Katunayan, wala na sa plano niya ang bumalik pa ng bansang España dala ang mapagbentahan sa mga huwad na titulo pagkat halos isang taon din ang itinatagal ng galyon sa karagatan kaya ayaw na niyang maulit ang karanasang ‘yon dahil talagang delikado ang magbiyahe samantalang maayos naman ang kanyang buhay habang siya ang punong–bayan ng Alcala basta huwag lamang tumalab sa kanya ang karma. Kunsabagay, mabuti na ang maneguro habang may pagkakataon pa upang umiwas kaysa abutin ng kamalasan sa laot sina Alcalde at Señora Mayora pagkat may epekto ang dasal ng mga patay dahil si Bathala mismo ang kaharap nila lalo na kung pagbigyan pa niya ang kahilingan ng mga nangamatay na mga katutubong Malauegs para mapagkalooban ng katarungan ang kaapihang sinapit nila. Kung ikumpara ang panalangin ng mga buhay pagkat nagkakaroon pa rin sila ng pagdududa habang imahinasyon lamang ang pumapasok sa kanilang mga isipan kaya hindi puwedeng gamitin ni Alcalde bilang pangontra ang araw–araw na paglalakad nang paluhod ni Señora Mayor dahil iba rin naman ang pakay ng kanyang hermosa esposa kung bakit ginagawa niya ito.
Maya’t maya ang pagtatanong ng sarili ni Alcalde dahil hindi pa rin nagpaparamdam sa kanya si Alferez ngunit ayaw naman niyang isipin na buhay nito ang naging kapalit sa tagumpay sa pangalawang operasyon pagkat magastos ang magpadasal ng siyam na gabi bukod pa ang pakain sa cuarenta dias at ang abalang dulot sa koordinasyon para maisakay lamang sa galyon pabalik ng bansang España ang kanyang bangkay. Talagang hindi niya maiwasan ang magtaka pagkat nagpasabi na sana si Alferez kung may lakad siya upang hindi niya hinahanap lalo’t pinanabikan na niya ang despues del informe de operacion para malaman kung nakubkob ba ng mga soldados ang komunidad ng mga katutubong Malauegs hanggang sa napabuntung–hininga na lamang siya sanhi ng naramdamang inip. Bumalik siya sa mesa upang buksan ang isang kahon na pinagtataguan niya sa mga huwad na titulo ng mga lupain ng Sierra Madre kahit muntik nang mabulilyaso ang itinakdang araw ng bentahan nito dahil sa tinamong kabiguan sa unang operasyon lalo’t dumanas ng maraming herido ang tropa ni Alferez na ikinagalit naman niya kaya muntik na rin mapahamak ang opisyal kung tumama sa ulo nito ang kopita na ibinato niya. Sadyang hindi niya iniuwi sa residencia ejecutiva ang mga huwad na titulo maski alam ito ni Señora Mayora upang tiyakin na walang mauumit kahit isang kopya ang hermosa esposa niya para ibigay kay Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga pagkat walang duda na magkakaroon ng isyu kapag nalaman ng kura paroko ng Alcala ang kanyang sekreto. Segurado, magiging tampok na naman siya sa sermon ng kura paroko ng Alcala dahil tiyak na kokondenahin niya ang kanyang ginagawa kapag natuklasan nito ang tungkol sa mga huwad na titulo gayong hindi dapat makompromiso ang kanyang pangako sa mga negosyante lalo’t nalalapit na ang bentahan sa mga ito na itinakda pa mandin sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno. Magiging sorpresa na lamang para kay Señora Mayora kapag natuloy ang bentahan sa mga huwad na titulo upang siya na ang bahalang magbilang sa mga mapagbebentahan bago niya ilalagak sa bangko nang hindi mababawasan kahit isang sentimo dahil ito naman ang talagang sadya nila sa Pilipinas kaya nararapat lamang maayos ang gagawing pag–iimpok nila nang hindi magagasto agad pagkat kusang dumudulas sa kamay ang pera na hindi pinaghihirapan. Sapagkat nagiging galante na rin ang hermosa esposa niya sa pagbibigay ng abuloy samantalang wala naman siyang ginagawa sa residencia ejecutiva kundi ang pagselosan lamang ang mga muchacha kung tinamad siyang