Pero walang duda na patuloy pa rin mararanasan ni Lakay Awallan ang mapuyat sa hating–gabi kung hindi magbabago ang gawi ni Bag–aw pagkat matagal pa ang panahon na ipaghihintay niya dahil nag–uumpisa pa lamang tumalan ang kanyang apo ngunit idalangin na lamang niya na sana hindi pa maiisipan ni Assassi ang pag–aasawa para hndi siya magkakaroon ng mabigat na suliranin. Baka kailangan dasalan niya si Bag–aw bago patulugin para walang anumang gumagambala sa kahimbingan ng sanggol pagkat laging sa hating–gabi nangyayari ito na talagang dapat nang pagdududahan dahil maaaring binabagabag na rin si Dayandang matapos mapagtanto ang malaking pagkakamali nang iwan ang anak niya para isakatuparan lamang ang paghihignti. Tatagal ng dalawang araw ang gatas basta ipainit lamang ni Lakay Awallan bago ipainom ito kay Bag–aw hanggang sa puwede na rin gatasan ang bagong panganak na mga kubaw pagkat malalakas na ang dalawang potro para laging sariwa ang iniinom ni Bag–aw dahil talagang kailangan niya ito habang lumalaki siya kahit mainam pa rin ang gatas ng kanyang inang kung buhay pa sana si Dayandang. Sapagkat hindi mahaharap ni Naga ang magpasuso kina Lawug at Bag–aw dahil abala pa rin silang mga kababaihang Malauegs sa tumana upang samantalahin ang liwanag ng buwan pagkat sa araw ng palengke ng Alcala ang balak nilang maglako ng gulay para maganda ang magiging panimula nila kapag maraming bibili ng kanilang paninda basta huwag baratin ng mga namamakyaw.
“Ah . . . si Lawug! Pinainom ko na rin po ng gatas . . . ang anak ko! Apong Awallan! Talagang naglaan po ako . . . para kay Bag–aw!” Gustong maiyak dahil sa galak ni Lakay Awallan pagkat nagkaroon ng kasagutan ang tanong na minsan nang nanligalig sa isip niya kung paano gampanan ang tungkulin na iniwan sa kanya ng mag–asawang Alawihaw at Dayandang gayong matanda na siya ngunit ngayon lamang niya nabatid na kasama rin pala niya ang ginamit na instrumento ni Bathala upang may katuwang siya sa pagpapalaki kay Bag–aw. Tuloy, naipagpalagay ni Lakay Awallan na posibleng naging daan lamang ang naganap na pangyayari upang mabibigyan ng katuwiran ang itinakdang panahon ng pagwawakas sa pananatili nina Alawihaw at Dayandang sa mundo pagkat pinanghahawakan niya ang paniniwala na laging may dahilan ang kamatayan ng tao kaya mali kung ibaling kay Bathala ang pang–uusig sa tuwing may namamatay. Lalong naseseguro niya na naaayon din sa kalooban ni Bathala ang pagkakaroon niya ng katuwang sa pagpapalaki kay Bag–aw pagkat hindi naman lingid sa kanya ang hangganan ng kakayahan na mayroon siya sanhi ng katandaan kaya ginamit na instrumento ang mag–asawang Luyong at Naga dahil sa kanilang karanasan ngunit hindi pa rin maialis sa isip niya ang mahiya kahit sa ganitong katuwiran. Samakatuwid, wala naman palang dapat ipag–aalala ang pagiging matanda na niya dahil may isang mag–asawa ang handang umagapay sa kanya sa pagpapalaki kay Bag–aw maski hindi niya ipinakiusap ang kanilang tulong sa panahon na sadyang kailangan niya ito kaya mapalad pa rin siya kahit maramaing beses nang sinubok ang katatagan ng kanyang pananalig kay Bathala. Tunay na kapuri–puri din naman ang hindi matatawarang kabutihan na ipinamalas ng mag–asawang Luyong at Naga dahil talagang mahihirapan si Lakay Awallan kung silang dalawa lamang ni Assassi ang nagtutulungan sa pag–aaruga kay Bag–aw pagkat hindi na niya kayang gampanan ang gawain ng isang amang ngunit hindi na ito magiging suliranin pa ngayong gumawa na ng sariling kaparaanan ang kapalaran. Kunsabagay, dapat lamang asahan ang ganitong pagdadamayan sa panahon ng pangangailangan pagkat wala namang iba ang puwedeng gumawa nito kundi ang mga taong nasa paligid lamang niya hanggang sa nasambit niya ang pasasalamat dahil pinapakinggan pa rin pala ni Bathala ang kanyang mga dasal maski naging madalas ang pagtatampo ng kanyang puso lalo’t marami ang nangasawi noong sinalakay ng mga soldados ang kanilang dating komunidad. Kapagdaka, napalis sa puso ni Lakay Awallan ang pangamba pagkat seguradong kakayanin na niya ang pagpapalaki kay Bag–aw maski matanda na siya dahil naririyan naman sina Luyong at Naga na handang tumulong sa kanya sa lahat nang oras kung kailanganin niya hanggang ss tumango ang Punong Sugo upang ayunan ang bulong ng kanyang sarili. Pero inaamin din naman ng Punong Sugo na totoong uhaw sa pagmamahal sa mga magulang si Bag–aw kaya tiyak na tataglayin niya ito hanggang sa paglaki niya kung ihambing sa batang si Lawug dahil may mga magulang pa siya na nag–aaruga sa kanya ngunit wala namang dapat ipaghili pagkat depende pa rin sa hinaharap ang magiging kapalaran ng dalawang bata. Sapagkat ang buhay naman ay kapara ng dahon na dahan–dahang nalalaya hanggang sa kusang nalalaglag ito sa lupa upang magiging bahagi uli sa puno na pinanggalingan nito dahil may takda ang pananatili sa mundo ng bawat nilalang na hindi puwedeng pigilin ng kahit anumang kapangyarihan mayroon ang himala pagkat kailangan pananatilihin ang normal na galaw ng kalikasan. Sapagkat laging abala sa taniman si Naga at pinagtuunan naman ni Luyong ang pangangaso kaya naiiwan sa kubol ang panganay nilang si Alba upang bantayan si Lawug dahil sa panahon ngayon ay talagang kailangan nila ang magsikap kahit unti–unti nang nararamdaman ang pagbabago sa kanilang buhay kung ikumpara ito noong bagong dating pa lamang sila rito.
