IKA–94 LABAS

.Ngunit maaaring ngayon pa lamang nagkaroon ng pagkakataon si Alcalde dahil batid naman ni Alferez na problema rin niya si Señora Mayora kaya napapadalas ang maagang pasok niya sa opisina at pasado hating–gabi naman ang uwi niya sa residencia ejecutiva para iwasan siya na wala nang inaatupag kundi ang magdeklara ng guerra mundial ngunit mas mainam sana kung maghamon siya ng diborsiyo pagkat talagang hindi rin magdadalawang–isip pumayag ang sarili niya.  Mga sitwasyon na posibleng mga dahilan naman kung nabalam man ang pagpaparating ni Alcalde ng papuri ngunit kailangan pa bang banggitin niya ang lahat nang ito gayong hindi naman lingid kay Alferez dahil nagiging karaniwan na lamang sa kanila ang nagtatapatan ng sekreto lalo na ang tungkol kay Señora Mayora habang ninanamnam ang pahang ng alak hanggang sa malasing sila.  Minabuti ni Alferez ang manahimik na lamang nang maisaloob ang sanhi ng kanyang pagtatampo pagkat ilang araw rin na hindi pa nadadaluyan ng alak ang kanyang lalamunan dahil hindi man lamang siya pinabaunan ng kahit isang bote ni Alcalde gayong maginaw pala sa kabunbdukan ng Sierra Madre kung hating–gabi kaya matindi ang pangangaligkig ng kanyang katawan.  Napakababaw naman ng katuwiran niya kung isa rin pala ito sa mga dahilan kung bakit masidhi ang pagtatampo niya dahil malay ba ni Alcalde sa problema niya maski batid nito na talagang alak ang nagbibigay sa kanya ng lakas at talas ng isipan kung hindi naman niya binanggit ang tungkol dito ay talagang hindi siya pababaunan kahit marami pa ang nakaimbak sa estante.  Kailangan maibsan ang kanyang matinding uhaw upang muling sumigla ang dugo sa kanyang mga ugat sanhi ng ilang gabing puyat mula sa pagbabalangkas ng plano hanggang sa pagsasakatuparan sa pangalawang operasyon kasama na rin ang pasasalamat pagkat hindi naulit ang kabiguan sa unang operasyon at tiyak matatahimik na rin si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil naipaghihiganti na niya ang sinapit nito.  Yamang nagtagumpay ang kanilang pangalawang operasyon ay mabuti pa ang pagtuunan na lamang ng kanyang sarili ang pag–inom ng alak kaysa sumbatan niya si Alcalde gayong may pagkakamali rin siya kung tuusin pagkat masyadong nagtiwala siya sa sariling kakayahan nang balewalain niya ang gumawa ng plano dahil sa paniniwala na maitataboy nila nang ganoon kadali ang mga katutubong Malauegs ngunit sila naman ang nasorpresa sa kinalabasan ng engkuwentro.  Maliwanag na siya rin ang dapat sisihin nang isinagawa nila sa araw ang unang operasyon pagkat nabigyan lamang ng pagkakataon upang magtago ang mga katutubong Malauegs nang matanaw nila ang kanilang pagdating kaya muntik pang paglamayan silang lahat nang masalikupan sila ng mga kalalakihang Malauegs gamit ang kanilang mga palathaw.  Bagaman, may pagkakamali rin si Alcalde pagkat naging palagay yata niya ay madali lamang para sa mga soldados ang paglulunsad sa unang operasyon samantalang ang totoo’y maraming ilog ang kinailangan tawirin muna bago narating nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs kung ikumpara naman ang ginagawa niya na painum–inom lamang ng alak habang hinihintay ang resulta ng kanilang misyon.  Tuloy, isinantabi na lamang ni Alferez ang kanyang sama ng loob upang hindi mababahiran ng dungis ang papuri na ngayon lamang niya tinanggap mula kay Alcalde samantalang marami–rami na rin ang kanyang logros sapul nang maitalaga siya bilang un Comandante del Ejercito de Alcala kaya hindi niya ipapantay sa punong–bayan ang sarili dahil hindi hamak na mas magaling siya.  At sasamantalahin na lamang niya ang pagkakataon para tumagal hanggang mamayang hating–gabi ang inuman nila pagkat naibulong ng guwardiya sibil sa opisina niya na kahapon lamang dumating ang sampung kahon ng alak na rasyon ni Alcalde mula sa palacio del gobernador kahit hindi pa siya tumikim ng kanin mula pa kaninang umaga sanhi ng pagmamadaling bumalik sa munisipyo ng Alcala dahil alam niya na may naghihintay sa kanya.  ¡Buen . . . Teniente!  ¡Realmente puedo contar contigo!  ¡Adelante . . . bebe mas!”  