magsimba kahit nakakabingi ang tugtog ng kampana ng simbahan ng Alcala basta nakalimutan niya ang lambingin siya. Talagang malinaw kahit hindi na aminin ng agrimensor ang sagot sa tanong na nangangahulugan ba na nadukot na niya ang dalawang kopya na isinama niya para mapirmahan lamang dahil iniiwan pala ni Alcalde sa opisina ang mga huwad na titulo kaya sayang kung nakalimutan naman niya pagkat inaabangan na pala ng mga negosyante ang nalalapit na bentahan sa mga ito. Kahapon lamang ang huling buklat ni Alcalde sa mga huwad na titulo ngunit muling binasa niya ang mga ito upang tiyakin na pirmado niya ang bawat isa lalo’t nalalapit na ang kapistahan sa bayan ng Tuguegarao ay tiyak pinanabikan na rin ng mga negosyante ang bumili ng mga lupain ng Sierra Madre tulad ng naging pangako nila sa kanya. Totoong hindi niya pagsasawaang pasadahan ng tingin ang mga huwad na titulo kahit makailang beses na niyang ginagawa ito ngunit hindi lamang mapiho kung kompleto pa rin ang mga ito pagkat tiyak hinugot na ni Expedito Monsanto del Solamente ang dalawang kopya na isiningit nito nang lingid sa kanya dahil hindi na rin niya mapapansin maski paulit–ulit pa ang pagbibilang niya pagkat humina na ang kanyang memorya sanhi ng gabi–gabing laklak ng alak. Bumalatay sa kanyang mga labi ang ngiti pagkat wala nang dahilan upang mabahala pa siya kung kailan abot–kamay na lamang ang katuparan sa kanyang mga plano habang nalalapit ang kapistahan sa bayan ng Tuguegarao ngunit lalong kinaiinipan niya ang paghihintay sa araw na ‘yon at kay Alferez na hindi pa rin nagpaparamdam samantalang kanina pa dapat nasimulan ang kanilang hora feliz para ipagdiwang ang tagumpay sa pangalawang operasyon. Walang duda na mangangamay ang kanyang mga kamay sa pagbibilang ng maraming pera hanggang sa napahalakhak siya nang maalaala ang naging puhunan lamang niya para magkamal ng kayamanan kaya nasambit niya sa sarili na hindi pala nagkamali ang kanyang naging desisyon nang naisin niya ang pumunta ng Pilipinas upang hanapin ang kanyang suwerte. Ngunit magiging problema naman niya ang paglalagakan ng pera dahil sa bayan ng Tuguegarao lamang may bangko samantalang mainam sana kung sa bayan ng Alcala upang madali na lamang kay Señora Mayora ang maglabas ng pambili ng bagong kasuutan pagkat kailanganin niya ito para sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno lalo’t obligadong sumali sa bayle na ginaganap sa gabi ng bisperas ang mga punong–bayan at ang kani–kanilang mga hermosa sa halip na maghahanap pa sila ng kapareha. Tiyak na malalaman din ito ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung ilagak naman ni Alcalde sa bangko na matatagpuan sa bayan ng Tuguegarao ang pera kahit hindi na siya magtatanong pagkat mismong mga bangkero na ang magparating sa kanya tungkol dito dahil hindi madaling ilihim ang malaking halaga kaya seguradong pagtatakhan nila ang pinanggagalingan nito. Baka kasuhan pa siya ng kurapsiyon ng Gobernador ng Cagayan dahil hindi niya isinama sa kaban ng bayan ang napagbentahan sa mga huwad na titulo pagkat hindi niya pagmamay–aari ang mga lupain ng Sierra Madre upang sarilinin niya ang pera kundi sa munisipalidad ng Alcala kaya marapat lamang mga mamamayan ng Alacala ang makinabang nito ngunit papayag ba naman siya. ¡Esperar! Paano ba gaganapin ang bentahan sa mga huwad na titulo nang lingid kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung itaon ito sa kanyang kaarawan dahil imposible na hindi mababanggit ng mga negosyante ang tungkol dito pagkat halos lahat sila’y kaibigan niya kaya hindi lamang titulo ang magiging sadya nila kundi para paunlakan ang kanyang imbitasyon upang batiin na rin siya.
Maya–maya, kumislap ang mga mata ni Alcalde pagkat tiyak na hindi matutunton ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang lugar na paglalakagakan niya ng pera basta huwag lamang malalaman ni Zafio dahil may alipunga ang dila ng lokong ‘yon lalo na kapag tinatanggihan niya ang hiling na bale ng kanyang kutsero kaya balak sana niyang sisantehin ang serbisyo nito kung hindi lamang tumutol ang kanyang hermosa esposa ngunit batid naman niya na magkasabwat ang dalawang kontrabida sa buhay niya. Bakit ngayon lamang niya naisip ang Maynila kung saan naroroon ang maraming bangko para paglalagakan ng pera upang siyerto na walang makaaalam sa sekreto niya kundi si Señora Mayora lamang kung hindi maikuwento ng primera mujer ng bayan ng Alcala kay Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga ang tungkol dito dahil magaling kumilatis ang paring ito kung may lihim ang kanyang kausap kaya mapipilitang magtapat ang hermosa esposa niya pagkat hindi puwedeng maging santa ang sinungaling. Kunsabagay, handa namang paninindigan ni Alcalde ang sariling paniniwala na nagiging masamang impluwensiya lamang si Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga mula nang maitanong sa kanya ni Señora Mayora kung puwede na bang tanghaling santa siya kahit buhay pa pagkat hindi naman siya lumiliban sa pagsisimba at kabisado rin niya ang TANTUM ERGO ngunit ang katuwiran naman ng kura proko ng Alcala ay kailangan dagdagan pa ang kanyang abuloy. ¡Que barbaridad! Talagang gustong magiging banal ng hermosa esposa niya samantalang sinisilaban na ang kanyang kaluluwa kahit buhay pa siya ngunit sinamantala naman ng kura paroko ng Alcala ang kahangalang ito nang pangakuan siya nito upang irekomenda sa Santo Papa ang agarang pag–aaproba sa kanyang kahilingan para tularan siya ng mga parokyano sa bayan ng Alcala. Muling nabaling sa mga bangko ang isip ni Alcalde nang maipasya niya na sa Maynila na lamang ilalagak ang mapagbentahan sa mga huwad na titulo dahil tiyak na hindi ito malalaman ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung labas na sa lalawigan ng Cagayan basta walang bumulong sa kanya pagkat wala rin bait sa sarili ang Gobernador ng Cagayan kaya madaling napapaniwala sa mga bulung–bulungan. Subalit hindi pa man sumasang–ayon ang kanyang sarili ay nagbago agad ang isip niya pagkat masyadong malayo ang Maynila para sa apurahang pangangailangan ng pera lalo’t mahal ang pamasahe dahil hindi puwede sa mahabang biyahe ang kalesa hanggang sa naging ultimong desisyon niya ay iuwi sa residencia ejecutiva ang pera maski hindi na magkakaroon ito ng interes ngunit segurado naman na hindi matutuklasan ng Gobernador ng Cagayan. Kung hindi maisipan ni Señora Mayora ang diborsiyo pagkat wala nang dahilan upang palawigin pa ang kanilang pagsasama dahil nanatiling pangarap pa rin hanggang ngayon ang magkaroon sana sila ng anak kahit sintu–sinto basta may magmamana lamang sa kanilang mga kayamanan ngunit ayaw yata pagbigyan ng langit ang kanyang kahilingan maski araw–araw na ang ginagawa niyang paglalakad ng paluhod sa loob ng simbahan. Tutal, may binili nang kaha de yero si Señora Mayora ay doon na lamang niya itatago ang mapagbentahan ngunit babaguhin muna niya ang kombinasyon ng mga numero para siya lamang ang puwedeng magbukas nito kahit magdeklara pa ng giyera ang kanyang hermosa esposa dahil ngayon pa ba siya matatakot kung kailan handa na siya upang ipaglaban ang kanyang pagiging padre de pamilya. Pagkatapos, isang bote ng alak muna ang inilabas niya mula sa estante upang pawiin ang kanyang uhaw dahil hindi masabi kung darating pa ang kanyang hinihintay ngunit habang umiinom ay pupuspusin muna niya ng haraya ang sarili sanhi ng sobrang pananabik na mahawakan na sana niya ang mapagbentahan sa mga huwad na titulo para masisimulan na ng kanyang mga kamay ang pagbibilang. Nagpauna muna siya ng isang tagay habang hinihintay ang pagdating ni Alferez dahil ibig na niyang paniwalaan ang sariling sapantaha na talagang naiwan sa kabundukan ng Sierra Madre ang kanyang bangkay pagkat hindi pa rin nagpaparamdam ang fiduciario niya hanggang sa magkasunod na inihudyat sa kampana ng munisipyo at kampana ng simbahan ang alas–dose ng tanghali. Pamaya–maya ang sulyap niya sa mga huwad na titulo habang napapadalas din ang kanyang pagtango kahit wala namang kausap dahil naging pera sa paningin niya ang mga ito kaya kailangan ipilig nang maraming beses ang kanyang ulo upang magising siya mula sa matinding kahibangan pagkat delikado kung mabaliw ang punong–bayan ng Alcala ngunit maingat pa rin ang bawat angat niya sa kopita upang hindi mapatakan ng alak ang mga dokumento. Segurado, may naglalaro na naman sa kanyang utak pagkat imposibleng nalasing agad siya sa isang tagay pa lamang dahil napapangiti siya samantalang kahit anino ng kanyang magiging kainuman ay hindi pa kumakatok hanggang ngayon sa kanyang opisina ngunit si Zafio ang bumungad sa kanyang paningin upang ihatid ang kanyang pananghalian.
ITUTULOY
No responses yet