“Ganoon ba?!” Marahang binantil ni Lakay Awallan ang balikat ni Luyong upang iparamdam ang pasasalamat niya dahil sa ganoong paraan lamang maibabalik niya ang kanyang mga kabutihan kahit hindi ito sapat ngunit ipinauubaya na niya kay Bathala upang punan ang kakulangan nito ngunit ngumiti lamang ang huli matapos tumango para patotohanan ang kanyang tugon. Napasulyap siya kay Bag–aw na mahimbing ang tulog sa tabi ni Assassi ngunit bakas pa rin sa kanyang mukha ang mga luha sanhi ng magdamag na pag–iiyak kaya naisin man niya ang ngumiti ay mas ramdam pa niya ang lungkot nang maalaala niya ang mga gabi na ayaw matulog ang sanggol dahil humihiwa sa puso niya ang matinding habag habang minamasdan niya ang kanyang pananangis na mahirap hanapan ng lunas pagkat hindi na puwedeng iparamdam uli sa kanya ang init ng pagmamahal ng kanyang inang. Walang duda na hahanapin na naman mamaya ni Bag–aw ang kanyang inang kapag nagising siya kahit hindi pa siya nagsasalita ngunit madali namang intindihin ang kanyang nagtatanong na tingin habang bumabagisbis sa kanyang mukha ang mga luha kaya dalangin ni Lakay Awallan na sana matutunan na niyang limutin ang matagal nang hindi nagparamdam sa kanya upang hindi niya laging naalaala si Dayandang. Kaya muling naibulong ni Lakay Awallan ang pasasalamat nang pumayag siya upang lumipat sila sa pusod ng kagubatan dahil seguradong isusumpa siya ng mga katutubong Malauegs kung ipinagpilitan niya ang manatili sila sa yungib kahit totoo naman na umaasa pa rin siya na mababawi nila ang dating komunidad pagkat hindi niya naisip noon na posibleng malalagay sa panganib ang buhay nilang lahat kung doon nangyari ang ngayong problema niya kay Bag–aw. Seguro, ihahanda na lamang niya ang gatas upang mamayang paggising ni Bag–aw ay may maiinom siya sa pagbabakasakali na ito ang lunas ng kanyang pangungulila pagkat wala na siyang inang na dapat pang hintayin hanggang sa kanyang paglaki ngunit mapagbabawalan ba niya ang musmos na kaisipan kung muling maghahanap ang kanyang mga mata kaya mariing iling ang naging tugon na lamang niya sa tanong ito. Kung saang sulok na lamang ibinabaling ang kanyang mga mata maski madilim sa kanilang kubol saka magtuturo ang kanyang mga daliri na waring may nakikita siya ngunit wala namang magagawa ang sarili niya maliban sa magdasal na sana pangkuin ni Bathala ang sanggol upang imulat sa kanyang musmos na kamuwangan ang totoong sinapit ng kanyang inang. Aywan kung may katotohanan ang sapantaha ni Lakay Awallan na talagang nagpaparamdam kay Bag–aw si Dayandang kaya maaaring hindi rin siya matahimik sa kanyang kinaroroonan ngayon dahil totoo naman na maliit pa upang maulila na sa mga magulang ang kanyang anak sanhi ng padalus–dalos na desisyon ngunit anak naman niya ang nagdurusa. Seguro, punumpuno ng pagsisisi si Dayandang pagkat nagpatangay siya sa galit imbes na inisip muna ang kapakanan ni Bag–aw kaya nagpaparamdam siya dahil maaaring hindi matanggap ng kanyang kalooban ang pagiging ulila ng kanyang nag–iisang anak sanhi ng kanyang kapusukan ngunit kailan man ay hindi na maibabalik pa ang kahapon at lalong hindi na rin maibabalik ang naglahong buhay.
ITUTULOY
No responses yet