IKA–91 LABAS

Bagaman, problema ang dulot nito kina Lakay Awallan at Assassi dahil napipilitang gumising silang dalawa kung kailan kasarapan ang tulog nila ngunit hindi naman puwedeng pabayaan nila si Bag–aw maski napupuyat pa sila kung laging sa hating–gabi umiiyak ang sanggol kaya pagtiyagaan na lamang nila pagkat pansamantala lamang ang suliraning ito.

            “Tiyak po . . . paggising mamaya ni Bag–aw . . . maghahanap po siya ng gatas!  Kunsabagay . . . napakuluan ko na po ang gatas . . . Apong Awallan!”  Napapangiti si Luyong nang masilip nito mula sa bintana si Bag–aw habang bumabawi yata sa kanyang puyat pagkat mahimbing ang tulog niya kaya tiyak na tatanghaliin siya nang gising ngunit wala nang dapat ipag–aalala si Lakay Awallan dahil handa na ang gatas na ipapainom sa kanya maliban na lamang kung maramdaman na naman niya ang pangungulila sa kanyang inang.  Paminsan–minsan, hinihiram ni Luyong si Bag–aw kung hindi siya nangangaso sanhi ng masamang panahon para makapagpahinga naman si Lakay Awallan pagkat hindi naman lingid sa kanya na talagang nangangailangan ng sakripisyo at pasensiya ang pag–aalaga ng bata lalo’t dalawa na ang kanyang anak ay natuto na siya sa sariling karanasan kaya nagiging madali na lamang sa kanya ang magpatahan kapag sinusumpon ng alumihit ang apo ng kanilang Punong Sugo.  Para malibang din si Bag–aw habang nilalaro siya ng magkapatid na Alba at Lawug hanggang sa antukin siya samantalang napapadalas ang iyak niya kung silang dalawa lamang ni Lakay Awallan pagkat walang mapagbalingan ang kanyang sarili sa loob ng kubol kaya maaaring isa rin ito sa mga dahilan kung bakit nagiging iyakin siya na problema naman ang dulot nito dahil talagang mahirap siyang aluyin.  Naaawa naman si Luyong kung hindi napapatahan ni Lakay Awallan si Bag–aw pagkat anak na rin ang turing niya sa kanya lalo’t ang akala naman yata ng bata ay siya ang kanyang amang kaya gustung–gusto niyang patawanin para huwag umiyak hanggang sa tumutukaki ang kanyang ulo dahil sa antok ay saka pa lamang niya iuuwi kung kailan tapos na rin ang pagdarasal ng kanilang Punong Sugo.  Kabutihan kung si Assassi ang nagbabantay kay Bag–aw pagkat ipinapasyal niya sa komunidad ang bata para malibang hanggang sa tulog na siya pag–uwi nila sa kubol ngunit bihira lamang mangyari ito dahil sumasama rin sa pangangaso ang binatilyo mula nang matutunan niya ang humawak ng busog at tunod sa gabay ni Lakay Awallan–ang naging maestro niya.  Hanggang sa umalingawngaw sa alaala ni Luyong ang sigaw na nag–uutos sa mga kalalakihang Malauegs upang tumakas nang sinimulan na ng mga soldados ang paninibasib ngunit hindi na niya nasaksihan ang pagkamatay ni Dayandang dahil kailangan madala na niya sa yungib si Tagatoy na nagtamo ng tama sa balikat kaya nalaman na lamng niya sa kuwento ang tungkol sa kanyang sinapit.  Walang duda na higit pa ang nararamdamang pangungulila ng kanyang mga anak kaysa dinaranas ngayon ni Bag–aw kung kabilang siya sa mga nangasawi pagkat dalawang bata ang kailangan arugain ni Naga kaya maaaring himala na lamang ang nagligtas sa kanilang magkapatid dahil tila hindi na pinapakinggan ni Bathala ang kanilang mga samo noong gabing sinalakay sila ng mga soldados.  Tumagal pa ang pakipag–usap ni Luyong kay Lakay Awallan dahil gusto niyang samantalahin ang pagkakataon pagkat nagiging bihira na ang kanyang pagdalaw sa kanilang Punong Sugo habang lumalaon sanhi ng kanyang kaabalahan sa pangangaso at tumutulong din siya sa pagdidilig sa mga pananim ng mga kababaihang Malauegs.  Yamang wala siyang balak pumasok sa kagubatan ngayong araw ay magpapahinga muna siya dahil sumasakit na rin ang kanyang katawan pagkat halos dalawang linggo na wala siyang pahinga mula sa pangangaso sa kagustuhang samantalahin ang suwerte ngunit kailangan pa rin sumaglit siya sa tumana mamayang hapon upang tumulong sa pagdidilig sa mga pananim.  Tutal, magtatagal pa ang inimbak nilang ulam pagkat labis sa dalawang linggo na konsumo ang huli nila sa mga nagdaang araw ngunit hindi pa rin tumitigil sa pangangaso ang grupo ni Tagatoy upang ibenta naman sa bayan ng Alcala ang kanilang mga huli para makabili ng maraming bigas ang mga kababaihang Malauegs dahil nakakaumay na rin ang kamote, gabi, ube at tugi.  “Kagabi po . . . Apong Awallan!  Narinig ko po . . . ang iyak niya!  Seguro . . . nangulila po siya sa kanyang inang!”  