Halos nauutal na si Alcalde sanhi ng kanyang paulit–ulit na pasasalamat kay Alferez ngunit ngumiti lamang ang huli pagkat sa dinami–rami ng misyon na isinagawa ng tropa niya ay itong pangalawang operasyon lamang yata ang kanyang napansin maski hindi dapat pagtakhan dahil kailangan matuloy ang bentahan sa mga huwad na titulo kaya naging mahalaga para sa kanya ang tagumpay sa huling misyon ng mga soldados.  Katunayan, higit na pinagtatakhan ng kanyang sarili kung bakit nagpasunod ng yapos si Alcalde samantalang hindi pa naman siya lasing para gawin ito sa kanya hanggang sa natitigan niya ang mukha nito upang tiyakin na hindi ito ang magiging huling inuman nila dahil tiyak na malulungkot din siya kahit may pagkakataon na hindi sila nagkakaintindihan ngunit talagang nangyayari ‘yon maski ayaw nila.  Kahit gulapay na silang dalawa sanhi ng kalasingan sa tuwing nagkakaroon sila ng hora feliz ay hindi yumayapos sa kanya si Alcalde upang magpaagapay habang bumababa sila nang pasuray–suray sa hagdan lalo’t madilim ang pasilyo ng munisipyo ng Alcala kung gabi hanggang sa marating nila ang planta baja kaya naging dalangin niya ang huwag naman sanang mauuna pa siya kay Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga.  Pagkatapos purihin ni Alcalde si Alferez ay tinungga naman ang kanyang kopita saka nagpasunod ng panibagong salin bago bumalik sa kanyang upuan na magaan ang pakiramdam pagkat wala na palang dapat ikabahala ngayong kumpirmado nang pagmamay–ari ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre.  Subalit mas nakararami pa ng inom si Alferez pagkat panlimang salin na ang tinutungga niya kahit kararating pa lamang niya para sabayan ang pangalawang tagay pa lamang ni Alcalde na hindi na dapat pansinin dahil talagang para sa kanya ang okasyong ito kaya sadyang hinintay ng punong–bayan ang kanyang pagdating upang masiyahan naman ang kanyang srili.  Bagaman, si Alferez lamang ang nakababatid kung bakit kumunot ang kanyang noo habang dahan–dahang inilalapag sa mesa ang kanyang kopita hanggang sa minabuti niya ang huwag munang magpasunod ng tagay habang pinapakiramdaman ang kanyang sarili pagkat biglang hiningal siya na ikinabahala naman niya ngunit hindi tiyak kung napansin ito ni Alcalde.  Palibhasa, talaga yatang malayo ang kanyang pinanggagalingan ay napagod siya kahit sakay ng kabayo ngunit mabilis naman ang patakbo nang maramdaman niya ang bulong ni Alcalde kaya natagtag ang kanyang katawan nang dumating siya sa munisipyo ng Alcala saka nagpasunod agad siya ng ilang tagay sa halip na pinalipas muna ang kanyang pagod.  Hanggang sa napadako sa malaking sobre ang kanyang malikot na mga mata ngunit hindi na siya nagtanong pagkat segurado naman siya na ’yon ang dahilan kung bakit labis ang pagkabahala ni Alcalde nang mabigo ang unang operasyon ng kanyang tropa dapwa ulit–ulitin man niya ang pagbabasa ay hindi na magbabago ang pagiging huwad sa mga titulo kaya idalangin na lamang niya na sana hindi ito mapapansin ng mga negosyante.  Hanggang sa natuon sa kalendaryo ang kanyang pansin kahit sa susunod na buwan pa ang pista sa bayan ng Tuguegarao nang maalaala niya na malapit na rin ang kumperensiya ng mga itinalagang un Comandante del Ejercito sa mga bayan ng Cagayan pagkat laging isinasabay sa kaarawan ng Gobernador ng Cagayan ang cronograma nito kaya obligdo siyang dumalo lalo na si Alcalde dahil naman sa nakatakdang bentahan sa mga huwad na titulo.  Maya–maya, napailing siya dahil talagang malalagay sa kahihiyan si Alcalde kung nabigo pa rin ang kanilang pangalawang operasyon pagkat tiyak hindi na matutuloy ang bentahan sa mga huwad na titulo kahit nagpahayag na ng interes ang mga negosyante ngunit napangiti na lamang siya habang binabalikan ang naging reaksiyon nito nang malaman na hindi nagtagumpay ang kanilang unang operasyon.  Sapagkat hindi rin naman siya papayag na mabibigo pa ang pangalawang operasyon nila pagkat kasama sa misyon nila ang maipaghiganti si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kaya sadyang itinaon nila sa hating–gabi ang pagsalakay base sa plano kahit dumanas sila ng hirap basta huwag lamang mapaghandaan ng mga katutubong Malauegs ang pagdating nila dahil sa kahimbingan ng kanilang tulog.

            ¡Muchas gracias por los elogios . . . Alcalde!”  Pagkatapos, dali–daling sinalinan ni Alferez ng alak ang kanyang kopita upang sabayan si Alcalde na sinisimulan na rin tunggain ang pangatlong tagay nito lalo’t animo nalunasan ng alkohol ang masamang naramdaman kanina ng kanyang katawan kahit saglit lamang ang pahiwatig ngunit hindi pa rin niya naiwasan ang mabahala dahil mas gusto niya ang bumalik nang buhay sa bansang pinanggalingan niya.  Bagaman, sabay na tinungga ng dalawa ang kani–kanyang kopita ay unang nagbaba si Alcalde dahil gusto niyang namnamin ang tagumpay ng kanyang mga plano ngayong segurado na ang pagdatal ng grasya sa kanyang mga kamay kahit hindi niya pinaghirapan ito matapos kumpirmahin ng fiduciario niya ang magandang balita na lalong nagpasigla sa kondisyon niya para sa magdamagang hora feliz.  Maya–maya, napasiglaw siya sa estante upang tiyakin na sapat ang nakaimbak na mga alak para sa magdamag na hora feliz dahil kailangan masulit ang hirap at pagod ni Alferez nang pangunahan nito ang pangalawang operasyon na nagbigay ng katuparan sa mga plano niya hanggang sa gumuhit sa kanyang mga labi ang umis nang maisaloob niya na madali lamang pala magkaroon ng katuparan ang kanyang mga pangarap.  Samantalang, huminga nang malalim si Alferez nang maramdaman niya ang epekto ng alak na kahapon lamang dumating sa opisina ni Alcalde ayon sa kata–kata ng guwardiya sibil sa kanyang opisina ngunit mas ramdam niya ang banayad na daloy nito sa kanyang lalagukan kaya napapadalas din ang tungga niya kahit mas mainam sana kung may pulutan para magkaroon nang kaunting laman ang kanyang tiyan.  Mangyari, may mga pagkakataon na pinagtitiyagaan na lamang niya ang produkto ng bansang Morocco kung ito ang inilalapag ni Alcalde sa mesa sabay pasalamat sa tuwing nalalasing dahil pinapainom siya nito nang libre kaysa maghanap pa siya ng ibang vino kung puro basi naman ang nabibili sa mga tindahan sa bayan ng Alcala kahit sa araw ng palengke.  Kunsabagay, talagang matapang ang alak mula sa bansang Morocco kaya ayaw rin sana ni Alcalde maski gustung–gusto ito ng mga marino dahil sa klase ng trabaho nila ngunit hindi naman puwedeng tanggihan niya ang desisyon ng palacio del gobernador upang hindi matitigil ang rasyon niya lalo’t malaki ang naitutulong sa kanya ang alak pagkat nalilimutan niya ang mga problema kahit pansamantala lamang.  Kaya tinatanggap na lamang ang kanyang rasyon kaysa magagalit pa si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung magreklamo siya dahil gayundin yata ang ibinibigay sa ibang mga Alcalde sa lalawigan ng Cagayan maski hindi siya segurado pagkat kabastusan naman ang tanungin pa sila basta ang mahalaga ay may naiinom sa tuwing ginaganap nila ang hor feliz.  Habang hindi naman masagut–sagot ni Alferez ang tanong kung bakit hindi pa rin aprobado hanggang ngayon ng palacio del gobernador ang kanyang kahilingan upang magkaroon din siya ng sariling rasyon ng alak para hindi na siya pumupunta pa sa opisina ni Alcalde kaya nabibimbin na sa kanyang opisina ang maraming dokumento na naghihintay sa pirma niya.

            ¿Por que ahora eres solo un Teniente?  ¿Eh?  ¡Antes . . . fui a tu oficina!  ¡Si!  ¡Pero tu no estas ahi! ¿A donde fuiste?”  Pagkatapos, dahan–dahang tinungo ni Alcalde ang estante upang maglabas ng panibagong bote ng alak dahil said na ang unang ipinarada niya sa mesa sa halip na hintayin pa ang tugon ni Alferez na napatingin na lamang sa kanya matapos tunggain ang laman ng kopita nito kaya kaagad bumalik siya para hindi matigil ang kanilang inuman pagkat maaga pa ang alas–dos ng hapn sa hudyat ng kampana ng munisipyo ng Alcala.  Talaga yatang handa na ang kalooban ni Alcalde nang walang pangamba kung madaling maubos ang mga alak sa estante kahit kahapon lamang dumating ang mga ito para ipainom kay Alferez upang ipagdiwang ang tinamong tagumpay sa pangalawang operasyon pagkat malaking halaga naman ang naghihintay na katumbas nito dahil sa buwan ng Agosto na pala gaganapin ang bentahan sa mga huwad na titulo.  At puwede namang ipakiusap sa palacio del gobernador ang dagdag na rasyon kahit imposible na masasaid ang lahat nang nakaimbak na alak sa estante sa magdamagang inuman lamang maski tumagal pa hanggang bukas ng umaga ang hora feliz nila dahil sa umpisa lamang malakas si Alferez ngunit kinakapos naman ang kasibaan niya sa alak pagsapit ng hating–gabi.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *