niya ang kanyang mga magulang na dapat lang asahan kapag naipagtapat sa kanya ang totoong dahilan ng kanilang maagang pagpanaw kahit sa kuwento na lamang malalaman niya ang tungkol dito.  Baka magiging pansamantala lamang ang pagkakaroon ng kapanatagan sa kanilang bagong komunidad kung mismong si Bag–aw na ang maghanap ng paraan sa tulong ng mga katulad niya na maaga rin inulila ng kanilang mga amang ay tiyak na magpapatuloy ang laban na iniwan nina Alawihaw at Dayandang upang maisakatuparan ang paghihiganti habang isinisigaw ng kanilang mga puso ang katarungan.  Dahil uhaw sa pagmamahal ang mga bagong henerasyon nang ipagkait ng tadhana ang pagkakataon upang makapiling nang matagal ang kanilang mga amang ay hindi kataka–taka kung taglay sa kanilang paglaki ang poot kaya talagang magyayari ang paghihiganti na magsasanhi naman ng panibagong kaguluhan sa kabundukan ng Sierra Madre.  Lalong kinabahan si Lakay Awallan pagkat hindi niya tiyak kung magawa pa niyang pigilan sakaling magkatotoo ang kanyang kutob ngunit ibinaling na lamang niya sa dasal ang kanyang linggatong dahil ito ang mabisang paraan at idalangin na rin niya na sana maagang maramdaman ang ganap na kapayapaan upang wala nang magiging dahilan pa ang paghihiganti.  Basta huwag lamang maglalaho ang kanyang pananalig pagkat si Bathala lamang ang tanging mapagbalingan nila sa panahon ng kagipitan maski tinatanggihan nito paminsan–minsan ang kanilang mga kahilingan dahil kanino pa ba siya dudulog kung wala namang ibang mapagsumbungan sa kanyang mga suluranin.  Kunsabagay, hindi dapat damdamin ni Lakay Awallan sakaling magkatotoo ang pinangangambahan niya dahil siya mismo ang may sambit noong gabi habang isinasagawa ang ritwal ng pagsusunog sa bangkay ni Alawihaw na handa siyang igawad kay Bag–aw ang basbas upang ipagpatuloy ng anak ang iniwang laban ng kanyang amang.  Sa halip na matulog na siya ay naging kahilingan pa rin niya na sana huwag ipahintulot ni Bathala na mangyayari ang anumang nakatakdang magaganap sa hinaharap para hindi na mauulit ang pangyayari na nagsadlak sa kanila sa pusod ng kagubatan dahil talagang nagdulot nang hindi matingkalang kirot sa puso nila ang paglaho ng kanilang dating komunidad.

            Nagsisimula pa lamang gumiti ang araw sa silangan ay gising na ang mga kalalakihang Malauegs upang simulan ang pagtatayo ng kanilang bagong komunidad pagkat kailangan matapos nila ito sa maghapon lamang habang maagang pumunta sa tumana ang mga kababaihang Malauegs upang umpisahan naman ang paggusad sa pagtataniman nila ng mga gulay.  Nang maihanda na ang mga kailanganing materyales ay tulung–tulong pa rin ang mga kalalakihang Malauegs para mapabilis ang pagpapatayo ng maraming kubol pagkat mahalaga ang magkaroon ng sariling tirahan ang bawat pamilya bago lumatag ang dilim dahil napagkasunduan nila na magiging kubol na lamang ni Lakay Awallan ang unang itinayo kahapon upang hindi na siya maghihintay pa.  Para maharap ng mga kalalakihang Malauegs ang pangangaso bukas ng umaga pagkat kailangan nila ang masarap na ulam upang manumbalik ang kanilang lakas na nalayot sanhi ng limang araw na paglalakad dahil mga nilagang lamang–lupa lamang ang laging kinakain nila habang hinahanap pa lamang nila ang pook na pagtatayuan ng bagong komunidad.  Sapagkat bahagi ng kanilang kaugalian ang magpadugo muna sa pinaglilipatan ay isang ludlod na hinuli sa kagubatan ang kinatay nila para hingin ang pahintulot ng mga diwata na nagbabantay roon upang hindi nila ikagagalit ang pagtatayo ng bagong komunidad dahil walang duda na mabubulahaw ang katahimkan sanhi ng lilikhaing ingay ng mga kabataan at iyakan ng mga sanggol.  Para magiging ligtas din ang kanilang paninirahan sa bagong komunidad nang hindi muling sumumbi sa kanila ang karawalan ng tadhana at upang tuluyan nang malilimutan nila ang mga pangyayari na naganap sa mga nagdaan araw kaya napadpad sila sa pusod ng kagubatan ngunit naririyan naman ang kanilang Punong Sugo na laging pinapakinggn ni Bathala ang kanyang mga dasal na ginagawa niya ng dalawang beses sa maghapon.  Nawa, kasiyahan din ng mga diwata ang mga kalalakihang Malauegs upang payagan silang mangangaso sa kagubatan kahit dayo lamang sila ngunit magiging habambuhay na ang kanilang paninirahan dito kung marapatin nila basta huwag lamang.gabutin ang kahit isa sa kanila pagkat may asawa’t mga anak na ang karamihan sa kanila.  