Lagi namang naririnig ni Luyong ang iyak ni Bag–aw pagkat katabi ng pamilya niya ang kubol ni Lakay Awallan kaya nagiging madali lamang para sa kanya ang lumipat kung nangailangan ng kanyang tulong ang matanda ngunit hindi ito nangyari gabi dahil talagang ayaw bumangon ang kanyang sarili kahit naroroon sa iisip niya ang kagustuhan sanhi ng matinding kapaguran sa maghapong trabaho.  Pero napuyat pa rin siya sanhi ng pag–aalala nang marinig niya ang tuluy–tuloy na pag–iiyak ni Bag–aw ngunit hindi na lamang siya lumabas dahil gabi na nang dumating siya sa komunidad nang isagad ng grupo nila hanggang takip–silim ang pangangaso saka tumuloy pa siya sa tumana para tulungan ang mga kababaihang Malauegs sa kanilang ginagawa nang malaman niya mula kay Alba na hindi pa umuwi ang kanyang asawa.  Nais sanang itanong ni Luyong kung balak pa bang buhayin ni Lakay Awallan ang lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat naging bahagi na ito ng kalinangan ng bawat tribu ng mga katutubo ng Sierra Madre ngunit bantulot siya upang untagin ang tungkol dito dahil talagang masakit balikan sa alaala ang sinapit nila lalo’t nakulong sila sa loob ng sagradongh kubol kaya napasama sila nang masunog ito.  Aywan kung may balak pang buhayin ni Lakay Awallan ang lupon ng mga matatandang Malauegs ngayong naipatayo na ang kanilang bagong komunidad pagkat tiyak na kailanganin din niya ang kaagapay sa pagbabalangkas ng mga desisyon dahil nag–iisang matanda lamang siya sa tribung Malauegs ngunit may panahon pa kaya siya kung sa pag–aalaga pa lamang kay Bag–aw ay kinakapos na ang kanyang oras para isagawa ang panalangin na mahalagang tungkulin ng Punong Sugo.  Marahil, hindi pa ngayon ang tamang panahon pagkat hindi pa niya binabanggit ang tungkol sa pagkakaroon ng lupon ng mga matatandang Malauegs lalo’t buhos pa kay Bag–aw ang kanyang pansin ay maaaring gusto muna niya ang mag–isang nagdarasal hanggang sa puwede nang iwan sa kubol ang kanyang apo upang hindi siya naaabala nito.  Kunsabagay, halos magkasing–edad lamang ang sampung mga kalalakihang Malauegs maski totoong matanda sa kanila ang magkapatid na Tagatoy at Luyong ngunit hindi pa yata angkop ang kanilang mga edad upang gampanan ang maselang tungkulin ng lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat nangangailangan ito ng sakripisyo dahil obligadong magpulaw ang lahat nang miyembro lalo na kung nahaharap sa matinding problema ang kanilang tribu.  At tiyak na maaapektuhan din ang kanilang kabuhayan dahil hindi naman puwede na sa umaga lamang mananalangin ang mga kalalakihang Malauegs upang mangangaso sila sa hapon na taliwas sa ginagawa noon ng mga matatandang Malauegs pagkat talagang buhos sa obligasyon ang kanilang buong araw kaya hindi nila ipinagpapaliban ang pagdarasal ng dalawang beses sa maghapon hanggang hating–gabi kahit nagkaroon na ng iba’t ibang karamdaman ang karamihan sa kanila.  Samakatuwid, makuntento na lamang muna kay Lakay Awallan ang mga katutubong Malauegs pagkat talagang hindi pa puwedeng ikonsidera ang pagiging miyembro ng sampung kalalakihang Malauegs sa lupon ng mga matatandang Malauegs kung pagbasehan ang kanilang mga edad ngunit hindi naman seguro tatanggihan ng Punong Sugo ang kanilang mga mungkahi sakaling magkakaroon ng problema sa kanilang tribu lalo na kung makabuluhan din naman ang mga suhestiyon nila.  Hanggang sa itinalaga na lamang ni Lakay Awallan bilang lider ng mga kalalakihang Malauegs si Tagatoy para silang dalawa na lamang ang nag–uusap sa tuwing nagkakaroon ng problema ang kanilang komunidad sa halip na pinapakinggan pa niya ang bawat karaingan pagkat maaasahn din namn siya upang pagkatiwalaan niya dahil ito pa lamang ang puwedeng gawin nila sa ngayon.  Sapagkat si Luyong ang naging katuwang ni Tagatoy ay bihira na rin magkaroon siya ng pagkakataon upang makipagkuwentuhan kay Lakay Awallan kahit magkatabi lamang ang kanilang mga kubol ngunit tinitiyak pa rin niya na magampanan ang kanyang pangako maski abala siya sa pangangaso at pagtatanim dahil malakas nang uminom ng gatas si Bag–aw.  Nang dumating ang tag–ulan ay naging abala naman sa pagtatanim ng palay ang mga kalalakihang Malauegs kaya lalong pinanabikan ni Luyong ang madalaw si Bag–aw pagkat nabalitaan niya mula sa kanyang mga anak na nagagawa na nito ang maglakad nang pakampang–kampang hanggang sa nagkaroon siya ng pagkakataon para dalawin si Lakay Awallan at tiykin na rin ang kanyang nabalitaan.

Kinaumagahan, may dahilan kung bakit masigla ang mga hakbang ni Alcalde habang umaakyat sa hagdan na may labindalawang baitang papunta sa kanyang opisina pagkat may kaugnayan sa pangalawang operasyon ng mga soldados ang balita na sumalubong sa kanyang pagdating sa munisipyo ng Alcala kahit kailangan pang kumpirmahin ito ni Alferez ngunit nais nang maglulundag sanhi ng tuwa ang kanyang sarili.  Naturalmente!  Ikinagalak niya nang malaman na nagtagumpay ang pangalawang operasyon ng mga soldados sa komunidad ng mga katutubong Malauegs pagkat hindi na malalagay sa kompeomiso ang kanyang pangako sa Gobernador ng Cagayan ngunit duda siya kung gising na si Alferez para makupirma sana ang tungkol sa balita dahil masyadong napaaga ang pagpasok niya sa opisina.  Gayunpaman, kahit hindi detalyado ang balitang nasagap niya ay natuwa pa rin siya pagkat nangangahulugan ito na matutuloy na ang bentahan sa mga huwad na titulo sa darating na kapistahan ni San Pedro sa bayan ng Tuguegarao na kaytagal niyang hinintay matapos ang maraming aberya hanggang sa napahiyaw siya ngunit dali–dli rin namang tinutop ang kanyang bibig upang hindi isipin ng mga empleydo na nababaliw na siya kahit totoo naman kung hindi magbabago ang ugali ni Señora Mayora.  Pero naseseguro niya na pupunta sa kanyang opisina si Alferez upang magsumite ng despues del informe de operacion ngunit hindi lamang niya tiyak kung kailan kahit pinanabikan na niya ang makausap siya para malaman kung talaga bang nakubkob ng mga soldados ang komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil ayaw rin naman niya ang basta na lamang naniniwala sa bali–balita upang hindi siya magmumukhang lukayo.  Baka taliwas sa totoong resulta ng pangalawang operasyon ang sinasabing tagumpay ay gusto niya na mismong si Alferez ang panggagalingan ng kuwento para malubos ang paniniwala niya sa balita pagkat talagang ito ang inaasahan niya mula sa mga soldados dahil hindi dapat kabiguan ang muling matatanggap niya kung seryoso ang fiduciario sa kanyang naging pangako.  Seguro, mahimbing ang tulog ni Alferez dahil wala pa rin siya kahit inihudyat na ang alas–ocho ng umaga sa kampana ng munisipyo ng Alcala gayong kanina pa hinihintay ni Alcalde ang despues del informe de operacion mula nang maging usap–usapan ang tungkol sa pangalawang operasyon kaya napapadalas ang tingin niya sa pintuan habang inaabangan ang kanyang pagdating.  Hanggang sa naipasya niya ang bumaba upang sadyain si Alferez nang hindi na niya mahintay ang kanyang pagdating para personal na iparating ang papuri niya sa kanya ngunit wala rin siya roon na ipinagtataka naman niya dahil animo may nagaganap na welga pagkat walang mapagtanungan tungkol sa kinaroroonn ng fiduciario niya gayong lagi namang may nakatalagang guwardiya sibil sa kanyang opisina.  Tumindi ang kunot ng noo niya nang wala siyang dinatnan sa opisina ni Alferez kahit ang guwardiya sibil man lang sana kaya minabuti niya ang bumalik sa kanyang opisina upang doon na lamang hintayin ang un Comandante del Ejercito de Alcala kung darating pa pagkat malay ba niya kung kabilang pala sa mga naging herido ang kanyng fiduciario ngunit tiyak na malulungkot naman siya.  Ipinagkibit–balikat na lamang niya nang walang maisip ang kanyang sarili na puwedeng puntahan si Alferez ngunit segurado na makipagkita pa rin sa kanya ang fiduciario pagkat hindi naman araw ng palengke sa bayan ng Alcala upang maging abala sa pagmamatyag sa mga mamimili ang opisyal kaya tumuloy siya sa tabi ng bintana imbes na umupo dahil nawalan na rin siya ng ganang uminon ng alak.  Habang namimintana siya ay nagsalimbayan naman sa kanyang utak ang maraming plano ngayong matutuloy na ang bentahan sa mga huwad na titulo kahit base lamang sa kuwento ang naging batayan niya ngunit mabuti na ang magiging maagap siya dahil kumpirmasyon na lang naman mula kay Alferez ang kanyang kailangan habang hinihintay naman niya ang kapistahn ni Señor San Pedro sa bayan ng Tuguegaro.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *