Nang akmang tutunggain na niya ang pangalawang tagay ay umagaw ang nagmamadaling mga yabag habang umaakyat sa hagdanan ngunit alam na niya kung sino ang dumarating kahit hindi pa siya bumubungad sa kanyang opisina kaya hindi na niya itinuloy ang pag–inom upang maglabas ng kopita para sa kanyang fiduciario na ngayon lamang nagparamdam sa kanya.
“¡Hola . . . Alcalde!” Sapagkat kabisado na ni Alcalde ang boses na hindi pa namamad sa alkohol ay kaagad sinalinan ng alak ang nilabas niyang kopita mula sa gaveta bilang pasasalamat dahil talagang kahanga–hanga rin naman ang ginawa nito kaya nagtagumpay ang pangalawang operasyon ng mga soldados kahit nais pa rin linawin niya ang tungkol dito para segurado siya pagkat mula sa mga kuwento lamang ang naging batayan niya. Nalanghap yata ni Alferez ang halimuyak ng alak pagkat siya pala ang dumarating kung kailan nag–uumpisa pa lamang sa pag–iinom si Alcalde ngunit walang dapat ipag–aalala dahil pangalawang tagay pa lamang ang laman ng kopita niya habang hinihintay siya maski naglalaro kanina sa isip niya na maaaring kabilang siya sa mga herido ngunit binabawi na niya ito ngayong dumating na siya. Kung alam lamang ni Alferez na kaninang umaga pa hinihintay ni Alcalde ang kanyang pagdating dahil nais niyang tiyakin kung totoong nagtagumpay ang pangalawang operasyon na inilunsad ng kanyang tropa sa kabundukan ng Sierra Madre pagkat pinagdudahan pa rin niya ang nasagap na balita hanggang hindi siya ang pinanggagalingan ng kumpirmasyon. Katunayan, naisipan ni Alcalde ang magpauna ng isang bote ng alak upang palipasin ang panghal sa paghihintay sa kanya kaysa antukin siya lalo’t napaaga ang pasok niya sa opisina dahil inalihan na naman ng panibugho si Señora Mayora nang hindi niya pinagbigyan kagabi pagkat hindi rin niya maintindihan kung bakit unti–unti nang nanlalamig ang pananabik niya sa hermosa esposa ngunit segurado naman siya na walang kinalaman ang mayordoma. Pero kumunot ang noo ni Alcalde habang nagtataka dahil halata sa hitsura ni Alferez na malayo ang kanyang pinanggagalingan pagkat gumugulong pa sa kanyang mukha ang mga pawis gayong hindi naman araw ng palengke sa Alcala ngayon para isipin niya na maaaring napalaban siya sa mga kalalakihang katutubo ngunit hinintay na lamang niya upang siya mismo ang magpaliwanag. Tumigil muna sa pintuan Alferez upang punasan ang kanyang mukha saka ibiniyakis ang manggas ng kanyang uniporme para gumaan ang kanyang pakiramdam dahil matagal yata siyang natampak sa araw nang lingid kay Alcalde pagkat wala rin naman ideya ang punong–bayan ng Alcala kung saan siya pumunta lalo’t umalis pa siya nang walang paalam. Pagkatapos ang kanyang malalim na buntung–hininga ay pumasok siya sa opisina nang nakangiti habang ikinagagalak naman ni Alcalde ang kanyang pagdating pagkat kailangan mabibigyan ng linaw ang maraming katanungan na may kaugnayan sa pangalawang operasyon kahit totoong kanina pa niya narinig ang tungkol sa balitang ito ngunit mainam pa rin kung marinig niya mula sa kanyang bibig mismo ang patunay. Mangyari, hindi maramdaman ni Alcalde ang tapang ng alak habang inaabala ng maraming katanungan ang kanyang utak dahil mas importante ang malaman niya kung nakubkob ba ng mga soldados ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre pagkat ito ang misyon sa pangalawang operasyon para matuloy na ang bentahan sa mga huwad ng titulo nang walang balakid lalo’t nalalapit na ang kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno. Handa na ang kanang kamay ni Alferez sakaling kamayan siya ni Alcalde sabay bigkas ng papuri dahil sa tagumpay na tinamo sa pangalawang operasyon lalo’t hindi siya naiwan sa kabundukan ng Sierra Madre tulad ng naging sapantaha nito nang matagalan ang kanyang pagdating ngunit mamaya na lamag niya ipagtapat ang sanhi pagkat kailangan mtugunan muna ang matinding uhaw na kanina pa naramdaman niya. Pero naituwid ang maling palagay nang iabot sa kanya ang kopita ng alak na tanging pakonsuwelo ni Alcalde dahil sa kanyang kahanga–hangang kagalingan imbes na kamayan siya ngunit pumiksi lamang siya pagkat mas kailangan ng kanyang katawan ang alkohol dahil napapasaya siya nito kaysa papuri kung hindi rin naman bukal sa loob ang intensiyon ay salamat na lamang. Sapagkat magiging katanungan lamang kung bakit ngayon pa naisipan ni Alcalde ang papurihan siya samantalang siya rin naman ang nagmungkahi kung paano at kailan isagawa ang misyon sa dating komunidad ng tribung Malauegs ng Calantac kahit si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang namuno noon sa operasyon kaya aanhin ang papuri kung wala namang halaga kundi pagsasayang lamang ng laway. Bagkus, lalong napapangiti si Alferez pagkat ngayon lamang nangyari na pinasalubungan siya ng tagay ni Alcalde gayong hindi nito dating ginagawa hanggang sa naalaala niya ang gabi na nagkaroon sila ng saglit na iringan sa residencia ejecutiva dahil sa naging resulta sa unang operasyon kung saan muntik nang sunduin siya ng kamatayan kung tumama sa noo niya ang kopita. Tuloy, dali–daling tinungga niya ang pasalubong na tagay ni Alcalde hanggang sa nasaid ang laman ng kopita bago siya umupo upang magpanibagong salin ng alak matapos alamin sa etiketa ng bote ang pinanggagalingan nito dahil masyadong matapang para sa kanya ang produkto ng bansang Morocco ngunit naseseguro niya na para sa tagumpay sa pangalawang operasyon ang selebrasyong ito kaya dapat lamang samantalahin din niya. Walang duda na nagustuhan niya ang alak pagkat kumindat pa siya ngunit naintindihan yata ni Alcalde ang kanyang ibig ipahiwatig dahil kusang sinalinan nito ng alak ang sariling kopita nang mapansin ang tingin niya na nais na naman magpasunod ng tagay upang malubos ang tighaw sa kanyang uhaw habang pumapayag naman yata ang punong–bayan kahit mauubos ang mga alak sa estante kung malaking halaga naman ang kapalit nito. “¡No tenemos mas problemas . . . Alcalde! ¡Porque la venta de terrenos prevista en el festival de Tuguegarao seguira!” Pagkatapos, umalingawngaw sa opisina ni Alcalde ang malakas na halakhak ni Alferez sanhi ng labis na kagalakan dahil naisakatuparan ng kanyang tropa ang misyon sa pangalawang operasyon nang walang kahirap–hirap pagkat isinagawa nila ito sa hating–gabi kung kailan mahimbing ang tulog ng mga katutubong Malauegs kaya naging paniniwala niya na walang nakaligtas sa kanila noong gabi na nagmistulan impiyerno ang kanilang dating komunidad. Lalo’t muling nagpaalaala sa kanya ang mga pang–uuroy ni Alcalde noong hating–gabi na ipinatawag siya sa residencia ejecutiva nang malaman niya na bukod sa nabigo ang unang operasyon ng kanyang tropa ay dumanas din sila ng maraming herido hanggang sa muntik nang maging kabayaran ang kanyang buhay nang batuhin siya ng kopita kaya lalo pang linakasan ang kanyang kil–it. Sapagkat taliwas ito sa kanyang reaksiyon ngayon na punumpuno ng pananabik dahil ganoon na lamang yata kadali para sa kanya upang kalimutan ang ginawang pang–aalipusta niya nang walang pagsaalang–alang sa damdamin ng fiduciario basta nalagay sa kompromiso ang kapakinabangan niya kaya sagad sa tinga ang kanyang ngiti pagkat matagumpay na naisagawa ang pangalawang operasyon. Kahit likas na kay Alferez ang pagiging mabait ngunit hindi pa rin katuwiran upang iwaksi sa isip ang kanyang sama ng loob nang ganoon na lamang kadali pagkat buhay na niya ang nalagay sa panganib kaya paano malilimutan niya ang gabing ‘yon gayong muntik na siyang mamatay kung tinamaan ang noo niya noong binato siya ni Alcalde ng kopita dahil lamang sa galit nito nang hindi nakubkob ng kanyang tropa ang komunidad ng mga katutubong Malauegs. Malinaw na bumabawi lamang si Alcalde sa kanyang atraso nang pasalubungan niya ng isang kopita ng alak si Alferez upang lubusin ang kanyang pasasalamat dahil hindi naman lingid sa kanya na kulang ang simpleng papuri at tapik sa balikat kung isa–isahin ang mga nagawa ng opisyal pagkat aminado naman siya na marami ang naitulong nito para sa kanya. Ngunit ang pangyayaring naganap sa pagitan nila sa residencia ejecutiva ay naging daan naman para tiyakin ng fiduciario ang tagumpay sa pangalawang operasyon ng tropa niya upang maipagdiinan sa kanya na siya pa rin ang katuparan sa kanyang mga plano pagkat siya lamang ang puwedeng magsagawa nito bilang un Commandante del Ejercito de Alcala. Kunsabagay, nanatili pa rin naman ang paggalang ni Alcalde sa katungkulan ni Alferez bilang un Comandante del Ejercito de Alcala kahit nagpipingkian paminsan–minsan ang kanilang mga opinyon dahil talagang bahagi na ito sa buhay ng tao lalo’t iisang bansa ang pinanggagalingan nilang dalawa ay normal lamang kung nagiging madali rin ang paghilom ng kanilang tampuhan pagkat sila rin naman ang dapat nagdadamayan sa isa’t isa. Kung may kapangyarihan lamang si Alcalde upang gawaran ng promocion meritorio si Alferez ay kanina pa niya ginawa ito ngunit si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno lamang ang puwedeng maggawad nito sa pamamagitan ng kanyang rekomendasyon na tiyak bibigyan naman niya ng priyoridad kapag napasyal uli siya sa palacio del gobernador kung hindi siya malasing mamaya. Puwes, gawin na ni Alcalde ang rekomendasyon para maipadala bukas sa palacio del gobernador nang maisumite naman nito sa opisina ng Gobernador–Heneral ng Pilipinas ngunit tiyak na magtatagal pa hanggang ilang taon ang pagpapalabas ng kautusan pagkat hindi ito agad–agad maaaprobahan kung hindi pa napag–aaralan ng junta de promocion lalo na kung maraming kahilingan ang dapat sundin upang sumigla ang kanilang mga kamay habang pumipirma. Kabalintunaan ang promosyon ng namayapang si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil kailangan lamang ang pirma ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ngunit hindi ito agad naaprobahan pagkat nabimbim sa opisina ni Alcalde ang rekomendasyon sanhi ng araw–araw na hora feliz nila ni Alferez kaya naging promocion postuma na lamang kahit kabilang siya sa mga ideneklara na desaparecido en combate. Kunsabagay, puwede namang magpalabas ng promocion temporal noong araw na nagbitaw siya ng pangako kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz habang hinihintay pa ang pormal na kautusan mula sa palacio del gobernador ngunit hindi ito nangyati dahil maaaring nawaglit sa kanya ang kapangyarihang ito bukod sa wala na siyang panahon para mag–isip pa. Disin, masaya si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil naipagkaloob din sa kanya ang minimithing promosyon ngunit ang mamamatay siya taglay ang matinding kabiguan sa kanyang buhay ay sadyang mahirap ilarawan kung ano ang naging damdamin niya habang unti–unting nalalagot ang kanyang hininga kaya madalas nagpaparamdam kay Alferez ang kanyang alaala. Seguro, magdamagang inuman ang pampalubag–loob na lamang ni Alcalde para kay Alferez upang lalo pang pagbubutihin ang tungkulin nito pagkat nagsisimula pa lamang magkaroon ng pag–asa ang mga plano niya kung magtuluy–tuloy ang suwerte dahil laging katabi niya sa gabi ang malas sa buhay kahit naroroon din sa residencia ejecutiva ang pangontra ngunit hindi naman matiyak kung epektibo ang taglay na kulay nito.
“¡La verdad . . . Teniente! ¡Nuestra buena noticia nos ha llegado! ¡Sin embargo . . . Teniente! ¡Todavia me algro porque lo puedes confirmar tu mismo!” Huwag sabihin ni Alferez na naghihimutok pa rin ang kanyang kalooban ngayong niyapos pa siya ni Alcalde matapos kamayan nang mahigpit sanhi ng sobrang kagalakan nito pagkat matutuloy na rin ang bentahan sa mga huwad na titulo sa mga negosyante sa darating na kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno sabay sa kapistahan ni Señor San Pedro sa bayan ng Tuguegaro. Sapagkat si Alferez man ang nasa kalagayan ni Alcalde ay talagang mangangamba rin siya dahil malinaw na masisira ang kanyang pagkatao kung hindi matuloy ang bentahan sa mga huwad na titulo pagkat nabigong itaboy ng mga soldados sa unang operasyon ang mga katutubong Malauegs samantalang naikompromiso na niya sa mga negosyante ang kanilang mga lupain. Pero saglit lamang ang itinagal ng ngiti ni Alferez sa halip na ikalulugod din niya ang papuri kahit ito ang hinihintay niya mula pa kanina nang maisip niya na maaaring pakitang–tao lamang ang yapos sa kanya ni Alcalde para maglubag ang kanyang kalooban lalo’t nang–uulot ngayon ang kanyang isip upang sumbatan siya nang magbalik sa kanyang gunita ang gabi na nagbitiw siya ng banta sa kanya.
ITUTULOY
No responses yet