Muling sinimulan ni Lakay Awallan ang pagdarasal sa tuwing madaling–araw at sa pagsapit ng dapit–hapon dahil ito ang tungkulin na hindi dapat makalimutan niya matapos silang gahisin ng matinding pagsubok na nag–iwan ng labis na kapighatian sa kanilang mga puso na kayhirap limutin lalo’t kusang nagpaparamdam ang mga iniwang alaala kahit tanggap na nila ang kanilang sinapit ng mga nangaswi.  Sapagkat hindi sila dapat bumitiw sa kanilang pananalig dahil higit na kailanganin nila ang pagpapala ni Bathala ngayong sinisimulan pa lamang nila ang pagbuo ng bagong kabanata ng kanilang buhay na sadyang nangangailangan ng kanyang patnubay pagkat marapat malipos ng makabuluhang kuwento ang bawat yugto upang magiging inspirasyon ang taglay na aral nito para sa mga susunod na henerasyon.  Kahit napupuyat siya sa pagbabantay kay Bag–aw na ayaw tumigil sa pag–iiyak kapag nangungulila kay Dayandang pagkat hindi pa alam ng kanyang musmos na kaisipan ang sanhi kung bakit laging wala ang kanyang inang ay isipin na lamang niya ang magandang bukas na naghihintay sa kanilang dalawa dahil hindi laging kapighatian ang dala ng bawat umagang dumarating.  Ngayon pa lamang yata nararamdaman ni Bag–aw ang pagkawala ni Dayandang pagkat sina Lakay Awallan at Assassi ang laging kapiling niya sa pagtulog sa gabi ngunit naging maawain naman si Naga kaya hindi nito nakakalimutang pasusuhin ang bata upang tumahan kahit pansamantalang naiibsan ang kanyang pangungulila dahil hindi  pa rin ito sapat kung wala naman ang init ng pagmamahal ng isang inang na kaytagal na niyang hinahanap. 

Habang naging masigasig naman si Luyong sa paghahanap ng gatas hindi lamang para kay Bag–aw kundi sa kanyang bunso rin na si Lawug kaya hindi gaanong naramdaman ni Lakay Awallan ang hirap sa pagpapalaki sa kanyang apo pagkat naging katuwang naman niya ang mag–asawa kahit hindi niya ipinakiusap ang kanilang tulong ngunit hindi naman niya itinatanggi na habambuhay niyang tatanawin ang malaking utang na loob na ito.  Muling hinarap ng mga kalalakihang Malauegs ang pangangaso na kaytagal natigil dahil sa mga nagdaang pangyayari taglay ang panalangin at basbas ni Lakay Awallan ay sana ipahintulot ng mga diwata ang pagpasok nila sa kagubatan simula ngayong araw upang hindi ipagkait sa kanila ang mga biyaya na sadyang kailangan nila.  Marahil, naging katanggap–tanggap sa mga diwata ang padugo na ginawa ni Lakay Awal pagkat labis–labis ang mga biyaya na inuuwi ng mga kalalakihang Malauegs mula sa unang araw ng kanilang pangangaso hanggang sa nasundan pa ito na ikinalulugod naman nila dahil nagkaroon ng tagimtim ang kanilang pagod hanggang sa muling sumigla ang buhay nila pagkat naparam na ang agam–agam sa kanilang mga puso’t isipan.  Kabilang sa mga nahuli nila ang dalawang kubaw na parehong buntis ngunit inaalagaan na lamang ang mga ito nang hindi na magiging problema ang pagkukunan ng gatas para sa mga sanggol dahil abala rin sa pagtatanim ng mga gulay ang mga kababaihang Malauegs kaya patunay sa kanilang kasipagan ang pagiging abala ng lahat.  Pagtatanim ng mga gulay ang pinagkaabalahan ng mga kababaihang Malauegs upang libangin ang kanilang mga sarili para hindi na nila laging naalaala ang malagim na karanasan dahil hindi dapat magiging bilanggo sila sa nakaraan ngayong namumuhay na sila sa bagong komunidad pagkat tao sila na kailangan matustusan ang mga pangangailangan sa buhay.  Talagang tama ang naging desisyon ng mga katutubong Malauegs pagkat nagagawa na nila ang ngumiti nang walang pag–aalala sa tuwing dumarating ang umaga kaya tunay na pinagpala pa rin sila ni Bathala dahil hindi nito hinayaan na manaig ang maling palagay na ligtas kung manatili pa rin sila sa yungib gayong ang totoo’y matagal na sanang natunton ng mga soldados ang kanilang kinaroroonan.  Muling nanumbalik ang kanilang sigla pagkat tuluyan na nilang iwinaglit ang mapait na kahapon kahit walang nabago sa kanilang buhay dahil kailangan pa rin nila ang todong pagsisikhay upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan ngunit nanaisin pa ba nila ang marangyang buhay kung ikasasama naman nila ang maghangad pa nang labis.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *